CHAPTER ONE
Lights, Camera, Action!
MAKALIPAS ANG ISANG TAON…
Kasalukuyang nasa isang programa sa telebisyon si Alex Farr upang bigyang linaw ang mga tsismis na naging kakambal niya matapos maging isang sikat na aktres. Mag-iisang taon palang siya sa nasabing industriya ngunit mistulang isang bomba na sumabog ang karera ni Alex at tuloy-tuloy ang naging swerte niya sa naturang larangan.
Marami ang nagbago sa kanyang karera bilang aktres noon sa teatro hanggang sa maging isa sa mga pinakasikat na artista ng kanyang henerasyon. Kung noon ay tanging mga manunuod lang ng teatro ang nakakakilala sa kanyang talento, ngayon, ang buong mundo ay hinahangaan na siya.
Ganon naging kabilis ang swerteng dumapo sa kanya. Ngunit hindi niya alintana ang magiging kaakibat nitong konsekwensya.
Hindi pa sa ngayon…
“Maiba ako, namamataan ng ilang manunuod na madalas kayong nagkikita ni Tristan Simpson na sobrang sweet daw sa isa’t-isa. Minsan pa nga ay aakalain mong magkasintahan. Kaya ang akala ng mga inyong fan ay kayo na in real life. Ano’ng masasabi mo sa mga tsismis na ito?” tanong ng host.
Ngumiti naman si Alex na tila nahihiyang sagutin ang katanungan. “I guess, nakakahiya namang sagutin ko ang tanong mo bilang babae ako,” pagdadahilan niya.
“Hmmmm. Tama nga naman. Pero most of your fans are looking forward to see you together as couple. Heto na lang ang itatanong naming sa ‘yo. Are you open to have a relationship with Tristan?” tanong pa nito at saka sabay-sabay naghiyawan ang mga tao sa studio.
“Yes,” matipid niyang sagot.
Nakailan pang tanong ang host hanggang sa maubusan na ng oras. Panay ngiti at kaway lamang si Alex sa mga tao.
“Maraming salamat sa iyong paunlak sa aming panayam, Ms. Alex Farr,” taos-pusong pasasalamat ng host sa dalaga at saka ngumiti dahil na rin sa tuwa bago matapos ang programa.
Ginantihan naman ni Alex ang host ng ngiti kahit alam ng mga taong lubos na nakakakilala sa kanya na peke ang mga iyon. “Walang anuman po. Lagi naman po akong bukas para sa inyong programa,” pagkukunwari niya.
“Salamat muli, Ms. Farr,” pasasalamat muli nito at humarap na sa camera upang magpaalam.“At d’yan na nagtatapos ang isang oras nating pagsasama. Muli ay abangan niyo ang maaanghang na pag-amin ng inyong mga paboritong artista dito lang sa… Showbizness Lang!”
Kumaway pa si Alex sa nakaharap na camera bilang tanda ng pagpapaalam bago niya hinubad ang kanina pa niyang pekeng ngiti – na karaniwan na sa industriyang kanyang kinabibilangan. Kailangang maging isang magandang imahe ka sa publiko na tila walang kapintasan. Isang magandang modelo na dapat nilang tularan. Dahil ang kaunting kamalian ay maaaring ipukol sa ‘yo upang tuluyan kang bumagsak.
Tumayo na siya sa pagkakaupo at lumapit sa kanyang make-up artist na nag-aabang lang sa kanya mula sa backstage.
“Ayusan mo ako. May meeting pa ako kasama si Mr. Chua,” maawtoridad niyang utos sa kanyang make-up artist na si Leslie. Mistulang isang aso naman na napasunod sa isang iglap ang ginang na nasa edad talompu’t anim at limang buwan palang naninilbhan sa kanya.
Agad itong lumapit sa nagmamadaling si Alex na patungo naman sa kanyang dressing room. Naupo si Alex at tiningnan ang sariling repleksyon sa salamin.
“Ma’am, maayos pa naman po ang make-up niyo, e. Konting retouch na lang po ang gagawin ko,” anito habang kinukuha ang mga nakalatag na make-up sa ibabaw ng mesa na may malaking salamin na naliligiran ng bombilya.
Nakataas-kilay na minata ni Alex si Leslie na may halong pagkainis. “Bakit ba kailangan mo pang sabihin sa akin? Sino ba sa atin ang make-up artist? Hindi ba’t ikaw? Ayusin mo na lang!” iritableng sabi niya. Ang ayaw niya kasi sa lahat ay ang mga taong aanga-anga na kailangan pang ipamukha na tanga sila.
Sinunod na lamang ni Leslie ang kagustuhan ng amo at inilapat na sa mukha ang blush on na hawak. Kahit sa loob-loob ay halos sumabog na ang galit sa dibdib ni Leslie, minabuti na lang nitong magtimpi para hindi matanggal sa trabaho.
Maya-maya’y biglang tumunog ang cellphone ni Alex. Tiningnan niya kung kaninong pangalan ang nakarehistro sa kanyang cellphone, si Tristan Simpson. Napangiti naman siya at agad na sinagot ang tawag.
“Hello, Mr. Simpson,” saad niya sa malanding tono habang iniikot sa kamay ang buhok. Napatigil naman sa paglalagay ng blush on si Leslie dahil sa nakaharang na kamay ni Alex.
“Hi, Ms. Beautiful,” saad naman sa kabilang linya. “Do you have a free time today? Wanna have a date tonight?”
“I’ll check my schedule first,” wika niya at nagkunwari na may tinitingnan na schedule. “I’m free tonight.”
“That’s great. So, 7 o’clock, same place?”
“Sure. Same place. See ‘yah there. Bye,” aniya at saka kinagat ang mapupulang labi. Binaba na niya ang tawag at muling itinuon ang atensyon kay Leslie. “Tsismosa,” mariin niyang sabi sa make-up artist.
“Hindi po. Hindi ko nga po kilala kung sino ‘yong katawagan niyo,” depensa naman ng kawawang si Leslie.
“Good. By the way, bakit hindi mo pa tinatapos ang ginagawa mo? Anong hinihintay mo? Pasko?!” sumbat niya muli rito.
Hindi na nagsalita pa si Leslie dahil baka saan na naman mapunta ang kanilang usapan kung saan ay lagi naman siyang talo. Kung hindi lang talaga nito kailangan ng trabaho ay hindi nito pagtya-tyagaan ang nakakasukang ugali ni Alex na daig pa ang kampon ni Satanas sa sobrang kasuklam-suklam.
“Ang sarap mo patayin,” nasambit ni Leslie sa hangin dahil sa sobrang pagkainis.
Minsan ay iniisip nito kung sa paanong paraan maaaring mamatay ang amo nang hindi man lang napagbibintangan. Pakiramdam kasi nito ay hindi na tatagal ang kanyang pasensya sa paulit-ulit na pangmamaliit ni Alex at sa pagkakataong iyon ay baka tuluyan na nitong mapatay ang dalaga.
“Aaaaww!” reklamo ni Alex dahil sa madiin na paglalagay ni Leslie ng blush on sa kanyang mukha. Sinapo niya ang masakit na parte ng mukha at sinulyapan ang itsura sa salamin. Namumula ang kaliwang parte ng kanyang pisngi dahil sa sobra-sobrang paglalagay ng make up at dahil din sa pagkakadiin ng blush on sa kanyang mukha.
“Patawarin niyo po ako,” doon lamang bumalik sa ulirat si Leslie.
“Wala ka talagang kwenta! Boba!” pangmamaliit niya rito at saka hinablot ang buhok ng ginang. Hindi naman magawang makaganti ni Leslie dahil sa takot kaya hinayaan na lang nitong sabunutan siya.
Natigilan naman si Alex sa kanyang ginagawa nang biglang sumilip sa dressing room ang kanyang manager na Ms. Stella Mercado, isang mid-40’s na ginang. Kilala siya sa paghawak ng magagaling na artista. Maswerte si Alex dahil kinuha siya ni Ms. Mercado bilang ‘alaga’ kaya’t narating niya ang tugatog ng katanyagan.
Bakas sa mukha nito ang pagtataka dahil sa nadatnan na senaryo at sa namumulang mukha ni Alex. “Anong nangyayari dito? At bakit nagkaganyan ang mukha mo Alex?” nagugulumihanang tanong ng manager.
Umarte naman na aping-api si Alex at pinadaloy pa ang mga luha sa kanyang mukha para makuha ang simpatya ng manager. Madalas niya itong gawin upang hindi makita ang kanyang mga kamalian. “Si Ms. Leslie po, sinaktan niya ako,” naluluha niyang sabi at saka lumapit sa manager.
“Wala po akong kina –“ Hindi na nito nagawang pang ituloy ang kanyang sasabihin dahil biglang sumingit ang nagpapaawang si Alex.
“Aray! Ang sakit po talaga,” paawa pa niya at sapo-sapo ang kunyari’y nananakit na pisngi.
Mariin namang tiningnan ng manager ang make-up artist. “Hindi ko na gustong maulit pa ang bagay na ito, Leslie. Ayusin mo na lang ang make-up ni Alex dahil maya-maya ay pupunta na kami kay Mr. Chua. Hindi ko gustong ganyan ang itsura niya kapag nakipag-meeting kami. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Opo,” maikling tugon ni Leslie. Wala na naman itong naging panama sa paawa ni Alex na lagi namang nakakakuha ng simpatya ng lahat. Sinunod na lamang nito ang naging utos sa kanya at mariing niyukom ang nagpupumiglas na mga kamay na kanina pa gustong lumapat sa mukha ni Alex.
“Maraming salamat, Leslie,” pang-aasar ng dalaga sa make-up artist na kanina pa nagpipigil. Lumabas na si Alex kasama ang kanyang manager at dumiretso sa opisina ni Mr. Chua.
Si Mr. Brian Chua ang kasalukuyang C.E.O ng ARR Films kung saan nagtatrabaho si Alex. Medyo bata pa ito na nasa edad kwarenta pa lamang. Isa sa mga inaalagaan niyang talents si Alex dahil matapos mamatay ni Celine sa isang insidente ay siya namang biglang pag-unlad ng karera ng dalaga.
Binuksan nila ang pinto ng opisina at bumungad sa kanila ang nag-aabang na ginoo. “Welcome, Ms. Farr and Ms. Mercado. Have a seat,” paanyaya nito sa mga bakanteng upuan na nasa tapat ng kanyang mesa.
“Good afternoon, Mr. Chua,” bati ng dalaga.
Nginitian naman siya ni Mr. Chua bilang ganti. “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. I want to offer you the next project of ARR Films. Ikaw kasi ang pinaka-fit sa magiging role. As a matter of fact, ikaw pa ang maaaring pumili ng magiging katambal mo sa nasabing pelikula,” panghihikayat ng ginoo.
“Well, as long as the price is right, wala tayong magiging problema,” tugon naman kaagad ni Ms. Mercado at saka nginitian si Alex bilang senyas na um-oo siya sa offer ni Mr. Chua.
“Wala naman tayong magiging problema d’yan, Ms. Mercado. Sa tingin ko naman ay parehas na kayong sang-ayon sa naging offer ko.” Inilabas nito ang isang folder na naglalaman ng kontrata sa gagawin na pelikula. “Maaari niyo ng pirmahan ang kontrata,” saad ni Mr. Chua.
Walang anu-ano’y bigla na lang pumirma ang manager sa nakapatong na papel at saka ibinigay kay Alex upang siya naman ang pumirma. Wala na rin naman siyang magagawa dahil sunod-sunuran lang siya sa kanyang manager kahit alam niyang ginagawa lang siya nitong gatasang-baka.
Mabilis natapos ang meeting na iyon at agad na lumabas ang dalawa sa opisina.
“Ngumiti ka naman, Alex kahit na kaunti lang. Para namang sinasabi mo na napilitan ka lang sa pagpirma,” wika ng kanyang manager.
Ngumiti na lamang si Alex at sinunod ang pinag-uutos sa kanya. “Sige, aalis na ako,” walang kaemo-emosyon niyang sabi at saka tumalikod para umalis.
Bigla naman siyang hinawakan ng kanyang manager sa braso dahilan upang mapaharap siya rito. “Huwag mo akong sasagutin ng ganyan! Kung hindi dahil sa’kin, hindi ka sisikat kaya magpasalamat ka. Kayang-kaya kita pabagsakin anumang oras. Tandaan mo ‘yan!” mariing pagbabanta nito. Mistulang pinagduduldulan nito na utang ni Alex ang kanyang buhay sa manager.
Hindi na nakapagsalita pa si Alex dahil sa takot na mawala ang kanyang matagal na inasam na katanyagan. Hindi na niya gusto pang bumalik sa teatro kung saan ay walang nakakapansin sa kanya. Gagawin niya ang lahat upang manatili sa kanyang posisyon.
“Mahalin mo na kung paano kita itrato ngayon dahil mabilis akong magsawa,” babala nito sabay binitawan na ang braso ni Alex. Naglakad na ito palayo at naiwan namang tahimik lang si Alex at hinahanap ang ulirat.
“Magtitiis pa ako,” wika niya sa sarili kasabay ang pagtulo ng kanyang luha na dala ng takot.
***
“ARE you sure with her? Baka naman baliktarin tayo ng babaeng ‘yan. Nagkamali ‘ata tayo sa pagkuha sa kanya,” aniya habang hawak ang isang basong wine at nakade-quatrong upo sa isang sofa.
Humarap sa kanya ang kausap at binigyan siya ng tingin ng pagkadismaya. “Sayang naman. Akala ko pa naman ay kailangan na kailangan niya ng pera kaya siya ang pinili ko. Kumbaga madaling utuin. Sino ba naman kasi ang ayaw ng pera, ‘di ba?” anito at saka nagsalok ng wine sa hawak nitong wine glass.
“You know, I’m a bit dismay with her. Masyado siyang mabagal. We’ve already given her one week to do the job, pero wala pa rin. So, are we now going to kill her?”
“Her time is up! Kung tutuusin, kaya ko namang gawin ang ipinag-uutos ko sa kanya, pero ayaw ko lang dungisan ang sarili kong mga kamay. Saka gusto kong makitang nagmamakaawa si Alex. Gustong-gusto ko ‘yon makita.”
“Gusto mo talaga siyang makitang naghihirap, no’?” nangingisi niyang sabi.
“Of course, not! Ang bait ko kaya,” sarkastiko nitong sabi at pinaikot-ikot ang susi ng kanyang kotse sa kanyang hintuturo. “Bakit? Ayaw mo ba siyang nakikitang naghihirap?”
“Hindi naman ako kasing plastic mo. She made my life miserable. Dapat parehas lang kami,” nakatiim-bagang niyang saad at mabilis na nilagok ang wine.
“Okay. I gotta go! Baka mahuli pa ako. Tingnan mo na lang sa newspaper ang magiging headline,” pabiro nitong sabi at pumanaog na palabas.
“Wait!” pigil niyang tawag.
“What?!”
“H’wag kang tanga. Ayokong masira ang plano, okay?”
Ngumiti na lamang ito bilang tugon at saka itinaas ang kaliwang kilay. Nag-iwan din ito ng nakalolokong ngiti bago naglaho sa kanyang paningin.