AMSD 07

4132 Words
Sa sinabi ni Greg napaputol ko ang aking buhok nang wala sa oras. Sabay-sabay na nahulog ang mga nagupit na buhok sa telang nakabalot sa akin. Habang ako'y pinagmamasdan ang pagtulos ng gunting na hawak ng barber sa salamin sa aking harpan. Pinagpapawisan ako dahil sa suot kong grey sweater. Umuwi ako ng bahay pagkagaling kina Greg para lang sa kasuotan na iyon bago nagtungo sa pagutipan. Nakalimutan ko ang mga pilat sa aking kaliwang kamay sa itaas ng pulsuhan. Sana lang ay hindi napansin ni Greg baka ano pang sabihin niya sa akin, madagdagan lang ang pang-aalaska niya. Labag man sa kalooban na putulin ang buhok na ginagamit ko upang matakpan ang kahit kalahating kong mukha, nagpagupit parin ako. Pinatabasan ko ang aking buhok hanggang sa tamang haba lang. Hindi makapal pero 'di rin manipis, nagmumukha akong koreano sa istilo ng gupit. Sa pagtatapos ng barbero sa pagtabas sa aking buhok ay lumitaw ang mukhang hindi ko gustong nakikita ng ibang mga tao. Nagiging mahina ako sa hugis at pagkaukit ng aking mukha. Kung aalisin ang maitim na kulay sa aking mga mata't piercings, mas lalabas ang inosenteng emosyon. Ang barbero'y nilinis ang buhok na kumapit sa aking tainga't leeg bago ako nito inalis ang nakabalot na tela sa akin. Ako'y nakahinga ng malalim nang mawala ang nakabalabal sa aking katawan. Hinugot ko ang papel na singkwenta sa aking bulsa saka binayad ko sa barbero. Tinanggap naman nito't naglinis ng mga gamit na nakalagay sa maliit na cart sa aking likuran. Lumapit ako sa electric fan at ito'y aking binuksan upang maibsan ang init na aking nararamdaman. Sinuri ko ang aking mukha sa harapan at inayos nang bahagya ang aking buhok. Ako'y napabuntong hininga nang malalim. Ako'y napaisip kung anong magiging reaksiyon ni Greg kapag nakita na niya ako na ganoon. Nang gabing iyon ay kaunti lang ang tao sa pagupitan, may dalawang katao pa ang nagpapagupit sa dalawang upuan na magkahanay. Ako'y napalingon nang mayroong tumatawag sa akin sa labasan ng pagupitan. "Nandito pa ba si Levi?" tanong ng isang binatilyo. "Oo, nandito pa," ang sabi ng barbero na naggupit sa bata na kalapit ng pinto. Lumakad na ako't pinuntahan ang binatilyong nakatayo sa labasan. Nadaan ko ang mga nagpapagupit. "Bakit?" ang sabi ko sa binatilyo. "May naghahanap sa'yo," sabi ng binatilyo. "Sino?" ang tanong ko kasi'y nagtataka ako kung sino ang maghahanap sa akin. Baka si Greg ang sinasabi nito? Lumuwa ang ulo ng lalaking naghahanap sa akin sa pagsilip nito sa gilid ng labasan. Medyo nadisappoint ako nang kaunti kasi akala ko'y si Greg talaga. "Surprise!" ang sabi pa Max. Nagsalubong ang kilay ko sa kaniya. Nakajacket siya ng asul at maong na pants. "Salamat boy," anito sa binatilyo na umalis pagkatapos. Tuluyan akong lumabas ng pagupitan, binati ako ng nagliliwanag na tindahan sa kabilang dako ng daan. "Anong ginagawa mo rito?" ang tanong ko kay Max. Lumakad na ako't sumasabay rin ito sa akin. "Wala," tugon nito sa katanungan ko. Hindi nito mapigilan tingnan ang kabuuan kong itsura. Ako'y huminto sa paglalakad saka sinamaan ito ng tingin. "May tinatago ka pala," ang nasabi nito patungkol sa aking mukha. "Panigurado, palagi ka ng titingnan ng mga tao lalo na ni Greg." Sa sinabi nito'y nagbalik sa aking isipan ang mga sinabi ni Greg sa akin. Hindi ko na lang binigyang pansin pa ang sinabi nito baka ano pang maungkat. "Sabihin mo muna kung anong ginagawa mo rito? Bago kita tadyakan," sabi ko sa kaniya'y pinagpatuloy ang paghakbang. Napangiti sa amin ang grupo ng mga dalagita na aming nakasalubong na animo'y kinikilig. "Pre, tulungan mo ako." "Basta walang kinalaman sa pera. Sige. Ano ba iyon?" Lumiko kami't lumakad kami sa daan sa tabi ng pasara ng palengke. "Samahan mo ako sa bahay ni Greg." "Ikaw lang. Doon ako nanggaling kanina." Gumuhit ang pagkabigla sa mukha ni Max kaya dinagdagan ko ang sinabi ko bago pa ito may maisip na iba. "Naghatid lang ako ng isda." Siyempre, 'di ko sinabi ang nangyaring kahihiyan dahil pihadong pagtatawanan ako nito. "Sure ka? Iyon lang." Pinaglaro nito ang dalawang kilay. Itinaas ko ang kamao ko rito kaya napangiti ito. "Ano bang kailangan mo sa kaniya?" pag-usisa ko. Nadaanan namin pareho ang hanay ng mga nagtitinda ng streetfood. Papunta-paparito ang mga tao dahil malapit iyon sa parke na nasa ibabaa ng munisipyong sa tuktok ng burol nakatayo. "'Di siya kailangan ko. Iyong kaibigan niyang bago," anito na ikinalingon ko sa kaniya. Sa gitna kami ng daan kaya tumabi kami para sa papadaan na motorsiklo. Masakit sa mata ang headlight ng motosiklo kaya tumagilid ako't tinakpan ang aking mata ng kamay. "Sinong kaibigan? Si Sebastian?" "Ang layo. Hindi. Si Arjo, iyong kapatid ni Ate Sylvia. Nakita ko silang magkasama," anito kasabay ng malakas na busina ng motorsiklo. Tumabi na nga kami sige parin sa kakabusina. Pati iyong ibang tao napapatingin narin sa motorsiklo. Hindi gumagalaw ang motorsiklo sa gitna ng daan. Malabo ko naman malaman ang may-ari ng motorsiko dahil 'di maaninag sa lakas ng headlight nito. Lumakad na nga kami ni Max imbis na mabuwisit pa sa may-ari ng motorsiklo. Nalaman kong sadyang tinututok ng kung sino mang poncio pilato ang ilaw sa amin ni Max. Nilampasan namin pareho ang motorsiklo na hindi nakatingin sa nagmamay-ari. Tuluyang kaming nakalampas sa motorsiklo't napatigil nang magsalita si Greg. "Magkasama na naman kayo?!" ang matigas na sabi ni Greg sa akin. "Ano naman ngayon?" sabi ko pabalik kay Greg. Bago hinila sa tainga si Max na kung makatingin kay Arjo ay ibang-iba. Nakasakay ito sa kalahating bahagi ng motor, sa likuran ni Greg. Pansin ko rin ang masamang titig ni Arjo sa aking kaibigan. "Saan tayo pupunta? Nakita ko na siya," reklamo ng kaibigan ko. "Sumunod ka na lang," sabi ko dahil balak ko itong tanungin. Naiinis din pati ako kay Greg kasi wala man lang naging reaksiyon sa itsura kong bagong gupit. Pumasok kami sa entrance ng parke na may upuan at bubong na nagsisilbing rest house. Tumuloy kami ni Max sa dulo sa likuran ng barkong gawa sa bato't napapaikutan ng swimming pool. Naupo kami sa damuhan ni Max, kalapit ng upuang gawa sa semento't puno na kalahi ng niyog. Imbis na ako ang mag-usisa sa dahilan kung bakit nito gustong makita si Arjo, ako pa ang panandaliang nalagay sa hot seat. "Wala ka ba