Matuling lumipas ang ilang mga araw na hindi ko masyadong nakikita si Greg. Magkikita lang kami sa mata na walang sinasabi kapag pumupunta siya sa aming tahanan. Labis akong nag-iisip sa kung ano bang dapat kung gawin. Madalas akong nagtatanong ngunit wala akong maisip na sagot.
Nahanap ko ang aking sarili na minamaneho ang motor ni Max sakay ito patungo sa debut ng dati naming kaklase na galing sa Maynila. Umuwi ang babae para lang sa debut nito.
"Napapansin namin pabago-bago na ang isip mo ngayon," ang saad ni Ryan na nasa aking likuran. Sa kalsada ang pokus ko kaysa sa kanyang nasabi.
"Anong ibig mong sabihin?" Nakuha ko rin naman na itanong sa pagliko ko sa crossing na may shed patungo sa pier.
"Kasi pag nagkakayayaan tayo nina Max dati ang bilis mong umu-oo. Ngayon kung 'di ka pipilitin 'di ka sasama," paliwanag nito sa nangyayari sa akin.
"Tinatamad lang talaga," pagsisinungaling ko para matakpan ang katotohanan.
Hindi ko naman gustong tumanggi. Kaso nga lang sinusubukan kong iwasan si Greg. Kung sasama ako madalas sa kanila may posibilidad na naroon rin si Greg. Lalo pa't tingin ko'y mukhang magiging magkaibigan ang tatlo.
Bakit nga ba ako umiiwas? Takot ako na malaman ni Greg na gusto ko siya.
"Lumilipad na naman 'yang isip mo." Tinapik pa ako nito sa balikat. "Isa pa 'yan. Lage ka na lang ganyan. Saan na iyong Levi na maingay pa sa baboy?"
"Nag-babago ang lahat ng bagay kahit ang tao Ryan," pinaharurot ko ang motor kaya medyo sumasakit ang mata ko dahil sa hangin. Napakapit pa si Ryan sa aking balikat. Binagalan ko na lang ang pag-maneho.
"Bakit nga? May gumugulo ba isipan mo? Alam mo naman na puwede mong sabihin sa amin. Ano pa't naging kaibigan mo kami kung 'di kami makakatulong?" Naging masama akong kaibigan kasi hindi ko masabi sa kaniya samantalang si Max mukhang nahulaan na. Hindi ko kailangang sabihin sa pangalawa kong kaibigan.
"Wala naman kasi akong problema," saad ko sa paglapit namin sa bahay ng klasmeyt namin. Natatanaw ang dulo ng pier na kumorteng letrang T sa likuran ng mga mangroves. Sa aming kanan ay ang humahampas na karagatan sa sea wall. Palubog na rin ang araw sa likuran ng bundok na ilang metro ang layo pa mula sa pier matapos ang ilog.
Ramdan ko ang pagbuntong hininga ni Ryan sa aking likuran.
"Puro kami biro pero kapag seryosong bagay matino naman kami. Alam mo naman iyon diba? Dito lang kami Levi. Maiintindihan ka namin kung ano mang pagdadaanan mo. Ano pa't naging kaibigan mo kami. Hinihintay lang kita." Matapos ng sinabi niya ako'y napabuntong hininga na rin.
"Sige, kapag may problema ako," ang nasabi ko na lamang.
Wala ng sinabi ito nang nakarating kami sa bahay ng dati naming kaklase. Malakas ang tugtugan na nagmumula sa malapad na bakuran na kinalalagyan ng mga parisukat na mesa. Halos puno na ang mga lahat ng mesa ng mga bisitang naroon.
Pansin ko si Max na nakatayo sa tabi ng kalsada pagka-parada ng motor sa hilera ng mga motor sa tabi ng daan bago ang sea wall. Sabay kaming bumaba ni Ryan at tiningnan ang mga mukha namin sa side mirror ng motor. Habang ginagawa namin iyon lumapit sa amin si Max na todo sa porma.
"Todo porma kami ni Ryan. Tapos ikaw Levi, naka-short lang?" puna ni Max sa suot ko na simpleng t-shirt na tinernohan ng short.
"Ganoon talaga," ang nasabi ko kasabay ng kibit-balikat.
"Wala naman kasi siyang dapat pormahan. Tayo mayroon," ani ni Ryan na may tawa pang kasama.
"Tama ka. Hindi na niya kailangang pumorma. Mayroon na siyang Greg." Pinandilatan ko si Max dahil sa kanyang nasabi. Tinaas niya ang kanyang dalawang kamay na tila susuko sabay baba. Dugtong pa nito, "Speaking of Greg. Nakita ko siya kasama si Sebastian at 'yong magandang dilag na nakasayaw niya sa kanyang party."
Hindi ko nagustuhan ang ibinalita nito kaya nakapamulsahan ako sa pagmasid namin sa kasayahan. Mukha talagang 'di ko maiiwasan si Greg. Pumupunta siya sa bahay pero nagkukulong lang ako sa kuwarto at kung minsan umaalis ako ng bahay para 'di ko siya makita.
Umiiwas ako sa wala. Nais ko lang na gawin kahit hindi ko alam kung tama ba o mali.
Pumasok na kami sa bakuran upang maghanap ng mauupuan ngunit wala ng bakanteng mesa para sa aming tatlo. 'Di na sana ako pumunta kung ganoon lang naman. Naghanap ang dalawa ng puwedeng naming upuan habang ako'y nagpaiwan sa tabi sa likod ng isang grupo. Pumasok ang dalawa sa dagat ng mga okupadong mesa para makausap ang mga bisita kung maaring maki-upo. Ang nakita pa ng dalawa'y ang mesang kalapit ng pader na kinauupuan ni Greg kasama ang magandang babae at si Sebastian. Masama ang tingin ni Ryan kay Sebastian habang kausap ni Max si Greg. Hindi ko sila marinig sa posisyon ko at dahil sa tugtogan.
Nang mapatingin sa akin si Greg, sa malayo na ako tumingin at napadako sa gitna ng kasiyahan na pansin kong hindi pa nasisimulan.
Makikita ang inilagay na mini-stage sa harap ng bahay na may upuang kulay pink. Kahit ang mga dekorasyon at kurtina sa stage ay pink din. Pati ang lobo na hinaluan ng puting lobo.
Napansin ko pa ang kapatid ng SK chairman na nakaupo kalapit na stage kasama ang tatlong kabataan na si Arjo. Ilang mesa rin ang layo nila. Kapansin-pansin ang kasama nito na isang rakista ang pormahan.
Nakasuot si Arjo ng long sleeve polo na ang kalahating parte ay itim at ang kalahati ay puti. Sa dami ng tao sa San Martin isama pa na 'di ako matandain pagdating sa pangalan ng tao hindi ko talaga makilala ang mukhang rakista.
Sa malayo ako ulit tumingin nang mahuli ako ni Arjo na ito'y aking pinagmamasdan. Tinapik ako ni Ryan sa aking balikat pagkalingon ko sa kanya.
"Okay lang ba sa'yo na makiupo tayo kina Greg?" tanong muna nito sa pananatili naming nakatayo.
"Oo naman. Walang problema," ang sinabi ko sa kanya para hindi na ito maghinala pa. Aakto na lang ako na wala si Greg at 'di ko siya kakausapin. "Okay ba sa kanya?"
"Okay lang daw. Kahit kay Sebastian. Bantayan ko na lang ang gagong si Sebastian baka may gawing kalokohan," ang sinabi nito na nakatingin pabalik kina Greg kung saan nakaupo na rin si Max paharap kay Sebastian.
"Maupo na tayo. Napapagod na ako sa kakatayo." Ako ang nagyaya para mawala ang kanyang hinala kung mayroon man.
Nauna na akong lumakad sa gilid at naupo paharap kay Greg. Puting polo ang suot niya na bumagay sa kanyang kulay. Ngumiti sa akin ang babaeng kasama niya na nakaupo sa kanan ko kaya napatango ako na may kasamang pilit na ngiti. Hindi ko talaga tinitingnan si Greg pero pansin ko na mataman niya akong pinagmamasdan. Pagkaupo ni Ryan sa gilid na upuan binigyan niya ng warning look si Sebastian. Napataas na lang na balikat ang huli.
