"Anong nangyari diyan sa tainga mo?" tanong ng isa sa mga kabataan na nag-volunteer na gumawa ng banderitas para ilagay sa kabuuan ng covered court.
Hindi ba sila nagsasawa sa katatanong kasi ako nagsasawa na sa kasasagot. Kawawa nga ang tainga ko na namumula parin kahit dalawang araw na ang nakalipas nang kinagat ni Greg, parati pa ring napapansin. Mabuti nga 'di natuluyang sumugat dahil kapag sumugat mapuputol ko ang tainga ni Greg pangpalit sa kawawa kong tainga.
"Kinagat ng ipis na malaki na may itim na buhok," ang sabi ko na parati ko namang sagot sa pagkaupo ko sa maliit na plastik na upuan.
Natawa na lang si Ryan at Max na nakaupo sa aking likuran na hinihila ang straw para ma-staple ko ang ginunting na banner. Umalis na lang ang nagtanong na tila napahiya sa tawa ng dalawa na kung makatawa ay alam ang mga nangyari. Bumalik ito sa grupo sa kabilang side ng court kung nasaan si Ate Sylvia na SK chairman.
Maglalaro sana ng basketball ang dalawa pero nang makitang may ginagawa ang mga kabataan nakisali na rin kami. Sapagkat mabait kami basta may meryenda kapag nakatapos.
"Iyong totoo ipis ba talaga kumagat diyan?" untag sa akin ni Ryan na nirolyo ang nagulong taling straw. "Baka naman ang kumagat diyan ay ang may suot na stripe na t-shirt na nakikita ko ngayong papalapit."
Napalingon naman ako sa kung saan tumama ang paningin nito. Kumunot ang noo ko sapagkat mukha ni Greg ang nakita ko na naglalakad papalapit sa amin galing sa gate ng court. Naka-stripe nga siya at blangko lang ang ekspresiyon ng mukha niya. Ginalaw ko ang suot ko na salamin. Sumunod ay sinamaan ko ng tingin si Ryan bago ibinalik ang atensiyon sa ginagawa ko. Natawa na naman ang dalawa sa reaksiyon ko.
Hindi ko na talaga tiningnan si Greg. Binuhos ko na lang ang sarili ko sa ginagawa ko.
"May maitutulong ba ako?" ang dinig kong tanong ni Greg sa aking mga kaibigan nang tuluyan siyang makalapit.
"Meron, pero itanong mo muna kay Ate Sylvia. Baka ayaw kang patulungin kasi anak ka ni mayor," ang sinagot naman ni Ryan.
"Sige." Pakiramdam ko tinititigan ako ni Greg sa pagsasalita niya kaya nate-tense na naman ako.
Nagkamali ako ng pag-staple kaya daliri ko ang natusok. Bumaon talaga ang staple wire kaya lumalabas ang dugo. Tintigan ko pa bago tanggalin ang staple wire sabay sipsip. Paglingon ko sa kanan nakatitig sa akin si Greg bago s'ya lumakad ulit. Lumapit siya kay Ate Slyvia na kinakausap ang kaniyang mga kasama.
Nabigla pa ito nang makita si Greg na pinagtitinginan ng mga kasama nito. Sa pag-uusap nila'y tumingin sa akin si Greg kaya muli kong tinuloy ang ginagawa ko. Tumingala na lang ako ng magsalita siya na nasa harapan ko na. May dala pa siyang maliit din na upuan at stapler sa kanang kamay.
"Uupo ako rito," aniya pero 'di ko na lang pinansin. Naiinis pa ako sa pagkagat niya sa tainga ko.
Nagkasalubong na naman ang mga mata namin bago siya naupo sa harapan ko kaya't 'di ko sinasadya na masilip ang kaniyang itlog na nababalot ng puting brep. Sumilip kasi sa suot niyang short. Nilayo ko na lang ang tingin dito't nagpatuloy sa pag-staple.
"Uy! Si Levi kinikilig na 'yan," ang biro ni Ryan mula sa aking likuran.
"Isa pa para talian ko kayo sa leeg ng straw," pagbabanta ko rito.
