AMSD 08

3619 Words
Pagkauwi ng bahay nagbabad na lang kami ni Max sa panonood ng telibisyon. Prente lang akong nakaupo sa upuang gawa sa kawayan habang tutok ang mata sa pinapanood na anime. Samantalang si Max ay sa lapag nakaupo. Si papa ay umalis ng bahay upang makipag-inuman sa kumpare nito ilang bahay ang layo mula sa amin. Si nanay at aking kapatid nagtungo naman sa isang birthday. Nakarinig ako ng motor na laspag na kaya napasilip ako sa bintanang nasa likuran ko lang. Huminto ang isang karag-karag na motor sa harap ng bahay namin sakay ang kaibigan kong si Ryan. Kaya naman wala kay Max ang motor nito. Iniwan niyang nakatayo ang motor, bumaba at lumapit sa akin na nakasilip sa bintana. "Saan ang punta mo?" ang tanong ko. Simple lang naman ang mga suot niya aya 'di ko malaman kung saan sila pupunta. "Mamasyal at manonood lang sa bayan ng Miss Interbatch. Sama na kayo" sabi ni Ryan sa pagtayo niya sa bintana. "Ayaw ko, gabi na," ang sabi ko na lang. "Walang tao dito sa bahay." "Kaya nga ngayong gabi mamasyal para 'di mainit," sabi naman nitong si Max na may nginunguyang bubble gum. "Sama na tayo." "Dali na. Huwag ka ngang magkukulong sa bahay niyo," komento nitong si Ryan. Hindi ko talaga hilig ang mamasyal mas gusto kong magkulong lang. Pero mula nang maging kaibigan ko ang dalawa mula noong hayskul, hinihila ako parating pumunta sa kung saan-saan. "Saglit lang," sabi ko't pinatay na ang telibisyon. Nagtungo ako ng kuwarto't nagsuot ng jacket at sombrebro. Binuksan ko ang ilaw sa kusina at pinatay ang sa sala bago ako lumabas ng bahay. Naabutan kong naghihintay ang mga kaibigan ko sa motor. Nakaisog ang dalawa ng upo, si Ryan ang nasa hulihan. Ako na naman ang magmamaneho. "Dalian mo bro. Magsisimula na iyong palabas sa plaza," ang naaatat na sabi ni Ryan. Hindi sumali ang batch namin sa hayskul sa interbatch kasi karamihan sa kaklase namin nasa ibang lugar nagkolehiyo. Iyon ang huling interbatch kasi wala ng hahawak, sa huling gabi ng interbatch nagaganap ang patimpalak ng kagandahan, mga straight na lalaki ang naglalaban bilang beauty queen. "Masyado naman itong damulag na ito," sabi ko at sumakay ng motor. Tumawa lang naman ito sa sinabi ko na sinabayan ni Max habang pinapadyak ko ang motor. Isang sipa lang ay nabuhay na ang motor. Sa lakas ng ingay nito mabubulabog ang madaraanan namin. May-ari sina Max ng junkshop kaya ganoon ang motor nila, inayos lang para mapakinabangan. Pagpihit ko sa selindyador ay nangunyapit sa akin si Ryan. Hindi na ako nagreklamo ganoon naman ito sa akin, ang mga kamay nito'y niyakap ako sa likuran. Para akong isang tatay na may sakay na anak. Pinaharurot ko ang motor sa kahabaan ng kalsada. Nahirapan itong akyatin ang pataas na daan, buti nakaya pa rin kami. Sa taas palang ng daan kami'y naririnig ko na ang tugtogan mula sa plaza. Pagkababa sa daan ay iniliko ko ito sa kaliwa kung saan ang dalawang simbahan, sa romano at aglipayon. Isang liko sa kanan pa kaya nasa plaza kami kaagad na may bubong. Maraming nakapark na motorsiklo sa kaliwang bahagi ng plaza pagdating namin dito. Ang mga