Ang inaabangan ko sa kanto ay si Sebastian kalapit sa bahay nito. Hindi si Greg. Sa lahat ba naman ng puwede kong makita ng araw na iyon bakit siya pa. Ang mas nakakainis pa kasama pa niya si Katness na kung makalingkis sa braso niya ay parang sawa. Si Greg naman ay tuwang-tuwa na ngingiti-ngiti pa. Kumukulo ang dugo ko sa nakikita ko. Humugot ako nang malalim na hininga para mag-relax at upang hindi mahalata ni Greg na dadaan sa harapan ko. Pansin ko ang pamumula ng gilid ng kanyang labi na nasuntok.
"Magandang hapon, Levi! May hinihintay ka?" magiliw na bati ni Katness. Samantalang si Greg ay blangko ang mukha na mataman akong pinagmamasdan. Napatigil sila sa paglalakad dahil sa sinabi nito.
"Meron," ang simple kong sagot. Lumingon ako sa kanan baka paparating na si Sebastian at baka tumakbo kapag nakita ako.
Napatingin ako pabalik kay Katness sa sumunod na sinabi nito. "Nililigawan?"
"Parang ganoon na nga." Ewan ko ba't ganoon ang nasabi ko. Sinamaan tuloy ako ng tingin ni Greg.
"Umalis na tayo. Naaabalidbaran ako sa mga maiitim. Baka lumipat sa akin ang kulay," sabi ni Greg bago sila muling maglakad. Naglaban ang aming mga mata ng masasamang tingin. Kinumyos ko na din ang kamao ko para makapagpigil.
"Good luck, Levi," ani ni Katness sa paglalakad nila papalayo.
Pinukolan ako ng huling masamang tingin ni Greg at hindi na siya lumingon pa. Hindi ko na rin sila tiningnan pa upang magpatuloy sa paghintay at sinuksok ang aking kamay sa bulsa ng aking short.
Ilang minuto pa ang lumipas at pakiramdam ko 'di dadaan si Sebastian kaya lumakad na rin ako sabay liko sa kanto.
Ang buong akala ko hindi ko siya makakasalubong sa paglalakad ko patungo sa dalampasigan. Ngunit naroon ito na naglalakad at hindi nakatingin sa kanyang daraanan hawak ang cellphone.
"Mag-usap nga tayo Sebastian," mariin kong saad sa kanya. Huminto siya sa paglalakad at matagal pa ito bago makasagot na tila naghahanap pa ng sasabihin.
"Ano ang pag-uusapan natin?" nakuha nitong itanong. Dagdag pa nito, "Sana naman ay hindi tungkol kay Ryan."
"At ano naman ang ginawa mo sa kaibigan ko ha?!" singhal ko sa kanya.
"Wala. So, hindi tungkol kay Ryan?"
"Hindi. Tungkol kay Greg."
"Bakit ako ang kinakausap mo patungkol sa kanya? 'Di ba dapat siya ang kausapin mo. At hindi ako." Pinindot-pindot na naman nito ang kanyang cellphone.
"'Di s'ya ang dapat kausapin ko kung ang mga alipores mo ang nagbalak na bugbogin siya. Mabuti na lang dumating ako. Inutusan mo sila? Diba?"
Ngunit imbis na sagutin nito ang tanong ko. Ani nito, "Saan nanggagaling 'yang pagka-concern mo sa kanya? Hindi naman kayo magkaibigan sa pagkakaalam ko."
Pumasok sa isipan ko ang nasabi niya. Napatigil ako't nag-isip.
"Hindi ko lang gusto na ang mga alipores mo ay may pinagtritripan."
"Iyon nga ba ang dahilan? O may iba pa?" untag nito na may nakakalokong ngiti sa labi.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ko rito dahil hindi ko naman maunawaan.
Humakbang ito papalapit sa akin at hinawakan ako sa braso. Bulong pa nito, "Huwag kang mag-aalala kakausapin ko ang mga tarantado na iyon. Wala akong inutos sa kanila. Saka hindi ko puwedeng ipabugbog ang taong nagkaroon kami ng usapan. Tandaan mo kung ang pagkakilala mo sa akin ay tarantado. Palabas lang ang mga iyon. May gusto lang akong makuha. Saka itatago ko ang sikreto mo."
Hindi ko makuha kung anong ibig niyang sabihing sikreto. Pinisil pa nito ang balikat ko at tuluyan ng naglakad. Kumakaway-kaway pa ito. Ang dami nitong sinabi kaya lalo akong naguluhan.
"Hoy! Anong naging usapan niyo ni Greg?" ang sigaw ko.
"Siya ang tanungin mo. Wala ako sa posisyon para sagutin ang katanungan mo kahit na kasama ka sa naging usapan namin," ani nito sa paglalakad paatras na kinakaway ang kamay.
Matapos ang pag-uusap namin lumakad na rin ako. Hindi mawaglit sa isipan ko ang sinabi ni Sebastian na naging usapan nila ni Greg. Iniisip ko pa rin kung ano kahit sa aking paglalakad hanggang makarating sa baywalk.
Maganda ang ambience ng hapon na iyon dahil sa papalubog na araw. Ngunit hindi nabigyan ng halaga dahil sa dalawang tao na nakaupo sa bilugang mesa kalapit ng mini-cafe na nakatayo bago mag-sea wall. Doon pala ang punta nilang dalawa at nasa date sila sa tingin ko.
Ano pa ang gagawin nila sa baywalk? Wala ng iba kundi date katulad ng ibang nakikita ko na naroon.
Umiinit ang tainga ko sa nakikita kong nakikipagdate si Greg kay Katness. Kumukulo rin ang dugo ko dahil may pabulong-bulong pang nalalaman. Pagkatapos naalala ko ang sinabi ni Sebastian. Binilisan ko ang paglalakad ko papalapit sa kanilang mesa. Wala man lang pakialam si Greg na naroon ako't manggugulo. Wala talaga siyang pakialam kasi sige parin sila sa pag-uusap kahit na nakatayo na ako sa kanilang harapan.
Mukhang totohanan na hindi na niya ako gustong makita pa.
Dinamba ko ang kamay ko sa mesa sa inis kaya napatili ng pagkalakas si Katness at umarteng napapakapit pa sa braso ni Greg. Uminit ang ulo ko para sa babae. Nagsisimula na akong mainis sa kaartehan nito. Masarap tirisin katulad sa isang kuto. Tama kuto kasi kung makadikit iminumodmod na ang mukha sa anit ni Greg. Idagdag pa na mataman lang akong pinagmamasdan ni Greg.
"May kailangan ka ba?" tanong niya.
"Mabuti pang dalawa lang tayong mag-usap," saad ko na nilalaro ang daliri. Tahimik lang si Katness na tila biglang natakot sa akin.
"Dito na lang. Bakit kailangang tayong dalawa lang? Sabihin mo na siguradong kapag nanggaling sa iyo. Hindi iyan importante. Baka nakakalimutan mo ang sinabi ko sa'yo na 'di ko gustong nakikita ang pagmumukha mo."
Pumutok na naman ang bulkan sa sarili ko dahil sa sinabi niya. Pagsusupladohan at hindi naman ako pakikitunguhan ng maganda. Bumabawi na naman ba siya? Akala ko ba sabi niya gusto niya lang makuha ang loob ko. Pero ng mga oras na iyon pakiramdam ko hindi. Pakiramdam ko ayaw niya talaga sa akin kaya nga nasasaktan ako. Tila tinutusok ako ng punyal sa aking dibdib.
Hindi na ako nakapagpigil kaya hinawakan ko na siya sa kuwelyo at itinayo. Sabi ko pa, "Akala mo naman gustong makita ang mukha mo? Para sabihin ko sa'yo kung ayaw mong makita ako. Mas lalong 'di ko gusto na makita ka. Itong tandaan mo kung ano man ang napagusapan niyo ni Sebastian huwag mo akong idadamay. Kung may balak kayo huwag niyo ng ituloy. Dahil kong hindi ako na mismo ang bubugbog sa iyo. Tandaan mo iyan. Kahit anak ka pa ng mayor! At inaanak ka ng tatay ko!"
Pinandilatan ko siya bago ko siya binitiwan. Iniwan ko na sila at lumakad na ako. Plano ko sanang tumambay sa baywalk ngunit nagbago na ang isip ko kaya sa peryahan na lang ako pupunta. Subalit hindi ako nakapagpatuloy dahil may tumatawag sa akin.
"Levi! Teka lang!" sigaw ng isang lalaki.
Pagkalingon ko papalapit na sa akin ang tumawag na si Arjo. Nakaguhit sa kanyang mga labi ang simpleng ngiti. Pero nagpatuloy ako sa paglalakad. Hinabol ako nito't hinawakan sa balikat.
"Huwag mo akong hahawakan," ang matigas kong saad hanggang tinanggal ang kamay nito. Hinarap ko na rin ito kahit nasa gitna kami ng daan. Dahil 'di nito ako hahabulin kung wala itong kailangan.
"Mukhang mainit na naman ang ulo natin ah," ngingiti-ngiti nitong saad kaya dumagdag lang sa init ng ulo ko.
"Alam mo pala kaya huwag mo akong kausapin baka sa'yo ko pa maibunton."
"Chill lang brad. Gusto lang kitang imbitahan mag-meryenda for the old time sake since ayaw mo naman sa sine." Kumamot ito ng ulo kaya na-display ang kanyang kili-kili na may manipis na buhok sapagkat sando lang ang kanyang suot na pinarisan ng short.
"Bakit gusto mo naman akong imbitahan? Hindi naman kita kilala. Maliban sa kapatid ka ni chairman. Old time? Wala akong maalala na nagkita tayo dati pa o naging magkaklase."
"Nakalimutan mo talaga ako, ano?"
Lumapad pa ang ngiti nito. Pinagmasdan ko ito nang maigi kung kilala ko ba talaga siya. Dahil iyon ang nais nitong iparating sa akin. Pinakunot ko na ang noo ko. Wala akong makuha sa ala-ala ko. Kaya ang aking sinabi, "May dapat ba akong alalahanin?"
"Siyempre. Isipin mo ngayon na maitim ako, may brace, nakasalaming makapal at korteng bao ang gupit. Mataba." Ngumisi pa talaga ito at inilabas ang kanyang mapuputing ngipin. "Tapos isipin mo limang taon gulang na ako."
Sinubukan ko ngang buoin ang imahe ang batang sinasabi nito. Pagkatapos meron akong naalala na agad. Nasuntok ko pa ito sa braso na kanyang ikina-aray. Tumawa naman ako na parang hindi uminit ang ulo ko kani-kanina lang. Isa sa mga kalaro ko rin dati bago pa ako guluhin ni Greg.
"Ikaw pala 'yun Arjo. Laki ng pinagbago mo ah," ang nasabi ko pa habang hinahapo nito ang kanyang braso na sinuntok ko. Pinagmasdan ko pa ito mulo ulo hanggang paa. Ako lang ata ang hindi nag-babago ang itsura.
"Ang slow mo talaga kahit kailan." Natatawa nitong saad.
"Bakit 'di ka na lang kasi nagpakilala kaagad? Pero ang laki ng nabago sa'yo ng siyudad ah."
"Alam ko brad. Ibig sabihin n'yan puwede na kitang yayain magmeryenda." Sumilay naman ang matamis na ngiti sa kanyang labi.
"Siyempre. Basta 'yung masarap. Mapera ka naman."
"Loko. Tara," pag-yaya nito.
Pinigilan ko ito sa balikat sa balak nitong paglalakad pabalik sa baywalk. "Sa iba na lang tayo. Sa halo-halo nalang."
Iniliko nito ang kanyang katawan. "Bakit ayaw mo? Dito naman si Greg." Nakaturo pa ang hinlalaki nito sa kinauupuan ni Greg na masama ang tingin sa akin. "Ah gets ko na. Hindi pala kayo magkasundo."
"Oo, kaya 'wag ka ng magtanong. Tara nagugutom na ako." Natuwa pa ito sa sinabi ko kaya nailing na lamang ako.
Tahimik si Arjo sa paglalakad namin. Wala itong sinasabi subalit ang ngiti nito sa labi ay 'di natanggal na para sa akin ay weird. Noong bata pa kami hindi ito ngumingiti. Lahat nga talaga siguro nagbabago. Sa akin lang hindi.
Nang mga oras na iyon sigurado na ako na ang mga sinabi ni Greg na gusto niya akong maging kaibigan ay palabas lamang. Dapat talaga hindi ako naniwala dahil siya si Greg. Ang taong hindi ko malaman kung anong takbo ng utak. Mas mabuti pa si Arjo, simple pero mabait.
Nasabi ko pa nga sa aking sarili kung bakit ko sila kinikumpara. Hindi ko alam ang dahilan. Basta na lang sumagi sa utak ko.
Hindi na rin nagtagal nakarating kami sa nagtitinda ng halo-halo na nasa ibaba ng munisipyong nakatayo sa burol at sa bukana ng children's playground.
"Diyan na lang tayo uupo sa playground. Antayin mo na lang ako sa loob. Ako na ang bibili ng halo-halo," suhestiyon nito sa akin. Tumango ako rito bilang sagot.
Pumasok ako sa loob at naupo sa bench na kahoy. Nakikita ko pa rin ang malapad na ngiti ni Arjo sa pagbili nito ng halo-halo. Tumango ito ng tanungin ng tindera sa likod ng cart. Tumingin pa si Arjo sa akin at lalong pinalapad ang ngiti. Kakaiba ang pakiramdam ko sa ngiti nito.
Ibinaling ko na lang ang paningin ko slide. Pagkatapos may naalala naman ako nang bata pa kami ni Greg.
Naalala ko pa noong bagong gawa palang ang slide na may parang bahay sa taas, hinabol ako ni Greg kasi nilagyan ko ng palaka ang loob ng short niya. Tumakbo ako at nagtago sa tila bahay na tawa nang tawa kasi nga naisahan ko si Greg. Ngunit nagkamali ako kasi nahanap niya ako agad. Hindi ako nakatakbo kasi pagkatayo ko nauntog ako sa pagpasok ni Greg. Wala siyang sinayang na oras sabay sakay sa aking tiyan. Wala lang sa akin ang pagkauntog at pagsakay niya sa akin. Ang hindi ko nagustuhan ay pagsuksok niya ng kamay sa suot kong short at hinawakan ang masilang bahagi ng aking katawan nang matagal na may ngisi sa kanyang labi. Hindi ako gumalaw kasi kapag gumagalaw ako hinihigpitan niya ang pagkahawak. Masasaktan ang ari ko at mababasag ang itlog kapag sinubukan kong umalis. Takot akong mabasagan nang bata pa ako.
Hindi ko naman maiwasang mangiti sa ala-alang iyon. Kahit noong bata pa talaga kami pilyo na si Greg.
Naputol ang pananariwa ko nang makita ko ang baso ng halo-halo sa aking harapan. Inabot ko agad bago pa mangalay ang nanlibreng si Arjo. Ang sabi ko pa, "Maraming salamat."
Naupo na rin ito katabi ko. "Walang ano man Levi. Basta ikaw." Sinaksak ko na ang halo-halo ng hawak kong kutsara. Inisip ko na si Greg ang halo-halo at ako ang kutsara kaya binilisan ko pa lalo ang pagsaksak. Natatapon na ang ibang yelo. "Dahan-dahan naman."
Napatigil ako hindi dahil sa pagpuna ni Arjo kundi dahil sa naisip kong malaswa. Binagalan ko na lang. At nang matimpla sumubo ako kaagad.
"Sarap ah. Lasang yelo." Ang totoo walang lasa kasi hindi ko pa nahahalo ang asukal. Natawa pa itong si Arjo. Sumubo ako ulit ng matapos ko ng halo kaya nga siguro halo-halo ang pangalan. Kailangang i-halo nang i-halo.
"Kay lalim ng iniisip mo kanina a." Nakagat ko ang kutsara sa kanyang sinabi. Pinagmasdan ko ang mukha nito na nakatingin sa malayo at kumakain ng halo-halo. Nakakabigla pa ang dinugtong nito. "Si Greg ba?"
"Ha? Paano mo nasabing si Greg?" tanong ko dito sa pagpapatuloy na kainin ang malamig na halo-halo.
"Hula ko lang."
"Hindi ah." Napabuntong hininga ako sa aking pagsisinungaling.
"Kahit hindi mo naman sabihin alam ko si Greg." Dinipa nito ang kanyang kamay sa sandigan habang nakatagilid at pinagmamasdan ako. Nagkibit-balikat nalang ako. Napabuntong hininga na lang ito. "Bakit hanggang ngayon 'di parin kayo magkaibigan? Diba magkaibigan naman ang mga magulang niyo?"
"Ewan ko ba kung bakit. Ang alam ko lang paibaiba ang takbo ng isip niya kaya hindi talaga." Dinura ko pa ang medyo bilog na yelo sa bermuda grass.
Naubos ko na ang halo-halo. Tumayo ako para isauli ang baso. Sumunod lang si Arjo sa akin kahit ng maiabot ko sa tindera ang baso. Ganoon din ang ginawa nito at muli kaming naglakad.
"Pero gusto mo rin na maging malapit sa kanya?" tanong nito. Hindi ko siya maintindihan kung bakit siya tanong nang tanong. Kaya kibit-balikat na lang ginawa ko sapagkat hindi ko rin alam ang gusto kong mangyari sa pagitan namin ni Greg, gusto ko na ngang makalimutan ang lahat. "May sasabihin ako sa'yo Levi. Matagal ko na itong itinatago. Mula ng magkaisip ako't nalaman ko kung ano ito wala na akong ibang maisip kundi ikaw. Naging mas positibo pa ako ng makita kita sa court."
Napahinto ako sa paglalakad. Hinarap nito ako. Nang makita ko si Greg na kakalabas lang mula sa isang kanto sa likuran ni Arjo, napalunok ako ng laway.
"Ano ba iyon?" untag ko. Huminto si Greg sa paglalakad at inobserbahan kami ni Arjo base sa pagkasalubong ng kanyang kilay.
"Magpramis ka muna na 'di ka magagalit sa akin."
"Okay pramis. Kahit 'di ko maunawaan kung anong gusto mong sabihin."
"Nangangako akong susubukan kong kunin ang lahat ng atensiyon mo mula kay Greg."
"Nagigig weird ka na Arjo. Sabihin na." Hindi pa rin umaalis si Greg sa kanyang kinatatayuan. Sinundan niya kami dahil nandoon siya.
"Lalayo muna ako sa'yo ng ilang hakbang baka suntukin mo ako kapag sinabi ko." Ginawa nga nito na humakbang patalikod hanggang sa hindi ko na maabot. Tumaas-baba ang balikat nito sa paghugot ng hininga. Hindi tumagal sinabi na nito ang nais sabihin. "Gusto kita Levi."
Nabingi ata ako o mali ang pagkarinig ko. Si Arjo may gusto sa akin? Ibig sabihin ba niyon bading din siya. Hindi naman kapanipaniwala. Napansin ko pa ang pagkunot ng noo ni Greg.
"Seryoso ka?" Nakuha ko parin na itanong kahit nabigla. Nilingon ko ang paligid para malaman kung may mga tao. Mabuti na lang wala. Si Greg lang ang nakarinig. Binalik ko ulit ang tingin ko dito sa pagsagot nito sa aking tanong.
"Oo, magtatapat ba ako kung hindi seryoso. Huwag kang mag-aalala hindi mo naman kailangang ibalik agad. Makakapaghihintay ako." Lumakad na ito papalayo at may pahabol pa. '"Sa sunod na lang."
Tuluyan itong lumiko sa kanto kung saan nakatayo si Greg. Hindi man lang natakot si Arjo kay Greg. Ngumiti pa nga ito.
Pero ako natakot sa tingin ni Greg na kay sama. Kaya umalis na rin ako't naglalakad. Hindi talaga ako makapaniwala sa pagtatapat ni Arjo. Gustuhin din naman pala ako. Pero hindi ko pa rin lubos maisip na may nagtapat sa akin. Ang nakakaba pa ay narinig pa ni Greg. Napapamura ako sa isipan. Kaya nang may madaanang tindahang bumibinta ng ice cream. Bumili na ako para pangpalamig at para malusaw ang sinabi ni Arjo.
"Manang isa nga," saad ko nang makatayo sa counter.
"Flavor?" ani ng tindera habang itinatali ang buhok.
"Mangoe." Tumalima agad ang tindera. Bumunot ako ng pangbayad mula sa bulsa at nilapag sa counter. Natapos ang pagprepare ng ice cream sa loob ng ilang minuto. Inabot ni manang ang isang apa ng ice cream. Saad ko, "Maraming salamat."
Muli akong humakbang na lutang ang isipan habang dinidilaan ang ice cream. Nasa gilid ako ng kalsada naglalakad na nakatitig sa lupa. Napahinto ako ng mapansin ko ang isang paa at napatingala ako sa nakatayong si Greg. Mataman lang niya akong pinagmamasdan. Kumabog ang dibdib ko kaya napaatras ako. Pero humahakbang naman siya paharap. Pinakunot ko ang noo ko at siya naman ay pinandilatan ako. Humakbang ako patagilid sa kaliwa at sinusundan niya ako. Sa kanan ulit ako humakbang ganoon din siya.
Pagkatapos kinuha niya ang hindi pa nangangalahating ice cream sa aking kamay sabay dila. Hindi man lang nag-alala na nadikitan na ng dila ko iyon. Sarap na sarap siya sa pagdila sa ice cream habang ako'y napapalunok ng laway.
"Ice cream ko kaya 'yan ha!" bulyaw ko sa kanya. Pinakrus ko pa ang kamay ko. Sabi niya 'di puwedeng lapitan pagkatapos siya naman ang lumalapit. Baliktad talaga ang takbo ng atay niya.
"Bayad mo ito sa paglapit sa akin," saad niya at sige parin sa pagdila sa ice cream samantalang ako naiwang naglalaway.
"'Di kita maintindihang gago ka. Ikaw kaya ang lumapit sa akin."
"Mali. Ikaw ang lumapit sa akin. Nakatayo lang ako dito." Wala na ang ice cream. Kinagat na niya ang apa.
"Huwag mo akong pinagloloko. Ako pa ang sinasabihan na hindi maintindihan samantalang ikaw ang magulo sa ating dalawa."
Umiwas ako sa kanya at lumakad papalayo. Kakapainit talaga ng ulo ang baliw. Sinusundan niya ako alam ko.
"May admirer ka na pala ngayon ah," sabi niya na nakabuntot pa rin sa akin.
"Pakialam mo. Kayo nga ni Katness 'di ko pinapakailaman."
"Bakit selos ka?"
Lumiko ako sa kanto kung saan nakatayo ang computer shop na puno ng mga customer. Bulyaw ko sa kanya, "Nagpapatawa ka ba? Selos? May sapi ka nga talaga Gregory Fondevilla."
"Huwag mo akong tawagin sa buong pangalan ko ang pangit kapag galing sa'yo." Sa lahat ba naman ng puwede iyon pa talaga. Iniinis niya talaga ako. Pahabol pa niya, "Huwag kang mag-aalala binibigyan kita ng karapatan para magselos."
Tumawa pa talaga.
"Ewan ko sa'yo!" sigaw ko sa kanya.
Diretso ako tawid sa lansangan at hindi ko namalayan ang kotseng paparating. Tumalon ang espiritu sa katawan ko sa lakas ng busina. May humawak sa pulsuhan ko at hinila ako pabalik sa tabi ng lansangan bago pa ako mabundol. Tila huminto na naman ang oras at may naririnig akong maliliit na kampana. Bumangga ako sa dibdib ni Greg. Ang isang kamay niya'y nasa beywang ko samantalang ang mga kamay ko ay nasa pagitan ng aming mga dibdib. Humigpit pa lalo ang kapit sa akin ni Greg sa paglayo ng sasakyan na parang napadaan lang.
Ang mga mata ni Greg ay pinakatitigan ako. Idagdag pa na ibinaba niya ang kanyang ulo na para bagang hahalikan niya ako.
Nang malapit na ang mukha niya sa mukha ko, tila nabuhusan siya ng tubig. Agad niya akong binitiwan sabay tulak. Lalakad na sana ako ngunit hinawakan ako ni Greg sa braso at muling hinarap sa kanya.
"Tatanungin kita ulit dahil hindi mo ako sinagot nang una kitang tinanong. Mas type mo ang lalaking iyon ha?" Humihigpit ang hawak niya sa braso ko.
"Nasa tamang pag-iisip ka ba para magtanong ka ng ganyan?" sarkastiko kong saad.
"Kung wala ako sa tamang pag-iisip mas grabe ang gagawin ko sa'yo. Hindi na kita kailangang kausapin." Inilapit niya ang labi sa tainga ko. "Gagawin ko sa'yo ang bagay na gusto kong gawin dati pa."
Tinulak ko siya at mabuti na rin na hindi siya nagpapigil.
"Gusto mong malaman ha?" untag ko.
"Sinabi ko sa iyo. Hindi ba?"
"Okay! Kung magiging bading ako mas okay pa si Arjo kaysa sa iyo! Iyan ang gusto mo hindi ba? Masaya ka na?" singhal ko sa kanya dahil sa inis. Masakit pala kapag nanggaling sa kanya ang isipin na ganoon kahit totoo namang ganoon ako.
"Pagsisihan mo ang sinabi mo," ang galit niyang saad at hinawakan ulit ako ng mahigpit sa braso.
Tila lalamunin ako ng buo ng mga mata niya. Inalis ko ang kamay niya at ako ang lumayo ng paglalakad.
Hindi ko talaga siya maintindihan.