Chapter Fourteen: Welcome Home!
“Good news anak!” Napatingin siya kay Natalie na kapapasok lang ng kanyang silid. Ibinaba naman niya ang hawak na pitsel at ibinigay ang buong atensyon niya kay Natalie.
“Ano po iyon?” tanong niya. Ngumiti ang ginang sa kanya at ipinakita ang isang papel.
“Pwede ka na makauwi, anak!” sagot sa kanya. Napatango na lang siya. Well, hindi naman niya alam ang kanyang mararamdaman. Hindi niya alam kung ano ang dadatnan niya sa lugar kung saan tumira si Axe. Alam niyang malaki ang pagkakaiba nil ani Axe. Axe was surely friendly, sa dami ba namang mga tao ang bumibisita sa kanya. Si Axe ay may pamilya. Axe has a parents na kinalakihan unlike him na wala. Hindi nga niya kilala ang tunay niyang mga magulang. Namulat na lang siya sa bahay-ampunan sa bayan ng Quirone. Ang sabi ng pari na nangangasiwa ng orphanage na iyon ay iniwan na lang siyang basta sa tapat ng bahay ng pari. Mabuti na lamang daw at may pangalang nakaburda sa suot daw niyang damit.
“Mabuti naman po kung gan’on,” ang tanging nasagot lang niya. Sa nakalipas na buwan mula ng magising siya sa mundong ito ay masasabi niyang mabait at maasikaso sa kanya si Natalie. Wala lang siyang lakas ng loob na tawaging mama ang ginang. Unang dahilan ay hindi siya komportableng gawin ito. Ang salitang ina o mama ay banyaga sa kanyang dila. Pangalawa, pakiramdam niya ay wala siyang karapatang gawin ito. Para sa kanya ay si Axe lang ang may karapatang tawaging mama si Natalie.
“Aayusin ko lang ang iba pang papers at makakauwi na din tayo ngayong araw. I’m sure matutuwa ang mga kaibigan mo kapag nalaman nila ito.” Hindi na siya hinintay pang magsalita at muling lumabas ng kanyang silid.
“Well, I guess new stage for me,” sabi niya at inayos na niya ang kanyang gamit.
Bandang alas tres ng hapon ay naayos na lahat ni Natalie ang mga kailangan at hand ana siyang lumabas ng silid. Bibitbitin na sana niya ang duffel bag na pinaglagyan ng kanyang mga gamit nang mabilis itong kinuha ni Natalie at isinukbit sa balikat nito.
“A-ako na po diyan,” sabi niya at pilit kinukuha ang bag sa ginang. Umiling si Natalie.
“Axel, ako na. Hindi ka pa pwedeng magbuhat ng mabibigat. Kaya ko naman ito at saka saglit ko lang naman bibitbitin ito at may sasakyan ng naghihintay sa atin sa baba,” paliwanag sa kanya. Hindi naman na siya nakipaglaban pa at hinayaan ang ginang na maunang lumabas ng silid.
Paglabas niya ay nakita niyang nakahilera sa hallway ang mga nurses at staffs. Maging ang ilang mga doktor. Sa kanilang pagdaan ay nagpalakpakan ang mga ito sa kanya. Pagdating sa dulo ng hallway kung nasaan ang elevator ay sinalubong sila ng dalawang naging doktor niya. Paglapit niya ay iniabot sa kanya ang isang bungkos ng mga bulaklak. Pinaghalo itong mga Achillea Yarrow, Anthurium Flamingo flower, at Malva Mallow. Mga bulaklak na ang ibig sabihin ay good health.
“Congratulations for your recovery, Axel Santos,” sabi ng doktor.
“Thank you. Kung hindi naman dahil sa inyong lahat ay mukhang hindi din ako makaka-survive. Thank you everyone! Thank you nurses and doctors na walang sawa at hindi sumuko sa akin. Utang ko sa inyo ang buhay ko,” halos labas sa ilong niyang sabi.
Muling nagpalakpakan ang mga tao sa paligid niya at tuluyan na silang sumakay ni Natalie ng elevator. Pagbaba nila ay may ilang mga doktor at nurses pa ang bumati sa kanya. Paglabas nila ay dito lang niya ulit nalanghap ang hangin. Amoy niya kaagad ang amoy ng usok at polusyon.
“Anak, dito tayo,” sabi ni Natalie at iginiya siya sa isang kulay dilaw na Toyota Wigo. Bigla tuloy niyang namiss ang sasakyan niya na isang Corvette C7. Hindi niya rin malilimutan ang gasgas sa gilid nito na ang salarin ay si Harold.
Pinagbuksan siya ni Natalie ng pinto ng backseat at agad siyang pumasok. Mabilis niyang kinuha ang duffel bag sa ginang. Aangal pa sana si Natalie pero umiling siya.
“Ako na po. Dito na lang po ilagay sa tabi ko,” sabi niya. Umikot na si Natalie sa passenger’s seat at dito lang niya napansin kung sino ang driver. Sa pagkakatanda niya ay si Bernard ito—ang tauhan ni Don Timoteo.
Tahimik lang sila sa buong byahe. Wala naman siyang ginawa kung hindi pagmasdan ang paligid. Halos wala rin namang pinagkakaiba ang lugar na ito sa mundo niya. Parehong malls, parehong gas stations, halos pareho lahat. Naisip niya na may isang bagay ang pinagkaiba ng dalawang mundo. Sa mundo niya ay halos walang makikitang puno sa siyudad ng Mista pero dito ay punong-puno ng mga puno. Ang center island ng highway ay may mga nakahilerang mga puno ng acacia kaya naman very refreshing sa paningin niya kahit pa nasa siyudad siya.
Sa tantya ay ay halos kwarenta’y minutos na silang bumabyahe. Napansin niya na pumasok sila sa isang subdivision at lumiko sa Nimori St. Dito na sila huminto sa isang kulay dilaw na bahay. Bumaba na sila at pinagmasdan niya ang paligid. Nakita niya ang name plate na nasa tabi ng gate.
Santos Residence.
“Halika ka na?” tanong ni Natalie sa kanya. Tumango siya at kukunin na sana ang duffel bag nang unahan siya ni Bernard. Hindi na lang siya umangal pa at pinabayaan ito. Sabay-sabay silang naglakad papasok. Si Natalie pa ang nagbukas ng pinto at sa pagpasok niya ay bigla na lang ng liwanag ang paligid kasabay nito ang pagsigaw ng mga tao.
“Welcome home, Axel!” sigaw nila at may pa-confetti pa. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano ang mararamdaman niya. Ito ang unang beses na naranasan niya ang ganitong bagay. Nakita niya ang mga mukha na madalas siyang dalawin sa ospital at mayroong hindi niya nakikilala. Napansin niya ang malaking banner na nakapaskil sa pader. Mga letter balloons at mga lobo na may iba’t ibang kulay ang nakapalamuti dito.
Welcome home, Axel!
Hindi niya mapigilang maluha pero agad niya iyong pinigilan. Hindi pwedeng luluha lang siya dahil sa ganitong bagay.
“Finally! Nakauwi ka na din!” sabi ng isang babae na may mahaba at kulay pulang buhok. Ito ang unang beses na makita niya ang babae. Sa tingin niya ay matanda lang ito ng tatlong taon sa kanya.
“Bianca, ‘wag mong masyadong higpitan! Baka bumalik agad sa ospital si Axel!” sabi ni Lorence—ang batang palaging bumibisita sa kanya at kasama ni Harold. Si Harold naman ay nasa dulo lang at naluluhang tinitingnan siya.
“Boss Axel! Welcome back!” sigaw nito. Nagkaroon ng ingay. Ramdam niya ang saya sa bawat isa at banyaga sa kanya ang ganitong mga sitwasyon. Pero inaamin niya, nakakaramdam siya ng kasiyahan dahil sa mga nangyayari.
Axe, you’re very a lucky guy.