CHAPTER TWO
Put Some Additives
INIAYOS na ni Leslie ang kanyang mga gamit para makauwi at makapaghinga na rin. Ayaw na niya kasing maabutan pa si Alex at baka magtagpo na naman ang kanyang mga kilay na laging rumerehistro sa kanyang mukha sa tuwing makikita ang dalaga. Isinalansan na niya ang mga make-up tools at isinilid sa kit na kanyang bitbit.
Binuksan niya ang pinto ng dressing room upang makalabas nang biglang bumunggo ang kanyang katawan sa taong nakaharang sa pinto. Nabitawan niya ang bitbit na bag sa pagkabigla. Mabuti na lang ay nakasara ang bag kaya hindi kumalat ang laman nitong mga make-up.
“Araayy!” reklamo ng taong kanyang nabangga. Doon lamang niya napagtanto na si Joel Abalos, isa sa mga cameraman, ang kanyang tinamaan. Nakaupo ito sa sahig habang hawak-hawak ang nananakit na ulo. “Ang sakit no’n, ah!”
“Dapat nga ako ang magreklamo, e. Bakit ka ba kasi nasa pintuan? Wala dito si Alex kung siya man ang hinahanap mo,” dire-diresto niyang sabi habang sinasalat pa ang nananakit na sentido. Lingid sa kanyang kaalaman na may matagal ng pagtangi ang cameraman kay Alex na hindi niya lubos maisip kung paano nito nagugustuhan ang ugaling mayroon ang dalaga.
“Sa bagay, wala naman kasing nakakaalam ng tunay na ugali ng anak ni Satanas,” naibulong niya.
Gumuhit naman ang lungkot sa labi nito dahil sa pagkadismaya. Matagal na kasi siyang nagpapapansin sa dalaga ngunit hindi man lang siya nito magawang pansinin. Kaya madalas ay sa sulyap at pagtitig na lang nito binabawi ang umaapaw na paghanga sa aktres.
“Sige, aalis na lang ako,” malungkot nitong sabi at humakbang patalikod.
Agad namang pinigilan ni Leslie si Joel sa paglalakad. “Hawakan mo ‘to,” aniya at saka iniabot ang isang puting panyo na may nakaburdang pangalan ni Alex. “Naiwan niya ‘yan kanina. Sa’yo na lang ‘yan. Panigurado namang hindi na niya ‘yan hahanapin pa.”
Mabilis namang kinuha ni Joel ang panyo at saka inamoy-amoy pa. Pakiramdam nito ay malaya na nitong nahahagkan ang aktres nang mahigpit.
Halos mangunot naman ang noo ni Leslie sa paraan ng pagkahumaling ni Joel sa dalaga. Tila isa itong aso na gagawin ang lahat para sa lamang ninanais. Napailing na lang siya.
“Maraming salamat dito,” saad nito at saka ngumiti kay Leslie.
“Ewan ko ba sa’yo at bakit gustong-gusto mo si Alex samantalang mala-demonyo naman ang ugali ng babaeng ‘yon. Kampon ‘ata ni Satanas ‘yon na sinuka na rin ng impyerno,” pagsasalarawan ni Leslie.
Matalas na tiningnan ni Joel si Leslie na animo’y isang kutsilyo na maaaring humiwa sa kanya. Marahas nitong hinawakan si Leslie sa kanang braso habang hindi pa rin inaalis ang masamang tingin. “Wala kang karapatan para siraan ang taong mahal ko! Papatayin kita kapag inulit mo pa ang mga salitang ‘yan,” mariin nitong sabi.
Nangangatog na nagpupumiglas mula sa pagkakakapit sa kanya si Leslie. Nakaramdam siya ng takot sa mga salitang binitiwan ni Joel. “B-bitawan mo ko!” kinakabahan niyang sabi.
Nang makalaya sa mahigpit na pagkakahawak ay agad niyang dinampot ang kanyang bag at nagsimula ng maglakad papalayo. Pasulyap niyang tinitingnan si Joel mula sa posisyon nito at naroroon pa rin ang nakakatakot nitong tingin sa kanya kaya mas binilisan pa niya ang paglalakad hanggang sa makalabas ng gusali.
Nakahinga siya nang maluwag nang marating na niya ang main gate. Hinawakan niya ang kanyang dibdib na magsahanggang ngayon ay malakas pa rin ang kabog.
“Kinabahan ako ro’n, ah,” nakayuko niyang sabi.
Hindi niya namalayan ang oras. Napansin na lamang niyang madilim na ang labas at kakaunti na lang ang mga sasakyang dumaraan.
Naramdaman niya ang biglang paghawak ng isang kamay sa kanyang balikat. Madiin iyon na tila sinasadya ang bigat upang bumigay ang kanyang balikat.
“Bakit ka nagmamadali?” Napalingon siya at namilog ang mga mata. Si Joel! Nanginginig siyang napaiwas. Maswerte naman siya nang biglang may dumaan na taxi at agad niya iyong pinara. Natataranta siyang sumakay at sinara ang pinto ng taxi.
“Sa Pasay po,” saad niya sa drayber. Nilingon niya si Joel sa huling pagkakataon at nakitang nakatingin pa rin ito sa kanyang direksyon. Nang makalayo-layo ang sinasakyan, isinandal niya ang kanyang ulo sa upuan at tinanaw ang binabagtas na daan. Bumalik sa kanyang alaala ang nakakatakot na itsura ni Joel kanina. Halos patayin na siya nito sa titig pa lamang.
“Baliw ‘yong lalaking ‘yon. Papatayin ‘ata ako,” wika niya sa kanyang sarili. Itinaas niya ang manggas ng kanyang damit upang tingnan ang marka ng pagkakahawak sa kanya ni Joel. Halos magkulay ube naman iyon dahil sa sobrang higpit ng pagkakahawak.
“Lagot talaga sa akin ‘yon bukas,” pagbabanta niya.
Habang nasa biyahe, napansin niya ang makailang sulyap ng drayber sa kanya mula sa rearview mirror ng sasakyan. Hindi naman niya gaanong makita ang mukha nito pero parang pamilyar sa kanya ang mga mata nito.
“P-Parang kilala ko kayo,” marahan niyang sabi sa drayber.
Napansin naman niyang ngumiti ito dahil sa mga naningkit nitong mata. “Kilala rin naman kita,” saad nito. Doon na lamang napagtanto ni Leslie kung sino ang drayber nang makupirma niya ang boses nito.
“A-anong g-ginagawa mo?” kinakabahan niyang tanong. Huminto ang sasakyan sa isang kalsadang madilim at walang gaanong tao. “N-nasaan t-tayo?”
Humarap sa kanya ito na mayroong nakakalokong ngiti. “Nasa impyerno na tayo,” anito at saka humalakhak nang napakalakas. Agad na hinawakan ni Leslie ang pinto ng sasakyan upang makatakas ngunit mabilis nitong nahablot ang kanyang buhok. “At saan mo naman balak pumunta?”
“Bitawan mo ko!” reklamo niya habang inaalis ang mahigpit na pagkakakapit sa kanyang buhok. Halos maghiwalay ang mga hibla ng kanyang buhok mula sa anit dahil sa pagkakahila. Namumula na ang kanyang mukha dahil sa sobrang sakit na nadarama.
“Sinabi ko na kasi sa ’yong walang atrasan pero anong ginawa mo? tinalikuran mo kami! Wala kang kwenta! Babayaran ka naman namin ng tama kapag nasaayos na ang plano!” bwelta nito habang hindi pa rin pinakawawalan si Leslie.
Nangingiwi na ang kanyang mukha dahil sa sakit. Sinubukan niyang ibaon ang kanyang mga kuko upang makawala pero tila iniinda lang nito ang sakit.
“Ayoko na! Ayoko na! Hindi ako mamamatay-tao! Sa inyo na ang pera niyo!” Mabilis na kinuha ni Leslie ang kanyang bag at malakas na inihampas sa katawan nito. Lumuwag naman ang pagkakahawak nito sa kanyang buhok kaya mabilis na nakatakbo papalayo si Leslie.
“Wala kang matatakbuhan!” sigaw nito.
Nagpatuloy lang sa pagtakbo si Leslie sa kahabaan ng daan. Wala siyang pakialam kung gaano kalayo ang kailangan niyang takbuhin, makaligtas lamang sa taong iyon. Naluluha na rin siya para sa kanyang sarili na maaaring kunin na ni Kamatayan kung sakaling siya’y mahabol.
Napansin na lamang niya ang humahaba niyang anino paharap dahil sa headlight ng taxi. Nanlalaki-mata niyang sinulyapan ang kanyang likod dahil sa takot na siya ay mabangga.
“Gusto mo ng habulan, pwes! Pagbibigyan ka ng sasakyan na ‘to! Humanda ka ng tumilapon!” Mabilis na pinaharurot ng taong iyon ang taxi na kanyang lulan at binundol ang tumatakbong si Leslie.
Halos maglasug-lasog ang katawan niya na tumilapon sa kabilang parte ng kalsada dahil sa malakas na impact ng sasakyan. Dahan-dahan niyang idinidilat ang kanyang mga mata kasabay ang pagsapo sa nagdurugo niyang ulo. Pinakiramdaman niya ang kanyang sarili, hindi niya gaanong magalaw ang ilang parte ng kanyang katawan.
Bumaba ito sa kanyang sasakyan at lumapit sa duguang si Leslie. Nangingisi nitong tiningnan ang kalunos-lunos na kalagayan ng ginang.
“Masakit ba? Kawawa ka naman,” sarkastiko nitong sabi. “Sinabi ko naman sa’yo na kapag um-oo ka na, wala ng bawian.”
Hindi na maigalaw ni Leslie ang kanyang katawan dahil sa sobrang sakit. Sa bawat kilos niya, pakiramdam niya ay siya namang tunog ng kanyang bawat buto sa katawan na animo’y sangang naputol mula sa puno.
“Maawa ka,” pagsusumamo niya rito.
Isang malakas na halakhak ang pinakawalan nito na umalingawngaw sa tahimik na kalsada. “Maawa? Hindi na dapat. Kapag binuhay pa kita, baka mas lalo lang kami mapahamak. Minsan mo na kaming tinraydor, baka maging pangalawang beses na ‘to. Mas maganda nang mag-ingat.”
“Nagmamakaawa ako. Bigyan niyo pa ako ng isa pang pagkakataon. Gagawin ko na ang ipinag-uutos niyo basta’y bubuhayin niyo ako,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Kaunting salita na lang ang lumalabas sa kanyang bibig dahil sa kirot na nadarama. Umaapaw na rin ang napakaraming sariwang dugo mula sa kanyang bibig.
“Hindi na. Ano pang silbi mo kung nagkaganyan ka na? Kung sinunod mo lang sana kami, hindi sana tayo hahantong sa ganito. Kung sinunod mo lang sana kami, may matitira pa sana akong awa para sa iyo,” nakangising sabi nito. Nalulungkot ito dahil kailangan pa nitong pumatay para lang maitago ang kanilang lihim. Walang sinuman ang dapat na makaalam no’n. Maliban sa kanila.
“Hindi mo kasi kinayang tiisin si Alex.”