Wala na. Walang-wala na akong ganang manood. Tuluyan na akong lumabas sa pagtago ni Greg sa mga tao. Dumiretso ako kung saan nakapark ang sinakyan naming motor. Sinipa ko pa nga ang gulong nito sa sobrang pag-kainis ng makailang ulit. Iyong iba ay napapalingon sa akin ngunit hindi naman lumapit dahil sa takot.
"Uy bro. Huwag naman iyang motor ni Max," reklamo ni Ryan sa akin na sumunod pala sa akin. Inakbayan ako nito kaya natigil ako sa pagbunton ng galit sa motor.
"Nakakabwisit talaga iyong gagong iyon," paanas kong sabi saka pinakatitigan ang pader ng sirang bahay.
"Kaya nga mamaya abangan natin. Sinasabi ko sa iyo, titigil iyan siya kapag mabugbog natin," bulong ni Ryan sa akin. Hininaan nito ang boses nito dahil sa paparating naming kaibigan na si Max. Kumawala ito sa pagkaakbay sa akin nang tuluyang makalapit sa akin si Max.
"Ano Levi, ayos ka lang?" sabi pa nito. Tinapik ako nito sa aking braso ng marahan.
"Oo naman," sabi ko. Nagkunwari akong maayos ang nararamdaman ko. Ngumiti pa nga ako para hindi mahalata. "Nagpahangin lang."
"Akala ko naman kung napano ka na. Huwag mo kasing masyadong patulan iyong si Greg. Kinukulit ka lang nun kasi dati kayong magkaklase. Kahit ba pinagtrittipan ka nung bata kayo. Baka ngayon gusto ka na niyang maging kaibigan kaya nagpapansin sa iyo," paliwanag ni Max na nakatingin sa akin. Kung gusto niyang maging kaibigan ako malabong mangyari iyon. Alangan namang kalimutan ko lang basta iyong mga nagawa niya.
Ayaw ko na nga sa kaniya.
"Pero 'di pa rin naman tama ang ginagawa niyang pangungulit," ang nasabi ni Ryan.
Pinag-uusapan pa lang namin si Greg nang sumilip siya sa ibabaw ng pader ng covered court. Nakatayo sa pinakataas ng upuan. Nakuha pa niyang kumaway sa akin na may ngiti sa labi. Ang tarantado'y tuwang-tuwa na naiinis ako. Tumalikod ako sa kaniya at naupo sa motor.
Itong si Max biglang nagtago sa likuran ni Ryan na ikinatingin namin dito. Kung makapagtago'y para namang 'di makikita. Luwa kaya ang kaniyang ulo't beywang kahit malapad ang katawan ni Ryan.
Nalaman na lang namin ang dahilan nang makita ang nakakatanda nitong kapatid na si Vladimir. Nagbibiseklita ito habang nakatingin sa plaza na para namang makikita nito ang hinahanap. Paglingon nito sa dako namin ay kaagad kami nitong nakilala kahit mayroong kadiliman sa aming kinatatayuan dulot ng ilaw na nasa kanto nakatindig.
Huminto ito banda sa harapan ko. "Nasaan na si Max? Sabi ni papa kasama niyo raw?"
Itong si Ryan imbis na magdenie, inalabas nito mula sa pagkatago sa likuran nito si Max. Nagtago pa kasi, kita naman kaagad. Hindi na si Max makakatulog sa amin.
"Ito siya," ang sabi pa ni Ryan saka tinulak sa likuran ang kaibigan namin. Sumimangot tuloy si Max.
"Bwisit ka. Wala kang kuwentang kaibigan," sabi pa nitong si Max saka pinaghahampas sa dibdib si Ryan na sinasalag naman.
"Buang ka. Kung sa iba ka kasi nagtago. Tago. Kita. Ano yun?" saad ni Ryan nang tumigil sa kakapalo ang kaibigan namin. Tinawanan pa nito si Max kaya natawa na rin ako ng kaunti.
"Kahit na," reklamo ni Max.
"Sakay na rito, kuya," ang sabi ni Vladimir. Bagsak ang balikat ni Max na lumapit si Max sa biseklita saka umangkas sa likuran.
Ang pamilya ni Max ay masyadong protective sa kaniya kaya kahit kaibigan nito 'di gaanong pinagkakatiwalaan lalo na itong si Vladimir. Alam siguro nitong puro basag-ulo lang ang aming alam ni Ryan. O ganoon lang talaga kapag mga kuya lalo pa't bunso si Max sa apat na magkakapatid.
"Umuwi na rin kayo," ang sabi ni Max na mahihimigan ng kaunting inis ang boses.
"Pupunta pa kami ng pier," sabi naman nitong si Ryan. Tiningnan ito ng masama ni Max sabay baling sa akin.
"Tatambay nga kami muna roon. Magpapahangin lang," ang sabi ko naman para wala ng maitanong ang kaibigan naming uuwi na.
"Siguraduhin niyo lang," ani Max. Ang nakakatanda niyang kapatid ay nakatingin lang sa amin. "Tara na kuya," dagdag nito.
Hindi kaagad pumadyak si Vladimir dahil mayroon pa itong nasabi sa aming dalawa ni Max.
"Sino ang nagyaya sa inyo sa kapatid ko?" ang naitanong ni Vladimir na nakahawak sa manibela. Si Ryan ang tinatanong nito kasi rito ito nakatingin. Itong si Max naman nakikinig lang. Alam nitong 'di gusto ng kuya nito na nagugulo kapag mayroong kausap.
"Hindi a," bulalas ni Ryan.
"Kung hindi ikaw," anito sabay baling ng atensiyon sa akin. "Ikaw?"
Umiling ako bilang sagot. Itong si Ryan natawa na kaya sinamaan siya ng tingin ni Vladimir na kaagad namang itinigil. Masyado kasing seryoso ang kuya ni Max kaya hindi mapigilan ni Ryan. Aalis lang naman si Max ng bahay pagkatapos ang laking kasalanan na iyon para rito.
"Kuya naman," ang nasabi na lang ni Max. "Bayaan mo na iyan sila."
"Sigiraduhin niyo lang na uuwi na rin kayo," ang huling sabi ni Vladimir saka pumadyak na ito. Kumaway pa sa amin si Max sa pag-andar nila papalayo. Dumiretso na lang sila't lumiko patungo sa daan na dadalhin sila pauwi na tanaw ang dagat. Iniwan ni Max ang motor niya sa amin.
Itong si Greg ay nakatayo parin sa may pader. Hindi ko lang alam kung narinig niya pag-uusap namin sa ilalim ng boses nang nagsasalitang politiko. Bumaba na siya nang magkasalubong ang aming tingin.
"Bro, punta na tayo. Tambangan na natin. Iiwan na lang muna natin ang motor para akala nila nanonood pa tayo," sabi ni Ryan. Kapag ganoong bagay ay mas nagkakasundo kaming dalawa.
Umalis ako sa pagkaupo. "Sige," ang sabi ko kay Ryan sa paglalakad namin ng sabay.
Umalis kami sa lansangan kung saan naroon ang covered court na hinanap ang daan ng tuwid. Diretso lang kami patungo sa may tindahan na sarado na nakatayo sa pinakakanto. Isang poste lang ng ilaw ang mayroon doon. Tig-dalawang kanto ang layo nito sa covered court at sa bahay nina Greg.
"Nangangati na ang kamao ko," ang sabi pa ni Ryan habang pinapatunog ang mga daliri sa paglapit namin sa tindahan.
Mas magandang doon kami mag-abang dahil lusotan ang apat na daan dito. Kung sa magmakabilang daan sa malayong kanto dumaan sina Greg makikita parin namin. Sobrang tahimik sa lansangan, ni isang espiritu walang naglalakad kahit aso. Hindi gaanong umaabot ang ingay mula sa covered court. Naupo kami ni Ryan sa harapan ng tindahan na hindi natatamaan ng ilaw.
Nagsindi ako ng yosi habang tahimik na naka-iskwat ng upo.
Biglang tumayo si Ryan nang mapansin ang dalawang taong naglalakad galing sa covered court.
"Magtago muna tayo," sabi ni Ryan kaya pumasok kami sa espasyong naiwan ng tindahan at ng bahay na kasunod nito. Sa kasunod na kanto'y naroon na iyong play-e na pagmamay-ari nina Greg.
Napatakip ako ng ilong sa sobrang panghe. Sa likuran ko si Ryan nakatayo at ako'y naka-iskwat ng upo, pareho kaming nakasilip sa daan. Dinikdik ko sa lupa kaagad ang yosi baka mapansin ng naglalakad na dalawa. Ang bilis ng takbo ng puso sa dibdib ko sa sobrang eksaytment sa balak naming gawin sa dalawa.
Tumigil ang dalawa sa paglalakad sa harapan ng tindahan, dalawang metro lang layo nila sa amin. Tumabi si Greg sa harapan ng tindahan saka naiwang nakatayo si Sebastian.
"Ihi lang ako pre," dinig kong sabi ni Greg. Pumuwesto nga siya para umihi. Binukaka niya ng kaunti ang kaniyang paa sabay baba ng zipper. Inilabas niya ang kaniyang putotoy na naaninag ko lang sa ilalim ng ilaw ng poste na tumatama sa kaniya. Hindi ko alam ba't ako napalunok ng laway nang magsimulang lumabas ang maruming likido sa dulo nito na tumama sa sara ng tindahan. Tangina, parang aso lang.
"Nilagyan mo ba talaga ng laway mo iyong beer na pinainom mo kay Levi?" ang naisipan itanong ni Sebastian habang patuloy sa pag-ihi si Greg.
"Ano sa tingin mo?" sabi naman nitong si Greg kaya pumanting ang tainga ko. Tatayo na sana ako kaso hinawakan ako sa balikat ni Ryan para mapigilang umalis.
Tumawa pa si Greg na sinabayan naman ng kausap.
"Baliw ka talaga. Mag-iingat ka lang kay Levi. Muntikan na iyong makapatay sila noong kaibigan niya. Bugbog sarado sa kanila iyong nangtritrip sa kaibigan nilang si Max," pagkuwento ni Sebastian. Sinabi pa talaga nito ang tungkol doon na mangyayari rin sa kanila.
"Nangyari talaga iyon?" tanong naman ni Greg saka pinagpag ang putotoy matapos umihi.
"Oo, kung alam mo lang ang nangyari. Hindi sila nakulong kasi bata pa naman sila. Baka magaya ka roon. E ikaw bakit mo kasi kinukulit si Levi," patuloy na pagsasalita ni Sebastian.
"Wala namang dahilan na malaki. Natutuwa lang talaga ako sa kaniya," sabi ni Greg sa muli nilang paglalakad. Tumawa pa itong dalawa na ito.
Ilang hakbang pa'y nakalampas na sila sa pinatataguan namin. Mabilis kaming lumabas ni Ryan sa pinagtataguan saka lumapit sa dalawa. Hindi kami sumigaw o ano kaya lalo silang nagulat. Hinawakan ko si Greg sa likuran ng suot niya at si Ryan ay ganoon din ang ginawa nito kay Sebastian.
"Sinong---" ang nasabi ni Greg nang lumingon siya sa akin sa pagkagulat. Pinutol ko kaagad ang sasabihin niya sa pagsigaw ko.
"Tumahimik ka!" Hinila ko siya sabay tulak sa kaniya sa pader ng bahay. Kinuwelyuhan ko siya kaagad. Itong si Ryan naman pinahiga si Sebastian sa pamamagitan ng pagpatid rito sabay dagan sa dibdib ng tuhod.
"So, totoo nga ang sinabi ni Sebastian," ang sabi pa ni Greg sa pagmumukha ko. Ngumisi pa siya ng matalim.
"Ano ngayon? Magagaya ka na rin doon sa tao," sabi ko't nagpakawala ng suntok. Kaso 'di dumikit ang kamao ko sa pisngi niya nang mayroong sumigaw mula sa kanto.
"Anong ginagawa niyo?!" ang sigaw ng isang matandang lalaki na may kasama pang isa. Mabilis ang paglalakad ng mga ito. Nanlaki ang mata ko nang makita ang uniporme ng mga ito.
"Tanod lang bro?" tanong ni Ryan na nakatalikod sa paparating.
"Pulis bro. Takbo na!" sabi ko't binitiwan si Greg.
"May araw ka rin sa akin Sebastian." Kaagad na tumayo si Ryan nang tumakbo na ang dalawang pulis.
Pareho kaming kumaripas ng takbo na iniwan ang dalawa. Lumiko kami sa pagtakbo sa kanto ng makailang ulit. Pagkalingon ko para tingnan si Ryan kung maayos siyang nakakatakbo. Iba ang nakita kong kasunod ko, si Greg pala. Napamura na lang ako.
"Ba't ka ba sumunod ha?" sigaw ko sa kaniya. Nakahawak siya sa dalawang tuhod habol ang hininga. Nasa daan kami sa harapan ng dalawang naglalakihang bahay.
"Anong gusto mong gawin ko? Manatili roon? Tapos ako ang mapapahamak," sabi naman niya sa gitna ng paghugot ng malalim na hininga.
"Pakialam ko. Mabuti nga iyon! Dapat si Ryan kasunod ko 'di ikaw," sinipa ko siya sa paa. Lumayo siya sa akin para makailag.
Nang mapansin ang dalawang pulis na kakalabas lang ng kanto, hinila ko ulit si Greg. Bago kami mapansin ng mga ito sa paglingon ng mga ito sa kinaroroonan namin, nagtago ako sa pangalawang pagkakataon sa may kakipotang daan patungo sa likod ng malaking bahay. Tinulak ko si Greg sa likuran ko para wala siyang magawa baka maisipang lumabas bigla't ilaglag ako.
Buti na lang madilim sa pinagtataguan namin kaya 'di kami gaanong makita. Ibig sabihin kaya dalawa ang pulis, 'di naabutan ng mga ito si Ryan. Sana nga ganoon ang nangyari. Sa papalapit na dalawang pulis umatras ako para lalong magtago.
Sa lalong pag-atras ko'y nakalimutan kong may tao nga pala sa likuran ko. Tumama ang puwetan ko sa pagitan ng kaniyang hita. Ramdam ko ang umbok niya sa puwet ko kahit nakasuot ako ng pantalon.
Nanlaki ako ang mata ko lalo pa nang hawakan niya ang puwet ko ng dalawang kamay para sukatin.
Hinarap ko siya kaagad sabay suntok sa kaniyang dibdib. Napaungol na lang siya sa sakit.
Ibinalik ko ang atensiyon ko sa dalawang pulis habang patuloy sa pag-inda si Greg dulot ng masakit na dibdib. Hindi tumuloy ng lakad ang pulis at bumalik sa pinanggalingang daan. Nakahinga ako nang malalim sa pagkawala ng dalawang pulis at lumabas ng pinagtataguan
"Ba't ganoon puwet mo?" ang nasabi ni Greg paglabas niya ng pinagtaguan. Himas-himas niya ang kaniyang dibdib na nasuntok ko. Sinamaan ko siya ng tingin. "Ang laki. Diyan ba napupunta kinakain mo?"
"Tarantado!" mariing kong sabi sa kaniya. Tumawa na naman siya na parati na lang nangyayari kapag kami ay magkasama. "Bwisit ka! Ang saya mo!"
Dapat hindi na lang ako nagsalita. Napuno ng tawa niya ang daan. Sa patuloy niyang pagtawa'y nilapitan niya ako sabay yakap mula sa tagiliran, lumingkis ang kamay niya sa aking beywang.
"Binibiro lang kita uy," aniya sabay patong ng mukha sa aking balikat.
Napatitig ako sa mukha niya dahil sa ginawa niya, tumalon ang t***k ng puso ko lalo pa't nakayakap siya sa akin. Sa itsura niya'y para siyang naglalambing. Inalis ko na nga kamay niya sa aking beywang kapagkuwan ay tinulak ang kaniyang mukha.
Hindi naman siya nagpapigil dahil tumayo naman siya ng maayos.
"Makauwi na nga lang," ang sabi ko na lang ngunit balak kong bumalik muna sa covered court.
"Ihatid na kita," aniya't pinipilit na sumabay. Inakbayan pa nga niya niya ako para hindi ako makalayo.
"Kaya kong umuwi mag-isa at may kasama ako. Balikan ko ang kaibigan ko," sabi ko sa kaniya nang alisin ko ang kaniyang kamay.
"E 'di magsimba na lang tayo bukas," dagdag niya sa paglalakad ko. Hindi na siya sumunod dahil gusto na rin niya sigurong umuwi.
"Kung magising ka nang maaga," ang sabi ko naman sa kaniya.
"Sure iyan ha?!" sigaw niya sa paglayo ko.
Hindi ko na siya nilingon.