talagang nararamdaman para kay Greg?" mahina ang pagtanong nito sa akin upang ako lamang makarinig. Hindi lang naman kami ang mga taong naroon. Hindi ko alam kung anong isasagot ko rito kaya nanahimik na lang ako. "Mayroon ano? Nanahimik ka." "Wala," mariin kong sabi. Saka tumingin sa malayo nang mapansin ang motorsiklong humimpil sa kalapit ng entrance ng parke. "Sus, mayroon. Nakikita ko sa'yo." Binalik ko ang atensiyon ko sa kaniya. "Kapag sinabi kong wala, wala. Huwag ka nang makulit Max," mariin kong sabi. "Okay, pre," anito sabay kibit-balikat. "Saan ka ba matutulog? Panigurado 'di ka uuwi kasi wala ka namang dalang motor." "Sa inyo ako matutulog," anito saka lumapad ang ngiti sa labi. Alam naman nitong hindi ko gustong nagdadala ng tao sa bahay, pagkatapos doon pa makikitulog. "Please," pagmamakaawa nito sa akin. Napakamot ako ng aking ulo, sabay tango kaya lumiwanang ang kaniyang mukha. Napatingin kami pareho ni Max sa direksiyon kung saan naroon ang entrance. Pumasok si Greg kasama ang kaibigan na niya ngayon na si Arjo, kapwa may dala ang dalawa sa kanilang mga kamay. Iniikot ni Greg ang kaniyang paningin sa kabuuan ng parke't tumigil nang kami'y nakita sa aming kinapupuwestuhan. Itong si Max ay hindi nagsalita at hindi ko alam kung bakit. Salubong ang kilay ni Greg na lumakad patungo sa amin ni Max. Ang pagkabusangot ng mukha'y hindi naalis hanggang sa makalapit. Naupo lang siya sa aking kaliwa na walang sinasabi. "Doon kaya kayo banda, nag-uusap kami," sabi ko kay Greg. Iginalaw ko pa ang aking ulo patungo sa damuhan kasunod ng mga upuan. "Dito na lang," ani Greg. Sumunod ng upo ang kaibigan niya na may dalang mga in can na softdrinks. Pumuwesto ito kasunod ni Greg pero hindi naman dikit. Itong si Max pinakatitigan na naman si Arjo na may ngiting malapad sa labi kaya si Arjo kunot ang noo. "Ano bang pinag-uusapan niyo?" dagdag ni Greg sabay lagay ng kwek-kwek na nakasilid sa papel na lagayan at binigay sa akin kaso 'di ko tinanggap kaya nilagay niya na lang sa harapan ko. "Sa amin na lang iyon," sabi ko sa kaniya at ibinalik ang kaniyang binigay na pagkain. "Sabihin mo na 'di ako magagalit kung ano man iyon." Kinuha niya ang kamay ko't pinatong dito ang pagkain. Ang ginawa ko na lang ay binigay ko kay Max na tinanggap naman nito pero ang mga mata'y kay Arjo parin. Pinandilatanan ako ng mata ni Greg, wala na siyang nagawa kasi nilantakan na ni Max ang kwek-kwek. "Baliw ka ba? Anong hindi magagalit pinagsasabi mo?" Naguguluhan ako sa kaniya. "Kaanu-ano ba kita?" Napatigil siya sa paggalaw nang sumuksok sa kaniyang sarili ang aking sinabi. "Kaya pala ganyan ka sa akin," aniya. Dahil sa nasabi ko'y nagsubo siya nang nagsubo ng pagkain. Hindi siya tumigil hanggang wala ng laman ang hawak na lagayan. Itong si Arjo pinabayaan lang si Greg bago ito tumayo. Nagsenyas si Arjo sa kaibigan kong si Max, tinuro nito si Max sabay turo ng hinlalaki sa malayo. Kaagad namang sumunod si Max na parang asong nauulol na sige parin sa kakanguya. Lumayo-layo sila sa mga tao upang mag-usap, sa ilalim ng punong mangga. Binalik ko ang aking tingin kay Greg na punong-puno na ang bibig. Sa malayo ang tingin niya, sa huli niyang subo nasamid siya't napaubo-ubo. Kinuha ko ang in can na softdrinks, binuksan at sabay painom sa kaniya. Hinawakan ko ang baba niya para masentro ang kaniyang bibig. Uminom naman siya't sa pangatlong lagok niya'y kinuha ko ang kamay niya't nilagay ang in can para siya na lang ang humawak. "Anong ginagawa nung lalaki dito?" sabi niya matapos na uminom. "Kaibigan ko si Max kung hindi mo pansin," pagbibigay linaw ko sa kaniya. "Ba't siya kaibigan mo? Ako hindi? Nauna tayong magkakilala bago mo siya nakilala, panigurado ako." Lalo lang nagsasalubong ang kilay ko sa kaniya. Huminga ako ng malalim, sasabihin ko ang katotohanan sa kaniya. "Hindi tayo puwedeng maging magkaibigan," ang sabi ko sa kaniya. Hindi talaga dahil kapag nangyari iyon mas mahirap para sa akin ang kalimutan siya. "Okay," aniya't wala ng ibang naging reaksiyon. Inasahan niya na ganoon ang sasabihin ko. Imbis na kulitin ako kung anong dahilan tumitig lang siya sa akin. Kumakabog ang dibdib ko sa ginagawa niyang iyon. "Ano ha?" panunubok ko sa kaniya para matakpan ang aking kaba. "Nagbalik ka na," saka mayroong binunot sa kaniyang bulsa. Ako'y nagtaka sa kaniyang tinuran, ang sinasabi niya siguro nagbalik ay ang dati kong ayos. Inasahan ko na rin na ganoon ang mangyayari. Ang hindi ko inasahan ay ang pag-urong niya ng upo sa akin sabay hawak sa aking baba abot ang pisngi para hindi ko magalaw ang aking ulo. "Anong binabalak mo?" sabi ko sa kaniya kasi iba ang titig niya sa akin. "Uy, ano ba naiisip mo? Aalisin lang nating iyang pangkulay sa mga mata mo para ayos na talaga," aniya sabay punas ng inilabas niyang panyo sa ibaba ng aking mata upang maalis ang itim na pangkulay. Sa diin ng pagpunas niya'y maluha-luha ako. "Ako na nga," inalis ko ang kamay niya't kinuha ang panyo. Nakatingin lang siya sa akin na may ngiti sa labi habang pinupunasan ko ang aking mga mata. "Sa inyo ba matutulog iyong kaibigan mo?" "Ba't mo tinatanong?" Ang kabilang mata ko ang sinunod kong pinunasan. "Doon din ako matutulog." Tinapon ko sa mukha niya ang panyo na pinangpunas ko. "Ang laki ng bahay niyo doon ka lang," sabi ko't nahiga sa damuhan. Pinakatitigan ko ang kalangitan na kung saan naglalaro ang buwan at mga tala. "Dali na para makatabi kita ulit sa pagtulog. Hindi ako nakuntento kagabi," aniya na ikinatigil ko sa paghinga. Idagdag pa na nahiga rin siya sa damuhan sa aking tabi. Nanahimik lang ako't iniienjoy ang kagandahan ng langit. Wala na akong sinabi baka kapag nagsalita pa ako't bumanat siya ulit masuntok ko pa siya. "Anong mayroon doon sa kaibigan mo't sa kaibigan ko?" ang aking tanong sa pananatili naming nakahiga sa d**o. Naririnig ko pa ang paghugot niya ng malalim na hininga. "Ewan, 'di ko rin alam. Mamaya tatanungin natin." "Sige," pag-sangayon ko naman. "Hmmm. Tanungin din kaya kita. Anong mayroon sa atin kung hindi tayo magkaibigan? Magbespren? Magkapatid?" Malalamang seryoso ang pagkasabi niya dahil lumalalim ang kaniyang boses. "Magkakilala lang," ang sabi ko. Pero ang sabi ng isipan ko'y kabaliktaran, magkasintahan tayo. Pinalo ko ang aking noo sa biglang pagsagi ng kahibangan na iyon. Kalimutan na. Marahas akong napaupo kasabay ng pag-ungol. Pinaulit-ulit kong hinampas ang aking noo. Hindi ko naman ramdam ang sakit. Naupo rin si Greg saka hinawakan ang aking kamay. "Ba't mo ba sinasaktan ang sarili mo?" Ang kamay ko'y pinipigilan niya parin. Hindi ko siya sinagot, binawi ang kamay at tumayo. Kung puwede lang na sabihin ko sa kaniya na siya ang sanhi, sinabi ko talaga. Ang inaalala ko lang baka bigla siyang magbago. Maglalakad na sana ako kung hindi lang siya biglang nagkamot. Siya'y kamot ng kamot mula sa tiyan paitaas hanggang sa leeg. "Anong problema mo't para kang kinakagat ng langgam diyan?" tanong ko. Hindi ko maiwasang mag-alala. Iyong pagkakamot niya talaga'y walang tigil. "'Di ito kagat ng langgam kanina pa ito sa bahay," pagbibigay alam niya. Naalala ko minsan nangyari na rin iyon nang madikitan siya ng uod sa sensitibo niyang balat. Nakonsensiya ako bigla kasi pati sa bandang masilan niyang bahagi ay nagkakamot narin siya, sa hita lalo. Napaupo ako ulit sabay taas ng suot niyang t-shirt. Pulang-pula ang balat niya't nagkaroon ng pantal, panigurado abot iyon sa ibabang bahagi ng kanyang katawan, sa kaniyang espada. "Hanggang ngayon may allergy ka pa rin sa uod. Paano mo naipon iyon?" tanong ko. Ibinaba ko ang damit niya't tiningnan ng maigi ang kaniyang leeg. Kumamot siya sa leeg kaya pinalo ko kamay niya. "Huwag mong kamutin lalala lalo." "Gumamit ako ng gloves. Makati talaga." "Kahit na." Sinamaan ko siya ng tingin. "Tumayo ka na diyan, dadalhin kita sa doktor." "Doktor, agad? Allergy lang naman ito." "Aantayin mo pa bago lumala iyan?" "Nag-aalala ka sa akin ano?" "Asa ka pa. Tayo na. Diyan lang bahay ng doktor oh. Masuwerte ka." Tinuro ko ang puting bahay na nasa kabilang side ng daan galing ng park. Hinila ko siya sa damit para tumayo. "Buhatin mo ako, dali," tumalon siya sa aking likuran. Siniko ko siya para siya'y bumaba at ako'y lumayo. "Umayos ka nga. Buhatin mo sarili mo, mabuti naman kung ang gaan mo!" reklamo ko sa kaniya. "Killjoy nito," aniya sabay kamot. Lumakad na kami pareho palabas ng parke. Hindi naman naisipang sabihan ang mga kaibigan namin na aalis kami. Numingiti-ngiti pa siya sa nakakasalubong namin lalo na sa mga babae. Binilisan ko na ang paglalakad ko, bwisit talaga itong si Greg, alam na naiinis ako ngingiti-ngiti pa. Binalikan ko nga siya sabay batok at lumakad ulit ng mabilis na hindi tumitingin sa dinaraanan. Kamot ulo siyang napasunod sa akin sa labis na pagtataka. Hinila niya ako nang may biglang lumiko na motorsiklo sa pinakakanto, naestatwa ako hindi dahil sa takot sa muntikan ng pagkahagip. Dumiretso lang ang motor na parang walang nangyari. Pero ako naging bato dahil sa paraan ng paghawak ni Greg sa akin. Iyong mga kamay niya'y nakapigil sa aking braso habang nakatalikod ako sa kaniya. Nararamdaman ko ang matigas niyang dibdib kung saan tumitibok ng malakas ang kaniyang puso. Siniko ko siya sa tagiliran kaya binitiwan na niya ako. Kamot siya nang kamot sa pagtungo namin sa bahay ng doktor. Napapatingin talaga ako sa kaniya sa pagpindot ko sa doorbell. Sinusuksok niya ang kaniyang kamay sa suot na damit kaya sumisilip ang kaniyang abs. "Makati ba talaga?" pang-aasar ko sa kaniya. "Kasalanan mo ito. Halika hahawaan kita," aniya sabay dikit sa akin ng mga kamay na parang mapupunta sa akin iyong kati. Pinapahid niya palad niya sa aking leeg. Hinampas ko mga kamay niya. Pagkuwa'y sinuksok niya kamay niya sa suot kong sweater sabay haplos sa aking tiyan. Nagsitayuan ang balahibo ko sa buong katawan sa init ng kaniyang palad. Tinulak ko siya nang magbukas ang maliit na gate, sa likuran nito'y nakatayo ang doktor. Natatakpan ang mga mata nito ng salamin. "Anong kailangan niyo Levi?" tanong nito. Nakasuot lamang ito ng puting tshirt at saka short na stripes. "Tito, puwede ho tingnan niyo po itong kasama ko kasi iyong allergy niya nagbalik ho," sabi ko. Tinuro ko pa si Greg na pinipilit nilalabanan ang kati. Pinagmasdan ng doktor si Greg sabay tango-tango. "Pasok kayo. Ano bang pinaggagawa niyo't nagkaganyan iyan?" nauna na itong lumakad. "Isara niyo iyang gate." Hindi na ako nagtaka na hindi man lang ito tumanggi kasi kilala ang doktor sa pagiging mabait nito. Saka kaklase ito ng tatay ko kaya siguro pumayag narin. Tumuloy-tuloy ito ng lakad hanggang sa makapasok sa pinto na hinayaan niya lang nakabukas "Tara na Greg," yaya ko naman sa lalakinh kasama kong walang humpay ang pagkamot. Bagay nga sa kaniya para madala. Nauna akong pumasok kasunod si Greg. Bago ako sumunod sa paglalakad ay sinara ko muna ang gate. Hinanap namin ni Greg ang daan sa malapad na damuhan patungo sa pinto ng dalawang palapag na bahay, moderno ang pagkagawa dahil sa mga dingding na salamin. "Levi," sabi ni Greg. "Ano?" sabi ko sa kaniya. "Binabawi ko na lahat ng sinabi ko sa'yong ang pangit at ang dumi mo." Tiningnan ko lang siya. "Para ano pa, Greg?" "Kailangang bawiin, sasabihin ko kasi sa'yong ang guwapo mo na ngayon," aniya sabay naunang lumakad. Malay ko kung nahihiya siya sa akin, o dahil sa nakakaasiwa sa pakiramdam iyon para sa kaniya. Ikaw ba naman magsabi ng guwapo sa pareho mong kasarian. Pagkapasok namin sa pinto ni Greg ay binati kami ng sala kung saan nagliligpit ng mga papeles ang doktor. Sinita ko siya kasi diretso lang siya ng lakad. "Hoy Greg. Maghubad ka ng tsinelas." Hinubad ko ang tsinelas ko. Bumalik naman si Greg pero hindi umabot sa pinto, pinatalsik niya lang iyong tsinelas niya sa paa. Tumama ang huling pares sa aking mukha, sa pisngi mismo na gumawa pa ng tunog. Nilapitan niya ako sabay haplos sa aking pisngi. "Masakit ba?" Sinuntok ko siya sa tiyan at siya'y tumawa. Tinulak ko siya para maglakad, sumunod naman siya. Naghintay sa amin ang doktor, naupo kami ni Greg sa sofa habang nakatayo lang ang doktor. "Maghubad ka ng damit, maghuhugas lang ako ng kamay," sabi ng doktor saka ito umalis. Pumasok ito sa silid na marahil ay kaniyang opisina sa bahay. Itong si Greg ay nakaupo lang at walang balak gumalaw. "Ba't 'di ka na maghubad para makita ng doktor?" sita ko sa kaniya. Napapatingin ako sa malapad na tv kung saan may ibinabalita. "Ayaw ko nga. Nakakahiya," reklamo niya. Mukhang nawala ang pangangati niya kasi sinabi niya rin. "Wala na, umalis na lang tayo." Bumalik na ang doktor na seryoso