Episode 2 BEST MAMA

2037 Words
Episode 2 BEST MAMA     Kendra Nagmamadali kong inilabas ang aking payong at ang ihawan. Nakapila na ang bibili at ang mga tumador na mamumulutan. Paano naman ay nagharutan pa kaming mag-ina sa loob kaya ako natagalan. Hindi ko naman pwedeng balewalain ang paglalambing ng anak ko sa akin dahil higit sa anumang bagay ay siya ang pinakamahalaga. “Ate Kendra ganda, kinseng piraso ng maskara at limang adidas sa akin.” Sabi ni Alicia. Iniabot ko sa kanya ang maliit na notebook at ballpen. “Dating gawi, Alice in Wonderland. Isulat mo lahat ng order at lulutuin ko. Ihatid mo sa kanila at babayaran kita ng bente pesos.” Sabi ko sa bata na parang humaba ang nguso kaya napatigil ako. “Aba, mukhang ayaw mo na sa bente ah.” Sabi ko sa kanya kaya napakamot siya. “Ate Kendra ganda, nagmamahal na ang talent fee ko ngayon kasi may regla na ako.” Diyos miyo! Nagkaregla lang nagmahal na ang PF? Ano ito? “Ano naman kinalaman ng regla mo sa sweldo mo bilang delivery girl ko?”  Tanong ko habang inaasikaso ang lahat. Nagtatawanan naman ang mga nakapilang tao dahil sa bata. Walang hiya talaga, mana sa inang taga club. Walang kapilo-pilo na kahit nasa kalsada ay nagsasalita ng tungkol sa regla. “Syempre ate ganda, bibili na ako ng sanitary napkin. Limampiso ang isang Modess kaya apat lang ‘yon bente mo.” Rason pa ng bata sa akin pero nagsusulat naman sa notebook ng mga order na BBQ. “Okay, fine. Gagawin ko ng trenta.” Sabi ko para matapos ang usapan. Nang matapos naman siya sa pagsusulat ay ibinigay na ulit niya sa akin ang notebook at malungkot siyang tumingin. Parang may gusto siyang sabihin pero mukhang naunahan na ng hiya. Naawa ako sa kanya at alam ko na kahit hindi pa siya nagsasalita ay may dinadala siya. Sinindihan ko ang uling na gawa sa bao at pinahanginan gamit ang de bateryang mini fan. “Anong problema mo Alice? Huwag kang magkakamaling magsinungaling sa akin.” Kunwari ay galit-galitan ko sa kanya. “Ate Kendra, kapag yumaman ka kunin mo akong yaya. Huwag mo akong iiwan kay Nanay saka kay Tsong Bruno.” Naiiyak na napalunok ang bata. “Bakit? Inano ka na naman ng demonya mong ina at ng batugan mong ama-amahan? Gusto mo sabunutan ko ang Nanay mo tapos tuhurin ko ang ama mo?” Tumaas ang presyon ng dugo ko sa pagkabwisit. Ewan ko ba, ang tapang ko na ngayon at noon ay hindi ako makabasag ng pinggan. Siguro dahil na rin sa hamon ng buhay at sa pagiging dalagang ina ko. Malapit din kasi sa akin ang bata at kung siyam na taon na ako sa lugar na ito ay siyam na taon na rin kaming magkaibigan. Onse na siya ngayon, ibig sabihin ay dalawang taon pa lang si Alice ay madalas na siya sa akin. Patingin-tingin siya noon at palaging pumapalahaw ng iyak kapag lumalayas ang ina para manlalaki. Walang awang iniiwan ang bata kahit hindi pa kumakain at umiinom kahit na kape lang, kaya sa awa ko ay madalas ko siyang ninanakaw at pinakakain noong namasukan ako bilang tindera ng tinapay sa bakery sa labasan. At kapag sinasaktan siya ng Nanay niya ay kami ang nag-aaway ni Ate Corazon at ni Mang Bruno. “Pwede bang ‘yong adidas ay bayad na lang ate Kendra sa paghatid ko sa mga BBQ mo? Ang pinadala lang kasi sa akin ni Nanay ay ‘yong pambayad sa ulam ni Tsong na maskara. Walang bayad sa adidas.” Naiiyak na yuko niya at parang hiyang-hiya. Pilit niyang pinipigil ang paghikbi at parang kinurot naman ang puso ko. Mauuna pa akong umiyak kaya nag-iwas ako ng tingin. “A-Ang usok. Ang sakit sa…mata.” Pahid ko sa mata ko. Di ko kaya na ganito ang nakikita ko. Ang sarili kong anak ay pilit kong itinataguyod at naaawa ako sa mga batang katulad ni Alice na pinababayaan ng magulang. Mas mahalaga pa sa babae na iyon ang t’yan ng lalaki kaysa sa