Chapter Eight: Axel “Axe” Santos
Year 2018
Hindi matigil-tigil ang paglandas ng mga luha ni Natalie Santos. Ang ina ng binatang nakaratay sa malambot na kama. Hanggang ngayon ay hindi niya akalain na sasapitin ito ng kanyang anak. Ang masayang mukha ng anak niya ay napalitan kalumgkutan. Ang magandang pangangatawan nito ay bumagsak na ng tuluyan.
“Axe, anak,” sabi niya at hinaplos ang noo ng kanyang anak. May tubo at mga aparato ang nakakabit sa kanyang anak. Mga aparatong sumusuporta sa paghinga ng kanyang anak. Natatakot siya nab aka isang araw ay tuluyan ng magpapaalam ang kanyang anak sa kanya. Hindi niya kakayanin iyon kapag nagkataon. Mawala na ang lahat, huwag lang ang nag-iisa niyang anak.
“Please anak, wake up na. Pinaiiyak mo na lang ako lagi. Miss ko na ang smile mo. Pagnagising ka ipagluluto kita ng paborito mong Salisbury steak.” Ginawaran niya ng halik sa noo ang kanyang anak bago lumabas ng silid nito.
Sa kanyang paglabas ay naabutan niyang nakaupo sa waiting area ang mga kaibigan ng anak niya. Alam niyang nalulungkot din ito dahil sa nangyari sa kanyang anak.
“Mama Natalie, magpahinga na po muna kayo,” sabi ni Harold sa kanya. Tipid siyang ngumiti dahil sa sinabi ng binata.
“Kami na po munang magbabantay kay Axe,” sabi ni Tony. Tumango siya at binigyan ng mahigpit na yakap ang dalawang binata. Alam niyang nalulungkot din ito dahil sa nangyari sa kanyang anak.
“Wala pa bang balita tungkol sa nangyari kay, boss?” tanong ni Harold at umiling naman si Tony. Bakas sa mga mukha nila ang puyat at pagod.
“Kahit ang head family ay walang nakuhang impormasyon,” sagot sa kanya ni Tony.
“Hindi natin pwedeng palagpasin ang mga nangyari kay Boss Axe. Hindi pwedeng mamatay siya,” sabi niya.
“Hindi mamamatay si Axe, Harold. Magtiwala ka sa diyos. Manalig tayo,” sabi sa kanya.
Isang buwan na ang nalipas mula nang maaksidente ang kanilang kaibigang si Axe. Nadawit sa isang car crash ang kanilang kaibigan at na-coma ito dahil sa brain damage. Akala nila ay natural na aksidente lamang ang nangyari ngunit ayon sa imbestigasyon ng kanilang pamilya ay lumalabas na sinadya ang car crash.
Gabi ng August 12, 2018 ay pauwi na si Axe galing sa main mansyon ng pamilya nila at pauwi na sa condo unit nito nang may biglang bumanggang ten-wheeler truck na nakasunod sa sasakyan ni Axe. Halos mayupi na ang buong sasakyan at naipit pa si Axe sa loob. Sa unang imbestigasyon ng mga pulis ay nawalan daw ng control ang driver ng ten-wheeler truck. Hindi naging kontento ang buong pamilya nila sa resulta ng imbestigasyon at nagsagawa ng sariling investigation ang buong Cielo Family. Dito nila napag-alaman na sinadya ang aksidente. Miyembro ng isang pamilya ang driver at inutusan itong manmanan si Axe at patayin. Sa galit ng head family ay nag-utos itong patayin na ang driver na iyon at magsagawa ng all out war laban sa pamilyang kinabibilangan nito. Pero hindi nagtagumpay ang kanilang pamilya. Maraming miyembro ang nalagas sa kanilang pamilya kaya kalaunan ay itinigil din ng head family. Pero hindi ibig sabihin nito na palalagpasin nila an nangyari kay Axe.
Hinding-hindi makakalimutan ni Harold ang gabing iyon kung kailan niya narinig ang masamang balita. Mabilis siyang sumugod sa ospital at ganoon na lang ang paghinagpis niya nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ni Axe. Sinisisi din niya ang kanyang sarili. Kung sana lang ay sinamahan niya pauwi si Axe ay hindi mangyayari ito. kung sinunod lang niya ang kanyang kutob ng gabing iyon, napigilan niya sana si Axe na umuwi ito sa condo unit nito sa Mista.
Nagulat na lamang sila nang bigla silang nakarinig ng beeping sound at kasabay nito ang pagdating ng mga humahangos na doktor at nurses.
“A-anong nangyayari?” tanong niya sa isang nurse.
“Nag-flat line po ang patient,” sagot sa kanya. Parehong nanlaki ang mga mata nil ani Tony.
“Papasukin niyo kami!” sigaw niya at akmang papasok sa loob ng silid pero hinarang sila ng ilang nurses.
“Sir, ‘wag po muna kayong pumasok.”
“Axel! Lumaban ka! Axel!” sigaw niya. Nakita niya ang flat line sa Holter monitor.
“Axel! Axel!” sigaw niya ulit.
Nakita niyang kinuha ng isang doktor ang defibrillator.
“Charge it!” utos ng doctor. Mabilis na inasikaso ng isa pang doktor ang machine. Nakita nilang nilagyan ito ng gel at pinagkiskis ang dalawang pads nito. Itinapat nito sa kanang dibdib at ilalim ng kaliwang dibdib ni Axel.
“One hundred twenty joules! Clear!” sigaw ng doctor at kasabay nito ang paglapat ng mga pads. Umangat panandalian ang katawan ni Axel at bumagsak din ito sa kama.
Pero nanatiling flat line pa rin ang nakikita nila sa Holter monitor.
“Axel please! Lumaban ka! Kung naririnig moa ko lumaban ka!” sigaw niya.
“Two hundred joules!” sigaw ulit ng doctor. “Clear!” Muling umangat ang katawan ni Axel.
Sabay-sabay silang napatingin sa Holter monitor at para silang natanggalan ng tinik sa dibdib nang makinang nagtaas-baba na ulit ang linya doon. Pakiramdam ni Harold ay nawalan siya ng lakas at napaupo na lang siya sa sahig. Napailing-iling pa siya at naluha dahil sa nangyari.
“Thank god! Thank you, god!” ang tanging nasambit niya. Naramdaman niya ang bisig ni Tony sa kanya at naluluha na din ito.
Hindi pa siya handang magpaalam kay Axel. Hindi pa niya kaya. Ilalaban nila ang buhay ni Axel.
“For now, he’s stable. Mabuti na lang at na-revive naming agad siya,” sabi ng doktor. Si Tony na ang tumayo at nagpasalamat sa doktor.
“Thank you so much, doc. Thank you hindi niyo sinukuan si Axel.” Ngumiti ang doktor at tinapik ang balikat ni Tony.
“He’s strong. Malalagpasan niya ito. Don’t lose hope,” sabi ng doktor at tuluyan ng umalis.
“Harold,” tawag ni Tony sa kanya. Kahit nanginginig ang kanyang tuhod ay pinilit niyang tumayo at pumasok sa loob ng silid.
“Please, fight for your life Axel.”
Wala silang kalam-alam na umiikot na ang tadhana sa buhay ni Axel Santos.
Napangiti na lamang ang isang lalaki habang pinagmamasdan sa isang napakalaking monitor ang nangyari kay Axel santos. Napasipol pa siya dahil sa muntikang pagkamatay nito.
“Let us wait for a while, Axel Santos.”