CHAPTER FIVE
When your Dreams become Worst Nightmares
MAY ibang nararamdaman si Alex sa kanyang pagbabalik. Kahit isaksak niya sa kanyang utak na natanggap na siyang muli ng kanyang Tiya Jennifer, may parte ng kanyang utak na ayaw paniwalaan ito. Siguro ay dahil na rin sa kakaiba niyang nakita kanina lang.
Ano bang mayroon sa ngiting iyon na ayaw niyang paniwalaan?
Naging mabilis ang proseso ng pagtanggap sa tingin niya. Hindi pangkaraniwan sa isang tao ang magpatawad agad depende sa naging kasalanan nito. Dahil kung si Alex ang tatanungin, alam niyang matagal ang magiging proseso nito. Pero ang pagpatay? Ano nga ba ang katumbas na kapatawaran nito?
Marahil dahil na rin sa kanyang ugali ay mabilis na rin siyang magduda sa ibang tao. Alam niyang may iba’t-ibang anyo ang mga tao na nagkukubli sa kanilang mga sarili na hindi madalas ipakita sa iba. At sa pagkakataong madali lang silang lapain ay siya na silang susunggab.
Bumalik mula sa kusina ang kanyang Tiya bitbit ang isang tray ng pagkain. Nakangiti itong lumapit sa kanya at saka binaba ang bitbit. Naupo sila sa mahabang sofa habang parehong hindi nakatingin sa mga mata ng isa’t-isa.
Lumunok muna siya upang ayusin ang kanyang nanunuyot na lalamunan dahil sa kaba. “Tiya Jennifer, kumusta na po pala kayo dito?” tanong niya para mabawasan naman ang kanyang panghihinala at nang mawala rin ang kakaibang atmospera sa pagitan nila.
“Maayos naman, Alex. Minsan ay nalulungkot dahil ako na lang mag-isa rito sa bahay. Pero ganoon talaga siguro ang buhay. May pagkakataon na kailangan mong mapag-isa,” saad nito at saka mapait na ngumiti.
Imbes na mapanatag, nakaramdam pa tuloy siya ng bigat sa dibdib. Sa tingin ni Alex ay nagkamali siya sa pagtatanong sa kalagayan ng Tiya.
“Ganoon po ba?” maikli niyang tugon. Tumikim siya sa pagkaing dala ng Tiya. “Ang sarap naman po nito!” papuri niya para mailihis kaagad ang kaninang paksa. Ginantihan kaagad siya ng ngiti nito at nagpasalamat. “Hindi pa rin talaga kumukupas ang galing niyo sa pagluluto. ‘Yun at ‘yun pa rin ang galling niyo.”
“Ikaw talagang bata ka. Hindi na naubos ang pambobola mo. Kahit noon pa ay mambobola ka na.” Napatigil si Alex dahil sa sinabi nito. Para kasing may kakaibang kahulugan ang binitiwan nitong mga salita, parang patudtsada sa kanya. “May nasabi ba akong mali?” tanong nito nang mapansing tumahimik siya pansamantala.
“W-Wala po ito, Tiya. Ninanamnam ko lang po itong pagkain.”
Hindi na niya namamalayan na lahat ng isasagot ng kanyang Tiya sa kanyang mga tanong ay nahahaluan na niya ng malisya. Isa lang siguro ang dahilan nito.
Guilty siya.
Hindi naman mabasagang-pinggan ang mga sumunod na sandali. Magkakatinginan sila saglit pagkatapos ay mabilis ding mag-iiwasan. Pinagmasdan na lamang muli ni Alex ang kabuuan ng bahay, ang bawat sulok na noon ay kanyang tinataguan, ang bawat butas na kanyang sinisilip. Ang malawak na sala na madalas niyang tinatakbuhan. Lahat ‘yon ay biglang nanumbalik sa kanya.
“Hindi pa rin po nagbabago ang bahay na ito. Ito pa rin ang bahay na kinalakhan ko simula nang…”
“Huwag mong isiping ampon ka namin. Tunay ka naming anak, Alex. Hindi ka na naiba sa amin… sa akin,” anito.
“Utang ko sa inyo ang buhay ko, Tiya. Kayo ang kumupkop sa akin nang mamatay ang mga magulang ko. Itinuring niyo akong kadugo na tulad sa pagiging lehitimong anak. Maswerte ako dahil nakahanap ako ng tulad niyo. Hindi ko na rin alam kung ano ang mangyayari sa akin kung sakaling sa iba ako napunta,” wika niya.
“Siguro nga ay may dahilan ang Diyos kung bakit napunta ka sa amin. Masaya akong maging ina mo. Kahit hindi ka galing sa sinapupunan ko, nararamdaman ko naman ang lukso sa mga dugo natin,” anito at saka bahagyang napangiti.
Naubos na ang kanilang kinakain. Papalubog na rin ang araw. “Sa tingin ko ay kailangan mo nang magpahinga. Pagod ka pa ‘ata. Doon ka na muna sa kwarto ko. Hindi ko pa kasi nalilinis ang kwarto mo simula nang umalis ka,” suhestyon nito.
“Hindi naman po sa akin problema ‘yun. Masyado na po akong nakakaistorbo.”
“Minsan ka lang mapadpad dito dahil sa sobrang abala mo. Hayaan mo naming makapagpahinga ang sarili mo sa maayos na kwarto,” anito.
“Siguro nga po. Maraming Salamat po. Sige, magpapahinga na muna po ako.”
“Mayamaya ay ako naman ang dapat mong kwentuhan tungkol sa ‘yo,” untag nito.
Dumiretso na sa kwarto ng kanyang Tiya si Alex at pabagsak na humiga sa kama. Tiningnan niya ang maagiw na kisame at nag-isip nang malalim. Kahit pa sabihin na nakabalik na siya sa kanyang ‘tunay’ na tahanan, hindi niya pa rin maramdaman ang bagay na hinahanap niya.
“Bakit parang may kulang? Hindi na ito ang dating bahay ko. Parang may ibang nakatira. Parang may ibang buhay,” saad niya sa sarili.
Binalikan niya ang mga alaala na nagpapasaya sa kanya. Gusto niyang balikan ang panahong iyon kung kailan totoo siya at hindi ang kilala ng nakararami na ‘Alex Farr’. Pero unti-unti na siyang hinahagkan ng kasakiman ng kasikatan at hindi na niya kayang kumawala pa. Mahigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. Unti-unti na niya itong nagugustuhan pero unti-unti rin siya nitong binabago.
“Gusto ko na ulit ng normal na buhay,” aniya. Narinig niyang biglang tumunog ang kanyang cellphone. Hindi isang kilalang numero ang nakarehistro. Binuksan niya ang mensahe at binasang mabuti.
Naïve. Naive. Naïve.
Bring back what you received,
Spill out the fame you swallow,
Before the killings are soon to follow.
I am maybe a friend or an obsess fan,
Or a monster like a bogeyman.
Look at your back and be aware,
Once your dream becomes your worst nightmare.
Nanginig kaagad ang kanyang mga kamay at hindi sinasadyang naibagsak ang kanyang cellphone. Nanlalaki ang mga mata niya habang tinititigan ang bumagsak na cellphone.
“S-sino k-kaya s-siya?!” tanong niya sa sarili habang hindi pa rin maalis ang kaba sa dibdib. Naging mabigat ang kanyang paghinga kasabay ang biglang mga naging tanong sa kanyang isipan.
Dinampot niya ang kanyang cellphone at pinakatitigan muli ang mensahe. Bawat letra. Bawat salita. Ang lahat ng iyon ay may ibig sabihin.
Isang pagbabanta. Isang unos na malapit ng dumating.
Agad siyang lumabas ng kwarto at hinanap ang kanyang Tiya. Ngunit sa kanyang paglabas ay hindi matagpuan ng kanyang mga mata ang kanyang Tiya. Isa-isa niyang pinasok at tiningnan ang mga kwarto sa bahay. Nagpapaalam naman kasi ito kung aalis para pumunta sa bayan.
“Tiya! Tiya!” paulit-ulit niyang sigaw.
Isang kwarto na lang ang hindi pa niya nabubuksan. Kinakabahan siyang pinihit ang doorknob nito, para kasing may hindi maganda siyang makikita. Kung ano man ang makita niya, hindi naman sana kung ano ang nasa isip niya.
Sa pagbukas niya ay nakita niya ang larawan niyang nasa lapag.
“Tiyaaaa!” sigaw niya nang makitang sa ibabaw ng larawan ay ang Tiya niyang nakabigti. Lawit ang dila nito na animo’y nilabanan pa ang humihigpit na tali sa leeg. Mabilis niya itong nilapitan upang maisalba.
“Tiya! Hindi ka pwedeng mamatay!” naiiyak niyang sabi habang pilit na binubuhat ang katawan ng Tiya upang hindi masakal. Pero huli na ang lahat, naubusan na ng hininga ang kanyang Tiya at tuluyan nang pinanawan.
“S-sinong may gawa nito?” naluluha niyang sabi. Patuloy lang siya sa pag-iyak dahil sa sakit na nararamdaman. Napansin niyang nakabukas ang bintana dahil sa nililipad na kurtina. Lumapit siya roon at napansing may bakas ng dumi sa bintana na halatang pinagpatungan ng sapatos.
“Hayop ka! Sino ka?! Bakit mo dinamay ang Tiya ko?!” sigaw niya pang muli. Gusto niyang maghiganti. Ngayon lang ulit sila nagkasama ng kanyang Tiya at ganito pa ang kinalabasan. Iniisip niyang kasalanan niya kung bakit namatay ang kanyang Tiya.
Bumalik siya sa kanyang kwarto upang kunin ang kanyang cellphone. Nang matagpuan ay napansin niyang may mensahe na naman mula sa kaninang numero.
‘Uunti-untiin kita. Hindi ako matatapos hangga’t hindi ko nakukuha ang gusto ko, hangga’t hindi kita nakikitang nagdudusa.’
Napamura siya nang malakas dahil doon. Napahagulgol na siya ng iyak. Nawala ang mga taong mahal niya dahil sa kanyang kagagawan. Parang bumabalik na naman ang dati. Akala niya ay tapos na ang lahat. Kailangan na niya sigurong pagbayaran ang kanyang kasalanan.
“Kung si Celine man ang taong ito, papatayin ko ulit siya!” gigil niyang sabi.
Bumalik sa kanyang alaala ang gabi kung kailan namatay si Celine, sa mismong kaarawan nito. Naroon siya sa Palarma’s Theatre and Art Museum nang gabing iyon. Balak niya kasing patayin si Celine bilang isang regalo at para na rin maangkin niya ang trono nito pero nabigla siya nang may gumawa na nito para sa kanya.
Kitang-kita niya kung gaano kabrutal na pinatay si Celine. Naroon lamang siya nagtatago sa isang sulok at masayang pinapanuod ang paglapat ng bawat kutsilyo sa katawan nito. Sa tingin niya ay parehas sila ng galit na mayroon para kay Celine nang mga sandalling iyon.
Isang obra maestra ang ginawa nito na sinundan pa ng ilang nakakapanindig-balahibong obra. Musika sa kanyang tainga ang mga palahaw na pagsigaw at pagmamakaawa ni Celine. Ito ang mga sigaw na gusto niyang marinig. Tila isang palabas na alam niyang maganda ang magiging katapusan.
Matapos patayin ng taong ‘yon si Celine ay oras naman niya para gawin ang kanyang obra. Dahan-dahan siyang lumapit sa bangkay at sinigurong nakaalis na ang killer bago siya magsimula. Itinali niya ang mga paa ni Celine gamit ang lubid na ginagamit sa pagbukas ng mga kurtina sa stage. Isinulat niya sa isang papel ang salitang ‘Shame’ at inilagay sa katawan ni Celine bago niya hinila pataas ang katawan nito.
Tuwang-tuwa siya nang mga sandaling iyon. Kamatayan ni Celine para sa katanyagang hinahangad niya ang magiging dulot nito. Pero sana ay hindi na lang nangyari dahil sa kanyang kasakiman, unti-unti na rin siya nitong pinapatay.
Minabuti niyang tawagan ang nagmamay-ari ng numero ngunit huli na siya dahil ‘cannot be reached’ na ito. Binalikan na lamang niya ang katawan ng kanyang Tiya at doon iisip ng paraan kung paanong hindi madadawit ang kanyang pangalan sa nangyari.
Magiging malaking balita ito na ikasisira ng kanyang pangalan.
Nang makabalik ay nabigla siya sa kanyang nakita. “Nasaan na si Tiya Jennifer?” takang tanong niya nang makitang wala roon ang katawan ng kanyang Tiya. Sumilip siya sa bintana pero walang taong mamamataan sa labas.
Naglinga-linga pa siya sa paligid pero tanging malamig na hangin lang ang sumasagot sa kanya. Wala nib akas ng taong makikita.
“Ibalik mo ang Tiya ko!” sigaw niya mula sa bintana. “Ibalik mo siya! Hayop ka! Kung matapang ka, ako ang harapin mo! Duwag! Magkikita tayo at dadalhin kita kung saan ka nababagay! Sa impyerno!”
Sa kabilang banda, magiging kapaki-pakinabang ang pagkawala ng katawan ng kanyang Tiya Jennifer. Walang balitang maididikit sa kanyang pangalan… sa ngayon.
Napaupo na lamang siya dahil sa panghihina. Hindi na niya alam ang dapat na gawin. Kailangan na muna niya sigurong bumalik sa kanyang mundo at doon na lamang hahanapin ang salarin. Pero nakatitiyak siya na sa susunod na mga gabi ay hindi magiging isang magandang gabi.