sikmura ng sariling anak. Walang alam kung hindi ang bumukaka at tumihaya, samantalang ang anak ay kung saan-saan yata dumidilehensya ng panglaman sa sariling t’yan kaya paulit-ulit ang pangaral ko na huwag iisipin na ibenta ang sarili para lang magkapera. Sabi ko ay dito na lang siya sa akin kapag nagugutom dahil bukas naman ang palad ko na alagaan siya. “’Wag kang mag-alala. Kapag yumaman ako, papag-aaralin kita at bibigyan kita ng pwesto sa sarili kong restaurant na puro BBQ ang tinda. Hindi kita pababayaan. Huwag ka ng umiyak. Libre na ang ulam mo pati kanin. Dito ka na kumain at babayaran pa rin kita sa paghatid mo sa mga tao na bumili ng BBQ ha.” Ngumiti ako sa kanya at ngumiti na rin siya. “Sige ate Kendra, salamat. Doon ako sa loob at titingnan ko si Ken.” Paalam niya kaya tumango ako. “Kendra gandaaaaa! Juskoday!” Natulig ang tainga ko sa lakas ng tili ng tatlong baklang papalapit. Sina Aida, Lorna at Fe. Iyon ang tag nila sa sarili nila at sila ang batikan na make up artist ng barangay. Taga make up sa patay at taga make up sa buhay. Halos madapa ang tatlo habang papalapit sa akin. Alam ko na ang kailangan nila — kandidata sa pageant. Para silang tatlong tibursyo na ginawang tibursya, kuntodo shorts at mini skirts kahit na ang daming muscles sa katawan at ang balahibo, susmi, parang mina ng buhok ang mga binti. “Ano na naman?” napapakamot sa ulo na tanong ko nang isalang ko ang first batch ng mga karne sa ihawan. “May pageant.” Nakabungisngis  na bungad ni Fe. “O ngayon?” inosenteng sagot ko saka walang habas na pinaypayan ang uling. Sasapakin ko ang mga bakla maya-maya lang. Tatlong taon na nila akong nililigawan sa pageant-pageant na ‘yan at nabubwisit na ako. Ang kinukuha naman kasi karamihan sa pegeant ng barangay ay ang mga single Moms at hindi ang mga totoong dalaga talaga, halo kumbaga. “Sasali ka namin.” Pahinhin na sagot ng tatlo. “Ah hindi!” nagpakailing-iling ako. Ano ako bali? “Hindi ako sasali. Ayoko. Ayoko. Ayoko. Ayoko. Ayo – k” paulit-ulit ako pero kaagad akong napatigil nang saluhin ako ng isa sa kanila. “Thirty-five thousand ang premyo.” Sagot ni Aida saka isiniksik ang buhok sa tainga. Natigilan ako. Pang dalawang taon na ‘yon sa pag-aaral ng anak ko sa semi-private school na pinapasukan ni Ken. Kumurap-kurap ako. “10k lang ang amin kapag nanalo ka. Sa iyo ang 25k.” Ngisi ni Lorna. “B-Bakit ang laki?” Tanong ko habang binabaliktad ang mga karne. Noong mga nakaraang taon ay umaabot lang ng sampung libo ang mananalo, ngayon ay lumobo. “Big time ang nakuha ni Kapitan na sponsors. May isang milyonaryong businessman daw na dating boss. At ‘yon daw mismo ang isa sa mga judges. Sasali ka na? Pang-libro na rin ‘yon ni Ken.” Ani Fe. Nahalata kong pinagtutulungan nila ako at parang pinaiinggit. “Kalaban mo si Theresang tindera ng hipon, muse ng basketball team ng Baranggay Maligaya.” Imporma pa ni Lorna. Kilala ko ang Theresa na ‘yon. Iyong laging labas ang pusod kapag nagtitinda ng hipon. Iyong ubod ng puti na babaeng maliit pero sosyal. Hindi aakalain na nagtitinda ng hipon dahil nawawala bigla kapag may de kotseng bumibili. Ibang hipon na yata ang itinitinda at baka nga ipinahihigop pa ang hipon niya. “Sasawi po si Mama, ate Worna.” Sambot naman kaagad ni Ken na nakasilip na pala sa pintuan. Humahagikhik ang anak ko habang labas ang ngipin na iisa. Diyos ko. Kapag ngimingisi siya ng ganoon ay kamukhang kamukha siya ng ama niya, maganda ang mga mata na parang sa isang Kastila at ngumingiti rin kapag masaya. Ah bwisit! Naalala ko na naman ang halimaw na si Enriel! “Anak, masama na sumali sa usapan ng matatanda.” Saway ko na lang sa bata. “Mama, hindi ka pa naman matanda. Ganda-ganda mong Mama at bata ka pa. ‘Di ba sabi mo ‘di ka tatanda?” Pangungilit na naman ni Ken sa akin. Ayaw niya kasing naririnig na tatanda ako. Umiiyak siya kasi kapag tumanda raw ako ay mamamatay na ako. Kaya ang sabi ko sa kanya ay palagi lang akong twenty-four year old na Mama. “Hindi. Hindi ako tatanda.” Masiglang sabi ko na naman para lang ngumiti siya ulit. “Sasawi ka Mama? Isasawi mo ako sa schoow sa dwawing doon kay Teachew Ewephant para maging magawing ako sa paggawa ng bahay? Gusto kong sumawi kay Teacher Ewephant kaya wang mahaw ang bayad. Thwee thousand Mama. Kapag nanawo ka sasawi mo ako tapos bibigyan niwa ako ng wibreng cowors at drawing book. Pwede na kitang i-drawing. My best Mama in the worwd! My most beautifuw Mama in the worwd!” Itinaas pa niya ang dalawang braso na parang proud na proud siyang ako ang Mama niya. Kahit na utal pa siya ay alam na alam ko lahat ng salita niya. Naiiyak na ngumiti ako at tumingin sa mga bakla. Parang kita ko sa mukha nila na naaawa sila kay Ken dahil sa kawalan nito ng tatay. Saka alam ng mga bakla na ito ang dinanas kong hirap lalo kapag may sakit ang anak ko na kahit bagyo ay sinusuong ko para lang madala ito sa ospital. Na kahit kaluluwa ko ay handa kong ibenta para lang maligtas ang buhay ng bata. At sa awa ng Diyos ay hindi naman umaabot sa punto na ganoon. Marami pa rin ang nag-aalok ng tulong lalo na ang pinasukan kong bakery na si Aling Delia. Pinauutang ako na walang porsyento kaya matapat akong magbayad at hindi ko naging ugali na samantalahin ang kabaitan sa akin. Matagal na sa akin na nagsasabi si Ken na gustong sumali sa drawing class ng teacher niya sa Arts, kaya lang wala akong pera. Bukod naman kasi sa tatlong libo ay ako rin ang bibili ng gamit ng bata sa pagdo-drawing, at kapag nakapasa at naka-graduate ay doon naman ibibigay ang isang set ng painting tools sa bata. Nagtanong na rin ako pero hindi alam ng anak ko. Kung alam lang niya kung gaano ko gustong isali siya sa lahat ng maibigan niya basta para sa ikabubuti niya at ikalalawak ng kaalaman ay susuporta ako. Kaya lang hindi ko kaya. Pero ngayon ay baka may pag-asa. Hihindi ako kung para sa kapritso lang ang pagkakagastusan, pero dahil alam ko na may matututunan si Ken, pwede kong subukan kahit na lunukan ito ng kahihiyan. Saka napapansin ko na talagang mahilig siyang gumawa ng bahay at palaging ako ang laman ng drawing niya. Sa tingin ko ay gusto niyang maging Engineer paglaki o kaya ay Architect. Iyon ang laman ng pangarap niya, ang makapgtayo ng sarili niyang palasyo at kaming dalawa raw ang titira. Nakakatuwa para sa isang magwa-walong taon na bata na maririnig ang ganoong pangarap. Parang hindi siya nagmana sa ama niyang parang bata at iresponsable. “Sasawi si Mama Ate Worna.” Diyos ko…baka magsitakbuhan ang mga tao kapag nakita akong naka-swimsuit. “Ano na ateng na maganda, gogora na ba? Sabi ni poging baby boy, gogora ka na.” Tanong ni Fe. Bumuntong hininga ako at saka tumango. Sabay-sabay na nagsitilian ang mga bakla na parang nakajackpot ng 12 inches na d***o. “Yehey! Mananawo si Mama ate Awice! Mananawo si Mama ko at isasawi niya ako sa drawing!” Tuwang-tuwa na nagtatalon si Ken at patakbong yumakap sa likod ko. Isiniksik niya ang mukha sa gulugod ko at hinalik-halikan pa ako. “My best Mama in the worwd. My beauty queen Mama in the worwd.” Diyos ko, manahimik ka anak at nakakahiya. “I wove my Mama!” sigaw pa ng anak ko. Napatingin ako sa iniihaw at naku po, nasunog na ang kabilang side. Napatulala na kasi ako at nag-iimagine ng kung ano-ano. Pag-iisipan ko ang pagrampa sa stage para manalo ako at talunin si Ms. Hipon para sa drawing class ng anak ko at pang-libro.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD