PROLOGUE
PROLOGUE
Ang simula
MAG-ISA lamang nang mga oras na iyon si Rick sa kanyang silid. Kasalukuyan pa rin kasi siyang naka-hospital arrest dahil na nga rin sa kanyang natamong mga sugat nang nakaraang araw.
Hindi pa rin kasi lubos na maayos ang kanyang pangangatawan. Gayunpaman ay unti-unti na rin siyang nakaririnig dahil sa hearing aid mula nang pagtangkaan niyang sirain ang kanyang eardrum gamit ang isang ballpen. Ilang buwan lang din naman ay maaari na muli siyang makarinig ng klaro kung susundin niya ang proseso ng pagpapagaling.
Habang nakatingin sa malayo, hindi niya mawari kung papaanong umabot siya sa ganitong sitwasyon. Isang dating respetadong pulis na ngayon ay arestado dahil sa sobrang pagkalulong sa pag-ibig ang naging kanya ngayo’y deskripsyon sa sarili.
“Kumain na po kayo,” alok ng nars na nasa kanyang likuran, bitbit ang isang tray ng pagkain.
Hindi umimik si Rick at ipinagsawalang-bahala ang presensya ng nars sa tabi. Nanatili siyang nakaupo sa gilid ng kama habang pinagmamasdan ang labas mula sa bintana na tila iyon na ang pinakainteresanteng bagay na nakikita niya araw-araw.
Hindi rin siya gaanong nagsasalita sa kahit sinong makausap. Tanging katahimikan lamang ang kanyang magiging tugon sa sinumang magtangkang kumausap sa kanya. Nagiging mailap siya sa mga tao dahil sa kahihiyan na nagawa.
“Kumain ka na, Rick,” pagpupumilit pa ng nars na may diin sa bawat pagbigkas ng mga salita.
Imbes na pansinin ang nars, tumayo siya at lumapit sa bintana. Nangunot ang noo ni Rick nang mapansin ang isang pulang sasakyan mula sa labas – isang Mazda 3 na may lining na puti sa gilid. Parang pamilyar sa kanya ang kotseng iyon. Pilit niyang inaalala kung sino ang nagmamay-ari ng naturang sasakyan.
Ilang saglit lang, naramdaman niyang may biglang lumapit sa kanyang mukha dahil sa hiningang tumatama mula sa kanyang batok.
“Nagulat ka ba sa sasakyan na nasa labas?”
Nanlaki bigla ang mga mata ni Rick nang makilala ang boses. Nakaramdam siya ng panlalamig at takot. Pilit bumabalik sa kanya ang mga alaala na kanyang kinatatakutan – ang dahilan bakit siya nandirito.
Naramdaman niya bigla ang paghigpit ng hawak nito sa kanyang balikat. Agad siyang humarap upang mapagmasdan ang mukha ng inaakala niyang nars.
“P-paanong?” naguguluhan niyang tanong.
“Anong paano? Dapat yata’y bakit. Bakit ako naririto? Bakit ako nasa tabi mo?” Huminga ito nang malalim bago nagsalita muli. “Simple lang naman… Gaganti ako sa ginawa mo! Mamamatay ka! Kung akala mo ay ligtas ka na, d’yan ka nagkakamali,” galit na sigaw nito sa kanya habang mariin siyang tinititigan.
Nanigas ang buong katawan ni Rick dahil sa sobrang pagkabigla. Hindi niya inakala na maghihiganti ito kapalit ng kanyang ginawa.
“P-Patawarin mo ako,” pagmamakaawa ni Rick.
Kitang-kita niya ang matulis na patalim na hawak nito na maaaring ikapunit ng kanyang laman. Hindi man niya klarong marinig ang sinasabi nito dahil sa pagkabasag ng kanyang eardrum, ramdam niya ang galit at poot sa bawat salitang binibigkas nito.
“Huli na! Magpaalam ka na!” bulyaw nito.
Dali-dali nitong iwinasiwas ang hawak na patalim sa mukha ni Rick dahilan upang kumalat mula roon ang napakaraming dugo. Nangangatog na hinawakan ni Rick ang duguang mukha na halos makita na ang mga buto. Nanlalaki ang mga mata niya habang tinititigan ang kamay na may bahid ng kanyang dugo.
Lalo pang nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang muling pagwasiwas nito sa patalim sa kanyang pagod na katawan. Tinamaan sa likod si Rick at agad siyang bumagsak sa sahig. Nanghihina ang buo niyang katawan dahil sa mga sugat na natamo at dugong nawawala. Ginamit niya ang kanyang buong lakas upang makagapang papalayo.
“T-tulong…” nasambit niyang pagsusumamo sa kabila ng kanyang pagsisikap.
“Saan ka naman pupunta, aber? Hindi pa tayo tapos,” pagbabanta nito. Dahan-dahang lumalapit ito kay Rick. Umupo ito mula sa kanyang likuran upang hindi na makalayo at saka hinawakan ang kanyang buhok. “Hindi ka na naawa nang ginawa mo ‘to, ‘di ba? ‘Di ba?! Kamatayan ang nababagay sa mga kagaya mo!”
“Maawa ka…” pagsusumamo niya. Hindi na makakilos pa si Rick. Iniangat nito ang hawak na patalim at inilapat sa leeg ni Rick. Isang mabilis at marahas na paghiwa ang ginawa nito sa leeg ni Rick na halos maghiwalay sa kanyang ulo at katawan. Inampatan niya ng kanyang mga kamay ang dumudugong leeg upang hindi makawala ang dugo.
Nakaramdam siya na tila ba’y nauubusan na siya ng hangin. Lalo pa siyang nanghina nang biglang may tumatarak muling patalim sa kanyang likuran. Ramdam niya sa kanyang likod ang pag-angat at pagbaon ng matalas na metal.
“Tama na…” pagmamakaawa niya.
“Hindi ‘to matatapos hangga’t hindi ka pa namamatay!” bulyaw nito. Mistulang magagandang tinig ang paghingi ng awa at palahaw na sigaw ni Rick para sa kanya. “Sige pa! Mamamatay ka na!” Walang humpay ang unday nito sa patalim na hawak at mariing ibinabaon sa kahit saang parte ng katawan ni Rick.
Nagsimula ng maglabo ang paningin ni Rick ngunit ramdam niya pa rin ang walang tigil na mga saksak. Tumingala na lamang siya upang matanaw ang liwanag ng paligid kahit sa huling pagkakataon.
“S-sa…”