tao'y palakad-lakad. Sa harap ng sirang bahay ko inihimpil ang motor, sabay na bumaba ang dalawa habang ako'y binunot pa ang susi. Paglingon ko sa plaza'y hindi pa nagsisimula, sadyang nagpapatugtog lang. "Eksayting. Sana may makilala akong chicks," anang kaibigan kong si Ryan na umakbay sa akin. "Asa ka pa," komento naman nitong si Max na ang mata ay nasa cellphone na hawak. "Magugulat ka na lang isang araw may kasintahan na ako," ang naisipang sabihin ni Ryan. "Matuto ka munang manligaw," segunda naman nitong si Max na kinapalatak nito ng tawa. "Ikaw? Wala ka bang balak maghanap?" Nabaling pa sa akin ang atensiyon sa aming paglalakad patungo sa harapan ng plaza. "Oo nga bro. Hindi ka pa nagkakagirlfriend," dagdag nitong si Ryan. Ayan na naman silang dalawa. Gustong-gusto na magkagirlfriend ako e sa wala ngang magkakagusto sa akin na babae. "Ayos lang kahit wala," sabi ko na lang sa pagpapatuloy namin. Sa harapan ng plaza ay napuno ng mga nagtitinda at mga taong bumibili. Sumusuksok sa ilong ko ang mga nilulutong pagkain, kumalam ang sikmura ko dahil 'di pa nga pala ako naghahapunan. Isang metro ang layo namin sa pasukan nang mapansin ko ang isang lalaking nakaporma. Walang iba kundi si Greg. Pati si Max napansin din si Greg. "Uy, sino iyan? Guwapo," ang 'di maiwasang biro ni Max sa tuluyan naming paglapit sa pasukan. Si Ryan ay napatingin lang kay Greg saglit at sa iba ulit tumingin para maghanap ng chicks. Ako naman ay binigyan siya ng blangkong tingin na nagsasabing wala akong pakialam kahit naroon pa siya. Siya naman ay sumalubong sa akin ang noo. Si Max 'di na naalis ang tingin kay Greg kaya tinulak ko sa unahan para ito ang magbayad ng entrance fee na teg bente. Si Ryan ay kasunod nito, ako sa pinakahuli. Alam kong mayroong sumunod ng pila sa likuran ko dahil sa matapang na pabangong nasisinghot ko. Hindi ko gustong isipin na si Greg iyon. Napalingon ako nang marinig ang boses ni Sebastian. Ang taong kinaiinisan ni Ryan mula''t sapul nang magkakilala sila. "Pre, sorry na-late," ani Sebastian. Nalingonan ko itong tinapik sa balikat ang lalaking kasunod ko talaga sa pila. Parang ang tagal makapagbayad nitong si Max. Naiirita na ako rito sa lalaking kasunod ko. "Kararating ko lang din," sabi pa ni Greg na rinig ko. "Ah, buti naman," masayang sabi ni Sebastian na napatingin sa akin. "Uy pre, manonood ka rin?" tanong nito sa akin na para namang magkaibigan kami. Nakatayo lang itong si Greg sa pagitan namin na blangko ang tingin. "Oo, kasama ko mga kaibigan ko," sinagot ko na naman para lang mayroong magawa. Sinakyan ko na lang ang trip nito. Napalingon pa itong si Ryan saka sinamaan ng tingin si Sebastian nang mapansin ito. "Ow," ang nasabi na lang ni Sebastian sabay ngiti. Binalik na lang ng kaibigan ko ang tingin nito sa unahan kaysa mabadtrip sa lalaki. Babalik ko na rin sana ang tingin ko sa harap ngunit mayroong sinabi si Sebastian na hindi ko inasahan. "Pre, balita ko nag-away kayo ni Greg?" "Sinong Greg?" ang pagpapanggap ko kahit kasunod ko lang naman si Greg na masama na ang tingin. Natawa bigla si Sebastian sa