NAPABUNTONG-HININGA na lang ako matapos i-serve ang order na 16oz french vanilla at blueberry cheesecake ng pang-sampu kong customer. Tapos napatingin ako sa napakahaba pang pila ng mga taong dagsa sa café na pinagtatrabahuan ko.
"Eli, ba't ang bagal-bagal mong kumilos? Di mo ba nakikita na ang daming customer ng shop ngayon? Bilis-bilisan mo naman!" Galit na sigaw sa 'kin ng amo ko. Sa lakas ng boses n'ya at sa diin nang pagkakasabi n'ya ay wala na akong nagawa kundi tumango at humingi ng paumanhin.
"Pasensya na po kayo, Boss." Sagot ko. Nakita ko pang nanlisik ang mga mata n'ya sa 'kin bago pumasok sa opisina n'ya. Pambihira, sa isip ko. Ano bang kasalanan ko samantalang halos kalahating araw na akong nagtatrabaho ng maayos, kung makapagsalita naman, akala mo wala akong ginawang tama?
"Pagpasensyahan mo na lang si Boss, mainit ang ulo at mukhang 'di naka-iskor sa misis n'ya." Natatawang sabi ni Kina, kaibigan at isa sa mga barista namin.
"Uy, narinig ko lang 'yun na pinagtsitsismisan ng mga kasamahan natin."
"Ano namang pakialam ko kung 'di s'ya pinagbigyan? Problema ko pa ba 'yun? Kung mainit ang ulo n'ya, wag n'ya sa 'tin ilabas. Wala namang tao sa banyo, ba't di kaya s'ya magkulong du'n, 'no?" Asar kong saad dahilan para humalakhak si Kina at ang ilan ko pang kapwa crew.
"Di halata sa 'yo na ang kalat mo, no?"
"Gan'to lang talaga ako kapag naiinis. Kilala mo naman ako, 'di ba? Magtatanghalian na at nagugutom na rin ako tapos sinasabayan pa talaga n'ya..." May sinasabi pa ako pero nakita ko na lang na natahimik si Kina. Tapos nakarinig kami ng papalapit na yabag at bigla akong nakaramdam nang masamang elemento sa likuran ko.
"May sinasabi ka ba tungkol sa 'kin, Eli?"
"Ah, eh... Boss, wala..."
"Ang ayaw ko sa lahat 'yung pinagsasalitaan ako ng masama habang nakatalikod. Ba't 'di mo lahat 'yan sabihin ngayon sa pagmumukha ko?" Aaminin kong napalunok-laway ako nang salubungin ko ang matalim na tingin sa 'kin ng amo ko. Nakakatakot s'ya. Para s'yang halimaw sa ilalim ng lupa kung magalit!
"Umm..." Pag-ubo ng isang babae. Sabay-sabay kaming napalingon sa kan'ya.
"Kung mag-aaway kayo, puede bang du'n na lang kayo somewhere? Di n'yo ba nakikita na ang haba na ng pila? Kanina pa nga kami rito tapos pare-pareho pa kayong mababagal." Reklamo n'ya. Natawa naman ako dahil pulang-pula na sa inis ang amo ko. Pero dahil customer is always right, wala s'yang nagawa kundi palagpasin ang pagmamaldita ng babae.
"Pumunta ka mamaya sa opisina ko, Eli, hindi pa tayo tapos." Banta n'ya sa 'kin bago s'ya tumalikod.
"Ano pang tinatayo-tayo n'yo d'yan? Balik sa trabaho!" Mariin n'yang utos.
***
KAHIT SIGURO magtapang-tapangan ako, 'di pa rin mawala sa dibdib ko ang kaba pagkatapos kong buksan ang pinto ng opisina ng boss ko. Di n'yo ako masisisi, sa loob ng tatlong buwan ko sa café n'ya, saksi ako sa mga kamanyakan n'ya sa kan’yang mga empleyado.
At 'di rin ako nakaligtas du'n dahil ramdam ko ang malalagkit n'yang tingin sa 'kin. Pero hangga't wala naman s'yang ginagawa sa 'min physically, wala ring nagre-react. Kaya nanahimik na lang din ako.
"Um, Boss, pinatawag n'yo po ako?" Parang gusto ko pang matawa sa boses ko dahil pinilit ko talagang magtunog maamong tupa. Buti na lang 'di ako nabulol.
"Ms. Rivera, 'di na ako magpapaligoy-ligoy pa, mahal mo pa ba ang trabaho mo rito?"
"O-opo."
"Kung gano'n, alam kong alam mo na ang pinaka-ayoko sa lahat eh 'yung matigas ang ulo." Aniya dahilan para magsalubong ang kilay ko.
"Marami akong naririnig tungkol sa 'yo, Eli. Mareklamo ka raw. Mahirap utusan at palaging nahuhuli sa pagpasok. Yan ba ang sinasabi mong mahal mo ang trabaho mo?"
"Pero, Boss, hindi po—"
"Di pa ako tapos magsalita!" Napatikom na lang ako ng bibig at pinigil na maiyak.
"Hindi ko nagugustuhan ang mga naririnig ko tungkol sa 'yo pero dahil maawain ako at alam ko rin naman na kailangan-kailangan mo ng trabaho kaya may gusto akong i-offer. Yun eh kung willing kang kagatin." Masama na talaga ang kutob ko sa gusto n'yang mangyari, actually, sa hilatya pa lang ng mukha ng amo ko hindi na talaga gagawa ng matino.
"Luhod, Ms. Rivera."
"H-ho?" Tama ba ang narinig ko o nabibingi lang ako sa kabog ng puso ko?
"Ayoko sa lahat 'yung inuulit pa ang sinasabi ko." Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong ibiniba n'ya ang zipper ng pantalon n'ya. Siraulo ba s'ya? Seryoso ba talaga s'ya sa gusto n'yang mangyari?
"Ano pang hinihintay mo? Hindi kita tatanggalin sa trabaho mo kung paliligayahin mo ako. Di ba, alam mo naman na 'di ako pinagbigyan ng misis ko kanina? Kaya ikaw na lang ang gumawa para naman matuwa ako sa 'yo." Gusto ko talagang sapakin sa panga ang lalaking 'to matapos n'yang ngumisi. Ano bang akala n'ya sa 'kin, desperada at pakawalang babae?
"Kung ayaw mo, makakalayas ka na sa harap ko!" Napabuntong-hininga ako at nagsimulang maglakad palapit sa kan'ya. Kitang-kita ko naman na gumuhit sa kulubot n'yang mukha ang ngising n'yang parang sa aso. Akala n'ya ba talaga susundin ko s'ya? Kahit 'di ako nakapagtapos ng kolehiyo, kahit na mahirap lang kami ng Lola ko, at kahit na kailangan-kailangan ko ng trabaho, hinding-hindi ko ibababa ang sarili ko tulad nang gusto n’yang mangyari! Kaya nga nang makalapit na ako sa kan'ya, imbes na lumuhod tulad nang inaakala n'ya ay bumuwelo ako saka tinuhuran s'ya! Dinig ko ang pagsigaw n'ya at pamimilipit sa sakit habang hawak-hawak ang p*********i n'ya.
"Siraulo ka talagang babae ka!" Singhal n'ya sa 'kin. Pero umakma pa akong tutuhuran s'ya kaya napa-atras na lang s'ya sa takot. "Umalis ka na, tanggal ka na!" Matalim ko lang s'yang tiningnan sa mata na para bang pinupunit ang kaluluwa n'ya at pagkatapos walang imik na akong lumabas sa opisina n'ya. Napabuntong-hininga na lang ako pero deep inside para nang sasabog ang puso ko sa kaba at galit. Pinipigil ko lang din umiyak dahil takot na takot talaga ako. At bago pa ako makarating sa pinaglalagyan ng gamit ko, nasalubong ko na si Kina. Kita ko sa mga mata n'ya ang pag-aalala.
"Ano'ng nangyari? Ano'ng ginawa n'ya sa 'yo, Eli?" Sunod-sunod n'yang tanong at du'n na ako naiyak. Lalo tuloy s'yang kinabahan at kaagad n'ya akong niyakap.
"Minanyak ka ba n'ya? Ano, sabihin mo? Kasi kung oo, ipapa-pulis talaga natin s'ya!" Natawa naman ako.
"Ayos lang ako. Wala naman s'yang ginawa sa 'kin. Sa katunayan, ako ang may ginawa sa kan'ya." Pinunasan ko ang mga luha ko gamit ang braso ko saka proud na tumingin kay Kina. Takang-taka naman ang hitsura n'ya pero halatang sabik makarinig ng chika.
"Tinuhuran ko s'ya, ayun, namilipit tuloy s'ya sa sakit!"
"Seryoso?"
"Oo! Akala n'ya sa 'kin, luluhod at sasamba sa kan'ya?" Tumawa naman si Kina pero 'di masyadong malakas.
"Kaso, wala na akong trabaho. Tinanggal na n'ya ako dahil daw maraming reklamo sa 'kin ang mga tao rito." Nagtiim-bagang ako habang inuulit sa alaala ko ang mga sinabi n'ya tungkol sa 'kin kanina. Inisa-isa ko rin kay Kina kung ano-ano ang mga 'yun.
"At sa'n naman nanggaling 'yun? 'Di 'yun totoo, Eli, in fact, ikaw ang pinaka-masipag dito." Giit n'ya. Napakibit-balikat na lang ako habang inaayos ang mga personal kong gamit.
"Di ko alam. Pero kung sino man ang nanira sa 'kin, karma na lang bahala sa kan'ya."
"Pero pa'no ka na n'yan?"
"Magiging ayos din ako, Kina. Di mo kailangan mag-alala sa 'kin. Makakahanap din ako ng panibagong trabaho." Napabuntong-hininga naman si Kina saka ako niyakap.
"Hayaan mo, kapag may maire-rekumenda ako, tatawagan kita kaagad."
"Salamat. Pa'no, mauna na ako, ah? Dahil baka tuluyan ko nang durugin ang kaligayahan ng amo n'yong 'yan kapag nagkita pa kami rito ngayon." Natawa naman si Kina sabay pisil sa braso ko.
Pagkatapos naming magpaalaman, umalis na ako. Kaso 'di pa nga ako nakaka-sampung hakbang pagkalabas ng café, bigla naman bumuhos ang malakas na ulan!
Ni walang pasabi, walang ambon, basta na lang umulan! At kahit na matapos kong magkumahog na humanap ng masisilungan, basang-sisiw pa rin ako pagdating sa pinakamalapit na waiting shed.
Napailing na lang ako habang nangangatog sa lamig. Gan'to ba talaga ako kamalas? Una, natanggal ako sa trabaho, tapos nabasa naman ako ng ulan? Puro na lang ba talaga ako kamalasan?
Nakakapagod nang umasa na isang araw may maganda ring mangyayari sa buhay ko kahit na nagsisikap naman ako.