Prologue
MAKULAY ang pag-ibig, matamis na may kaunting pait.
At 'yun ang eksaktong nararanasan ko sa relasyon namin ni Vincent. Limang taon na kaming kasal ngunit wala pa rin kaming anak. May problema s'ya at sabi ko, kaya ko naman 'yun tanggapin.
Pero sa kabila ng lahat, nagbago pa rin s'ya.
Umaarte lang akong walang alam at 'di nasasaktan pero ang totoo durog na durog na ako. At nang sabihin ko sa mga magulang ko ang plano kong pakikipaghiwalay sa kan'ya, pinayuhan lang nila ako na ayusin namin ni Vincent ang relasyon namin.
Kaya nga naisip ko, sige, susubukan kong wag sumuko. Pero nang unang beses n'ya akong pagbuhatan ng kamay mula sa isa naming mainit-init na pag-aaway, nagbalik 'yung pagnanasa kong kumawala na talaga sa kasal namin.
Pero alam ko na 'di ako puede maging makasarili.
Marami ang maaapektuhan, bukod sa 'ming pamilya, nand'yan din ang reputasyon namin. Kaya walang araw simula nu’n na 'di ako nagpupunta sa chapel para manalangin at hilingin na patuloy Niya akong patatagin.
At du'n kita unang beses na nakita.
Normal na araw lang 'yun ng Lunes, habang inaalalayan mo ang lola mo papasok sa chapel na kinaroroonan ko. Nu'ng una, aaminin ko na naiingayan pa ako sa inyong dalawa dahil para kayong mga bata kung mag-away.
Kaya nga kahit nasa kalagitnaan ako ng pagdarasal ay idinilat ko ang mga mata ko para tingnan kayo at sawayin. Pero 'di na ako nakapagsalita nang magtama ang ating paningin.
Ang tanda ko, ilang beses din akong napalunok ng laway dahil pakiramdam ko nakakita ako ng anghel na bumaba sa lupa mula sa langit.
Napaka-ganda mo. Alon-alon ang mahaba at itim na itim mong buhok. Bagay din sa 'yo ang suot mong pantalon at puting t-shirt. At nang dumako ang tingin ko sa mapula mong labi, napaisip ako kung ga'no 'to kalambot.
"Hala, Lola, ba't parang naging estatwa naman 'tong si Ate? Tingan mo, nakatulala kasi!" Pinilit mong wag matawa pero kitang-kita ko na ngumiti ka habang ikinakaway mo ang kamay mo sa mukha ko.
"Hoy, ano ka ba naman? Di mo dapat ginagawa 'yan, mamaya magalit sa 'yo 'yang magandang babae, sige ka!" May pagbabantang saway ng lola mo. Du'n na ako natauhan at napakurap ng mga mata. At nang muli tayong magkatinginan, tila may mga paru-paru na bigla na lang nagliparan sa sikmura ko.
"Mabuti pa, halika na du'n sa unahan para makapag-dasal na tayo."
"Ba't kailangan pa natin du'n sa unahan, puede naman dito sa gilid para malapit kay Ate..." Pabulong na pagkakasabi mo pero malinaw pa ring rumehistro sa tenga ko dahilan para lihim akong mapangiti.
"Syempre, gusto ko mas marinig ng Diyos ang dasal ko kaya du'n tayo sa malapit! Saka ikaw naman nagyaya sa 'kin dito, tapos kokontrahin mo 'ko bigla-bigla?"
"O, sige na nga, Lola. Ang dami n'yo na pong sinabi, parang nagtatanong lang ako."
"Ikaw kasi, napaka-kontra bulate mo." Katwiran ng lola mo kaya natawa ka. At bago kayo tuluyang lumakad papunta sa unahang bahagi ng chapel ay lumingon ka pa sa 'kin.
"Ako nga pala si Eli. Nice to meet you!" Magsasalita pa sana ako kaso tinawag ka na ng lola mo, bigla ka tuloy napatakbo papalapit sa kan'ya. Napabuntong-hininga na lang ako at napangiti. Di ko alam pero parang umaliwalas ang kapaligiran at nakaramdam ako ng kapanatagan sa puso.
Kaya muli, ipinikit ko ang mga mata ko para magdasal. Sinabi ko sa Diyos na sana 'di pa ito ang huli nating pagkikita.
At bago ako tuluyang umalis, nilingon ko pa kayo ng lola mo habang tahimik na nagdarasal.
Hindi raw natin mapipili kung sino ang taong mamahalin natin. At kung minsan kusa s’yang dumarating sa isang 'di inaasahang sitwasyon at pagkakataon.