sinabi ko. "Iyong classmate natin nung pre-school. Iyong tinapunan ka ng spaghetti nung birthday niya sa ulo. Tapos bilang paghingi ng sorry binigyan ka ng maraming lobo ng magulang niya na nilipad naman sa dagat ng pauwi ka na sa inyo," pagpapaalala nito, baliw din si Sebastian sa sinabi nito, sinakyan din ang kalokohan ko. Naisip ko rin na sinabi nito iyon para maasar ako. "Saan naman iyon? Buhay pa?" tanong ko. Sasabihin ko na sumama pa lalo ang tingin ng lalaking kasunod ko, kung may ikakasama pa. "Ito siya o," sabi ni Sebastian sabay tapik sa balikat ng lalaking kasunod ko. Baliw nga rin naman ito. "Sino ba ito?" tanong rin nitong si Greg para makisakay sa kalokohan na nakaturo ang daliri sa akin, iyong turo niya parang nangliliit. Tagain ko kaya kamay niya para hindi na niya magamit. "Ano bang nakain niyong dalawa't para kayong mga siraulo?" ang nasabi pa ni Sebastian. Tumingin ng tuwid sa akin si Greg. "Natatandaan ko na. Siya iyong batang uhugin. Lalong lumala itsura niya," panglalait niya sa akin. Naikumyos ko ang aking kamao sa bulsa ng suot na jacket. Tatadyakan ko sana kaso hinila na ako ni Ryan sa suot ko kaya lumakad na kami upang umalis ng pila. Kanina pa pala nakikinig itong dalawa kong kaibigan. "Kinausap ang guwapo a. Parang kanina lang ay nagkasigawan pa kayo a," sabi ni Max. "Guwapo na iyon sa iyo?" bulalas naman nitong si Ryan. Tumayo kami kalapit ng banyo tanaw ang pasukan kung saan nagbabayad ng entrance fee. "Oo, guwapo para kay Levi," dagdag ni Max. Napapatingin ito sa nagbabayad na si Greg. Iyong babaeng kahera kung makatingin, luluwa na ang mata. "Kung guwapo siya. Wala rin namang saysay," sabi ko sa hangin saka tumingin sa mga taong nakaupo sa mga bilugang mesa sa gitna ng plaza. Napalingon ulit si Max kina Greg nang maglakad na ang mga ito patungo sa gitna ng plaza. Pihado kumuha sila ng table kasi kami sa bench lang balak maupo. Dumikit sa akin si Ryan, tumama dibdib niya sa tagiliran ko't nakaakbay ito. Sa ganitong ayos kami ni Ryan nang mapalingon si Greg sa amin. Makikita ang pagkainis sa mukha niya sabay suksok ng dalawang kamay sa bulsa. "Bro, sundan natin mamaya pag-uwi nila. Bugbugin natin kasama iyang si Sebastian na iyan," bulong ni Ryan. Nagustuhan ko ang ideya nito. "Iyong tamang bugbog lang, iyong 'di tayo makukulong." "Game," pagsangayon ko. "Sige, hatid ko muna nang maaga si Max pagkatapos doon na natin susundan ang dalawa kapag pauwi na," ang sumunod na ibinulong ni Ryan sa akin. Lumayo ito kaagad sa akin nang mapalingon si Max sa amin. "Nagbulungan na naman kayo," paninita nita. "Ano namang plinaplano niyong dalawa?" "Wala no. Plano ka diyan," sabi ni Ryan na tumawa-tawa. Lumakad na kami patungo sa benches at naupo sa pangalawang baitang na bakante. Ako sa pinakagilid, sa gitna namin si Max. Sa unahan namin ay may nakaupo. Maayos naman ang napuwestuhan namin kasi natatanaw ko nang buo ang stage, ang nakakadismaya lang ay tanaw ko rin ang mesa nina Greg at Sebastian na isang mesa ang layo. Sa amin nakatingin ang dalawa habang nag-uusap. Huwag lang nila akong pag-usapan. "Sakit sa mata talaga ng si Sebastian na iyan," ang nasabi ni Ryan. "Iyang si Greg rin," sabi ko naman. "Kapag kayong dalawa'y mapunta na naman sa presento. Bahala na kayo," sabi naman ni Max kaya tumahimik na lang kami ni Ryan. Sumandig kami pareho ni Ryan para 'di kita ni Max na nakapako ang mata sa stage sa paglabasan ng labing-walong contestant na straight na lalaking nagbihis babae para sa production number. Nagsenyas ako kay Ryan na mamaya na lang, tumango naman ito. Mag-uusap pa sana kami kaso biglang tumayo si Greg na kinauupuan nilang mesa. Naiwan si Sebastian na nakasunod ng tingin sa kaniya. Lumakad si Greg papunta sa amin na blangko ang tingin. Tumabi ang nakaupo sa unahan ko para makatayo si Greg sa harapan ko. Napapatingin ako sa kaniyang mukha. Huminga siya ng malalim bago dumukot ng kung ano sa bulsa. Nakabalot sa puting papel ang hawak niya. Kinuha niya ang kamay ko, hindi ko maiwasang manginig sa paglapat ng palad niya sa balat ko. Binawi ko kamay ko pero nalagay niya na sa palad ko ang hawak. "Buksan mo. Peace offering," sabi niya. Sinamaan ko siya ng tingin pero binuksan ko naman ang nakabalot sa papel. Sadyang masunurin lang talaga ako. Pagkakita ko sa dalawang butil ng orange umakyat na naman ang dugo ko sa ulo sa sobrang inis. "Parte mo iyan," dagdag niya. Pumiksi ako nang pisilin niya tainga ko at nagsabing, "Namumula pa rin pala talaga ang tainga mo kapag naiinis ka." Naalala pa pala niya iyon. Tinabig ko ang kamay niya na ikinasalubong ng kaniyang kilay. Bumaba siya matapos niyon. Tinapon ko sa likod niya ang dalawang butil ng orange na kaniyang kinatawa. Nilapad lang ng hangin ang nakabalot na papel at butil ng orange pakda sa semento. Kaasar! Pumagitna na iyong emcee na lalaki at babae sa stage sa pagsisimula ng patimpalak. Ang lahat ay nag-aabang sa mga mangyayari. Napalingon ako sa gate kasi may nakita akong isang tatay na medyo malaki ang tiyan. Mahigit benteng hakbang ang layo nito kaya kitang-kita ko. "Kanino kaya tatay iyang nakikita ko?" sabi ko na nakapako pa rin ang tingin sa matanda. Napalingon kaagad ang dalawa sa sinasabi ko. "Nagpaalam ka ba talaga Max?" bulalas ni Ryan nang mapagtanto nitong si Uncle Mike na iyon. "Kay mama lang. Sabi ko sabihin niya kay papa. Kainis talaga ito si papa. Saglit lang, kausapin ko lang," sabi ni Max na nakasimangot at bumaba upang lapitan ang kaniyang pulis na tatay. Sige sa daldal ang dalawang emcee na 'di ko gaanong binigyan pansin. Introduksiyon lang naman iyon na parating sinasabi. Ako'y napatingin sa mesa ni Greg kasi may nagsasabi sa akin na gawin ko. Kumakaway si Sebastian na lumapit ako sa kanila. Umiling ako bilang paghindi sa pagtawag nito ngunit 'di talaga ito tumitigil kaya nga bumaba na lang ako't lumapit na rito. Ano naman iyong nandiyan si Greg? Baka lang may sasabihing mahalaga si Sebastian, huwag na lang pansinin ang isa. "Bakit?" ang tanong ko pagkalapit ko. Siyempre itong si Greg nakatingin sa akin. Dudukutin ko ang dalawang mata niya para matigil. Tumalikod na lang ako sa kaniya. "Dito na lang kayo maupo para may kasama kami," sabi nito na ikinailing ko. "Huwag na. Ayos lang kami roon. Saka alam mong mainit ang dugo namin sa iyo. Makapagyaya ka." Tinapik ko ito sa balikat para asarin na ikinasumangot nito. Bumalik ako sa aming puwesto. "Anong sinabi nun?" tanong sa akin ni Ryan. "Doon ka raw maupo," biro ko na ikinasama ng tingin niya sa akin. Inakbayan ko siya't ginulo ang buhok saka tumawa. "Bwisit ka bro," reklamo niya. Tinulak nito ako't binitiwan ko na siya na siya ring pagbalik ni Max. "Buti pumayag na si papa. Basta hatid niyo raw ako," anito nang maupo sa aming pagitan ni Ryan. Hindi na kami nagsalita nang magsimula na ang competition. Nakatutok talaga kami kasi ang gagaling noong mga lalaki maglakad suot ang heels pero hindi rin namin mapigilang tumawa. Hindi ko napansin na mayroong lumapit sa amin. Napalingon na lang ako sa kanan nang maupo si Greg sa tabi ko kasunod si Sebastian na mayroong bitbit na softdrinks na nakasilid sa plastic. Nagtama ang aming mga tuhod at balikat. Nagdala ng kuryente sa buo kong katawan na 'di ko alam na mayroon sa akin. Pati itong dalawa kong kaibigan ay napalingon narin sa kanila. "Mas maganda nga talaga dito pumuwesto Greg. Kitang-kita," wika ni Sebastian. Ang isang hawak nitong sofdrink ay inabot nito kay Greg na tinanggap ng huli. Itong si Greg naman ay nilagay sa hita ko ang dalawang malaking tsetsirya na hindi naman nahulog. Napapatingin ako sa kaniyang mukha na sa stage ang tingin. Binalik ko sa kaniya ang mga iyon at umisog, ganoon din naman ang ginawa ng mga kaibigan ko. Pero itong si Greg ay may saltik talaga kaya dumikit na naman sa akin. Inakbayan pa ako, tangina! Naaamoy ko tuloy ang matapang na pabangong kaniyang suot. Hindi ko alam ba't nanginginig ang loob ko. "Lumayo ka pa. Sasabihin ko sa mga kaibigan mo na ang itim at liit ng putotoy mo," bulong niya na ikinapanting ng tainga ko. Ubod ng lakas ko siyang tinulak na hindi naman niya ikinahulog. "E di sabihin mo. Para namang ganoon pa rin hanggang ngayon," ang sabi ko ng malakas. Tinawanan niya lang ako kaya lalo akong naasar. Tatayo sana ako para suntukin na talaga siya, mabuti na lang mayroong pumigil sa akin na kamay. May papanoorin sana ang mga tao. "Palit na lang tayo," ang sabi ni Max sa akin na hawak ako sa suot kong jacket. Nagpalitan nga kaming dalawa pero kahit ganoon kinukulit pa rin ako nitong si Greg. Tinapon niya sa mukha ko ang tsetsirya na nahulog sa paanan ko. "Buksan mo," utos niya. Pinulot ko ito't binalik sa kaniya. Inutusan pa ako may mga kamay naman. "Tigilan mo ako," mariin kong sabi na 'di nagsisigaw. Natamaan din sa mukha, napapatingin na lang sa amin ang aming mga kasama sa upuan. Tumayo siya't nakipagpalit kay Max. Sa inis ko'y tumayo na lang ako, bumaba saka lumakad papalayo. Iniwan ko pati ang aking mga kaibigan. Lumabas na lang ako ng plaza kasi nagugutom naman talaga ako. Tinungo ang cart kasunod lang ng gate. "Ate, apat na siomai nga. Steamed," sabi ko sa babaeng nagbabantay na maraming nunal sa mukha. Buti 'di natatanggal ang mga iyon kaya 'di mahuhulog sa mga niluluto. Binuksan nga nito ang lagayan saka nagsalin sa paper plate. Nilagyan niya rin ng dalawang stick. "Bente ate no?" Tumango ang babae nang iabot nito sa akin ang siomai, tinanggap ko rin naman kasi bibilhin ko. "Isang ano na rin palamig, iyang maitim. Ano ba tawag diyan?" "Juice," simpleng sagot ni ate sabay ngiti ng manipis. Loko rin itong si ate, nilagyan nga ako nito sa mataas na baso saka nilagay sa tablang stainless sa harapan ng cart. Hinawakan ko sa isang kamay ang siomai sabay dukot ng pangbayad sa bulsa ng suot kong pantalon. Sa kasamaang palad wala akong perang dala. Nakalimutan ko, napapatingin ako sa babae na abala sa pagluluto. Balak ko sanang bumalik sa loob para manghiram sa kaibigan ko kung hindi lang sa lalaking kinain ang isang siomai na hawak ko. Sinamaan ko ng tingin ang lentek na Greg na ito. Nang-agaw pa marami naman diyan na puwede niyang bilhin. "Ate, ito bayad niya. Padagdag na rin ng palamig," sabi ni Greg kahit may laman ang bibig. Nag-abot siya ng 50 pesos sa babae na ubod lapad ang ngiti. Ibinalik niya ang atensiyon sa akin. Hinawakan niya ang nakakunot kong noo, minasahe. "Ipagpaliban mo muna iyang inis mo. Kumain ka na lang muna." Inalis ko ang kamay niya kasi 'di natigil sa pagmasahe. Nang ngumiti siya ng malapad labas ang ngipin, natigagal ako. Aaminin ko lalo siyang gumuwapo roon. Kumain na nga rin ako na sa malayo nakatingin. Pero iyong pagkakunot ng noo ko hindi na naalis. Pakunswelo ko na lang dahil siya rin naman ang nagbayad. "Kahit kailan ang hangin mo," sabi ko sa kaniya habang ngumunguya ng buong siomai. Kinuha niya ang isa't kinain, dinilaan pa niya ang dalawang daliring nabahiran ng sauce. Napapatingin ako sa ginagawa niya, kung makadila parang ice cream. Lumingon siya bigla kaya napaubo-ubo ako, sana hindi niya nahuli. Aalaskahin ako niyan. Kinuha ko iyong palamig sabay inom at muling binitiwan. "Mahangin? Bagay naman sa akin kaya ayos lang," aniya saka tumawa ng mahina. Tarantado talaga siya. Pinakatitigan niya ako habang kumakain na tila pinag-aaralan ang kabuuan kong mukha. May napapadaan sa aming harapan, sa loob naman ay patuloy ang contest. "Ano? Ha?" udyok ko. Isa sa mga susunod na araw, madudukot ko talaga mga mata niya. "Sinong nagtulak sa iyo para baguhin ang personalidad mo?" ang bigla niyang tanong. Hindi ko inasahan iyon kaya natahimik ako. Pero sinagot ko rin naman siya. "Mga taong katulad mong walang magawa sa buhay na nanggugulo ng may buhay," tuwid kong sabi. "Matutuwa na ba ako niyan?" aniya sabay taas-taas ng dalawang kilay. "Pero parang hindi iyon ang dahilan." "Isipin mo na kung anong dahilan, walang may pakialam." Pagkatapos mayroon siyang sinabi na ikinatingin ko sa kaniyang mukha. "Hindi ako sanay na ganyan ang ayos mo talaga," aniya na sa malayo ang tingin. Matutuwa na sana ako kaso mayroon siyang sinunod. "Mas okay iyong dati. Nakakatawa." Sinipa ko nga siya sa paa saka bumalik ako sa loob ng plaza, bitbit ang palamig. Initapon ko ang paper plate sa basurahan sa gilid. Pagkuwa'y inayos ko ang suot na salamin. Akala ko naman na maganda iyong sinabi niya, 'di naman pala. Umakyat ulit ako sa puwesto namin. Si Sebastian nagtatanong ang tingin na 'di ko pinansin. Ang kaibigan kong dalawa sa stage ang mga mata. "Saan si Greg?" tanong nito nang hindi nakatiis pagkaupo ko. "Ewan ko. Saan ba pumunta?" sabi ko't inubos ang hawak na palamig. "Sinundan ka kaya," mayroon pa sanang sasabihin ito kaso 'di na naituloy nang mapansin ang pabalik na rin si Greg. Tinapon ko sa gilid ang plastic na baso. Napalingon ako sa kaibigan ko nang magtanong ito. "Okay ka na? Malamig na ulo?" sabi ni Max. Nagkibit-balikat lang ako't 'di nagsalita sa pagtabi ni Greg sa akin ng upo. Ang atensiyon ni Max ay sa mga naglalakad pa rin na contestants. Ibanalik ni Sebastian ang softdrink ni Greg na pagkahanggang sa oras na iyon ay hindi pa nauubos. Sumipsip si Greg na sa akin ang tingin. "Doon ka tumingin sa stage, huwag sa akin," sita ko sa kaniya ng mahina para sakto lang na siya ang makarinig. "Boring kaya mas okay tingnan mukha mo. Parang nanonood ako ng mystery," aniya ng pabulong kaya nasuntok ko siya sa tagiliran na wala lang sa kaniya. "Alam mo masyado kang feeling close.Hindi tayo magkaibigan uy. Kung sa tingin mong gaya pa rin ako ng dati na iiyak na lang sa gilid sa tuwing aalaskahin, bibiruin at pagtritripan mo ako. Nagkakamali ka," mariin kong sabi sa pagmumukha niya. Ngumisi lang siya na parang ikinatuwa niya ang sinabi ko. Dumikit pa lalo siya sa akin, iyon hindi na makalusot ang hangin sa pagitan naming dalawa. Iyong mga kamay niya nasa likuran ko bilang kumukuha siya ng suporta sa upuan. "Ano bang gusto mo? Maging close ako sa iyo kaysa sa kaibigan mo?" bulong niya. Tinulak ko siya sa mukha. "Ayos na ako sa kaibigan ko. Hindi kita kailangan kaya tigilan mo ang panggugulo sa akin." Sinipa ko pa siya sa beywang para umatras siya papunta kay Sebastian. Ewan ko lang kung may nakarinig sa pinagsasabi ko. Hindi pa rin siya natigil kaya tumayo siya't tinabihan pa rin ako. Hinawakan niya ang likod ng ulo ko sabay dinikit sa nguso ko ang straw ng softdrink niya. "Pangpalamig ng ulo. Kunin mo na," aniya na kinuha ko naman. Binitiwan niya na rin ang ulo ko. Himala matapos kong tanggapin ang binigay niya medyo nanahimik siya ng kaunti. Sumipsip nga ako pagkatapos ngunit iba ang nalasahan ko, 'di naman sofdrinks kundi beer, lasang red horse. "Di naman softdrinks to ah," sabi ko pa pero patuloy sa paginom nito. Nauuhaw din naman kasi ako sa ganoong inumin. Pinatigil kasi ako sa pagiinom. Nilagay ni Greg ang daliri sa bibig na para namang malaking sikreto ang ginawa nila ni Sebastian. "Wala ka pa bang ibang nalalasahan?" sumunod niyang tanong na akin na ikinatingin ko sa kaniyang mukha. Naubos ko na ang beer, nagburp pa ako ng mahina. "Nilagyan ko ng laway ko iyan. Dinuruan ko sa straw. Mga dalawang kutsara siguro iyon." Sumalubong kilay ko sa kaniyang sinabi. Sa inis ko sa kaniya'y tadyak at sipa ang inabot niya sa akin. "Joke lang," bawi niya habang iniilagan ang pag-atake ko pero parang totoo talaga ang ginawa niya. Umalis siya ng upuan na tumatawa. Itong mga kasama namin nagtataka na 'di alam ang nangyari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD