EPISODE 4
Gabriella Neveah's Crush
GABRIELLA’S POINT OF VIEW.
“Gab, kumusta ang punta mo sa new school mo? Nagandahan ka ba roon?” tanong sa akin ni Mommy nang makauwi ako sa aming bahay.
Pagkatapos naming magpa enroll ni Kuya Jerome sa Generoso State College at mamasyal sa buong campus, dinala muna ako ni Kuya Jerome sa malapit na pastry shop sa campus dahil nagugutom na rin ako. Nagustuhan ko rin doon dahil masasarap ang mga tinapay nila at may mga tinda rin silang mga milk tea na mas nagustuhan ko. Akala ko walang ganito sa probinsya pero mukhang mas marami pa pala ang ganito rito.
“Okay lang naman po, Ma. Nagandahan po ako roon at malaki naman ang campus,” magalang kong sabi sa aking ina at ngumiti sa kanya.
Tumango si Mommy at ngumiti. “Kumain ka muna, anak. May binili ako kanina na pizza sa bayan,” wika ni Mommy.
Ngumiti ako at umiling. “Kakatapos ko lang po kumain kanina, Ma. Dinala po ako ni Kuya Jerome sa isang pastry shop. Mamaya ko nalang pong gabi iyan kakainin,” sagot ko.
“Sige, Gab. Punta muna ako ngayon sa planta, nandoon ang daddy mo at inaasikaso ang ating negosyo,” sabi ni Mommy at kinuha na ang kanyang bag at nagpaalam na sa akin para makaalis.
Nang makaalis na si Mommy ay pumunta muna ako sa aking kwarto at lumabas sa balcony rito sa aking kwarto. Meron akong malambot na upuan dito sa balcony kaya naupo ako kaharap ngayon sa dagat.
Habang nakatingin ako ngayon sa malawak na karagatan ay napaisip ulit ako sa supladong si Sebastian Aki. Magiging kaklase ko kaya siya? Ano kayang klaseng estudyante ang Sebastian Aki na iyon? Sabi pa ni Kuya Jerome masipag daw iyon at matalino, pero suplado naman! Sinungitan nga ako noong napunta ako sa kanila.
Napasimangot ako at hindi na ulit inisip ang lalaking iyon. Napagpasyahan ko nalang na kuhanan ng litrato ang tanawin na nasa aking harapan ngayon. In-edit ko naman agad ito sa mga editing app ko sa aking cellphone at pinost sa aking i********: account.
Hindi ko mapigilang matuwa habang nakatingin sa aking i********: account dahil ang ganda ng mga posts ko, ang aesthetic tignan ng feed ko.
Habang tinitignan ko ang aking mga kuha ay may mga notifications agad akong natanggap sa aking i********:. Napaismid ako nang makita kong pinusuan ng mga dati kong kaklase ang aking mga post ngayon at nag comment na rin.
@reinadumanag: wow! Ang ganda naman diyan, Gabriella! Nasaan ka ba ngayon?
@ruffajanna_: galing!
@renzooo1: bakit hindi ka na nagpaparamdam sa akin, Gab?
Ilan lang iyan sa mga comments sa bago kong posts sa i********:. Hindi ko mapigilang mapairap at pinatay ko nalang ang aking cellphone at muling napatingin sa tanawin ngayon sa aking harapan. Ilan lang si Ruffa Janna at Reina ang mga plastic friends ko sa Manila. Si Renzo naman ay ang lalaking matagal nang nanliligaw sa akin. Wala akong gusto sa kanya at matagal ko na rin siyang pinapatigil sa panliligaw sa akin dahil hindi ko naman siya sasagutin.
Ito rin ang magandang resulta nang pagpunta ko rito sa probinsiya dahil hindi na ako makukulit ni Renzo at hindi ko na rin kailangan makipag plastikan sa mga kaklase ko noon.
Panahon na sigurong gumawa ako ng bagong i********: account ko at e delete nalang ang account ko ngayon para hindi na makita ng mga kakilala ko sa Manila. Noong una, ayokong pumunta rito pero simula noong nakita ko ang kagandahan ng probinsiyang ito ay napagpasyahan ko na mag stay nalang dito at mag bagong buhay.
Siguro naman ay walang mga plastikadang estudyante sa magiging paaralan ko sa kolehiyo, diba? Hindi naman ganoon siguro ang mga taga probinsiya, except kay Sebastian na suplado!
“Gabriella! Bilisan mo na diyan sa pag-aayos mo dahil ma la-late ka na!” rinig kong sigaw ni Mommy sa labas at malakas niyang pagkatok sa aking pintuan.
Nataranta naman ako at mabilis na sinuklayan ang mahaba kong buhok. Nakakainis! Gusto ko sana paputulin itong buhok ko pero hindi pumapayag si Mommy dahil mas bagay raw ako kapag mahaba ang buhok ko at gustong gusto niya raw itong ayusan. Pero hindi na ako naaayusan ni Mommy dahil busy na siya sa trabaho sa planta kasama si Daddy.
“Gabriella Neveah!” muling sigaw ni Mommy.
Wala akong nagawa kundi kunin nalang ang aking bag at lumabas sa aking kwarto kahit hindi ko pa natatapos na suklayin ang buhok ko. Nakasimangot ako ngayon na pababa sa hagdan namin, pero nang malapit na ako sa baba ay sinikap kong pakalmahin ang mukha ko at ngumiti dahil narinig ko ang boses ni Daddy.
“Nandito na pala si Gabriella!” sabi ni Mommy nang makita niya akong nakababa na sa hagdan.
Nakita kong nakaupo ngayon si Daddy sa pang isahang couch. Sa gilid naman ni Dad ay nandoon si Kuya Jerome na nakatayo habang nakatingin din sa akin at nakangiti.
“Magandang umaga po sa inyo,” magalang kong bati sa kanila.
Maliit na ngumiti si Daddy habang nakatingin sa akin.
“Excited ka na ba sa first day of class mo bilang isang college student, Gabriella?” tanong sa akin ni Daddy gamit ang kanyang matigas na boses.
Napalunok ako sa aking laway at ngumiti kay Daddy.
“Y-Yes po, Daddy. Excited na po ako ngayon,” aking sagot. Totoo naman, excited na akong makita ang magiging buhay ko bilang isang kolehiyala sa probinsiyang ito. Nasasabik na rin akong makita si Sebastian Aki Torello sa campus.
“Mabuti naman kung ganoon, hija,” nakangiting sabi ni Daddy. Tinawag niya naman si Kuya Jerome kaya naging alerto na ang butler ko. “Jerome, ihatid mo na ang unica hija ko sa paaralan niya. Ikaw na ang bahalang mag alaga sa kanya at kapag may kailangan siya, ibigay mo kaagad ang gusto niya,” utos ni Daddy kay Kuya Jerome.
“Masusunod po, Sir.”
Bago ako makaalis ay muli akong nagpaalam sa aking mga magulang. Lumapit ako kay Mommy upang yakapin siya at ganoon din kay Daddy. Sabi nila ay aalis din sila kaagad dahil pupunta sila sa plantasyon kaya umalis na kami ni Kuya Jerome.
Habang nandito ako ngayon sa loob ng kotse at papunta kami ngayon sa campus ay napapatingin ako sa labas. May iba akong nakikitang mga estudyante na nakasakay ngayon sa mga tricycle at kahit na gitgitan na sila sa loob ay tumatawa pa rin sila. Ganito ba talaga rito? Parang ang saya.
Makalipas ang ilang minuto na pag ba-byahe ay nandito na kami sa labas ng campus. Pinatay na ni Kuya Jerome ang makina at napaharap siya sa akin.
“Hindi ako pwedeng pumasok, Gabriel. Pero kapag may kailangan ka, tawagan mo ako kaagad at makikiusap ako sa guard na papapasukin ako sa loob,” sabi ni Kuya Jerome.
Ngumiti ako at tumango. “Huwag kayong mag-alala, Kuya. Magiging maayos lang po ako sa loob. Tatawagan nalang po kita kapag may problema ako.”
Kinuha ko na ang aking bag at lumabas na sa kotse. Bago ako pumasok sa loob ng gate nitong campus namin ay kumaway muna ako kay Kuya Jerome. Ngumiti si Kuya at kumaway rin sa akin pabalik at umalis na.
Nagsimula na akong maglakad papunta sa loob ng campus at may mga kasabayan na rin akong ibang mga estudyante. Habang napapatingin ako sa mga estudyante rito na kasabayan ko ay kita sa kanilang mga mukha at tuwa kaya kahit hindi ko naman sila kilala ay natutuwa nalang din ako.
Kinuha ko sa aking bag ang aking printed copy ng form 1 ko. Tinignan ko ang aking mga schedules at rooms sa aking mga subjects. Saan nga ulit ang mga rooms na ito? Kakapasyal lang namin dito ni Kuya Jerome noong nag pa enroll ako, e.
Nasaan na ba kasi ang building namin? Kanina pa ako nahihilo rito kakahanap! Nakakaloka! Nang sumuko na talaga ako ay lumapit na ako sa isang babaeng estudyante na nakaupo sa isang bench.
“Hello,” bati ko sa kaniya. Natigil siya sa pag babasa sa kaniyang hawak na libro at napatingin sa akin.
“Ano iyon?” tanong niya sa akin.
Agad akong lumapit sa kaniya at pinakita ang aking form 1. Tinanong ko sa kaniya kung nasaan ang mga rooms na naka assign sa akin. Buti nalang talaga at hindi freshmen itong natanungan ko kagaya ko at isa na pala itong 3rd year college at BSBA rin ang course niya kagaya ko kaya madali niya lang nalaman ang mga rooms ko. Tinuro niya sa akin kung saan ako dadaan at kung saan itong mga rooms ko. Madali ko naman itong na gets lahat kaya muli akong nagpasalamat sa kaniya.
“Maraming salamat po sa inyong tulong!” nakangiti kong sabi.
“You’re welcome! Enjoy ka sa first day of school,” sabi ni ate 3rd year BSBA student.
Patakbo na akong pumunta sa department ng business administration dahil kanina pa talaga ako late. Nang makapasok na ako sa building ng department ko ay agad kong hinanap ang aking rooms. Nang makita ko na ito ay agad akong napangiti at pumasok na sa loob.
Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong hindi pa nagsisimula ang klase. Meron na ring ibang mga estudyante rito sa loob ng room at may mga sariling mundo. Naglakad nalang ako papunta sa bakanteng upuan sa may likod. Nang makaupo na ako ay napatingin ulit ako sa may pintuan ng aming room nang may pumasok bigla na isang babaeng ubod ng ingay.
“Good morning, classmates! Oh my Gosh! Ang dami ko pa lang mga high school classmates dito!” sabi ng babae at binati ang mga kaklase namin ngayon, binati rin siya pabalik na parang obligasyon nilang pansinin ito at sagutin.
Nakita kong napatingin siya sa akin kaya may kaba akong naramdaman bigla. Tinuro niya ako kaya napatingin lahat ng mga kaklase namin. What the heck? Bakit niya ako tinuro? Kilala niya ba ako? Kilala ko ba siya?
Mabilis siyang lumapit sa akin at umupo sa aking tabi. Bahagya kong inayos ang suot kong salamin dahil agad siyang kumapit sa aking braso.
“OMG! Hi, friend! Bago ka lang ba rito sa probinsiya namin?” nakangiti nitong sabi habang nakatingin sa akin.
Alanganin naman akong tumango at maliit na ngumiti sa kaniya. Bahagya siyang tumili at muling napaharap sa akin.
“I’m sorry kung medyo maingay ako right now. Hehe,” sabi niya at kumindat sa akin.
Gusto ko sanang sabihin sa kaniya na hindi lang siya medyo maingay, kundi sobrang ingay niya! Sino ba ang babaeng ito? Nararamdaman ko naman na hindi siya isang plastikadang babae pero napakaingay niya lang talaga at nasobrahan sa pagiging friendly.
Humagikhik siya at muling humarap sa akin.
“Oh! Hindi pa nga pala ako nagpapakilala sa iyo. Hi! I am Sabrina Aik Generoso, the princess of this province,” nakangiti niyang sabi at kinindatan ako.
Bahagya akong nagulat nang magpakilala siya sa akin. She’s a Generoso? Sa kanila itong paaralan na pinag-aaralan ko? Alam ko kasi na isa itong private university pero marami pa rin naman daw na mga kapos sa pera ang makakapag aral dito dahil marami silang ino-offer na mga scholarships.
“Ikaw, what’s your name ba?” tanong niya sa akin.
Maliit akong ngumiti sa kaniya. “I’m Gabriella Neveah Flores, but you can call me Gab or Gabriel for short,” pakilala ko kay Sabrina.
Tumango naman siya at ngumisi sa akin.
“Okay, Gabby!”
Gabby? Ano iyon, Gabby Concepcion? Sige na nga, pagbibigyan ko na lang siya, isa naman siyang Generoso.
“Okay, Sabby.” Napasimangot siya nang sabihin ko iyon sa kaniya.
Mabilis lang kaming naging mag kaibigan ni Sabrina. Sabi niya ay ganoon lang talaga siya ka friendly at bago lang daw ako sa paningin niya kaya nilapitan niya ako. Gusto niya rin akong maging kaibigan kaya kinulit niya ako dito sa room namin dahil wala pa kaming professor na pumasok.
Nasabi sa akin ni Sabrina na kaya pinangalan sa kanilang apelyido ang kanilang probinsiya dahil malaki ang naitulong ng kaniyang pamilya noong hindi pa ito isang ganap na probinsiya, ang kaniyang great grandfather din ang dating gobyernor dito. Pagmamay-ari sa pamilya ni Sabrina itong eskwelahan namin at ang kaniyang Mommy ang nagpapalakad nito. Dalawa lang silang magkapatid at ang isa nito ay si Tobias Kai na isa nang 3rd year college student.
Ang dami pang na kwento ni Sabrina tungkol sa kaniyang pamilya at sa kaniyang buhay. Masasabi ko talaga na madaldal ang babaeng ito at hindi naman siya nakakasawang pakinggan.
Sabi ni Sabrina ay normal lang daw talaga na hindi pumapasok ang mga professor namin today kasi first day. Fina-finalize pa raw kasi ng mga teachers ang mga schedules nila kaya wala sila ngayon.
Napatingin ako sa may labas ng room namin at nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Sebastian na dumaan sa aming room. Oh my gosh! Siya nga! Bakit mas lalo siyang pumogi?
“Sabrina,” tawag ko sa kaniya.
Napatingin siya sa akin habang nakanguso.
Napalunok ako sa aking laway. Bahala na nga! “May kilala ka bang Sebastian Aki Torello?” tanong ko sa kaniya.
Napatango naman siya at napasimangot.
“Si Baste? Yes! Don’t tell me may crush ka rin sa lalaking iyon?!” hindi ako nakasagot sa tanong ni Sabrina at umiwas nalang ng tingin sa kaniya.
Narinig ko ang kaniyang pag singhap.
“OMG! Madami kang kaagaw sa lalaking iyon, Gabby! Isa iyon sa crush ng campus dito!” sabi ni Sabrina habang gulat pa rin na nakatingin sa akin.
Napabuntong hininga nalang ako at hindi na ulit nagsalita pa.
Crush lang naman, e.
Hindi ko naman siya jojowain.
TO BE CONTINUED....