MAKULIMLIM ang langit paglabas ko ng building kaya napailing na lang ako. Kung hindi ako magmamadali sa paglalakad, baka wala na akong maabutang jeep sa terminal at tuluyan na ring bumagsak ang malakas na ulan.
Kaya nga kulang na lang ay tumakbo ako para maabutan ang jeep pero kitang-kita ko kung pa'nong naunahan na ako ng isang pasahero at tuluyan nang napuno ang sasakyan. Ibig sabihin, kailangan ko pang maghintay sa terminal ng panibago. Nakakainis dahil uwing-uwi na ako pero wala naman akong magagawa.
Pag-alis ng naturang jeep ay umupo agad ako sa isang tabi at pinanuod ang mga takatak boys habang nagpaparamihan ng benta nila. Lumipas ang kinse minuto, kataka-taka na wala pa ring bagong jeep na dumarating. This time, bumuhos na ang ulan kaya malamang na nagkanda-buhol-buhol na ang traffic.
Lamig na lamig na ako sa kinauupuan ko dahil manipis lang naman ang suot kong blouse at wala pa akong baong jacket. Yung pagod ka na tapos dumoble pa ang pagod mo, ganu'n na ganu'n ang pakiramdam ko!
Ang malas ko talaga!
Nagmumura na ako sa isip habang tahimik na tinitiis ang kapalaran ko nang biglang nag-vibrate ang phone ko sa bulsa indikasyon na may tumatawag. Kaagad ko ‘yung kinuha at sinagot tapos laking gulat ko nang ang boss ko ang nasa kabilang linya!
"Eli, where the hell are you?" Sa isip ko, ba't galit kaagad bungad n'ya? Wala bang "Hello" muna d'yan?
"Nasa terminal na po ng jeep, Miss..."
"Ang sabi ko, wait for me, 'di ba? May kinausap lang ako sa phone, bigla ka naman nawala kanina." Anya dahilan para magsalubong ang mga kilay ko. Hindi ko na maalala na sinabi n'ya 'yun. Baka uwing-uwi lang talaga ako. Pero tapos na rin naman ang working hours kaya ano'ng kinagagalit n'ya? Unless, pinag-o-overtime n'ya ako, patay.
"Miss, sorry po. Hindi ko po narinig 'yung... Hachu!" Nakakahiya!
"Are you okay? What's happening?" Bakas sa boses n'ya ang pag-aalala. Kanina parang tigreng manlalapa ngayon daig pa ang maamong tupa. Baka nakonsensya sa pagsusungit n'ya.
"Ms. Rivera, tinatanong kita. Sabi mo nasa terminal ka ng jeep. Naghihintay ka pa rin ba?"
"Opo. Naiwan po kasi ako nu'ng huling jeep na umalis. Kaya lang dahil sa ulan, baka na-traffic 'yung mga susunod kaya 'di pa nakakarating dito." Sagot ko. Totoo naman dahil bahain ang mga kalsada na dinaraanan ko pauwi. At alam na alam ko 'yung struggle.
"Kaya mo bang pumunta sa pinakamalapit na convenient store pag tumila ang ilan? Sabi rito sa waze, meron d'yan sa area mo. Du'n mo 'ko hintayin, sunduin kita." Anya. Kokontra pa sana ako pero binabaan na n'ya ako ng phone. Napa-iling na lang ako at saka inayos ang sarili. Mabuti na lang dahil humina na kahit pa'no ang ulan at kaya na ng payong kong suungin ito.
Hindi ko maintindihan kung bakit n'ya ako susunduin du'n pero natutunan kong manahimik na lang kesa magtanong. Inisip ko na baka pagagalitan n'ya ako kasi umuwi na ako kaagad.
Bahala na. Magso-sorry na lang ulit ako.
Nang makarating ako sa pinaka-malapit na convenient store, natanaw ko kaagad ang kotse ng boss ko. Bumusina s'ya at ibinaba ang bintana nito. Lumapit ako pero bago pa ako makapagsalita, binuksan na n'ya ang pinto at pinapasok ako.
Napaka-maotoridad talaga n'ya, wala akong palag.
Pagsakay ko sa kotse n'ya, nag-chill ako sa aircon kaya hininaan n'ya. Okay, considerate naman.
"Um... sorry po ulit kasi umalis na lang ako nang walang paalam kanina. Akala ko kasi wala na kayong iuutos." Tuloy-tuloy kong sabi na para bang nakalimutan ko nang huminga. Narinig ko naman s'yang natawa bago pinagtuunan ang pagmamaneho. Sandali, sa'n pala kami pupunta?
"I was just kidding earlier, Ms. Rivera. Ang totoo n'yan, nag-alala talaga ako nu'ng bumuhos ang malakas na ulan. Naalala ko kasi na nagko-commute ka lang. Mabuti na lang naisip kong tawagan ka dahil kung hindi baka hanggang ngayon nandu'n ka pa rin sa terminal." Anya. Napangiti naman ako dahil napaka-caring n'ya.
"Teka, tama ba 'tong way natin?" Natawa na lang ako at itinuro sa kanya ang daan pauwi sa 'min. Hindi na ako nag-inarte pa sa libreng sakay!
"So, kumusta ang unang araw mo sa trabaho?" Nag-isip muna ako bago sumagot. Nakatingin lang ako sa itim na SUV na sinusundan namin.
"Ayos lang naman po. Masaya kahit nakakapanibago." Narinig kong natawa s'ya. Laking gulat ko nang ilagay n'ya ang mainit n'yang kamay sa hita ko at pinisil-pisil 'yun.
"Ibig sabihin, makikita pa ulit kita bukas sa office ko? Hindi ka pa mag-a-AWOL?" Napatingin ako sa kan'ya at kitang-kita ko na nakangisi s'ya sa 'kin. Maya-maya, binawi n'ya ang kamay n'ya at muling tumutok sa unahan.
Grabe, ang cool n'yang tingnan habang nagda-drive. Ngayon ko lang din napansin na nagpalit na pala s'ya ng damit. Hindi na s'ya naka-office attire pero kahit na naka-casual na s'ya, like jeans and blouse, bagay na bagay pa rin sa kan'ya! Sabagay, wala naman yatang damit na hindi babagay sa babaeng 'to. Napaka-perfect, pinagpala sa lahat!
"Tinatanong kita, Eli. Ba't ba ang hilig mong tumulala? Tapos titig na titig ka pa sa 'kin. Aminin mo, nagagandahan ka ba sa boss mo?" Ay, grabe sa confident, lagpas sa Mt. Everest! Pero pa'no ko ba sasabihing oo? Kaagad kong sinaway ang sarili ko at mabilis na binawi ang tingin sa kan'ya. Kahit hindi masyadong maliwanag sa kotse n'ya, alam kong pulang-pula na ang pisngi ko sa kahihiyan! Bakit ba kasi biglang naging ganito kahangin ang boss ko? Meron din pala s'yang mapang-asar na side!
Hindi na ako nakasagot pa nang marinig ko s'yang tumawa. Hinayaan ko na lang na paka-isipin n'yang nagagandahan talaga ako sa kan'ya dahil 'yun naman ang totoo.
***
"ELI, WAKE UP, SWEETHEART." Ramdam ko ang init ng palad n'ya habang hinahaplos n'ya ako sa pisngi dahilan para magising ako. Isang matamis na ngiti ang sinalubong n'ya sa 'kin nang magtama ang aming paningin.
"Nakatulog ka. Nandito na tayo sa inyo." Pagkasabi n'ya nun ay nataranta ako at kaagad na sumilip sa labas ng bintana ng sasakyan n'ya.
"Naku, pasensya na po kayo kung nakatulog ako. Siguro pagod lang talaga ako..." Nahihiya kong sabi.
"Alam ko naman na pagod ka kaya hinayaan na lang kitang magpahinga habang nasa byahe tayo. Mabuti 'ka mo, nahanap ko pa rin 'tong lugar n'yo base sa direksyon na binigay mo. Worried pa nga ako nu’ng una kasi ngayon lang ako nakapunta rito." Sabi n'ya habang ginagala ang paningin sa paligid at punong-puno ng pagtataka ang mga mata.
Hindi ko s'ya masisisi kasi sino ba namang mayamang negosyante at CEO ng sarili n'yang kompanya ang magkakamaling pumunta sa Barangay namin?
"Sa'n dito ang bahay n'yo?"
"Ah, eh... du'n pa po sa looban. Lalakarin ko na lang po para makauwi na rin kayo. Medyo naabala ko na kayo dahil sa paghahatid n'yo sa 'kin."
"Don't worry, kusang loob 'yun at hindi mo naman ako naabala. Pero sigurado ka ba na magiging okay ka lang?" Nakaka-touch naman ang pagiging concern n'ya sa 'kin but at the same time gusto kong matawa. Pa'no ko ba sasabihin na kabisado ko na ang lugar na 'to kahit nakapikit pa ako dahil dito na ako lumaki?
"Opo. Thank you po ulit. Mag-iingat kayo sa pag-uwi." Sabi ko. Pero bago ako tuluyang lumabas ng kotse ay bigla n'yang kinabig ang braso ko. Hindi naman 'yun malakas, parang gusto lang n'ya akong pigilan. Nang ma-realize nga nya ang ginawa n'ya ay kaagad din n'ya akong binitiwan. Nang tumingin ako sa kanya, pilit kong binasa ang laman ng isip n'ya sa pamamagitan nang pagtitig sa kan'yang mga mata. Ewan ko ba pero bakit feeling ko ayaw pa akong pauwiin ng boss ko?
O baka naman feelingera lang ako? Kaloka!
"I'll see you in my office tomorrow, Ms. Rivera. Be there dahil meron tayong event na pupuntahan. At kailangan kita sa tabi ko." Rinig ko ang panginginig ng boses n'ya at ramdam ko ang kalungkutang kaakibat nito. Bigla tuloy akong nagdalawang-isip kung uuwi ba ako sa 'min o yayayaing mag-inom ang boss ko dahil pakiramdam ko may problema s'yang gustong ikuwento.
Nang mawala na sa paningin ko ang kotse n'ya, du'n na ako naglakad pauwi sa 'min. Kahit gusto kong ma-imbyerna dahil maputik ang daan, hindi ko na nagawa dahil naglakbay na sa ibang dimensyon ang utak ko patungkol sa event na pupuntahan naming dalawa ng boss kinabukasan.