LIEGH
Pinuntahan ko si Glyshine sa bahay niya para kahit paano may makausap ako. Mabuti na lamang at wala ang mga kapatid niya ngayon dahil gusto kong ma-divert ang atensyon at isip ko dahil kapag nagtagal pa ay nababaliw na yata ko.
Masayang kasama ang bestfriend ko. Gaya ng dati ay kung anu-ano ang mga kwentong sinabi niya tapos nagtatawanan kami na parang mga walang problema.
Mabuti na lamang at laging narito ang kaibigan ko. Maswerte ako kay Glyshine dahil siya rin ang takbuhan ko kapag kulang ang pera na kailangan kong ipadala sa probinsya at gaya ngayon na kailangan ko ng kaibigan na masasandalan sa mga oras na ito.
"So bakla, anong plano mo ngayon n'yan?" tanong nito sabay kagat sa barbeque na hawak.
"Hindi ko pa alam, natatakot ako, bakla," malungkot na sagot ko.
"Ang hirap naman kasi talaga ng sitwasyon mo bakla. Kahit ako, sigurado ako na one hundred percent makukulong ka kung hindi ka magbabayad."
Napabuga ako ng hangin, tama naman si Glyshine eh. Iyon talaga ang mangyayari sa akin dahil wala naman akong pang bayad.
Naluluha ako, iniisip ko pa lang na papasok ako ng kulungan ay natatakot na ako. Isa pang iniisip ko ang sitwasyon ng pamilya ko sa Davao. Paano na sila kapag nakulong na ako?
"Ay bakla, 'wag ka ng umiyak. Sorry na, madaldal lang talaga ako pero totoo 'yan ha."
Nag-punas ng luha na ngumiti ako kahit pilit. Minsan talaga hindi ko malaman kung sincere ba ang sinasabi ng kaibigan ko dahil akala mo naman ay inaalo ako pero sinampal naman ako ng katotohanan.
"Uminom tayo bakla," sabi ko na lang dahil gusto kong makalimutan ang problema ko kahit saglit.
"Sige na nga, 'yan na lang muna ang gawin natin. Bukas na tayo mag-isip ng dapat nating gawin," sabi ni Glyshine na tumayo na.
Saglit pa ay bumalik itong may dalang beer galing sa ref at inabot sa akin ang isa. Agad na tinungga ko ito habang pilit na iwinawaksi ang mga problemang laman ng isipan ko.
"Cheers bakla!" sabi ni Glyshine na itinaas ang bote ng beer na hawak.
"Cheers, para sa nalalapit na pagkawasak ng kepyas mo!"
Nabilaukan ako at napa-ubo. Pasaway talaga itong kaibigan ko. Kung anu-ano na lang ang sinasabi.
"Pasaway ka!" hindi makatiis na sabi ko sabay kurot sa braso nito.
"Doon din naman ang punta n'yan bakla, bakit may pang bayad ka ba?" tanong ng kaibigan ko.
"Wala!" naka-irap na sagot ko.
"Then, go. Iyan na lang ipambayad mo kasi ng matapos na ang problema mo. Nag-enjoy ka na, solve na ang gulong pinasok mo. Kasalanan mo naman kasi eh."
Natahimik ako, tama siya pero alam ko sa sarili ko kasi na hindi ko masikmura ang gustong mangyari ni Declan Madrigal. Hindi ko nga alam kung ano ang mangyayari sa akin sa kamay niya dahil sigurado akong pahihirapan niya ako ng husto kapag pumayag ako at pinili ko ang pinakahuling option na binigay niya sa akin.
"Sandali! Andyan na!" malakas na sigaw ni Glyshine ng marinig namin na may kumakatok sa pintuan.
Sabi niya kanina, wala naman daw siyang hinihintay na bisita kaya nagulat kami pareho ng may malakas na kumatok matapos ang mahigit kalahating oras na inuman namin.
"Sino kayo?" malakas na tanong ng kaibigan ko matapos may pumasok na mga lalaking tingin ko ay makikipagkasalan dahil sa mga suot na damit.
"Sumama ka sa amin ng maayos, Miss Gallego," sabi ng isa pero inirapan ko.
"Bakit ako sasama sa inyo? Sino ba kayo?" mataray na sagot ko.
Walang sumagot kahit isa sa mga ito pero mabilis na lumapit sa akin ang lalaki sa unahan at binuhat ako na parang sako ng bigas na sinampay sa balikat.
Nahihilo ako dahil sa tama ng alak, pero malinaw na nauunawaan ko ang nangyari. Sa nanlalabo at naniningkit na mga mata ay nakita ko kung paano pinaghahampas ni Glyshine ang mga lalaking kumuha sa akin pero parang mga walang pakialam sa mundo na naglakad palabas buhat ako at sumisigaw ng tulong kasabay ng kaibigan ko.
"Bitiwan n'yo ako! Mga walang hiya kayo!" sabi ko sa isang lalaki saka malakas na sinampal ito.
"Pasalamat ka, walang iniutos sa amin si boss na katayin dahil kung meron kanina ko pa pinutol ang kamay mo!" singhal sa akin ng lalaking hinagis ako sa upuan.
Pinilit kong manlaban pero anong laban ko sa mga armadong kalalakihan na nasa kabilang gilid ko kasama ang dalawa sa unahan na akala mo ay mga bingi kahit panay ang sigaw ko.
Nagsisisi tuloy ako na naisipan ko pang uminom dahil lalo lamang akong naging defenseless sa kalagayan ko ngayon. Alam ko na may mga nakakita sa kanila lalo na at narinig naman ng mga kapit-bahay ni Glyshine ang sigaw namin pero walang kahit na sino ang nagtangka na tumulong dahil marahil sa mga baril na hawak nila kaya siguradong natakot ang lahat.
"Saan n'yo ako dadalhin?!" malakas at nanggigigil na tanong ko.
"Sino kayo? Anong kailangan n'yo sa akin?"
Parang mga tuod lamang ang mga ito at walang kahit isa ang sumagot sa mga tanong ko. Sinipa ko ang binti ng isa sabay apak sa paa pero ako ang nasaktan dahil ang tigas ng sapatos na suot niya.
"Kakarmahin kayo, sampo ng buong pamilya at angkan n'yo, mga animal kayo!" panay ang bulyaw na sigaw ko sa mga kasama ko sa sasakyan na sabi ko.
"You, shut up!" sabi ng isang lalaki na matigas ang english na nakaupo sa unahan.
Sigurado ako na base sa itsura nito ay hindi ito pinoy lalo na at mukhang lahing hindi mapagkakatiwalaan ang isang ito.
"Kapag gan'yan ka ka-ingay, sigurado akong kapag narindi si boss wala pang limang minuto nangingisay ka na at duguan sa paanan niya," sabi ng isa sa kaliwa ko na may hawak na matalim na swiss knife at iniikot-ikot sa harap nito para marahil takutin ako.
Natigilan ako at nalunok ang sariling laway. Ang lakas ng kaba ko, natatakot ako pero ewan kung dala lamang ng alak na nainom ko kaya malakas ang loob ko.
"Tama 'yan, manahimik ka para hindi ka ibaon ni boss ng buhay," nakakaloko na sabi naman ng isa sa kanan ko.
"Bati, maot og mawong dagway!'
Lahat sila nagkatinginan at kunot ang noo na tumingin sa akin na akala mo ay nagkaroon ako ng mga sungay kaya inirapan ko.
Wala akong balak ipaliwanag kung ano ang sinabi ko dahil totoo naman na mga pangit ay bwisit sila. Kung bakit ba naman kasi ang lakas ng loob nilang dukutin ako eh ano naman mapapala nila sa akin samantalang wala naman akong kayamanan na magagamit para ipang tubos sa akin.
"Baba!" utos ng isa habang panay ang bulong-bulong ko sa upuan ko. Hindi ko na tuloy nakita kung saan kami pumunta pero isa lang ang nasisiguro ko, hindi pangkaraniwan ang lugar na pinagdalhan nila sa akin dahil may malawak na driveway at mapuno ang lugar bago tumigil ang sasakyan sa harap ng malaking bahay.
Mali, mansyon pala. Hindi ko ito masabing malaking bahay lamang dahil obviously, para itong building na nakikita ko sa France. Baka nga mga antique pa ang gamit dito dahil mukhang sinaunang tao ang nakatira at may ari nito.
Naniningkit ang mga mata na naglalakad ako habang panay ang tulak sa akin ng lalaking nasa likuran ko. Ang lamig sa paa ng marmol na sahig, kung bakit ba naman kasi minalas ako na nakuha nilang wala man lamang suot na sapin sa paa.
"Boss!" sabay-sabay na bati ng mga lalaking narito sa sala kung saan ako dinala sa taong dumating na akala mo hari at yumuko pa sila.
"What happened to her?" tanong ng tinig na pamilyar ako.
"She's drunk, boss," magalang na sabi ng lalaking nasa likuran ko. Siya iyong mukhang pekeng pilipino na pilipit ang dila kung magsalita.
Wala na akong ibang naririnig kaya nakasimangot na tumayo lamang ako habang hinihintay ang susunod na mangyayari.
"Ikaw?" salubong ang kilay na tanong ko saka mabilis na nilapitan ito at sinipa sa binti kaya napaaray ito.
"Ikaw na animal ka ang nagpa-kidnap sa akin!" gigil na singhal ko habang pinagsisipa ito at naabot ko pa buhok nito saka nasabunutan ko.
"Wala akong pakialam kung mamatay ako ngayon basta makaganti lang ako sa 'yo, animal ka!"
Umakyat yata ang lahat ng dugo sa utak ko at hindi ako makapag-isip ng maayos lalo na at lasing ako. Ito rin siguro ang dahilan kaya mabilis na naramdaman ko kung paano niya nahuli ang mga kamay ko saka pinaikot ako at hindi nakapalag ng buhatin nito.
Pabalya na hinagis ako nito sa ibabaw ng malambot na kama kaya kahit paano ay naging komportable ako. Dala ng kalasingan at umiikot na na paningin dahil sa naging bayolente ako kanina ay agad na nakatulog ako.
Kinabukasan nagising akong mag-isang nakahiga sa isang malaking kama na alam kong hindi sa silid ko lalo na sa bahay ng kaibigan ko dahil impossible naman na may ganito sila kagandang silid.
Masakit at sapo ang ulo na iginala ko ang paningin ko. Hindi ko pa rin alam kung ano ang nangyari sa akin kagabi at dito ako nagising gayong nasa bahay ako ng kaibigan ko.
Sapo ang bibig at naduduwal na tumakbo ako sa isang pintuan at tama ang hinala ko na comfort room ito kaya laking pasasalamat ko na natagpuan ko agad ito dahil nasusuka ako.
Ito ang mahirap kapag uminom ako kaya iniiwasan ko talaga. Bukod sa mahina ako sa alak ay hindi ko rin gusto ang epekto nito sa akin kinaumagahan.
Napatili ako sabay takip ng mga mata ng sa pag-angat ko ng mukha ay may lalaking hubo't hubad na nakatayo sa harap ko habang nagpupunas ng tuwalya sa tumutulong buhok.
"Get out!" matigas na utos ni Declan na hindi ko inaasahang makikita ng ganito at kasama ko pa sa loob ng silid na ito.
Walang kibo na lumabas ako habang nag-iinit ang mukha. Kung alam ko lang na naroon siya 'di sana ay hindi na ako pumasok pero malay ko ba ang pagmumukha niya ang unang makikita ko ngayong umaga. Pinili ko ang lumabas ng silid pero nagulat ako ng may nakitang mga armadong kalalakihan sa labas nagbabantay.
Paatras na humakbang ako pabalik sa loob ng silid matapos makita na hindi basta gwardya lang ang mga lalaking nasa labas dahil na rin sa mataas na kalibre ng mga baril na nakita ko.
"Trying your luck to escape huh, Miss Gallego?" tanong ni Declan Madrigal mula sa likuran ko.
Madilim ang mukha nito at tanging puting tuwalya lamang ang nakatakip sa ibabang bahagi ng katawan. Nag-iwas ako ng paningin dahil ayaw ko siyang makitang ganito ang itsura lalo na at tila tukso na bumabalik sa balintataw ko ang hulma ng katawan niya ng makita ko kanina.
"Bakit mo ako dinala dito? Saka bakit dito sa silid mo?" agad na tanong ko para mapunta dito ang atensyon ko.
"Simple, nagbago na ang isip ko. Alam ko naman na hindi mo ako kayang bayaran in cash kaya bakit ko papa-aabutin ng bukas," arrogante na sagot nito.
"A-anong ibig mong sabihin?" nauutal na tanong ko.
"Bakit, may pang bayad ka ba o baka gusto mo na lang makulong?"
Ilang lunok ng sariling laway ang ginawa ko bago nagkaroon ng lakas ng loob na sumagot sa lalaking kaharap ko.
"Wala akong pambayad," mahinang sagot ko.
"I know, mas mahirap pa sa daga ang pamilya mo sa Davao, hindi ba Miss Gallego?"
Tigagal na nakatingin ako kay Declan. Ang yabang niya kung magsalita dahil lamang sa may pera siya. Nakakatakot ang personality na nakikita ko sa kan'ya kaya nagtataka ako kung bakit marami ang mga babaeng nagkakandarapa sa kan'ya gayong masama ang ugali nito.
"M-may ginawa ka ba sa pamilya ko?" lakas loob na tanong ko.
"Meron, sabihin na nating warm up pa lang 'yon para alam mo kung ano ang kaya kung gawin kapag-"
Gusto kong sumigaw sa galit lalo na at nalaman ko na siya nga pala talaga ang may kagagawan kung bakit nawala sa amin ang lupa.
Kuyom ang kamao na nagtitimpi ako, alam ko na kaya niya ginagawa ito para pahirapan ako kaya hindi ko ipapakita na nasasaktan ako. Bumangon ang galit sa dibdib ko dahil napatunayan ko ngayon kung paano siya karumi makipaglaro.
"Kung gusto mong gumanti sa akin ay walang problema pero 'wag mong idamay dito ang pamilya ko," matalim ang mga mata na sabi ko.
"Wala kang karapatan mag-demand ng kahit na ano, Miss Gallego dahil sa ating dalawa, ikaw ang kumaladkad sa akin sa kahihiyan at kasamang nasira pati ang reputasyon ko at ng pamilya ko kaya 'wag mo akong turuan sa gagawin ko. Sa ating dalawa, ako lamang ang may kontrol sa lahat at wala kang gagawin kung 'di ang sundin ako!"