"Oo na. 'Di na mabiro," saad ni Ryan bago nagbulungan na naman sila ni Max na tila bubuyog.
"Ano yung sinasabi nila?" ang tanong ni Greg sa pagsisimula niyang i-staple ang mga banner.
"Tae. Tumahimik ka. Huwag mo akong kausapin." Mariin kong saad.
"Oh 'di sige." Tila nawalan siya ng sigla sa kaniyang sinabi.
Nabagabag ako sa tono ng pananalita niya. Pakiramdan ko napagalitan na naman siya ng kanyang daddy. Kaya gumagala nalang siya sapagkat ano nga naman ang gagawin niya sa bahay nila. Wala naman siyang makakausap sa kanilang bahay tanging ang apat na kanto ng kuwarto niya ang naroon.
"May problema ka ba?" ang mahina kong tanong sa kaniya para kaming dalawa lang ang makarinig.
"Wala," maikli niyang sagot.
Sinungaling ang baliw. Sa akin pa siya nagsisinungaling samantalang kabisado ko na siya kapag may problema siya kahit ba matagal kaming 'di nagkita. Kapag may problema siya kinakagat niya ang bibig para masaktan ang kaniyang sarili na ginagawa niya ngayon.
Wala namang problema sa akin kung 'di niya sabihin. Pero 'di ko maiwasang mabwisit kung bakit ayaw niyang sabihin. Pakiramdam ko tuloy hindi ako karapat-dapat na labasan niya ng mga saloobin. Tumayo ako't lumipat ng puwesto sa tabi ng mga kaibigan ko na tumigil sa pagbulungan. Pinagpatuloy ko ang pag-staple na hindi pinapansin ang nasa paligid.
Kung bumabawi siya sa kagaspangan ng ugali ko sa kaniya. Puwes dapat hindi niya ako ginagawan ng kalokohan. Ang diin ng pagkastaple ko na napuna ni Max.
"Dahan dahan lang Levi. Mamaya matusok ka na naman," ang sabi nito. Huminga ako ng malalim at tumigil.
"Pre, lipat ka rito!" ang pagtawag ni Ryan kay Greg. Binigyan ko ito ng masamang tingin. Dagdag pa nito, "Ano naman Levi? Para naman may makausap. Nagsosolo oh."
"Bahala ka nga," ang nasabi ko.
"Dito na lang ako. Ayaw kong madikit sa agta," saad ni Greg. Pumanting ang taimga ko.
"Mas lalong ayaw kong tumabi sa mapanghing raddish," sinabi ko pabalik pangbawi sa kaniya.
"Nakakatawa kayong dalawa. Hindi man lang kayo nagbago. Gaya parin kayo ng dati," ang nasabi ni Ryan na ngiti-ngiti.
Itinigil ko ang pag-staple kasi'y nakakangalay sa kamay. Hinanap ko na lamang ang dulo ng nagawang banderitas at nilagay sa sako. Lumayo ako nang kaunti para 'di ko marinig ang pakikipag-usap ng mga kaibigan ko kay Greg. Paminsan-minsan tumitingin sila sa akin. Todo ngiti sina Ryan at Max ngunit 'di ko nakitang ngumingiti si Greg sa pag-uusap nila.
Natigil ang pag-uusap nila at napatingin ang lahat sa pumasok na motor sa court sakay ang isang binata. Nag-park ito sa ilalim ng unang ring kalapit ng gate. Bumaba ito ng sasakyan na nakatingin sa kinatatayuan ko na may malapad na ngiti sa kaniyang labi na ipinagtaka ko. Makangiti para namang magkakilala kami. Nilapitan ito ni ate Sylvia kasabay ng pagyakap. Pinagpatuloy ko ang paglagay ng banderitas sa sako na 'di pinapansin ang bagong dating.
Nang matapos sa paglagay ng banderitas, naupo ako sa benches sapagkat 'di natatapos ang pag-staple ni Greg kahit na tinulungan na ni Max at Ryan na patuloy pa rin sa pag-uusap. Ang bagong dating na lalaki'y tumulong kay ate Sylvia sa paggawa ng banderitas kasama ang grupo nito. Kumukunot ang noo ko sa tuwing napapatingin ito sa akin.
Hindi rin nagtagal ang pagsosolo ko sa pagsisimula ni Ate Sylvia sa pag-bibigay ng meryenda katulong ang lalaking bagong dating dala ang karton. Lumapit ang dalawa kina Greg. Binigyan ang tatlo ng koolers at naka-styro na pagkain na alam kong sphagetti dahil iyon ang kinakain ng mga kabataan sa kabilang side.
Lumakad ang bagong dating na lalaki patungo sa kinauupuan ko hawak ang sphagetti at koolers. Si Greg naman ay kausap si ate Sylvia.
"Meryenda mo pre," saad nito na may ngiti sa labi na inaabot sa akin ang pagkain. Inabot ko na't akala ko'y aalis na s'ya pero nanatili siya sa harapan ko. Itinabi ko ang pagkain sa aking gilid sapagkat nawalan ako ng ganang kumain.
"Salamat," sabi ko baka hinihintay nito ang pagpapasalamat ko. Pero nanatili itong nakatayo sa aking harapan. Pansin ko na naman ang masamang tingin ni Greg sa akin. "May kailangan ka ba?"
"'Di ko alam na suplado ka pala. Sabi ni ate Sylvia mabait ka raw."
"Mali ang sinabi n'ya sa'yo dahil 'di ako mabait," ang nasabi ko rito nang makita kong naglalakad papalapit sa amin si Greg.
"Uy pre, tinatawag ka na ng ate mo," singit ni Greg.
"Sa sunod na lang pre," pagpapaalam ng lalaki't lumakad na rin ito papalayo.
Si Greg naman ay tinabihan ako't binuksan ang meryendang para sa akin. Hindi na ako nagsalita sapagkat ayaw kong siya'y kausapin.
"Ibuka mo ang bibig mo. Susubuan kita," pagsasalita niya hawak ang tinidor na may sphagetti.
"Anong akala mo sa akin? Batang kailangang subuan?"
"Ayaw sa sphagetti. Ah gusto mo iba ang isubo sa'yo?"
"'Nong pinagsasabi mo? Gago lang."
Binitawan niya ang sphagetti at ang sumunod niyang sinabi'y ikinalaki ng mata ko.
"Mas type mo ba ang lalaking iyon kaysa sa akin?"
"May sapi ka ata ngayon," huli kong nasabi bago ko siya iniwan.
Siguro iniisip niya bading ako kaya ba ganoon nalang niya ako biruin. Bakit niya ako pinag-iisipan ng ganoon. Walangya siya! Tarantado lang! Napaghahalataan na ako, mahihirapan ako kung malaman ng ibang tao na bakla ako lalo na si Greg at ng magulang ko. Ano na lang ang iisipin niya sa akin kapag nalaman na niya. Hindi ko na pinansin ang dalawa kong kaibigan sa pag-alis ng court kasi nga'y nabwibwisit ako.
"Paano ang lakad natin pre?!" pahabol ni Ryan. Ang klase ng sigaw niya'y kakagulatan mo.
"Kayo na lang!" sagot ko dito sa tuluyang kong paglabas ng court.
Lakad nga ako nang lakad habang nag-iisip. Nang madaan ang tulay huminto ako. Iniupo ko ang aking sarili sa harang na semento na pinagmasmasdan ang umaagos na ilog sa ibaba. Wala naman akong balak tumalon at magpakamatay dahil lang sa napupuno na ako kay Greg. Hindi ako baliw para gawin ko ang ganoong bagay. Ang babaw lang din ng ilog saka mababa lang. Mabubuhay pa ang kung sino mang tumalon. Ang layo nga ng tingin ko at 'di ko pansin ang mga dumadaan.
"Hoy'! Asar talo!" Hindi ko namalayan nang ginulat ako ni Greg sa aking likuran na may kasamang tulak. Tila tumalon ang espiritu ko nang maalis ako sa pag-kaupo sa sobrang gulat at mahuhulog ako sa ibaba. Parang bumagal ang oras para mas manamnam ko ang pagkahulog ko.
"Tang-ina!" ang nasabi ko sapagkat akala ko mahuhulog talaga ako ngunit hindi naman nangyari.
"Oh s**t'!" Nakuha pang isigaw ni Greg sa pagpulupot ng kamay niya sa tiyan ko mula sa likuran. Hinila niya ako para 'di tuluyang mahulog. Natumba siya dahil sa bigat ko nang maalis ako sa harang at nagkamali siya ng hakbang paatras sa nakaangat na sementong gilid ng tulay. Hindi pa ako nakaka-ayos ng tayo. Ang kanang paa ko pa'y nakasabit pa sa harang. Nadala niya ako sa pagkatumba sapagkat hinawakan niya ako sa braso.
"Gago!" Kung ano lang ang lumabas sa bibig ko nang makita ko ang unti-unting pagtumba namin ni Greg. Siya patalikod ang bagsak samantalang ako paharap tapos madadaganan ko pa siya.
Mabilis kung ikinapit ang kamay ko sa likod ng ulo n'ya sa tuluyang naming pagbagsak.
"Aray!" ang sabay naming sigaw ni Greg.
Kamay ko lang ang nasaktan na nagsilbing kutson ng ulo niya. Ewan ko sa kaniya, siguro masakit ang likod niya sapagkat dumagdag ang bigat ko sa kaniya.
Nakapatong ako sa kaniya. Kaliwang kamay ko'y sa kaniyang balikat. Pagkatapos ang mukha ko ay kay lapit sa kaniyang pisngi na para bang hahalikan ko na s'ya. Mabuti na lang talaga natanggal ang salamin ko kaya 'di malinaw nang tingnan ko ang mukha niya.
"Alis na! Ang bigat mo!" ang reklamo niya kaya dali-dali rin ako ng tayo ng maramdaman ko ang umbok ng p*********i niya na bumangga sa aking sariling umbok. Tumayo siyang hawak ang kaniyang likod. "Ang sakit. Para akong nag-buhat ng balyena!"
"Kasalanan mo naman! Bagay lang sa'yo! Kung 'di ka na sana nanggulat at nangtulak!" singhal ko sa kaniya.
Tiningnan ko ang kamay ko na nakikita kong may gasgas kahit malabo na parang nabali pa ang isang daliri. Pinulot ko ang aking salamin. Napabuntong hininga nang maisuot ko sapagkat basag ang kanang salamin.
Muli kong ginalaw-galaw ang aking kamay at napangiwi sa sakit. Pero naging maayos rin kaya lang may gasgas.
"Kung 'di ka sana n***o, 'di sana kita itutulak," bulyaw niya. Tiningnan niya ang dumurugo niyang siko. Umunat-unat siya ng katawan kaya napaaray. Nasabi pa niya, "Parang nabalian ako ng buto sa likod."
"'Pakialam ko," saad ko.
Lumakad ako pero napahinto ako ng magsalita siya ulit. "Tulungan mo ako rito. Ang sakit maglakad."
Nilingon ko siya't nahirapan siyang maupo sa gilid ng tulay.
"Kaya mo na yan," pagbibiro ko sa kaniya.
"Please,'' pag-mamakaawa niya na nakahawak parin sa nasaktang likod.
Naawa din naman ako sa itsura niya kahit kasalaman naman n'ya kaya s'ya nagkaganoon. Kinuha ko ang kaniyang kamay at 'di ko naman maiwasang makaramdam ng init sa pagkakiskis ng aming balat. Umakbay naman siya't inalalayan ko s'ya sa paglalakad. Hindi lang pala likod at siko ang may tama sa kaniya pati kanang paa niya kasi'y umikang-ikang. Langya lang walang dumadaang tricycle.
"Maghintay na lang muna tayo ng tricycle. Baka mahirapan ka pa lalo," mungkahi ko sa kaniya kasi'y naawa narin naman talaga ako. Hindi maiguhit ang pagkakunot ng kaniyang mukha sa sakit.
"Sige sa shed nalang tayo maghintay," aniya nang makita ang shed sa gilid ng kalsada sa dulo ng tulay.
"Baka style mo lang 'yang sakit-sakitan mo," biro ko sa aming paglalakad.
"Hindi naman ako ganoon kaloko para pati sa ganitong bagay magsisinungaling ako." Ang lapit talaga ng mukha niya na tila sinasadya niyang ilapit.
"Talaga ha. Patingin nga." Inilagay ko ang aking kamay sa kaniyang likod sabay pisil-pisil ng ilang ulit. Umaray siya at hinampas ang kamay sa aking mukha kaya binitiwan ko siya. Masakit ang mukha ko na para akong nasampal nang makailang ulit. Inayos ko ang gumiwang na salamin.
Napaupo siya tuloy sabay sigaw. "Tulungan mo ako dito."
"Karma lang 'yan sa'yo. Maglakad ka sa sarili mo." Pinakrus ko pa ang kamay ko sa aking dibdib. Hindi ko na kailangang gumawa ng kalokohan para makabawi sa kaniya. Sa nakikita kong paghihirap niya'y okay na.
"Okay, 'wag mo na akong tulungan," mariin niyang saad.
Sinubukan niyang tumayo pero matutumba siya ulit. Nilapitan ko na siya agad sabay pulupot ng kamay sa kaniyang beywang. At ang isa niyang kamay ay inakbay kong muli sa aking balikat. Nakakaisawa tuloy kasi para akong nag-aalalay ng chicks.
"Para kang chicks," ang nasabi ko sa paglapit namin sa shed.
Kumunot ang noo niya sa sinabi ko't iniupo ko siya sa upuan nang makarating sa shed na ngumingiwi parin. Naupo narin ako sa tabi niya pero may distansiya. Pinagmasmasdan niya ang kaniyang paa na namumula sa kasukasuan.
"Tagal namang dumaan ng tricycle," pagmamaktol niya't tinaas ang kaniya paa para mas makita ng malapitan.
"Ganoon talaga dito kapag ganitong oras. Bihira ang may dumaan." Naupo ako sa lapag sa kaniyang harapan katulad sa isang indian. "Akin na ang paa mo."
Mataman niya akong pinagmasdan. Bago niya sinabing, "Anong balak mong gawin?"
"Hihilutin lang natin. Akin na para matigil ang pamumula." Inilagay niya nga ang kaniyang kanang paa sa aking hita matapos mahubad ang tsinelas.
"Dahan-dahanin mo," aniya na parang natatakot.
Hinawakan ko ang paa niya at ininspeksiyon. Kaunting pihit magiging okay ang paa niya. Anak ako ng manghihilot kaya alam ko ang gagawin ko. Likod niya ang 'di ko kayang gamutin. Sa dulo ng paa ako humawak at ang isa'y sa taas ng buko-buko. Natahimik naman si Greg na tila natutuwa. Nakangiti pa.
"Anong ngiti-ngiti mo diyan?" untag ko.
"Nakikiliti ako," sagot naman niya.
"Ah kaya pala. Ready ka na? Hihilutin ko na."
"Okay." Napapikit pa siya ng isang mata. Tumingin ako sa kalsada sa may tulay na walang tao.
"May chicks na malaki ang boobs sa may tulay oh," ang mabilis kong saad. Nang lumingon siya para tingnan kung may chicks nga ba, pinihit ko na ang kaniyang paa para mabalik sa dati.
"Aw! Ba't mo binigla?!" ang malakas niyang saad. Binitiwan ko na ang paa niya't muling naupo sa upuan.
"Huwag ka ng magreklamo. Okay na 'yang paa mo." Inikot-ikot niya ang kanyang paa't napangiti na lang siya sabay suot ng tsinelas. Dagdag ko pa, "Ang bilis ng mata mo kapag chicks na may malaking boobs ah. Buti wala. Pero ang manyak mo doon."
"Bakit ikaw hindi? O iba ang gusto mo?" ang naiinis niyang saad. Hinayaan ko na lang ang kaniyang nasabi at tumayo na lamang.
Pinagpasalamat ko ang paparating na tricycle para makalayo rin kay Greg. Umalis ako sa shed at inabangan ang sasakyan. Nakatayo na ng kanya si Greg pero nakahawak parin sa likuran. Pumara ang tricycle at nagulat ako ng makita ko na sakay nito si nanay.
"Anong nangyari sa inyo anak? Anong ginawa mo kay Greg? Bakit ganyan ang itsura niyan?" sunod-sunod na saad ni nanay na nakaupo sa likod ng driver dala ang bayong. Sisihin ba naman sa akin at sa akin talaga nagtanong.
"Natumba ho ako. Masakit nga ang likod ko," ani ni Greg sa kaniyang paglakad na may kaunting ikang parin. Humawak siya sa tricyle para kumuha ng suporta.
"Tinulak ka ba ng anak ko?" Makapagsalita si nanay parang wala ako roon.
"Hindi ho. Iniligtas ko nga siya sa kapahamakan." Masyadong nagpakapal ng papel ang tarantado. Tinaas baba pa ang dalawang kilay sa harapan ko. Mabuti lang 'di kita ni nanay.
"Sama ka na sa amin. Hihilutin na kita. Mukhang may tama ka sa likod. Ano bang ginawa ng anak ko?" ani ni nanay na 'di na naman napigilan ang dila. Sumakay si Greg gaya ng sinabi ni nanay. Kung alam ko lang gusto niya sa bahay at 'di ko alam kung bakit.
"Balak kasing magpakamatay, 'nang." Sagot naman ni Greg.
"Anak naman!" ang makapunit na sigaw ni nanay.
"Huwag kang maniwala diyan 'nay." Tumawa lang si Greg sa sinabi ko. Sumakay na rin ako sa tabi ni Greg sa pag-andar ng tricycle. Nahipan ng masamang hangin si nanay kasi tumigil sa pagdaldal.
Gusto kong hawakan ang kamay ni Greg na nakapatong sa kaniyang hita. Nang mahuli niya akong nakatingin dito, sa labas na ako tumingin at tumahimik. 'Di rin nangulit si Greg kahit nahuli niya ako. Matuling nakarating sa bahay ang tricycle sa paglipad ng isipan ko.
Bumaba ako sa tricycle kasabay ng pagbayad ni nanay sa tricycle. Tutuloy na sana ako sa paglakad ng hinawakan ako ni Greg sa balikat kasabay ng pisil. Kaya sinabayan ko na lang siya hanggang makapasok sa loob ng bahay na nakahawak sa aking balikat.
Ang kapatid ko'y tuwang-tuwa na makita si Greg.
"Anyare kuya?" anito nang bumitiw si Greg sa aking balikat at alalayan siya ng kapatid ko na maupo sa sofa. Napaikot nalang ako ng mata sa ginawi ng kapatid ko.
"Nagka-sprain lang." Dinig kong saad ni Greg sa aking pagkatalikod. Pumasok ako sa kuwarto sabay naupo sa aking kama matapos maisara ang pintuan.
Pinatumba ko ang litrato namin ni Greg na hindi ko maitago-tago. Inilabas ko ang alcohol at bulak sa drawer ng maliit na mesa. Pagkatapos ay nilinis ko ang gasgas sa aking kamay. Maririnig ang usapan nina Greg sa sala na 'di ko nasundan.
Nang matapos ako sa paglinis napuno ang bahay ng sigaw ni Greg. Lumabas ako ng kuwarto at naabutan ko na nakaluhod si nanay na hinihilot ang nakadapang Greg sa sofa. Wala siyang suot na pang-itaas kaya itong kapatid ko kung makatingin ay malagkit. Kinuha ko nga ang unan at pinalo sa ulo ng kapatid ko. Napakamot na lang ito ng ulo.
"Masakit pa rito?" Pinisil ni nanay ang parte ng likod ni Greg kalapit ng kaniyang suot na short. Napalunok ako ng laway nang makita ko ang garter ng suot na underwear ni Greg.
"Diyan nga 'nang. Aray!" saad ni Greg kay nanay na sige sa kakapisil. Sa akin siya nakatitig.
Tumungo na lang ako sa kusina para uminom ng tubig na natagpuan ko sa mesa na nakasilid sa petsil. Habang umiinom hawak ang baso naiisip ko na naman ang hubad na katawan ni Greg kaya pinagpapawisan pa ako lalo. Uminom pa ako ng tubig kamot-kamot ang ulo na nakatalikod sa daan patungo sa sala.
"Anong ginagawa mo sa akin Greg?" ang nasabi ko na lamang sa hangin pagkalapag ng baso sa mesa.
"Bakit ano bang ginagawa ko sa'yo Levi?" biglang saad ni Greg na hindi ko namalayang nasa likuran ko na kaya napahakbang ako paharap at nabangga sa mesa.
Gumulong ang baso at agad kong hinabol nang malapit nang mahulog na siya namang pag-hawak rin ni Greg kaya nakapatong ang kamay niya sa kamay ko. Napalunok ako ng laway sa mabilis na pagtibok ng puso ko. Para palalain pa ang nararamdaman ko pinagpapawisan na naman ako. Si Greg kasi ay nasa likuran ko talaga at ramdam ko ang dibdib niya sa likod ko. Nakapatong pa ang kaliwa niyang kamay sa aking balikat. Idagdag pa na nakadiin ang masilan niya bahagi sa pang-upo ko.
Tinulak ko na siya bago niya mapansin ang nararamdaman ko. Hinablot ko na rin ang baso sabay lakad na tinumbok ang lababo.
"Hoy, Levi 'di mo pa sinasagot ang tanong ko," aniya sabay uminom din ng tubig.
Nakatayo lang ako sa may lababo at blangko ko lang siyang tiningnan. Mabuti na lang nakasuot na siya ng t-shirt niya. Ngumisi pa siya.
"May sinabi ba ako? Ginagalit mo lang naman ako lage diba. 'Yan na ang sagot."
Lumakad siya't tumabi ako para mailagay niya rin ang baso sa lababo. Sa dulo ng lababo ako sumandig. Maririnig ang ingay ng telibisyon mula sa sala kaya nagpasalamat din ako. Baka marinig pa ni nanay at ng kapatid ko ang pag-uusap namin.
"Akala ko ba ako ang parang chicks. Ikaw ata ang chicks kasi nagsisinungaling ka," ang malumanay niyang saad na ginagawa na namang panginigin ang aking kalooban.
Inirapan ko siya lalo pa nang paunti-unti siyang humakbang patagilid palapit sa akin na tila buang lang. Habang siya'y mataman akong pinagmamasdan.
"Mali 'yang iniisip mo. Naiinis naman talaga ako sa'yo kahit dati pa," mariin kong saad sa pagdikit niya sa kinasasandigan ko.
Humakbang na ako para makalayo sa kaniya ngunit pinigilan niya ako. Ang naisip ko kanina sa tricycle ay nangyari. Hinawakan niya ako sa kamay na nagpapatayo sa balahibo ko sa katawan. Lalo pang bumilis ang t***k ng puso ko, mas doble. Pinagtagpo pa niya ang aming mga daliri at palad na tila iyon ang tamang lugar para sa aming mga kamay. Hindi ko inisip na mangyayaring makaka-holding hands ko siya. Tiningnan ko ang aming mga kamay paakyat sa mga mata niya.
Ang sarap talang tanggalin ang ngisi niya. Kalokohan ito para sa kaniya at ako lang ang nagpapaapekto.
"Kuya Greg! Dito na sundo mo!" ang sigaw ng kapatid ko.
Hinablot ko na agad ang kamay ko bago pa siya may sabihin pang iba. Umalis ako ng kusina't diretso ng pasok ng kuwarto at narinig ko pang sigaw niya nang maisara ko ang pintuan.
"See yah, Levi."
Napadapa na lang ako sa aking kama at umungol sa sobrang inis. Binibiro n'ya lang ako. Akala ko totoo na. Inabot ko na naman ang litrato't pinagmumura na naman ang batang Greg sa litrato.