PROLOGUE
9 years earlier…
Lumuluhang pinakatitigan ko ang t’yan ko sa salamin, hinimas na parang baliw na nangingiti rin. Mama na ako. Mama na ako sa edad na sixteen. Paano ko ito sasabihin sa mga magulang ko kung ilang linggo na kaming hindi nagkakasama ni Enriel?
Napahikbi ako. Para akong mamamatay sa sakit dahil hindi na niya ako pinapansin. Ilang beses ko siyang nakita kasama si Amethyst at kahit na gusto kong lumapit ay hindi ko magawa. Parang nasusuklam siya sa akin. Bakit sa akin siya masusuklam ay ako itong pinakialaman niya?
Bununtis niya ako at hindi ko rin alam kung paano ko sasabihin sa kanya. Paano kung magalit siya at sabihin na wala siyang magagawa? Isang beses na lang ay ko-qouta na ako sa pagsisinungaling. Nang magkasalubong kami sa may rancho ay tinanong niya ako dalawang beses pero nagsinungaling ako kasi naman nasasaktan akong makita na magkasama sila ni Amethyst sa iisang kabayo at walang humpay ang paghahalikan. Noon lang niya ako kinausap tapos ay binalewala na naman niya matapos siyang bumalik galing Manila at nawala ng ilang araw.
Tumulo ulit ang luha ko. Sana manhid na lang ang puso ko para hindi ako nasasaktan ng ganito. Alam ba ni Enriel na mahal ko siya? Kulang pa ba ang pagbibigay ko ng sarili ko sa kanya para balewalain lang niya ako? Nasaan na ang mga pangako niya noon na ako lang ang mahal niya?
Mahal niya kamo Kendra? Mahal niya bilang isang kaibigan na pwedeng parausan.
Sumigok ako pero nang maisip ko ang baby ko ay pinilit kong tumigil. Karapatan ng anak ko ang magkaroon ng Papa kaya sasabihin ko sa kanya ang totoo.
Naglagay ako ng pulbo at saka nagsuklay. Parang ang putla ko at ang itim ng mga mata ko. Alam kong dala ito ng pagbubuntis ko kasi ‘yon ang nabasa ko sa mga libro tungkol sa pagdadalang-tao. Saka napag-aralan ko naman sa Science ang tungkol sa fertilization at sa fetus. Nag-uumpisa na akong magbasa para maihanda ko ang sarili ko. Itinatago ko lang ang mga libro dahil baka makita nina Mama, tapos ay ibinabalik ko rin sa library.
Muli kong sinipat ang sarili ko at naalala ko si Amethyst na nakasakay sa kabayo. Ang ganda talaga niya at dalagang-dalaga na. Ako ay halos wala pa ngang s**o pero may laman na ang t’yan ko. Walang-wala rin ako sa pananamit ng girlfriend na ‘yon ni Enriel. Hindi naman kasi kami mayaman at wala rin akong damit na mga kasingganda ng damit noon. Wala akong make-up o lipstick kaya paano naman ako magugustuhan ni Enriel talaga?
Ako lang ang gaga na umasa at nadala sa ulutan ng mga kaibigan ko sa school na may gusto rin daw sa akin si Enriel dahil palagi ang hatid at sundo niya sa akin. Nakalimutan ko na ako nga pala ang best friend niya kaya ganoon siya sa akin.
Bumuntong hininga ako at nanghina na naman ang loob. Nag-umpisa akong magpalakad-lakad dahil hindi ko alam kung tutuloy pa ako sa pagpunta sa kanila. Wala sina Mama dahil sumama sila sa pag-aani ng mga mangga at gabi pa sila uuwi.
Dati-rati, ganitong oras ay nandito na si Enriel at nangungulit. Dito pa nakikiinom ng tsaa kahit na ang ganda naman ng bahay nila. Pero ngayon, wala na. Simula nang bumalik si Amethyst ay hindi na niya ako naalala. Sino nga ba naman ang makakaalala sa isang barot na babae at batam-bata na anak lang ng mga trabahador sa hacienda?
Lalo akong nanliit at napaupo ako sa papag.
“Litong-lito na ako baby ko. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa Papa mo na hindi na nga ako halos kilala dahil magkaayos na sila ng babaeng pinakamamahal niya.” Sumikdo ang dibdib ko. “Oo baby, may ibang mahal naman ang Papa mo at hindi ko nga alam kung anong meron kami talaga. Wala yata kaya kawawa ka naman dahil nadamay ka pa sa katangahan ko.”
Parang mga kutsilyong sumasaksak sa dibdib ko ang lahat ng mga eksena na nakikita ko kapag magkasama sila ni Amethyst. Masakit na masakit para sa akin na makita silang naglalambingan at hinahalikan niya ‘yon sa noo na madalas ay sa akin lang niya ginagawa.
Naramdaman ko na lang na pinapahid ko ang mga luha ko at umangat ang katawan ko mula sa pagkakaupo sa papag. Kailangan ko ng lumakad. Huling pagkakataon na ito na may chance pa na masabi ko kay Enriel ang tungkol sa pagbubuntis ko.
♠♠♠
Lutang akong akong bumaba sa hauler ni Tsong Mago at ni hindi ako nakapagpasalamat sa tiyuhin ko.
“Susunduin ba kita, Kendra?” ang lakas na tanong niya nang buksan ko ang gate ng villa.
Noon ako napakurap at lumingon. Umiling ako at pakiramdam ko ay wala akong buhay. Patay na yata ako.
“Uuwi na lang ako Tsong.” Wala sa sariling sagot ko. Hindi ko nga alam kung paano ako uuwi. Wala naman halos dumaraan na trabahador sa may villa dahil para sa mga de la Cueva na ang lugar na ito. Hindi na rin ako ihahatid ni Enriel papauwi dahil may Amethyst na siya. Maglalakad na lang ako at magpipinetensya.
“O sige. Nariyan naman pala si Señorito Enriel at ihahatid ka noon papauwi. Mag-ingat ka ha.”
Pilit akong ngumiti at tumango. Matagal nang wala ang tiyuhin ko ay nakatanga pa ako sa kawalan. Hindi ko alam kung tutuloy ako o hindi pero ito lang ang pagkakataon ko dahil siguradong wala si Amethyst dito sa mansyon.
Tumuloy ako at naglakad papasok kahit na may kalayuan ang gate sa mismong kabahayan. Malilim naman dahil maraming puno na nakahilera sa sementadong daan. Saka maaga pa naman kaya pwede pa akong mainitan.
Pagdating ko sa kabahayan ay isang katulong ang naabutan ko sa may pintuan, si Ate Adela.
“O, ang aga ng dalagita ah!” nakangising bati noon sa akin habang hinihila ang isang garbage bag.
“Si Enriel ate?” kaagad na tanong ko.
“Tulog pa. Nasa kwarto yata niya. Panhik na.”
Hindi na ako nagsayang ng oras. Kaagad kong pinuntirya ang hagdan at tuloy-tuloy ako sa itaas. Pagliko ko pakaliwa ay eksakto naman na bumukas ang pinto ng kwarto ni Enriel at lumabas siyang basa ang buhok at nakabalot lang sa twalya ang ibabang bahagi ng katawan niya.
Diyos ko. Para akong sinilaban.
He seemed so very surprised at hindi naitago ang maganda niyang ngiti. “KC?” tanong niya at saka walang pag-aalinlangan na lumapit pero sa isang iglap ay parang nahipan siya ng masamang hangin at nagbago ang aura ng mukha niyang walang kasing gwapo. Parang hindi pa nga niya itinuloy ang paglapit at hindi rin niya ako hinalikan sa noo katulad ng madalas niyang ginagawa kapag nakikita niya ako. Doon pa lang ay nasaktan na naman ako nang husto.
Miss na miss ko na siya kaya lang hindi ko naman ‘yon masabi kasi nahihiya ako. Hindi naman ako pinalaki ng mga magulang ko na mapaghabol sa lalaki at lagi rin na sinasabi sa akin ni Mama na huwag na huwag ko ‘yong gagawin kung magkaka-boyfriend man ako. Dapat daw na lalaki ang magpapakahirap na makuha ang pagmamahal ng babae at hindi ang babae ang magbibigay noon basta-basta na lang. kaya lang anong mas lalala pa sa pagbibigay ko ng sarili ko na ngayon nga ay may bunga na?
“Ahm — ” parang kinabahan ako bigla at nawala ang mga salitang gusto kong sabihin.
Pinakatitigan niya ako nang husto at parang nangunot ang noo niya. “Hindi ka pumasok sa school? May sakit ka ba? Maputla ka yata. Kumain ka na ba? Sinong naghatid sa’yo rito? Don’t tell me naglakad ka lang.” pinahid niya ang pawis sa noo ko at boltaheng kuryente ang nagpakaligkig sa akin.
Kumurap lang ako habang nakatingala ako sa kanya. Hindi ako gaanong makatingin sa katawan niya kasi naiilang ako kapag ganito na halos hubad siya sa harap ko.
“Gusto mong kumain? Magpapahanda ako kay Adela.” Paiwas na tumalikod siya matapos niyang pagsawain ang mga mata sa kabuuan ng mukha ko.
Napayuko ako dahil pakiramdam ko ay may sakit ako nanakakahawa na dapat niyang iwasan. May mali ba akong nagawa sa kanya? Hindi ko naman siya inaway.
“Kumain na ako.” Mahinang sagot ko pero ang totoo ay hindi pa ako kumakain kasi gatas lang ang ininom ko. Ayokong kumain dahil sumusuka ako kapag nalalaman ng mabigat ang t’yan ko.
Pumihit ulit siya at humarap sa akin. Walang expression ang mukha niya at para bang ayaw niya na nandito ako. Parang ayaw niya akong makita.
“Bakit matamlay ka? Buntis ka ba? Nabuntis ba kita?” tanong na naman niya. Pangatlong beses na ito na tinanong niya ako at mukhang hindi siya naniwala sa mga naunang sagot ko kaya ngayon ay sasabihin ko na ang totoo.
Nakatingin siya diretso sa mga mata ko at naghihintay ng sagot. Nag-iisip akong mabuti. Ayokong mahalin niya ako dahil sa bata lang. Gusto ko na magustuhan niya ako dahil ako ang KC niya at hindi dahil nabuntis niya ako. Kaya lang kailangan siya ng baby namin. Kaya lang paano siya at si Amethyst? Baka magalit siya sa akin at sabihin niya na pagkakamali lang ito at baka mamaya ay ipalaglag niya ang anak namin para magkatuluyan pa rin sila ng fiancée niya.
Ayoko… lalo na lang akong nalito.
“Kendra, I am asking you. I want you to answer me honestly. ‘Yong totoo bago ako umalis.”
Umalis? Tumingin ako ulit sa mukha niya. Umalis? Aalis na talaga siya? Saan siya pupunta? Parang uminit ang mga sulok ng mata ko at parang huminto ang puso ko sa pagtibok. Bakit aalis siya? Kailan siya babalik?
Bumuka ang mga labi ko nang umarko ang mga kilay niya pero bago pa man ako makausal ng salita ay narinig ko ang pagtunog ng lock sa pinto ng kwarto niya kaya doon lumipat ang mga mata ko.
Gimbal ako nang lumabas doon si Amethyst na kusot pa ang kulot at napakahabang buhok, kipkip ang isang kumot na kulay maroon at nakayapak. Halos mahubaran ‘yon at tila ba walang pakialam kung lumalabas ang dibdib.
Napalunok ako ng laway nang maramdaman ko na natutuyo ang lalamunan ko. Parang may nakabukol sa dibdib ko dahilan para bumigat ang paghinga ko. Bakit masakit sa dibdib? Bakit magkasama sila rito at hubad sila pareho? Dito natulog si Amethyst? Natulog ba sila o hinalikan din ito ni Enriel sa buong katawan katulad ng ginawa niya sa akin?
Ngumiwi ako sa sakit.
“Oh, may bisita ka palang bata. Akala ko kung sino. Hi Kendra.” Bati sa akin ng babae at saka ‘yon lumapit at walang pangingiming yumakap sa leeg ni Enriel at hinalikan ang lalaki sa harap ko.
Umiwas ako ng tingin nang magtagal ‘yon na para bang kung wala ako ay ganoon din kainit na halik ang isasagot niya sa babae.
Nasaktan ako para sa baby ko. Kasalan ko ito dahil nagpabuntis ako sa lalaking hindi naman ako mahal kaya pati baby ko ay nasasaktan ngayon.
“Hintayin mo ako sa loob.” Narinig kong sabi ni Enriel kay Amethyst.
Para akong tinarakan ng punyal nang makita kong nakahawak siya sa balakang ng babae at halos magyakap sila. Hindi ko na kaya.
Diyos ko tulungan Mo po akong makalabas dito at ipinapangako ko na hindi na ako babalik pa. Ibangon Mo po ang p********e ko na sinira ko at ipinapangako ko na aakuin ko na mag-isa ang baby na bigay Mo po sa akin. ‘Wag Mo po akong hayaan na umiyak sa harap niya at magmukhang tanga sa harap nilang dalawa.
Dasal ko iyon kasi parang sumasara ang lalamunan ko dahil sa sakit ng kalooban ko.
Nang humakbang si Amethyst papaalis ay huminga ako nang malalim. Ikinurap ko ang mga luha ko na pakiramdam ko ay ilalaglag na ako maya-maya lang, pero tinibayan ko ang loob ko at itinaas ang noo ko.
“Dumaan lang ako kasi narinig ko nga na aalis ka na.” I lied. “Happy trip ha. Bye.” Sabi ko saka ako mabilis na tumalikod at naglakad papaalis. Ayokong tumalikod kasi baka ito na ang huli naming pagkikita. Gusto ko sanang kabisahin ang mukha niya, haplusin at pakatitigan, gusto ko siyang yakapin at sabihin na mahal ko siya, pero wala akong karapatan na gawin ‘yon.
“KC, wait.” Sabi ni Enriel pero nilakihan ko ang mga hakbang ko. Ayokong lumingon kasi alam ko na iiyak ako at susumbatan ko lang siya. Ayoko siyang sumbatan. Ayoko siyang obligahin at ayoko na matali siya sa akin dahil lang sa bata. Kaya ko at kaya kong mag-isa. Kakayanin ko dahil may bata na umaasa na sa akin ngayon at magiging mabait akong Mama kahit na bata pa ako at kahit na hindi ako pinanindigan ng Papa nito.
“KC,” tawag ulit ni Enriel pero halos tumakbo na ako papaalis.
“Papasok pa ako. Dumaan lang ako.” Nangangatal ang boses na sabi ko habang papababa ako ng hagdan at humahabol naman siya.
Mas lalo kong binilisan at nang makatakbo ako papalabas ng pintuan ay doon na ako tuluyang napaiyak. Tumakbo ako sa daan papalabas ng villa at walang lingon. Ayoko siyang makita at ayokong makita na may mahal siyang ibang babae. Ayokong makita at maisip na may ginagawa sila ni Amethyst at magkakaroon na rin sila ng mga anak na mamahalin niya habambuhay at kami ng anak ko ay hindi.
Kami na lang ngayon at wala na si Enriel. Ako na lang at si baby…