Kinaumagahan, lampas alas siete nang makarating kami ni Max sa simbahan, siya na lang niyaya ko para samahan ako dahil si Ryan ay tulog pa sa bahay.
Kasulukuyang kumakanta ang choir ng aleluya pagkapasok namin. Si Max ay nakasuot ng manipis kong jacket na itim, samantalang ako'y itim na star wars shirt at pantalon, pinatungan ko ng asul na longsleeve polong maong. Punuan pa kaya sa pinakalikod kami naupo.
"Ba't 'di pala natin inantay si Greg? Diba sabi mo magsisimba kayong dalawa. Sabi mo pa nga kung magigising siya nang maaga," wika ni Max sa akin pagkalapat ng aming pang-upo sa mahabang bangko.
"Oo, pero 'di ko naman sinabing magkasabay kami. Magsimba siya kung gusto niya," wika ko sa aking kaibigan. Napataas ang isang kilay nito sa akin. Iyong matandang babaeng kasama namin sa upuan na ang suot ay parang pang-graduation na damit ay iba ang tingin. Naka-irap sa amin ni Max dahil siguro naiingayan. Sa dulo ito nakapuwesto kaya malaki ang bakante.
"Sus, gusto mo naman siyang makasamang magsimba. Sabihin mo na sa kaniya iyang nararamdaman mo," bulong ni Max sa akin kaya nasiko ko ito sa tagiliran. Tumahimik na kami dahil hindi na naalis ang irap sa amin ng matanda.
Hindi pa nag-iinit ang puwet ko sa pagkaupo nang dumating si Greg. May nagsasabi sa aking lumingon ako kaya iyon nga ang ginawa ko. Pagpihit ko ng aking ulo'y eksaktong kakapasok lang ni Greg. Kaagad na gumuhit ang ngiti niya sa labi nang makita ako. Pinabayaan ko na siya't binalik ang atensiyon sa paring nagbabasa ng mabuting balita. Lumapit siya sa kinauupuan namin, pati si Max napalingon sa kaniya.
"Pumunta pa ako sa inyo, nandito ka na pala," sabi niya sa akin pagkalapit niya sa amin. Pumasok siya't tumabi sa akin. Kinusot ko ang aking ilong sa tapang ng kaniyang pabango. Ibinuhos niya siguro sa buong katawan niya kaya ganoon na lang kalakas ang amoy.
"Pinaligo mo ba ang lahat ng pabango sa inyo?" Sinamaan ko siya ng tingin habang kinukusot parin ang aking ilong.
"Hindi naman. Naka-limang spray lang ako baka kasi mabahuan ka sa akin," tugon niya pabalik sa akin.
Todo porma siya nang araw na iyon. Nakaputing sapatos para matakpan ang kaniyang paa. Sa pang-itaas naman ay puting shirt na pinatungan ng long sleeve polo na ang disenyo ay polka dots na maliliit. Sa pang-ibaba niya naman ay asul na pantalon. Halos pareho kami ng porma, ang pinagkaibahan lang ay ang kulay ng aming mga suot.
Maayos na sana ang lahat sa kaniya kung hindi lang sa medyo namamaga niyang ibaba ng mata. Sa itsura niya'y mukhang wala siyang tulog, humikab pa nga siya ng isang beses. "Anong pinaggagawa mo't mukhang wala kang tulog?" tanong ko naman sa kaniya. Gusto ko lang malaman kung anong pinagagawa niya. Nagkakabanggan ang aming mga braso't hita sa pagkadikit namin.
"Sumakit ang ulo ko," aniya na aking ikinatango. Pero pakiramdam ko'y may iba pang problema kaya 'di siya nakatulog at hindi iyong p*******t ng ulo ang dahilan. Pinagmasdan ko nang maigi ang kaniyang balat lalo na sa bandang leeg. Hindi naman namumula. Mabuti at ayos na ang kaniyang balat, hindi na lumalala. Inilapit niya ang kaniyang mukha sa akin saka bumulong sa aking tainga. "Bakit? May problema ba sa itsura ko? Ba't ganyan ka makatingin?"
Hinawakan ko siya sa mukha sabay layo rito. "Tinitingnan ko lang kung maayos ka na."
"Kaya pala. Maayos na ako, naglagay ako ng ointment bago ako nahiga kagabi kasi iyong iba diyan nahihiyang lagyan katawan ko." Sinaamaan ko siya ng tingin. "Biro lang. Uminom narin ako ng gamot kaya balik sa dating kinis ang aking balat. Nakatulong siguro iyong paghipo-hipo mo," sabay dagdag niya.
"Anong hipo-hipo pinagsasabi mo?" Pinagmamasdan lang kami ni Max na parang tuwang-tuwa sa pag-uusap namin ni Greg. Alam ko ang tumatakbo sa isipan ng kaibigan ko kaya kung magsasalita ito, bibigyan ko ito ng isang suntok sa panga.
"Diba nilagyan mo ako ng ointment? Hipo kaya iyon," sabi naman niya.
"Tarantado ka ba?" Mariin kong sabi ng mahina. "'Di hipo iyon." Ako na ang kusang pumutol sa pag-uusap namin dahil sa paring pumagitna't bumaba ng altar para mag-sermon, mas malapit sa mga nagsisimba. Iyong matanda din kasi'y tinatapunan kami ng masamang tingin, pihadong hinuhusgahan kami nito. Kita naman sa istura nitong diring-diri't iritang irita sa paraan ng pag-uusap namin ni Greg.
Ang linggong iyon ang pinakamasamang araw para sa akin dahil lang sa sermon ng pari.
"Sino nga ba ang dapat magmahalan hanggang sa huli?" ang sigaw nito bilang panimula ng sermon. Ang buhok nito'y manipis na't hindi na tutubo dahil sa katandaan. Hindi naman sumagot ang mga nagsimba kaya ito na mismo ang sumagot sa sariling katanungan. Nakatutok lang ang mata ko sa pari kasi ganoon naman talaga ako kapag nagsisimba. "Oo, babae't lalaki lamang. Hindi parehong kasarian, ang lalaki sa lalaki, ang babae sa babae. Maling-mali iyan aking mga kapatid." Kailangan naman naging magkapatid ang mga tao roon. Nabwibwisit lang ako sa sinasabi nito na 'di ko naman puwedeng isigaw.
Sa mga naririnig mula rito'y naglalakbay ang isipan ko pabalik sa araw na kung saan ako nagsimulang magkagusto kay Greg. Kailangan ko ba nagsimulang nagustuhan si Greg? Siguro iyong makita ko siya ulit matapos niyang magbakasyon sa Maynila, iyon ay sa harapan ng lumang tindahan ng ice cream.
Sa pagpapatuloy ng pari sa sermon sinisi ko na naman si Greg at higit sa lahat ang aking sarili. Hindi ko talaga dapat siya nagustuhan. Tama naman ang pari dahil kung mali ito maganda sana ang naging takbo ng buhay ko.
Ang paglalakbay ng aking isipan ay naputol dahil kay Greg. Hinawakan ba naman niya ang aking kilay na salubong sabay hinaplos-haplos ito para tumuwid. "Ang sama ng mukha mo. Alisin natin itong pagmumura ng kilay mo," aniya't patuloy parin sa pagmasahe sa aking dalawang kilay.
Hinawakan ko ang kamay niya't ibinaba ko sa kaniyang hita. "Makinig ka nga sa pari," ang sabi ko sa kaniya bago binalik ang atensiyon sa harapan ng altar.
"Wala naman akong interes sa sermon. Nasa iyo ang interes ko." Napalingon ako sa kaniya, nabwisit lang ako sa kaniya lalo.
"Nagsimba ka pa," ang sabi ko sa kanya't tumahimik na nga lang. Sa sobra kong inis pinasok ko ang aking dalawang daliri sa sleeve ng aking suot. Para maalis ang naiisip ko'y pinagkukurot ko ang aking sarili ng makailang ulit, manhid naman ako pagdating sa sakit kaya kahit bumaon na kuko ko sige parin ako.
Napansin ni Greg ang ginagawa ko kaya tumigil na ako. Kinuha niya ang kamay ko't inalis ang sleeve, kita niya ang pamumula ng aking balat dahil sa malalim na kurot. Pinagsalubong niya ang kilay niya sa akin pero iyong kamay niya hinahaplos ang aking balat na kinurot ko. Pinaulit-ulit niya hanggang 'di ko na natiis sabay binawi ko kamay ko. Binalik ko ang buo kong atensiyon sa misa at inantay na lang matapos ang sermon ng pari.
Humugot nang malalim na hininga si Greg bago tumayo, lumabas siya kahit na nagsasalita pa ang pari. Hindi ko alam kung bakit siya lumabas, pero nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Ang naisip ko lang baka naiinis siya sa akin, nagkibit-balikat na lang ako. Sinabi sa aking utak na bahala siya sa gusto niya.
Natapos din ang sermon ang pari't dumating sa panalangin ng bayan. Akala ko ayos lang na umalis si Greg, pero hindi pala. Lumipad ulit ang isipan ko sa pag-iisip kung anong dahilan niya. Hindi ko namalayan na nakatulala na ako, kusa namang gumagalaw katawan ko kahit nang kailangang lumuhod at muling tumayo.
Nabalik lang ako sa reyalidad ng tapikin ako ni Max sa balikat dahil maghahawak kamay na sa pagdarasal.
Huminga ako ng malalim bago ko hinawakan ang kamay ni Max. Iyong matandang kasama namin sa upuan ay hindi man lang nakipaghawak kamay sa akin.
Nagsimula nang umawit ang choir ng dasal kaya pinikit ko ang aking mata, nanalangin din naman ako kahit hindi gaano kagaling. Sumasabay din ako sa pagkanta. Ang pinalangin ko lang ay maging komportable at masaya ang buhay ko. Sa kalagitnaan ng kanta'y mayroong humawak sa aking kamay, mainit ang palad ng humawak sa akin. Binuksan ko ang isa kong mata't sumalubong sa akin ang nakapikit na si Greg. Napalunok ako ng laway sa itsura niyang ang payapa, minsan-minsan lang nangyayari sa kaniya ang ganoon.
Pinisil niya ang aking kamay, doon ko napagtanto na alam niyang nakatingin ako sa kaniyang mukha. Gumuhit pa nga ang isang ngiti sa kaniyang labi. Bago niya tuluyang buksan ang kaniyang mata'y umayos ako't pinikit ang aking mata. Sa pagpapatuloy ng kanta'y kinakabahan ako dahil sa nagkatagpong kamay namin ni Greg.
Idagdag pa na kahit natapos na ang kanta'y 'di niya binibitawan iyon. Tiningnan ko siya nang masama para bitiwan niya na ako kaso ayaw niya talagang pakawalan. Hinigpitan pa niya lalo ang hawak niya sa kamay ko. Nilingon niya ang matandang babae't ngumiti siya rito. Kaya pala kasi inaasar niya lang ang matanda, umalis tuloy ang matanda't lumipat ng upuan sa unang row.
Akala ko naman gustong-gusto niya akong mahawakan, sa pagluwag ng hawak niya'y nabawi ko kamay ko't nilagay lang sa aking gilid.
"Nakakatawa iyong matanda, parang may regla," ang sabi pa ni Greg na ikinatawa ng marahan ni Max. Pero ako tahimik lang, at walang naging reaksiyon.
Dumating ang oras na kailangang magbigayan ng kapayapaan sa isa't isa. Bumulong sa akin si Max. "Parang dumadamoves sa'yo si Greg," anito kaya sinuntok ko siya sa tagiliran. Ngumiwi ito sabay umayos ng tayo. Binati ko na lang si Max ng kapayaapaan sa pamamagitan ng bow, ganoon din naman ito.
Paglingon ko kay Greg para batiin siya'y kinuha niya ang kamay ko't hinalikan ang likuran nito. Nanglamig ang kalamnan ko sa ginawa niya, lumapat talaga ang labi niya't may kaunting tunog pa. Binatukan ko siya na kaniyang ikinakamot. "Anong akala mo sa akin matanda?" mariing kong sabi sa kaniya.
"Hindi ah. Tiningnan ko lang reaksiyon mo. Gulat na gulat," sabi niya sa akin.
"Tuwang-tuwa ka naman," inis kong sabi.
"Siyempre," aniya sabay pisil sa aking pisngi. "Peace be with you, Levi."
"Imudmod ko mukha mo sa sahig. Peace with be you?! Tae mo," sabi ko na ikinatawa nila pareho ni Max. Napasimangot na lang ako dahil sa kanilang dalawa.
Pinagpasalamat ko na natapos ang mesa na hindi narin nangulit si Greg. Kami'y naunang lumabas kaysa magsiksikan pa. Nasa gate narin kami nang magsilabasan ang mga tao kaya eksakto lang. Biglang nang-akbay si Greg sa paglalakad naming tatlo. Si Max ay nagtetext habang naglalakad. Inalis ko kamay ni Greg bago ako nagsalita.
"San iyong kaibigan mong si Sebastian?" tanong ko sa kaniya.
"Naroon sa bahay, ewan ko kung gising na iyon. Mabuti pa iyon nakatulog," sabi niya sa akin. Naglakad kami sa gilid ng bakod ng covered court na semento na berde't dilaw ang kulay.
"Sa susunod iinom mo na din ng gamot kung sumakit ulo mo," suhestiyon ko. Siya na lang kinausap kaysa sa kaibigan na busy sa pagtetext, ang lapad ng ngiti nito.
"Ang totoo niyan 'di naman sumakit ulo ko, 'di ako nakatulog kasi iniisip ko kung anong pinaggagawa niyo ng kaibigan mong si Ryan." Napahinto ako sa paglalakad sabay tingin sa kaniya ng tuwid. Diretso lang ng lakad si Max at hindi napansin na huminto kami ni Greg. Sinabayan ulit namin ni Greg ito sa paglalakad.
"Marumi ang isipan mo ano. 'Di ko na gustong tanungin kung anong naisip mo baka uminit lang ulo ko sa'yo." Hindi ko gustong marinig ang isasagot niya kasi baka mabigla ako. Pero nagsalita parin siya, nakikita niya namang ayaw ko ng pag-usapan pinagpatuloy parin.
"Hala?! Inisip ko lang kung nagkuwentuhan kayo magdamag," sabi niya na parang hindi naman kapanipaniwala. Pinasok ko sa isang tainga ko't pinalabas sa isa. "Saan ba kayo pupunta?"
"Kung saan namin gusto," sagot ko naman sa kaniya. Piningot niya ang tainga ko dahil sa sinabi ko. "Isa pa Greg na gagawin mo iyang pagpingot sa tainga ko tatamaan ka sa akin." Kasasabi ko palang sa kaniya'y piningot niya nga ako ulit. Susuntukin ko na sana siya pero tumakbo siya upang makatakas sa aking kamao. Napahugot na lang ako ng malalim na hininga. Lumakad siya ng patalikod habang tinitingnan ako. "May tae matatapakan mo," sabi ko sa kaniya. Tumigil naman siya't tinaas naman ang paa. Tiningnan niya ang daan at walang nakitang tae. "Uto-uto," sabi ko sa kaniya bago kami pumasok ni Max sa gilid na gate ng covered para magshort cut.
"Loko ka talaga pagdating kay Greg, pre," ang nasabi ni Max saka tumawa. Nagkibit-balikat ako't pareho kaming ngumiti ni Max.
Nakabuntot lang si Greg sa aming likuran at sumabay sa paglalakad sa aking kanan, napapagitnaan ako ng dalawa.
Pagkalabas ng covered court ay lumiko kami, ewan ko kay Greg kung saan siya pupunta kasi kami ni Max bibili pa kami ng tinapay sa bakery. Iyon ang plano namin pagkalabas ng simbahan. Kaunting lakad pa'y nadaanan namin ang bagong tayong restaurant na sa pinakakanto mismo, sa unang palapag ng gusali binuksan.
"Kain tayo," sabi ni Greg. Dumiretso na nga siya sa entrance at balak na pumasok.
"Ikaw lang. Magtitinapay lang kami ni Max," sabi ko kay Max na tumango-tango naman. Tumuloy na kami, si Greg ay nagdalawang isip kung papasok o hindi. Sa huli'y napasunod parin siya sa amin. Ang lapit lang naman ng bakery mula restaurant, ilang gusali lang ang pagitan ng dalawa.
Pagkarating sa bakery na nasa kabilang kanto, patingin-tingin kami sa mataas na estante ng tinapay. Maraming mapagpipilian, ang pinakagusto ko'y ang tinapay na kulay dalandan ang palaman, 'di ko alam ang pangalan basta pineapple ang flavour ng palaman.
Nagulat ako sa sinabi ni Greg nang tinuro niya ang mamon. Sabay pa kaming napatingin ni Max sa kaniya. "Ito ang bilhin natin dahil malambot, kasing lambot ng puso ko kapag tinitigan mo ako," banat niya na ikinasalubong ng aking kilay.
"Seryoso ka?" sabi ko na walang buhay. Si Max natawa.
"Anong nakain mo Greg?" sabi pa ni Max.
Hindi ito pinansin ni Greg sa pagtanong niya sa akin.
"Hindi ba maganda ang sinabi ko?" nakuha pa niyang magtanong.
"Malamang. Obvious naman," sabi ko sa kaniya't pumasok ng bakery. Tinuro ko iyong tinapay kong napili't sinabi ko kung ilan ang bibilhin ko. "Ate, sampu nga nito," ani ko sa ginang na nagsasalin ng tinapay. Pinihit ko katawan pabalik kay Max, si Greg namimili parin. Napupuno ng ingay ang bakery dahil sa mga namimili. "Max, buko juice lang pangtulak natin," sabi ko sa kaibigan ko.
"Sige pre," sagot naman ng kaibigan ko't nagtext ulit nang makatanggap ng reply sa kausap.
"Ako ba 'di mo tatanungin kung anong gusto kong kainin?" sabi ni Greg sa akin na nakapamulsahan. Ngumiti na naman siya sa lumapit na dalang babaeng bibili din ng tinapay.
"Hindi. Mamili ka kung anong gusto mo, may pera ka namang pangbili," sabi ko kay Greg saka binalik ang atensiyon sa ginang. "Dalawang buko juice nadin ate," sabi ko sa ginang na natapos sa pagsalin ng tinapay sa plastic. Inabot ko ang tinapay at naglabas ito ng buko juice sa mahabang freezer sa gilid, sa ilalim ng malapad ng telibisyon. Binunot ko ang perang dalawang bente pesos sa aking bulsa bago binayad sa ginang.
Hawak ang dalawang buko juice dumaan ako sa kabilang malapad na pintuan ng bakery at naupo sa bilugang mesang kulay pula na sponsor ng coca cola. Si Max ay umikot sa harapan ng bakery para makalapit sa mesang kinauupuan ko. Hindi mainit sa mga mesa dahil sa lilim ng bubong, may ilan ding kumakain katulad namin sa ibang mga mesa.
"Si Greg?" sabi ko kay Max pagkaupo nito. Kumuha ito ng tinapay na isinubo nito kaagad. Sumunod ay binuksan ang kaniyang buko juice.
"Nandoon kausap iyong dalawang babae," pagbibigay alam ni Max sa akin. Hindi ko makita si Greg dahil sa kabilang daan siya kasama ang mga ahas. Kumain narin ako ng tinapay saka binuksan ang buko juice. Itinaas ko ang aking paningin sa kaibigan ko nang magtanong ito. "Hindi ka nagseselos? O naiinis?"
"Hindi," sabi ko sabay kagat sa tinapay.
"Sinungaling," ani ng kaibigan ko't pinagpatuloy ang pagnguya.
Mayroong lalaking napadaan sa amin na mukhang galing ng gym. Pinagpapawisan pa ito, basa pa ang suot na sandong grey. Makikita ang balbunin niyang mga hita't paa dahil sa may kaikliang suot na short na itim. Bumalik ito nang makilala nito ako. Hindi makapaniwala ang tingin nito sa akin habang pinagmamasdan ako.
"Ano bang kailangan mo ha? Nakatayo ka lang diyan," sita ko kay Arjo sa pananatili nitong nakatayo kalapit ng aming mesa. Nag-inom ito ng tubig sa dalang tumbler bago magsalita.
"Pasensiya naman, nabigla lang ako sa itsura mo," anito sabay nagkamot ng ulo. Hindi ko gustong isipin na nahihiya ito sa akin o kay Max. Hindi ko alam
Nagsubo ako ulit ng tinapay, nagtaka pa ako kasi dalawa na lang natira. Pinagmasdan ko si Max.
"Gutom ako pre. Wala akong kain kagabi," sabi nito kaya binalik ko ang tingin kay Arjo sa pagsasalita nito.
"Mukhang nagsimba kayo." Matapos ng sinabi nito'y mayroon pang idudugtong kaso nahihiyang ituloy, napapatingin pa ito sa malayo habang naghahanap ng magtutulak sa kaniya.
"May gusto ka pa bang sabihin? Ilabas mo na," sabi ni Max kay Arjo. Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa kanila. Inubos ko ang natitirang tinapay saka uminom ng buko juice.
"Sige na nga. Levi, puwede ba kitang yayaing magsine?" tanong nito saka nakahinga ng mabuti kasi kanina pa ito nagpipigil.
"Sine? Hindi at ayaw ko," pinale kong sagot. Napabungisngis si Max sa naging sagot ko. Binaling nalang nito ang mata sa cellphone baka tumawa pa ito lalo, mahihiya ng sobra si Arjo kapag nangyari. Wagas pa man din kung tumawa ang kaibigan ko.
"Sayang naman. Sa susunod siguro puwede na noh?" Napapamura na lang ako sa utak ko sa pinapakita ni Arjo sa akin. Ano bang gusto nitong mangyari?
"Pag-iisipan ko," ang nasabi ko na lang kay Arjo. Masakyan nga para malaman kung anong binabalak nito. Lumiwanag ang mukha nito bago nag-paalam.
"Alis na ako. Kita-kits na lang bukas," anito at kumaway-kaway pa sa paglayo nito. Pagkawala nito sa pagliko nito sa kanto'y siya ring paglapit ni Greg sa aming mesa. Mukhang katatapos niya lang makipag-usap sa mga ahas. Akala ko naman bibili siya kaya natagalan, wala siyang dala. Nagtanguan pa nga ang dalawa bilang pagbati.
"Kinausap ka ba ni Arjo?" kaagad niyang tanong pagkaupo na pagkaupo niya.
"Ah, oo. Nang-imbita na manood ng sine," tugon ko. Kaagad na sumama mukha ni Greg sa narinig mula sa akin.
"Pumayag ka naman," ang may inis niyang sabi.
"Hindi." Naging maayos na mukha niya.
"Very good." Pinatong niya ang kaniyang kamay sa mesa sabay pinaglaro ang mga daliri.
"Pero kapag inimbita niya ako ulit, magpapalibre na ako. Hindi pa ako nakakanood ng sine." Seryoso kahit isang beses 'di pa ako nakakapanood. Sumama ang tingin niya na parang tigreng mananakmal. "Bakit ganyan ka makatingin?" Galit talaga ang mukha niya.
"Anong nakikita mong dahilan kung bakit kasi 'di ko alam," aniya sa malalim na boses na may bahid ng galit.
Tumaas ang tensiyon sa paligid dahil kay Greg. Sumingit bigla itong si Max. "Hay naku! Pre, sabihin mo na kaya sa kaniya?" Nabatukan ko si Max sa sinabi nito, sabay pingot sa kaniyang taimga.
"Ano bang dapat niyang sabihin?" tanong ni Greg sa kaibigan ko.
"Wala! Bibig mo talaga Max!" ako na ang sumagot para sa kaibigan ko. Sinuntok ko ito sa braso kaya napatayo na ito habang tumatawa. Tinulak ko ang kaibigan ko para maglakad na patungo sa baybayin.
Hindi na rin tumayo si Greg para sumunod sa amin, ewan ko kung bakit. Napakibit-balikat na lang ako. Ni hindi ko siya nilingon.
"Pre, tingin ko may gusto rin sa'yo si Greg. Hindi niya lang talaga alam dahil alam mo naman pareho kayong lalaki, pagkatapos puro girls lang trip niya, tapos anak pa siya ng mayor," ang nasabi ni Max sa paglalakad namin.
"Huwag kang magpalinlang sa pinapakita niya. Ganoon na siya mula pa noon. Ang nararamdaman namin ay hindi tugma," ang mahina kong sabi kay Max. Masakit man pero iyon ang buong katotohanan na alam ko. Hindi na ako nagsinungaling at hindi ko na tinama ang sinabi nito, sa kanilang dalawa ni Ryan siya ang mas nakakapansin sa mga nararamdaman ko kahit hindi ko sinasabi.