Wala ng nakapag-usap pa sa pagsimula ng kasiyahan. Lumabas mula sa bahay ang magandang dalaga na ang dahilan kung bakit may debut habang nagsasalita ang lalaking emcee sa mikropono. Ang makulit na si Sophia.
Pumunta ito sa may stage at naupo sa kanyang upuan na tila prinsesa dahil na rin sa magarbo nitong pink na gown. Lalo pa itong gumanda at umuwi lang ito ng San Martin para sa kanyang debut.
Ang babaeng pinagawayan namin ni Greg nang kami'y nasa elementarya. Ako kasi ang napili nito na maging kapareha sa sayaw ngunit itong si Greg ayaw pumayag na para bagang boypren siya ng babae.
"Happy birthday Sophia!" ang sabay na sigaw ng dalawa kong kaibigan. Nakilala naman ng mga ito si Sophia sa hasykul. Kumaway narin si Sophia nang mapansin kami nito. Kumaway din naman ako na lalong nagpalapad sa kanyang ngiti.
"Kuha na tayo ng pagkain. Nagugutom na ako," saad ni Max.
Nagsitayuan ang dalawa kong kaibigan para kumuha ng pagkain. Tatayo na sana ako ngunit sinabi ni Ryan hindi na ako nakatayo. Aniya, "Kukuhaan ka na lang na lang namin."
Para 'di halata na umiiwas ako kay Greg tumango na lang ako bilang pagsangayon. Matapos makaalis ang dalawa, sumunod naman si Sebastian at pansin kong kinakausap nito si Ryan habang pumipila sa mahabang mesa na kinalalagyan ng pagkain. 'Di tuloy maipinta ang mukha ng aking kaibigan. Napangiti pa nga ako sa mukha ni Ryan na tila naagawan ng kendi.
Lumingon ako sa babaeng kasama ni Greg nang kalabatin ako nito.
"Bakit?" ang tanong ko rito.
"Katness pala," anito. Nakalahad pa ang kamay nito para makipagkamay ngunit tiningnan ko lang.
"Huwag mo ng subukan makipagkilala diyan." Pakiramdam ko may ipagkahulugan si Greg sa sinabi niya. Kaya hindi ko siya tiningnan para ipakita na wala lang sa akin. Saka nabwibwisit ako na magkasama sila ng babae kaya hindi ako nakipagkamay.
"Sige. Sinusubukan ko lang. I'll excuse myself na ha. Kailangan ko ng umuwi. Papagalitan ako ni daddy," ang nasabi pa nito sabay tayo. "Bye, Greg at sa'yo Levi."
"Bye, ingat ka Katness," saad ni Greg na pinaglalaro ang daliri sa mesa. Sa akin pa nakatingin hindi sa aalis.
Umalis na nga si Katness at dahil doon naiwan akong mag-isa kasama si Greg. Sa stage na lang ako tumingin sa pagsisimula na bahain si Sophia ng mga regalo mula sa mga taong lumapit sa kanya.
Sinipa ako nang mahina ni Greg sa aking paa sa ilalim ng mesa. Hindi ko pinansin at 'di ko siya nilingon. Inulit niya ulit at umayos ako ng upo. Napaaray ako ng nilakasan niya ang pagsipa. Kaya sinamaan ko siya ng tingin. Sinipa ko rin siya nang malakas sa ilalim ng mesa.
"Aray, sakit ah." Hinahapo-hapo niya ang kanyang paang natamaan ng sipa ko. "Nakuha ko na rin ang atensiyon mo. Puwede na tayong mag-usap."
"Tigil-tigilan mo ako. Wala akong panahon makipag-biruan sa'yo," mariin kong saad.
"Hindi naman ako magbibiro." Pinatong niya ang kanyang dalawang kamay sa mesa. "Pansin kong iiniiwasan mo ako. Bakit ha?"
"Hindi kita iniiwasan," pagmamaangan-maangan ko.
"Sinungaling. Akala ko magiging magkaibigan na tayo. Hindi naman pala. Alam mo bang bata pa tayo gusto na kitang maging kaibigan kaya lang parang ayaw mo naman." Paglalahad niya na hindi ko inasahan.
"Sino bang may gustong makipagkaibigan sa'yo na walang alam kundi kalokohan, biro at pangungutya. Alam mo bang inis na inis ako sa'yo. Minsan nga naniniwala ako sa pangungutya mo na totoo ang lahat ng panglalait mo," ang mahaba kong saad na hindi kasama ang nararamdaman ko.
Tinamaan siya sa sinabi ko dahil nag-iba ang ekpresiyon sa kanyang mukha. Hindi na ako nag-aalala kung may makarinig man sa pag-uusap namin kahit ba ang atensiyon ng nakapaligid sa amin ay sa pagsisimula ng pagsayaw ng eighteen roses.
"Sorry Levi kung nasaktan kita dahil sa mga iyon. Pramis, biro lang ang mga iyon. Gusto ko lang makuha ang atensiyon mo."
Mukhang siyang seryoso ngunit hindi ko makuhang paniwalaan siya sapagkat tila isa siyang flavor ng ice cream na paiba-iba.
"Nagpapatawa ka ba? Ngayon ka pa hihingi ng sorry?"
"Bahala ka kung ayaw mong tanggapin ang paghingi ko ng patawad. So, ano nga bakit mo ba ako iniiwasan?"
"Sino ba may nagsabi sa iyo na iniiwasan kita? Sino ka naman para gawin ko iyon?" Kumunot ang kanyang noo sa sinabi ko. Sumandig ako sa upuan para marelax. Nagiging sinungaling na ako kapag kaharap ko siya.
Naputol ang pag-uusap namin ng makabalik sa mesa ang tatlo.
"Ito ang sa'yo kasi alam kong matakaw ka," ani Ryan at inilagay ang pinggan na puno ng pagkain sa aking harapan.
"Salamat pre," turan ko sa aking kaibigan.
Si Greg ay kinuhanan na rin ni Sebastian na walang sinabi matapos mailagay ang pagkain. Mukhang magkaibigan na sila talaga, ang naisip ko sa muling pagbalik ng tatlo sa pila para kumuha ng juice.
Parang buntot lang ni Ryan si Sebastian na hindi ako pinapansin. Huwag lang may gawin itong hindi maganda dahil ako talaga ang makakalaban nito. Hindi na nagsalita ang tatlo na tila may pinag-usapan sila habang nasa pila sila ng pagkain. Kumain kaming lahat na nakatingin sa pagpatuloy ng sayaw ng debutante. Kapansin-pansin ang pang-labing anim na nakipagsayaw sapagkat ito ay ang rakista na lalaki na napansin ko kanina. Bumagay sa kanya ang itim na suit kahit siya'y malayo sa normal. Nakatali ang buhok nito kaya makikita na marami ang kanyang piercings sa tainga. Kahit sa kilay at labi ay mayroon. Nakangiti ito habang nakikipagsayaw kay Sophia. Nakikita ko ang sarili ko sa kaniya.
Nang maibalik ko ang aking atensiyon sa pagkain, nahuli ko si Greg na nakatusok ang kanyang tinidor sa naiiwang lumpia sa aking pinggan. Samantalang ang pinggan niya'y wala ng laman. Inalis niya agad ang kanyang kamay sabay subo bago pa ako maka-react. Hindi ko na lang pinakabigyang pansin baka makahalata ang mga kaibigan ko na busy sa kakalaro ng kung ano habang kumakain. Maging si Sebastian ay ganoon din.
Tinapos ko na ang pagkain na siya rin namang katapusan ng pagsasayaw ng eighteen roses. Nang matapos uminom ng juice, naramdam ko ang pagkiskis ni Greg ng kanyang paa sa aking paa kaya sinamaan ko siya ng tingin. Ngumisi lang ang tarantado.
Napadako ang atensiyon ng lahat sa stage nang magsalita ang emcee. Agad akong napalunok ng laway.
"Naisip ng ating prinsesa na makipagsayaw sa dati niyang manliligaw. Para sa unang makikipag-sayaw sino ang gusto mong unahin?" tanong ng lalaki kay Sophia na bumulong na ikinalapad ng ngiti ng lalaki. Sabay sabi sa mikropono. "Nandito ba si Levi?!"
Dumagondong ang puso ko habang ang mga kaibigan ko'y nagsisigawan. Pinagtutulakan pa ako ni Max para tumayo ngunit nanatili akong nakaupo.
"Hindi ko alam na nilagawan mo si Sophia," ang naisatinig ni Greg pero 'di ko siya sinagot. Kasi magkasalubong na naman ang kilay niya.
"Si Sophia ang first crush niya, pre. Niligawan niya noong second year highschool bago ito tumulak papuntang maynila," saad ni Ryan na tila tuwang-tuwa. Lalo lang sumama ang mukha ni Greg sa mga narinig. Totoo naman iyong panliligaw, hindi iyong pagkakaroon ko ng kras kay Sophia.
Huwag mong sabihin naging crush niya rin si Sophia? Posible ding crush niya pa rin hanggang ngayon. Ito ba ang dahilan nagagalit na naman siya sa akin.
Tumayo na ako't tinungo ang stage para narin makaiwas sa masamang titig ni Greg. Nakakahiya naman kung hindi ako makipagsayaw. Nilakasan ko na ang loob ko kahit mukhang nakapang-bahay lang ako. Lalo lang naghiyawan ang mga kaibigan ko sa mesa sa paglapit ko kay Sophia na nakatayo at naghihintay.
Inilahad ko ang aking kamay sa kanya na kanyang kinuha. Sinimulan naming sumayaw sa malumanay na musika. Ipinatong niya ang kanyang dalawang kamay sa aking balikat at ang kamay ko na naman ay sa kanyang beywang. Sa totoo lang wala na rin akong nararamdaman para dito.
"May girlfriend ka ba ngayon?" ang unang tanong ni Sophia sa pagsayaw namin. Pumuputi ang ngipin niya sa pagngiti.
"Wala," ang maikli kong sagot.
"Nililigawan?"
"Wala rin."
"Sayang ka. Dapat sinagot na lang kita. Mukhang pang-boyfriend material ka na ngayon," ang natatawa nitong saad.
"Maniniwala na ba ako diyan?"
"Oo, maniwala ka." Alam ko nagbibiro lang ito. Dagdag pa nito, "Special someone, wala ka?"
Nang sinabi niya iyon hindi ko mapigilang tumingin sa mesa kung saan nakaupo si Greg na masama ang tingin. Sinundan ni Sophia ang mata ko at dagdag pa nito. "Oh my g! Huwag mong sabihing si Greg ang special someone mo?"
Napatingin ako sa mga mata niya. Sabi ko, "Hindi. Huwag kang magpatawa!"
"Asus! Levi. Alam ko ang mga ganyan." Ang daldal kaya nito kapag may sapi.
"Hindi naman talaga. Pareho kaming lalaki at 'di tama."
"Bakit? Wala namang masama roon. Though para sa iba masama. Pero there's nothing wrong talaga kung magkagusto ka kay Greg."
"'Di mangyayari 'yang sinasabi mo," saad ko para matigil na ito na kanyang pagbuntong hininga.
"May sasabihin ako sa'yo para malaman mo na may posibilad sa inyong dalawa ni Greg."
"Kulit mo naman. Wala nga. Kung magkakagusto man ako sa kanya. Sigurado 'di iyon maibabalik sa klase ng tao ni Greg."
Piningot ako ni Sophia sa tainga na ikini-aray ko.
"Makinig muna kasi. Remember yung nasa elementarya tayo na may sayaw na kailangang duo?" Tumango ako bilang sagot. "Alam mo bang kinausap ako ni Greg nang huli nating praktis. Ang sabi niya bakit ko raw pinilit ka na makipartner sa akin. Galit na galit sa akin. Sabi ko na ikaw kaya ang nag-alok sa akin na maki-partner sa akin. Tapos umalis na rin. Senyales yun, dong."
"Hindi naman. Malabo."
"Indenial ka lang talaga." Pinalo pa ako nito sa dibdib.
"Parang ayaw niyong maghiwalay ah," ang puna ng emcee na ikinitawa ng lahat.
Bumitiw na lang si Sophia at maging ako rin sabay kamot ng ulo.
"Pasensiya na, wala akong regalo. Wala nga akong balak pumunta dito kung 'di ako napilit ni Ryan," ang sabi ko.
"Ano ka ba? Okay lang 'yan. Kiss mo na lang ako sa pisngi para makabawi."
Wala naman sa akin kaya hinalikan ko na rin siya sa pisngi na naging hudyat para sa lahat na magpalakpakan na naman. Pansin ko ang malapad na ngiti ng kapatid ni Arjo bago ako bumalik sa aming mesa. Nakangising aso ang dalawa kong kaibigan maging si Sebastian. Samantalang si Greg ay masama ang tingin sa akin.
"Lagot ka," ang nasabi ni Max.
"Ano na naman?" untag ko kasi ipinagtaka ko na naman ang kanyang nasabi. Hindi niya ako sinagot.
Hindi pa nga ako nakakaupo nang hawakan ako ni Greg sa aking pulsuhan sabay hila papaalis ng kasiyahan hanggang sa kalsada. May kadiliman na ang gabi kaya 'di ko makita ang mukha ni Greg. Tumigil lang kami malapit sa may poste ng ilaw. Sinubukan kong kunin ang kamay ko pero ayaw niya akong bitiwan sa sobrang higpit.
Humarap siya sa akin at tinulak ako sa dibdib hanggang sa pader. Pinatong niya ang kanyang dalawang kamay sa pader kalapit ng aking ulo kaya tila hinarangan na naman akong makaalis. Mariin niya akong pinagmasdan.
"Gusto mo pa rin si Sophia?" Natamimi ako dahil sa titig niya. Bigla akong natakot sa kanyang galit. "Sumagot ka kung tinatanong kita."
"Hindi na. Kras lang iyon," pagsisinungaling ko. Sa gilid ako tumingin sapagkat 'di ko na kayang tingnan siya sa mata.
"Good. Sinabi niya ba sa'yo na kinausap ko siya dahil lang sa lentek na sayawan?" Tumango ako. "Lilinawin ko lang baka may kung ano siyang dinagdag. Alam mo bang bata pa ako alam ko na ang gusto ko. Kaya galit na galit ako dahil siya pinili mong makapartner. Samantalang tayo ang dapat magkapareha. Puwede nating sayawin ang manglalatik. Pero mas pinili mo si Sophia diba? Alam mo bang simula nun sabi ko nalang kina mama. Lilipat na lang ako ng skul since yung tao namang gusto kong maging malapit sa akin. Gusto kong maging kaibigan ay ayaw naman sa akin."
"Huwag mong sabihin sa akin na ako ang rason. Stupido lang ang nag-iisip ng ganoon."
Hindi ko na talaga siya tiningnan pa sa mata na napuna naman niya.
"Tumingin ka sa akin. Bakit takot ka na ba sa akin ngayon?" Nilaliman niya ang kanyang boses.
"Bakit naman ako matatakot sa'yo? Dapat bang may katakutan?" Tiningnan ko siya ulit para pagtakpan na natatakot talaga ako.
Natatakot ako baka may mangyari sa amin na 'di maganda at dapat 'di ko na lang ginawa na pagmasdan siya ulit. Nagbanggan ang tongke ng ilong namin dahil sa lapit ng kanyang mukha. Kaya napalunok ako ng laway.
"Tama lang na 'wag kang matakot. Balik tayo sa ating pinag-uusapan. Maniwala kang ikaw ang dahilan kahit tanungin mo pa sina daddy."
"Wala sa plano ko na paniwalaan ka." Nagkasalubong ang kilay niya sa aking sinabi. Kinuwelyuhan pa ako kaya nainis na rin ako. Tinulak ko na siya para maglayo ang mga mukha namin.
"Bakit mahirap sa'yo na paniwalaan ako?" sigaw niya.
"Nagtanong ka pa? Bakit 'di mo tanungin sa sarili mo yan? Paano ko papaniwalaan ang tulad mo kung 'di ko malaman kung ano bang gusto mong mangyari!" ang sigaw ko rin pabalik. Sumiklab na naman ang galit sa kanyang mukha tulad ng apoy.
"Sinabi ko na nga sa'yo kung ano ang gusto kong mangyari. Hindi ko na alam kung nagtatangahan ka o sadyang bobo ka!" Sa sinabi niya lalo akong nagalit.
"Yan! Yang ugali mo na yan kaya 'di tayo magiging magkaibigan! Nilalait mo na na naman ako. Alam ko namang bobo ako kaya di mo na kailangang sabihin."
"Ano ba?! Sinabi ko lang na kung bakit 'di mo ako maintindihan. Bahala ka na nga! Ang hirap mong ispelingin!"
At matapos ng kanyang sinabi tinalikuran na niya ako't lumakad na papalayo na may malalaking hakbang. Ako naman sa sobrang kabwisitan pinagsisipa ko ang d**o sa gilid ng kalasada.
"Ang hirap ng love no? Hindi mo alam kung pag-ibig nga ba talaga o hindi," ani Ryan.
"Yap, kaya nga ayaw kung magkagusto muna ngayon," dagdag ni Max.
Anong pinagsasabi ng mga gagong ito?
Nilingon ko ang dalawa na magkaakbay. Sinamaan ko na naman silang dalawa ng tingin. Lumakad na rin ako pauwi na walang lingon sa dalawa. Hindi pa ako nakakalayo sa pinagdadausan ng kasihayan nang marinig ko ang pag-aaway mula sa isang kanto.
Dali-dali akong naglakad para makalapit. Ang nadatnan ko ay pagsuntok ng alipores ni Sebastian kay Greg na hindi man lang umilag kaya napaluhod sa kalsada. Ang isang kasama nito'y aakmang sundan ng suntok ang nakaluhod na si Greg.
"Hoy! Anong ginagawa niyo ha?!" sigaw ko agad na ikinatigil ng dalawa.
Tumakbo ang mga ito papalayo nang makilala nila ako. Hindi ko sana lalapitan si Greg kaso nang makita ko ang mukha niyang putok ang labi napahakbang narin ako. Hinawakan ko siya sa braso pero inalis niya ang kamay ko.
"Huwag mo akong hawakan!" sigaw niya sa akin.
Pinandilatan ko siya ng mata sa kanyang pag-upo sa daan na tila walang balak tumayo.
"Ikaw na nga ang tutulungan! Ikaw pa ang may ganang magalit!"
"Sinabi ko ba sa'yong tulungan mo ako?! Ha!" Sasakit ang tainga ko kasisigaw niya.
"Bahala kang gago ka!"
Sinipa ko pa s'ya sa hita na agad niya ring kina-aray at sinamaan ako ng tingin. Iniwan ko siyang nakaupo parin.
Napatigil ako nang sabihin niya ang pinakamalalang salitang nanggaling sa bibig niya. Mas mabigat pa sa mga panglalait.
"'Di ka na puwedeng lumapit sa akin. Kung posible hindi ko na gustong makita ang pagmumukha mo. Huwag na huwag kang lalapit dahil pagsisihan mo kung gagawin mo."
Hindi ko siya nilingon dahil 'di ko gustong ipakita sa kanya na naapektuhan ako ng mga salita niya.
Muli akong naglakad. Palakad-lakad na parang baliw. Walang direksiyon dahil ayaw ko pang umuwi!
Ang totoo parang nabagsakan ako ng mundo. Sobrang bigat. Sobrang sakit. Mas mabuti nga na ganoon ang sinabi niya habang maaga pa. Kaysa saan pa mapunta ang nararamdaman ko sa kaniya. Mabuti nga sigurong mag-move on na talaga.
Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad at sumakay na lang ako ng daanan ako ng mga kaibigan ko dala ang motor. Wala narin silang sinabi at mas minabuting tumahimik na lang.