CHAPTER IV

1901 Words
CHAPTER FOUR Let Bygones be Bygones               “ATE ALEXANDRA, ano’ng ginawa mo kina daddy at mommy?” tanong ng isang batang babae sa kanyang nakatatandang kapatid habang yapos-yapos ang paborito niyang manika na si Princess. Nadatnan niya ang nakahigang mga magulang habang naliligo sa parehong dugo. Dahil dito, halos maging kulay pula ang dating puting punda ng kama habang nangangalingasaw ang masangsang na amoy ng sariwang dugo.             Musmos man ang kanyang isip, alam niya kung ano ang nangyayari – patay na ang kanyang mga magulang! Napatingin naman siya sa kanyang kapatid na may hawak-hawak na kutsilyo at tumutulo pa mula roon ang dugo ng kanyang mga magulang.             Inilapat nito ang kanyang hintuturo sa bibig bago nagsalita. “Huwag kang maingay, Sophia. Natutulog lang sila. Bumalik ka na sa kwarto mo at matulog,” maawatoridad na sabi sa kanya ng kanyang kapatid na ngayo’y may ngiti sa labi.             “P-pero bakit may dugo?” pangungulit pa niya sa kapatid na tila hindi kumbinsido. Nangingilid na rin ang mga luha sa kanyang mga mata na anumang oras ay maaari nang tumulo.             “’Di ba sabi ko sa ’yo, gusto kong mag-aartista? Umaarte lang sila papa at mama. Nagpa-practice lang kami kasi gusto kong mag-audition,” pagkukumbinsi nito sa kapatid na sinabayan ng mahihinang hagikhik.             “P-Pero…”             “Walang pero, pero! Hindi ka talaga nakikinig sa akin! Ano bang mahirapan intindihin sa nag-eensayo?!” anito habang nanlilisik ang parehong mga mata.             Natigilan naman sila nang biglang makarinig nang mahinang boses na parang nanghihina. Mula iyon sa kanilang Papa na pilit bumabangon sa kabila ng mga saksak na natamo!             “S-sophia, t-tumakbo k-ka n-na…” anito sa kabila nang paghihirap na nararanasan.             Napalingon naman si Alexandra sa kanyang ama at napamura. Mahigpit na hinawakan ni Alexandra ang kutsilyo at mabilis na nilapitan ang naghihingalong ama. Iniangat nito ang hawak na kutsilyo at paulit-ulit na inundayan ng saksak hanggang sa malagutan ng hininga.             “Mga wala kayong kwentang magulang! Mabuti pa ay mamatay na lang kayo pareho. Mas masahol pa kayo sa hayop!” sigaw ng batang babae. Walang humpay sa pagbaon ng saksak si Alexandra sa dibdib ng ama. Panay tilamsik ang malapot na dugo ng kanyang ama sa kanyang bestidang suot.             Unti-unting bumubuka ang dibdib nito at nagbabadyang bumulaga ang mapulang puso nito.             “T-Tama na, ate!” awat ni Sophia sa kapatid. Naninigas lang ang kanyang mga paa dahil sa takot na siya ang mapagbuntungan naman ng galit. Mahigpit na lang niyang hinagkan si Princess at doon ibinuhos ang lahat ng kanyang emosyon.             Napansin niyang tumigil ang kapatid pansamantala. Habol-hininga itong nakasampa sa ama na tuluyan ng nalagutan ng hininga.             “A-Ate…” kinakabahan niyang sabi.             Dahan-dahang lumilingon sa kanyang posisyon ang kapatid. Mas nakakatakot na ang titig nito na animo’y isang mabangis na hayop. “Anong sinabi ko sa ‘yo, Sophia? ‘Di ba sabi ni Mommy, sumunod lagi kay Ate?”             “P-pero…”             “Umakyat ka na sa taas at matulog!” sigaw nito. Naibagsak ni Sophia ang hawak na manika at halos madapa dahil sa pagkataranta habang inaakyat ang hagdan. Sobrang takot ang ngayo’y kanyang nararamdaman. Hindi maipaliwanag na emosyon ang naghahalo-halo sa kanyang dibdib.             Isinara niya ang pinto ng kanyang kwarto at mahigpit na hinawakan ang hinihingal na dibdib. Nang mahimasmasan, naiyukom na lamang niya ang kanyang mga palad at nasandal sa madilim na sulok ng kwarto. Puno ng galit ang kanyang mga mata na mistulang naglalagablab na apoy.             “Maghihiganti ako…” mariin niyang sabi sa kawalan.   ***               “SOPHIA!” bulalas ni Alex nang magising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya habang nasa klinika ni Dra. David. Napansin niya kaagad ang nag-aalalang mukha ng doktora habang lumalapit sa kanya bitbit ang isang basong tubig.             “Ayos ka lang ba?” tanong nito sa kanya at iniabot ang baso. Umupo ito sa kanyang tabi at hinawakan ang kanyang likod.             “Ilang oras akong nakatulog?” sagot niya na isa pang tanong.             Tumingin sa kanyang relo si Dra. David at saka nagsalita. “Mga tatlong oras din iyon matapos ang session. Mukha ‘atang pagod na pagod ka.”             “W-Wala po ito. Siguro ay stress lang,” sagot niya at hinilot ang ulo. Inihilamos niya ang kanyang dalawang kamay sa mukha at humugot nang malalim na hininga.             “Bumabalik na naman ba ang sakit mo?” untag sa kanya ng doktora.  Hindi na siya nag-abala pang sumagot bagkus ay hinagilap niya ang kanyang bag para makaalis na.             “Aalis na ako,” saad niya at saka sinukbit ang bag sa kanyang balikat.             “Hindi makakatulong sa ‘yo ang pagtalikod sa iyong nakaraan, Alex. Babalik at babalik ang sakit mo kung hindi mo tutulungan ang iyong sarili.”             “Ano bang alam mo?!” iritable niyang sabi habang pinipigilan ang kanina pang takot sa kanyang dibdib dahil sa napanaginipan.             “Paano ko malalaman kung ayaw mong ipaalam? Hindi ka tuluyang makahihinga kung patuloy mong sinasakal ang ‘yong sarili. Ikaw rin mismo ang nagdadahilan upang magkaganyan ka,” anito na ikinatahimik ni Alex. “Isa akong psychologist at matutulungan kita.”             Natigilan siya sa sinabi ng doktora. Totoong kailangan niya ng tulong ng isang propesyonal ngunit mas kailangan siya ng kanyang sarili. Sa palagay niya, sarili niya lang ang makapagsasalba sa kanya mula sa kumunoy na humugot sa kanya pailalim. Hindi niya kayang makawala sa kanyang nakaraan kaya’t hindi pa niya kayang yakapin ang kasalukuyan.             “Babalik na lang ako sa susunod na lingo… o sa susunod na buwan. Kung kailan siguro handa na ako,” saad niya at saka nagtungo palabas ng klinika.             Pangatlong beses pa lang siya nakikipagkita kay Dra. Cassandra David pero sa tatlong beses na pagkikitang iyon ay walang matinong nangyayari. Hindi nawawala ang kanyang sakit. Marahil ay dahil din sa kanya kung bakit patuloy pa rin itong nangyayari. Sa tuwing kakausapin niya kasi si Dra. David ay pinangungunahan siya ng takot – takot marahil na may maaaring makaalam sa kanyang kondisyon. Hindi niya naman gustong mangyari ‘yon dahil nagsisimula palang siyang mahalin ang kanyang nakamtan ngayon.             Mabilis niyang tinunton ang kanyang sasakyan at saka mahigpit na hinawakan ang dibdib. Pakiramdam niya ay wala ng ibang paraan para maisalba niya ang kanyang sarili. Nalunod na siya at walang sinuman ang may kakayahang iahon siya.             Ilang saglit lang, sumakay na siya sa kanyang sasakyan. Napagdesisyunan niyang tapusin ang isa sa mga dahilan ng kanyang sakit.             “Kay Tiya…” nasaad niya sa sarili. “Handa na ako. Kailangan kong balikan ang aking nakaraan.”             Habang nagmamaneho, hindi niya pa rin maiwaksi ang napanaginipan. Laging gumugulo ang panaginip na iyon sa kanyang pagtulog. Hindi niya makilala kung sino ang mga tauhan sa panaginip pero nakasisiguro siyang naging parte iyon ng kanyang nakaraan lalo na ang mga pangalan na “Sophia” at “Alexandra”.             May pakiramdam siyang siya ang tinutukoy na ‘Alexandra’ ng batang nagngangalang ‘Sophia’ sa kanyang panaginip. Pero bakit hindi niya maalala? ‘Yan ang laging nagiging tanong niya sa sarili. Maging ang senaryo lagi sa kanyang panaginip ay tila isang alaala na iginuhit sa umaagos na tubig.             Sandaling nawala ang kanyang konsentrasyon dahil sa pagtitig sa kanyang palad. Totoo kayang kaya niyang pumatay? Kaya niya kayang dungisan ang sariling mga kamay? Tumawa siya sa naisip na tanong.             “Syempre naman. Kaya kong pumatay dahil nagawa ko na. Nagawa ko na…” aniya at hindi na napigilan ang pagngilid ng kanyang mga luha sa mata.             Hindi rin nagtagal, mabilis niyang natunton ang bahay ng kanyang Tiya at nakangiti niya itong pinagmasdan. Pero sa kabila ng kanyang nakangiting labi ay may pangangamba sa kanyang dibdib – pangangamba marahil kung magagawa pa siyang tanggapin ng tahanang minsan siyang naging laman.             “T-Tiya Jennifer,” kinakabahang tawag niya nang makita ang babaeng kumupkop at nag-aruga sa kanya. Isang ginang na nakapusod na may ilan-ilang puting buhok, nasa edad na kwarenta at may ilang linya na rin sa mukha ang lumingon sa kanya. Nakangiti itong lumapit sa kanya at saka siya hinagkan nang mahigpit. Pakiramdam niya ay nakabalik na siya sa kanyang tunay na tahanan.             “Matagal-tagal ka ring hindi dumalaw dito. Na-miss tuloy kita nang sobra,” masayang sabi nito.             “Tiya…” nasambit niya bago tuluyang bumagsak ang kanyang luha. Hinigpitan niya ang pagyakap. Tila isang yakap na pumupuno sa matagal niyang taong nawala.             Hinaplos nito ang kanyang buhok at pinahid ang kamay sa kanyang lumuluhang mga mata. “Ngayon na lang ulit tayo nagkita. Kalimutan mo na muna ang bagay na ‘yon. Halika, pumasok ka muna para makapagkwentuhan naman tayo,” nakangiti nitong sabi.             Pumasok siya sa bahay at napansing wala pa ring nagbabago rito. Ganoon na ganoon pa rin ang itsura nito mula nang lisanin niya ang bahay na ito. Siguro ay may kakaunting nagbago dahil nadagdagan ang mga larawan na nasa dingding.             “Hindi ka kasi nadalaw dito para bigyan ako ng mga bago mong larawan kaya sa internet ko na lang kinukuha ang mga larawang nasa dingding,” matapat na sabi ng kanyang Tiya Jennifer.             Hindi niya maialis ang ngiti sa kanyang labi. Ito kasi ang lugar kung saan napapakita niya kung sino siya. Malaya siya sa mga mata ng taong mapanghusga. Masaya siya dahil nakabalik na siya matapos ang limang taon.             “Kumusta ka na pala? Masaya ako sa nakamtan mo. Labis kitang pinagmamalaki, Alex,” anito.             Biglang bumagsak muli ang luha sa kanyang mga mata. Matagal siyang nangulila dahil na rin sa kanyang kagagawan. Nahihiya siyang bumalik pa kaya nagkubli siya nang limang taon at pinaghusayan ang sarili upang may mukhang maipagmamalaki pagbalik.             “Patawad po,” paghingi niya ng paumanhin habang humahagulgol ng pag-iyak.             Hinaplos ni Tiya Jennifer ang kanyang likod upang gumaan ang kanyang pakiramdam. “Wala iyon, Alex. Napatawad na kita. Hindi mo kasalanan ang pagkamatay ng iyong Tiyo.”             “Patawad po talaga,” paulit-ulit niyang bigkas.             Bago niya kasi lisanin ang lugar ay namatay ang kanyang Tiyo dahil sa mismong kanyang kagagawan. Muntikan na kasi siyang gahasin ng kanyang Tiyo sa kanyang murang edad. Mapalad siya dahil bago pa man mangyari ang pambababoy na iyon ay naipagtanggol niya ang sarili na naging dahilan naman para mamatay ang kanyang Tiyo. Sinaksak niya kasi ang kanyang Tiyo sa leeg gamit ang ballpen na nakuha niya sa mesa.             Hindi naman siya nakulong dahil doon. Napatunayan kasing self-defense ang nangyari at menor de edad pa siya. Ngunit gayunpaman, nahihiya siyang ipakita ang mukha sa kanyang Tiya dahil siya ang pumatay sa pinakamamahal nitong asawa.             “Siguro ay iba-iba talaga ang tao. Hindi mo alam kung sino ang may mabuti o masamang idudulot sa ‘yo. Kailangan mo lang talagang kilatisin kung sino ang totoo at sino ang nagbabalat-kayo,” makahulugan nitong sabi.             Kumalas na siya mula sa pagkakayakap ng kanyang Tiya. Muli niyang ibinalik ang kanyang ngiti. Pinahid niya ang mga luhang nasayang dahil sa kanyang pag-iyak.             “Napagod ka siguro masyado. Magpahinga ka na muna d’yan. Ipaghahanda lang kita ng makakakain. Paniguradong name-miss mo rin ang mga luto ko,” saad nito.             Pero bago ito tumalikod, napansin ni Alex ang kakaibang ngiti ng kanyang Tiya Jennifer. Hindi niya malaman kung anong kilabot ang dumaloy sa kanya dahil sa nakita.             “Parang may mali,” paanas niyang sabi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD