Chapter 2
“Sigurado ka ba, Hija?”
May pagdududa at alanganin ang mga tinging ibinibigay sa akin ni Tita Mimi, ang Mama ni Mitz, nang ipaalam n’ya na ako ang nirerekomenda n’ya para maging yaya ng apo ng anak ng dating amo nito. According to Mitz ay mayaman ang mga magiging amo ko at mababait ang mag-asawang Yu pati na rin ang mga anak nito. Iniisip siguro nito na hindi ako seryoso dahil bukod sa hindi ko naman kailangan magtrabaho ay hindi madali ang pagiging yaya kaya akala siguro nito ay hindi ko kakayanin.
“Mama, mahilig sa bata si Kira tapos nurse pa ‘yan. Tsaka siguradong kayang-kaya n’yang alagaan ‘yong apo ni Sir Dave. Isa pa, Mama, kayang-kaya rin ni Kira na makisama sa mga ‘yon dahil hindi naman nalalayo ang buhay nila sa mayayamang 'yon kaya siguradong kakayanin n'ya ang-”
“Iyon na nga ang inaalala ko, Mitz. Baka may masabi sina Engineer sa akin kapag hinayaan kong magtrabaho si Kira bilang yaya. Hindi naman n’ya kailangan at-”
“Please po, Tita. Hindi po magiging problema kina Daddy. Hindi naman po sila nakikialam sa mga desisyon ko at isa pa po… I have my… reasons that’s why I want to divert my attention to something else,” paliwanag ko. Nakita ko ang pagsinghap ni Mitz habang nilalapitan ang Mama n’ya at tinutulungan akong kumbinsihin ito. Unang beses ko pa lang marinig ang alok ni Mitz ay alam ko na sa sarili ko na gusto ko at sigurado na ako sa desisyon kong pasukin ang trabahong 'yon. If that would be the only way to divert my attention into something else, mas maganda at mas talaga ngang kailangan kong gawin ito. Isa pa, nahihirapan na talaga ako at nadedepress sa kakaisip sa nangyari. I cannot totally let go of my bitterness. Mukhang kailangan ko na talagang seryosohin ang bagay na ito dahil kung sakaling lalabas na ang resulta ng board exams at pasado ako, I would really have to concentrate and focus on my job. Hindi naman pwedeng hanggang sa pagtatrabaho ko bilang isang registered nurse ay dala-dala ko pa rin ang pagiging brokenhearted ko! That would be some kind of disarter on my part kapag nagkataon! Kaya as much as possible, gawan ko na ng paraan ito ngayon para ma-settle na ang isip ko at tuluyan ko ng mai-let go ang nakaraan. I really wanted to start a fresh and clear path. And to be able to do that, I need to clear up my mind and settle everything to get back on track. At ang pagtatrabaho ko bilang isang yaya ay malaki ang magiging tulong para maisakatuparan ko 'yon. That's why I need to get this job by any means. Dahil sa ngayon ay wala ng ibang mas mahalaga pa sa akin kung hindi ang mental health ko!
“Sigurado ka ba talaga, anak?” tanong n’ya pa sa akin habang alanganin pa rin ang mga tingin sa akin. Ngumiti ako at sunod-sunod na tumango.
“Siguradong sigurado po, Tita. ‘Wag po kayong mag-alala, hindi po kayo mapapahiya sa akin. Promise po,” pamimilit ko pa habang nilalapitan na rin s’ya. Ngumiti s’ya ng alanganin bago bumuntonghininga.
“Naku, hindi naman ang pagkapahiya ko ang iniisip ko, Hija. Ayaw ko lang na mahirapan ka. Batang lalaki ‘yon at sa ibang bansa lumaki kaya panigurado ay hindi ‘yon ganoon kadaling mapapaamo. Sinubukan lang talaga ni Dave sa akin magpahanap dahil kailangan din na hindi lang basta basta ang kukuhaning yaya. Dapat ay personal kong kakilala at mapagkakatiwalaan kaya-”
“’Wag po kayong mag-alala kung gano’n, Tita. Hindi po ako gagawa ng bagay na ikapapahamak ng magiging alaga ko,” paniniguro ko at hinawakan ang kamay n’ya. Nang tingnan n’ya si Mitz ay nag-beautiful eyes pa ito sa Mama n’ya kaya pareho kaming natawa nang sermonan s’ya.
“Baka naman nagpapalakad ka na naman kay Kira sa Kuya n’ya kaya mo tinutulungan-”
“Mama! Ilang beses ko bang sasabihing wala akong balak magpapansin kay Engineer Gelo. Crush ko lang s’ya pero alam ko namang hanggang pangarap ko lang s’ya ‘no!” nakasimangot na kontra ni Mitz na hindi pinaniwalaan ni Tita Mimi.
“Sus! Nasa iisang opisina kayo kaya kinakabahan ako sa’yo. Baka mamaya ay hindi ka makapagpigil at harrasin mo na lang si Engineer doon! Naku, itatakwil talaga kitang bata ka,” naiiling na sabi ni Tita Mimi at saka pasimpleng kinindatan ako bago nagsabing magluluto na ng tanghalian. Tumawa ako nang magpapadyak si Mitz habang sinusundan s’ya ng tingin.
“Mama, ikaw ang itatakwil ko kapag kumalat sa opisinang crush ko si Engineer Gelo!” habol pa n’ya kaya tawang-tawa ako.
“Baliw ka talaga,” natatawang sabi ko habang bumabalik sa upuan. Umikot ang mga mata n’ya at saka umupo sa upuang katapat ko at tumitig sa akin.
“Hindi ko pala nasabi sa’yo ang pinaka importanteng bagay bago ka pumunta sa mansyon ng mga Yu, Kira,” seryosong sabi n’ya habang mariing tinititigan ako.
“Bakit? May dapat ba akong ikabahala sa pagtatrabaho ko doon?” curious na tanong ko. Kinagat n’ya ang ibabang labi at saka humilig palapit sa akin na para bang ayaw n’yang may ibang makarinig sa sasabihin n’ya sa akin. Lalo tuloy kumunot ang noo ko sa nakikitang kaseryosohan n’ya.
“Iwasan mong mapalapit o kaya ay ma-involve sa mga anak ni Sir Dave,” bilin n’ya. Nanliit ang mga mata ko at tumawa.
“Ano ka ba, Mitz? Kaya nga ako magtatrabaho doon ay para makalimot, hindi para maghanap ng panibagong sakit na naman sa ulo-”
“Basta! Don’t get yourself involved with any of them. Ang alam ko ay matino ‘yong pangatlong anak na lalaki na kaedaran natin, pero ‘yung bunso, naku! Saksakan ng babaero! At talaga namang sobrang gwapo! Baka nga magsisi ka na pumatol ang ganda mo kay Arkin kapag nakaharap mo ‘yong si Damon. Malademonyo ang appeal! Kahit Santa ka ay matutukso kang talaga! At saksakan pa ng galing sumayaw kaya marami ang nagkakandarapa! Naku, Kira, kinakabahan talaga ako dahil imposibleng hindi ka mapapansin ng batang ‘yon!” naiiling na palatak n’ya. Tumawa ako at agad na pinakalma s’ya.
“Don’t worry, Mitz, hindi love life ang dahilan kaya ako magtatrabaho doon. I will work there to divert my attention to something else. Alam mo namang nahihirapan talaga akong makalimot kaya kailangan ko talagang libangin ang sarili ko,” paniniguro ko habang seryosong tinitingnan s’ya. Kita pa rin sa mukha n’ya ang alinlangan kaya ngumiti ako.
“Sabagay… sa itsura pa lang ng Damon na ‘yon ay imposibleng hindi ka na makalimot. Ako nga ay nakalimutan kong may suot akong panty nang unang beses n’ya akong ngitian,” pilyang sabi n’ya kaya hinampas ko ang braso n’ya. Bumungisngis s’ya at hinampas din ang braso ko. “Seryoso nga, Kira! Nakakapawis ng kili-kili kapag kakausapin ka pa no’n. Sobrang hot! Iba ang karisma ng isang ‘yon. Nakakawala ng ulirat!” bulong n’ya pa na sadyang hininaan dahil siguro sa takot na marinig s’ya ng Mama n’ya. Tumawa ako.
Imbes na matakot at kabahan ako ay lalo lang yata akong na-curious na magtrabaho doon at makilala ang Damon na sinasabi ni Mitz. Kampante kasi akong hindi naman ako mabibiktima dahil simula’t sapul ay hindi naman ako mabilis ma-attract sa mga babaero. Looks aren’t really important to me. Mas lamang pa rin ang personality at syempre ay ‘yong loyalty, na s’yang wala sa mga babaerong katulad ng ex ko.
Napairap ako nang maalala na naman s’ya. Dahil sa ginawa sa akin ng ex ko ay hindi na tuloy ako naniniwalang may pag-asa pang magbago ang mga babaero. Maybe, they will change for the meantime pero hindi magtatagal ay hindi rin sila makakaiwas sa tukso at babalik pa rin sa nakasanayan nila. Kaya kung papatol man ako sa isang babaero ulit ay hindi na ako magseseryoso katulad ng ginawa ko sa ex ko. Once a player always a player. That phrase would probably be stuck in my mind every freaking time I’d meet someone like him. Same goes if I’d meet that Damon, the player brother of my future employer.