ang tingin sa aming dalawa ni Greg, dahil hindi sumunod si Greg sa utos nito. May bitbit itong mga gamot sa kamay. "Babalik iyan. Hubad na, pagdating sa akin halos hindi ka na magsuot ng damit, tapos pagdating sa doktor ayaw." Dapat siguro iniwan ko na siyang mag-isa, kaso may kasalanan din ako kaya sinamahan ko talaga siya. "Ikaw iyon. Iba ang doktor." "Maghuhubad ka ba o dito na lang tayo buong gabi?" "Puwede rin," aniya sabay ngiti ng malapad. "Pabor sa akin iyon." Binatukan ko siya, hinahayaan lang naman kami ng doktor sa pang-iingay namin. "Ipakita mo na kahit pangtaas lang." "Pangtaas lang naman pala. Akala ko pati short," sabi niya na ikinangiti ng doktor. Natutuwa ito sa kalokohang dala namin. Inilapag nito ang hawak sa mababang mesa. "May sinabi ba ako?" "Malay ko, nilinaw mo sana agad. Baka gusto mong makita ulit." Lalong lumapad ang ngiti ng doktor kaya napasimangot ako. Hinubad niya narin ang suot niya't sinuri na siya ng doktor. Kaunting pisil at tingin sa pantal natapos kaagad ang doktor. "Iinom mo lang iyan ng gamot tapos pahiran mo na ngayon ng ointment para mawala iyang pagkapantal. Araw-arawin mo hanggang mawala ang pamumula," sabi ng doktor saka nito inabot ang ointment at gamot na pang-ilaw araw. "Kapag nagbalik matapos mong mainom iyang gamot, bumalik ka rito." "Sige po," ako na sumagot kasi si Greg tinitingnan iyong ointment. "Magkano po ang bayad?" "Huwag kang mag-alala. Libre na, hindi naman ako nahirapan. Pagkaalis niyo'y sara niyo na lang pinto't gate," sabi ng doktor saka kami nito iniwan ni Greg sa sala. Tumunog ang telepono mula sa opisina nito kaya ito'y pumasok doon. Pagtingin ko kay Greg ay nakalahad ang ointment. Tiningnan ko siya ng tuwid. "Lagyan mo ang mga pantal." "Ba't ko gagawin?" "Kasalanan mo kaya ito. Alam mong may allergy ako sa uod pagkatapos binuhos mo pa." "Malay ko bang nawala na iyon." Inilapit niya pa talaga sa aking mukha ang ointment. Kinuha ko na nga lang para matapos agad at makauwi na. Tumayo ako sa harapan niya. "Talikod ka, uunahin kong lagyan likuran mo," utos ko pero hindi niya ako sinunod. Dinipa niya ang kaniyang kamay sa sandigan sabay sandig. Para tuloy niyang inaalay ang sarili niya sa akin. Napapamura na lang ako sa isipan ko, kahit na mapula ang ibang parte ng balat niya dahil sa allergy, nakaka-panglaway parin siya. Ano bang pinagsasabi ko? Masusuntok ko talaga itong si Greg. Kakaisip ko pa nga lang sinuntok ko na siya sa braso na 'di ko namalayan. Hinapo niya ang kaniyang braso habang nakabusangot ang mukha. "Tumalikod ka sabi." Umayos siya ng upo't sinunod ako. Pumuwesto ako sa likuran niya't nilagyan ng ointment ang kaniyang likod. Malamig ang ointment sa kamay, nanginginig ang kamay ko sa paglapat sa kaniyang balat. Pinuna pa niya kaya nabwisit ako. "Ba't ka nanginginig? Kinakabahan ka ba?" Pihadong nakangisi siya, alam na alam ko sa tono ng pananalita niya. "Hindi," tanggi ko. "Bibig mo na lang kaya lagyan ko ng ointment," biro ko na kaniyang ikinatawa. "Puwede basta bibig mo ang gagamitin mo!" Tinulak ko ang ulo niya. Siya'y lalo lang tumawa. Medyo nawala ang kaba ko sa pagtawa niya kaya natapos ako sa likuran. Lalagyan ko sana ang puwetan niya baka mayroon pero 'di ko na lang tinuloy. "Humarap ka na," utos ko. Pinihit niya ang kaniyang katawan sabay taas ng isang paa sa sofa. Kaya ang naging puwesto namin ay napagitnaan ako ng kaniyang mga hita. Hinampas ko na lang sa kaniyang mukha ang ointment at tumayo. "Uuwi na ako, bahala ka na diyan." Lumabas na ako ng bahay saka nagsuot ng tsinelas. Nakalimutan kong isara ang pinto gaya ng sabi ng doktor. Nakasunod si Greg sa akin nang naglalakad na ako sa damuhan. "Antay Levi," nagmadali siyang isuot ang tsinelas. Suot na niya ang tshirt niya. "Siguraduhin mong iinumin mo iyang gamot," sabi ko sa kaniya. Tumigil ako sa paghakbang at inantay siya. "Para sigurado ikaw magpainom sa akin," aniya. "Baliw ka?!" sabi ko't lumakad na pero pinigilan niya ako sa aking kanang kamay. Itinaas niya ang sleeve ng suot kong sweater. Doon palang nag-init na ang taenga ko dahil sa inis. "Pansin ko na ito mula nang magkita tayo ulit. Gusto na kitang tanungin mula kanina pa sa bahay. Nag-aalangan lang akong magtanong," sabi niya patungkol sa mga pilat ko sa kamay dulot na paghiwa ng blade. Magiging okay na sana ang gabi na iyon kung hindi niya lang pinansin ang mga pilat na iyon. "Bitiwan mo na Greg. Katawan ko ito kaya puwede kong gawin ano man," sabi ko sa kaniya. Hinihila ko ang aking kamay at lalo lang humihigpit ang kapit niya. "Ano bang ginagawa mo sa sarili mo? Pinapahirapan mo?" tanong niya sa 'kin. Sinusundan niya ng daliri ang pilat sa aking balat, ako'y nanginig sa ginagawa niya. Hindi siya nakatingin sa akin kundi sa mga pilat ko mismo. "Sabihin mo, anong nagtulak sa iyo para saktan mo ang sarili mo?" Hinablot ko ang aking kamay mula sa kaniya. "Iyan ba ang dahilan kaya lumalapit sa akin? Dahil naawa ka?" sabi ko sa kaniya. Ang talim na ng tingin ko sa kaniya. "Hindi a. Gusto ko lang malaman ang dahilan kung bakit." Lumapit siya sa akin para hawakan ako sa magkabilaang balikat. Tinulak ko siya sa dibdib. "Sinungaling. Ayaw kong kinaaawaan ako Greg." "'Di naman ako naawa sa'yo! Nag-alala ako sa'yo!" napapataas narin siya ng kaniyang boses. "Kung iyan ang dahilan ng pakikipaglapit mo sa akin. Itigil mo na! Hindi ko kailangan ng pag-aalala mo! Higit sa lahat 'di ko kailangan ang awa mo!" sigaw ko't lumakad na. Pinabayaan ko lang si Greg na para nang mangbubugbog sa kaniyang itsura. Pansin ko ang nakatayong doktor sa pinto ng bahay nito. Binilisan ko ang paglalakad hanggang sa labas ng gate. Binalikan ko si Max sa parke para umuwi na kami. "Bakit ba lahat na lang ng lumalabas sa aking bibig mali sa'yo?! Ha?" sigaw niya sa akin habang nakabuntot pabalik sa parke. "Iyon naman talaga ang totoo. Walang tama sa sinasabi mo!" Nakita ko si Max na papalabas na ng parke. Napansin siguro nito na nagkakainitan kami ni Greg. Mabuti na lang walang gaanong tao na nakapansin sa amin. Kung mayroon man, wala lang sa kanila ang nangyayari sa amin ni Greg. "Halika ka na Max! Uuwi na tayo!" singhal ko sa kaibigan. Kaagad itong tumakbo't lumapit sa akin. Nagkasalubong pa kami ni Greg pero hindi ko na siya tiningan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD