NAPAKAGAT ako ng labi nang may ilang minuto rin bago sinagot ni Kina ang tawag ko. Sa sobrang inip ko, nakasimangot na ako habang pinagtitinginan ng mga tao na dumaraan. Sobrang nakakailang sa pakiramdam kasi para akong out of place rito sa sulok habang naghihintay na tawagin ang pangalan ko para interbyuhin.
"Hello?" Sa wakas sinagot na rin ng bruha ang tawag ko.
"Oh, Eli, napatawag ka?"
"Kanina pa nga ako tumatawag, ang tagal mo sagutin!" Sabi ko. Natawa naman si Kina sa kabilang linya.
"Jowa 'yan?" Narinig ko ulit s'yang tumawa kaya natawa na rin ako. Kahit kelan napaka-pilosopo talaga nitong kaibigan ko.
"Biro lang, baka mapikon ka. O, eh ano bang atin?"
"Nakalimutan mo na ba na interview ko ngayon? Nandito na ako at hinihintay ko na lang na tawagin ang pangalan ko. Grabe, kinakabahan ako, Kina! Parang gusto ko na lang umuwi." Totoo 'yun dahil wala pa akong experience sa pagtatrabaho sa office. Tapos 'di rin ako masyadong kumpyansa sa sarili ko lalo pa't nakaka-insecure tumingin ang mga tao rito.
"Sira ka ba? Nand'yan ka na, tapos uuwi ka pa? Pa'no na lang 'yung opportunity 'di ba? Malay mo matanggap ka d'yan, eh 'di level up na ang trabaho mo!"
"Ewan ko ba naman sa 'yo kung ba't dito mo ako napiling pag-apply-in eh hindi naman ako college graduate. Baka mamaya 'di ako qualify, umasa lang ako sa wala. Saka alam mo naman na pagiging service crew lang ang experience ko."
"Ano kung 'di ka tapos? Bakit, 'di ka naman illiterate, ah? Nakakabasa ka, nakakasulat, nakakapagbilang! Office staff naman ang a-apply-an mo d’yan. 'Di naman CEO." Biro n'ya ulit. Tatawa pa sana s'ya kaso binara ko na s'ya.
"Sige, tumawa ka. Lagot ka na talaga sa 'kin.” Banta ko tapos iling. Muli akong kinain ng kaba.
“Alam mo namang nagtatapang-tapangan lang ako pero nerbyosa talaga ako." Pag-amin ko. Di lang halata sa 'kin kasi magaling akong umarteng confident sa kilos at reaksyon ng mukha.
"Normal na kabahan. Basta gawin mo lang ang best mo. Saka kung 'di mo man makuha ang pusisyon na 'yan, at least, sinubukan mo. Tandaan mo, Eli, bigo ang tawag sa mga taong sumusuko nang hindi sumusubok. Hindi ka bigo sakaling ‘di ka matanggap kasi nga sinubukan mo!”
"Lalim mo na naman magsalita." Biro ko. Pero sang-ayon ako sa sinabi n’ya.
Pagkalipas nang ilang sandali ay pinatay ko na ang phone at bumuntong hininga. Tumingin din ako orasan na nakasabit sa dingding ng conference room na kinaroroonan ko tapos bigla na lang akong nilamig sa aircon.
Actually, 'di naman ako nag-iisa. May dalawa akong kasabayang nag-a-apply din pero 'di kakikitaan ng kaba o pagdududa ang mga mukha nila. Saka sa hitsura pa lang nila, mas may chance silang makapasok kesa sa 'kin.
Napailing ako at kaagad kong sinaway ang aking sarili. Di naman yata tama na pagdudahan ko ang kakayahan ko dahil tulad nga nang sinabi ni Kina, nakakabasa ako, nakakasulat at nakakapagbilang. Kaya ko rin sumagot sa tanong nila kung sakali dahil nakakaintindi naman ako ng Tagalog at kaunting Ingles. Nasa ganu'n akong isipin nang makaramdam ako ng pamimigat ng pantog.
Naiihi ako!
Pagkatapos kong makita na tinawag na ng staff ang isa sa mga kasamahan ko dahil turn na n'ya, du'n na ako nag-excuse para mag-banyo. Matapos ituro sa 'kin ni Ate ang CR, dali-dali na akong pumuta du'n at kaagad na pumasok sa isa sa mga cubicle.
Pagkatapos, naghugas na ako ng kamay. Mabilis rin akong lumabas sa CR kasi baka tawagin na ako kaso bigla naman akong nabunggo sa isang pigura ng tao dahilan para ma-out of balance ako at mapaupo sa malamig na sahig.
"Aray ko." Daing ko. Kung minamalas ka nga naman.
"Ayos ka lang ba?" Isang malambing na tinig ng babae ang rumehistro sa pandinig ko. At nang tingnan ko ang nagmamay-ari ng boses na 'yun ay natigilan ako. Kaloka, ang ganda n'ya! Kahawig n'ya si Cate Blanchet na gumanap bilang Carol sa movie adaptation ng libro ni Patricia Highsmith na “The Price of Salt”.
Grabe, feeling ko ako tuloy si Therese.
"Um, sweetheart?" Anya dahilan para mapakurap ang mga mata ko. Natulala ba ako?
“Ayos ka lang ba?”
"Ah, o-opo. Ayos lang…" Tinangka kong tumayo dahil medyo takaw-atensyon na ako pero nagulat na lang ako nang magdikit ang balat namin dahil inalalayan n'ya ako.
“…ako.” Narinig ko s’yang natawa.
Ang lakas ng kabog ng puso ko na para bang may kung ano'ng kuryente ang dumaloy sa katawan ko mula sa pagdidikit ng mga balat namin. At kahit na saglit lang 'yun, aaminin ko na nakaka-miss 'yung init ng kamay n'ya. At nang magtama ang aming paningin, lalo ko lang na-appreciate ang kagandahang panlabas n'ya!
Nababakla na siguro ako.
"Salamat po. Pasensya na medyo lampa ako kaya..." Sinaway ko ang sarili ko dahil baka kung ano pang masabi ko. Nakita ko naman na lumambot ang tingin n'ya sa 'kin bago s'ya ngumiti.
"Aplikante ka ba?" Tanong n'ya. Nag-loading pa ako pero 'di ko pinahalata.
"Um... o-opo." Magsasalita pa sana ang magandang babae nang bigla akong tawagin ng staff na nag-a-assist for interview. Nagkataon kasi na ako na ang susunod na isasalang. Pero bago s'ya umalis, nag-good morning muna s'ya sa magandang babae na kaharap ko. Tinawag n'ya 'tong "ma'am" ibig sabihin mataas ang tungkulin n’ya sa company.
"Goodluck, galingan mo sa interview mo. Umaasa ako na magiging magkatrabaho tayo, Miss?"
"Rivera, Eli Antonette Rivera po."
"Eli." Nakangiti n'yang wika.
"Pa'no, I'll see you around?"
"Y-yes, Ma'am!" Bakit ba kasi ako nagbubulol? Tiningnan ko na lang ang pagpapatiuna n'ya hanggang sa makasakay na s'ya sa elevator. Grabe, ang sosyal n'yang maglakad. Naiwan pa sa hangin ang pabango n'ya.
"Ms. Rivera, kanina pa kita tinatawag. Gusto mo ba talaga ng trabaho?" Asar na sabi nu'ng babaeng staff na nag-a-assist sa 'min. Nagmadali tuloy ako na pumunta sa kinaroroonan n'ya bago pa s'ya mag-transform sa pagiging halimaw.
***
"CONGRATULATIONS, Ms. Rivera, tanggap ka na. Maganda kasi ang result ng exams mo. Daig mo pa 'yung dalawa na college level kanina. Ayos ka rin naman sumagot at kitang-kita ko na gusto mo talagang makuha 'tong trabaho. Wag kang mag-alala, napaka-basic lang naman ng gagawin mo at lahat puede mong matutunan dahil ituturo naman sa 'yo." Sabi nang HR na nag-initial interview sa 'kin.
"Pero bago ka pumirma ng kontrata, gusto ko lang linawin sa 'yo na hindi office staff ang pusisyon na gagampanan mo dahil personal kang ni-request sa 'kin ni Mrs. Cervantes para maging secretary n'ya." Napaawang naman ang bibig ko matapos marinig ang sinabi n'ya. Secretary? At sandali, sino si Mrs. Cervantes? Tila nabasa naman nito ang iniisip ko.
"Si Mrs. Deborah Cervantes ang may-ari ng kompanyang 'to. Asawa s'ya ni Mr. Vincent Cervantes, isa ring kilalang business tycoon. 'Di ko alam kung pamilyar ka sa kanila pero pakalat-kalat sa mga sikat na magazines ang mukha nila kaya baka nakita mo na rin sila somewhere."
"Pero bakit po ako biglang naging secretary n'ya?" Kita ko namang napakibit-balikat s'ya bago sumagot.
"Actually, hiring din kami ng secretary for Mrs. Cervantes. Pero mukhang magha-hire na lang ulit kami ng office staff para mapunuan 'yung kakulangan sa ibang department. Nagulat nga ako kanina, pinatawag n'ya ako sa office n'ya at hiningi ang resume n'yong tatlo na nag-a-apply. Tapos kinumusta n'ya ang assessment mo. Sabi ko, very good ka. Kaya ayun, humingi s'ya ng pabor na kunin ka na para maging secretary n'ya." Natawa s’ya bago nagpatuloy.
"Alam mo, bihirang-bihira magka-interes sa aplikante si Debbie..." Tinawag n'ya ito sa nickname nito, ibig sabihin, close sila.
"Madalas sa 'kin lang nakaasa 'yun since ako nga ang HR rito. Kaya nanibago lang ako dahil personal ka n'yang pinili. So, that's great, 'di ba?" Kahit gusto kong tumango o maging masaya dahil may trabaho na ako, 'di pa rin mawala-wala ang kaba sa dibdib ko. Sino ba naman kasi ang hindi, personal kong makakatrabaho ang boss at may-ari ng kumapanyang 'to!
"So, ready ka na mag-start as soon as possible?" Tanong n'ya sa 'kin. Tumango na lang ako bilang tugon.
"Saka wag kang kabahan, mabait si Debbie. Nasa mabuting kamay ka." Kitang-kita ko pa ang pagngisi n'ya bago tumayo at nagpaalam sa 'kin. Paglabas n'ya sa kwarto, du'n na ako napasandal sa kinauupuan ko at napabuntong-hininga. Hindi ko alam kung anong ibig n'yang sabihin sa wag kabahan kasi ngayon pa lang parang naiihi na naman ako sa nerbyos!