EPISODE 7
TRICYCLE
SEBASTIAN AKI’S POINT OF VIEW.
“Maraming salamat talaga sa inyong tulong Baste at Rick. Buti na lang at wala kayong ibang trabaho kaya free kayo na matulungan ako sa mga stock kong paninda sa tindahan,” wika ni Aling Lucing.
“Walang anuman, Aling Lucing. Maraming salamat din sa sideline dahil may pera na naman kami,” nakangiting sabi ng aking kaibigan na si Rick.
“Pasok muna kayo rito sa loob ng tindahan ko at uminom muna kayo ng soft drinks at mag meryenda!” nakangiting sabi ni Aling Lucing at pinapasok kami sa loob ng kaniyang tindahan.
Kitang-kita sa mukha ng aking kaibigan na si Maverick ang kasiyahan dahil kanina pa ito nag rereklamo na gutom na raw siya at uhaw na uhaw habang nagbubuhat kami ng mga pinamili ni Aling Lucing para sa tindahan.
“Buti na lang talaga at malakas ka rito sa palengke, Baste! Ang pogi mo kasi at ang daming nagkakagusto sa ‘yo, mapa rito sa palengke o sa university natin. Nasasama mo ako sa mga sidelines mo, kaya gustong gusto kita,” nakangising sabi ni Rick at inakbayan ako.
Napailing ako at mahinang sinuntok ang kaniyang balikat.
“Gwapo ka rin naman, Rick. Bulag lang ang ibang babae lalo na ang crush mo kasi hindi nila nakikita na ang gwapo mo, sobra!” sabi ko sa kaniya at kinindatan siya.
Napakunot ang kaniyang noo. “Pre, may crush ka ba sa akin? Kaya ba wala kang sinasagot sa mga manliligaw mong babae at wala kang crush kasi ako ang gusto mo?” tanong niya habang nanlalaki ang mga mata at napatakip sa kaniyang bibig.
Muli ko siyang sinuntok sa kaniyang balikat at tumawa ng malakas.
“Gago! Humangin ka naman kaagad!” nakangisi kong sabi.
Tumawa na rin siya ng malakas. Muli na lang kaming bumalik sa inihandang meryenda sa amin ni Aling Lucing. Pagkatapos naming maubos ang inihanda na meryenda ni Aling Lucing ay binigyan na kami ni Rick ng suhol sa ginawa naming pag buhat sa mga binila niyang stocks dito sa kaniyang tindahan sa palengke.
“Maraming salamat ulit sa inyo, mga Hijo! Mag ingat kayo sa inyong pag uwi,” nakangiting sabi ni Aling Lucing.
“Maraming salamat din po sa inyo,” ani ni Rick.
“Alis na po kami,” paalam ko kay Aling Lucing. Lumabas na kami ni Rick sa tindahan ni Manang Lucing.
“Rick, una ka na pala umuwi, may kailangan pa kasi akong bilhin,” sabi ko sa aking kaibigan.
Napakunot ang kaniyang noo. “Ano ba iyon? gusto mo hintayin na lang kita para naman mahatid pa kita gamit ang motor ko,” wika ng aking kaibigan.
Ngumiti ako sa kaniya. “H’wag na, Rick! Pipili pa kasi ako sa bibilhin ko. Birthday ngayon ng Lolo ko kaya bibilhan ko siya ng regalo at kunting salo salo na rin sa bahay namin,” sabi ko sa aking kaibigan.
Kita ko ang gulat sa kaniyang mukha ng sabihin koi yon sa aniya. “Bakit hindi mo pinaalam sa akin?! Nakapag handa sana ako ng regalo para kay Lolo Alfonso!” sabi niya.
Napatapik ako sa kaniyang likuran at nginitian siya. “H’wag na! ako na ang bahala sa regalo para kay Lolo at sabihin ko na lang sa kaniya na happy birthday galing sa iyo,” wika ko.
Bumuntong hininga siya at tumango. “Sige. Mag ingat ka sa pag uwi mo! Kita na lang tayo bukas sa campus,” sabi ni Rick.
Tumango ako at naglakad na papunta sa pinakamalapit na bakeshop dito sa palengke na nagtitinda ng mga cake. Alam kong hindi na masyadong kumakain ng mga cake ang Lolo at Lola ko pero meron pa akong mga batang kapatid ako gusto ko rin sila na bilhan para maging masaya naman sila.
“Ate, magkano po iyang pabilog niyong cake?” tanong ko sa tindira sa may cake na nasa loob ng refrigerator nila.
“Ah! Iyan ba? Tag 300 iyan, Baste,” sagot niya.
Napatango ako at muling napatingin sa isa pang cake nila na iba ang porma at mas malaki ito sa bilog.
“Iyang parisukat na hugis ng cake, magkano po iyan?” muli kong tanong.
“600 iyan, Baste,” sagot nito sa akin.
Napatango ako at kinuha muna ang aking wallet sa may bulsa ko. Binilang ko muna ang pera ko doon kung kakasya ba sa cake na bibilhin ko para sa aking Lolo. Nakakuha ako ng 500 kanina galing kay Aling Lucing sa pagbuhat ng kaniyang mga tinda papunta sa kaniyang pwesto sa palengke. Meron din akong extra 500 din na itinago ko talaga para rito sa kaarawan ng aking Lolo.
Bumuntong hininga ako at kinuha ang 500 pesos sa aking bulsa at muling humarap sa tindira rito sa bakeshop.
“Ate, pabili no’ng tag 300 na cake, iyong bilog po,” sabi ko.
Tumango siya at kinuha na ang pabilog na cake sa may ref. May binigay siya sa akin na maliit na papel at doon ko isusulat ang gusto kong ipalagay sa ibabaw ng cake. Simple ko namang sinulat doon na Happy Birthday, Lolo Alfonso! Pagkatapos kong isulat iyon sa maliit na papel ay ibinigay ko na ito sa tindira at naghintay na sa kaniya na matapos ang kaniyang pag sulat. Gusto ko man bilhin iyong malaking cake pero wala na akong matitira na pera at wala na akong allowance.
“Ito na ang binili mong cake.”
Kinuha ko na ito kay Ate at nagpasalamat sa kaniya. Bago ako umuwi ay bumili na muna ako sa isang tindahan na may mga damit at bumili ng damit na tag 100 na para kay Lolo. Bumili rin ako ng pancit at isang letchon manok para sa hapunan namin. Nang makabili na ako ay pumunta na ako sa gilid ng kalye upang mag abang ng tricycle. Nang may makita na akong tricycle na paparating ay pinara ko na ito hanggang sa tumigil ito sa aking harapan.
“Manong, sa may Sitio Sarker po ako,” sabi ko sa tricycle driver at pumasok na sa loob.
Tumango ito at pinaandar na ang tricycle. Tumigil naman ulit ang sinasakyan ko at may nakita akong pumara na babae. Nang makalapit kami sa kaniya ay hindi ko maiwasang maningkit sa aking mga mata ng makita ko iyong babae na nakasalamin at ang dahilan kung bakit na hulog ang balde ni Tonio na may lamang isda. Bakit makakasabay ko siya sa pag uwi?
“Saan ka, ineng?” tanong ni Manong Driver kay babaeng nakasalamin.
Nakita kong umiwas ito ng tingin sa akin at inayos ang kaniyang eye glasses.
“A-Ah, sa mansion po ng mga Flores,” mahina nitong sabi.
Mansion ng mga Flores? Taga doon ba siya? Kapitbahay lang namin iyon at kunting lakad lang ay makakarating na kami sa mansion. Taga doon ba siya? kaya siguro siya nakarating doon sa amin.
“Oh! Sa may Sarker ka rin pala. Pasok ka na dito, Ineng, parehas lang kayo ng ruta nito ni pogi,” nakangiting sabi ni Manong driver.
Hindi ko mapigilang mapasimangot.
“K-Kuya, pwede po bang paupo?” tanong ni babaeng nakasalamin sa akin. Hindi pa pala ako umusog ng upuan. Tahimik akong umusog sa akng inuupuan at naramdaman ko nang tumabi na siya sa akin.
Ramdam ko sa kaniya ngayon na para siyang kinakabahan habang katabi ako. Sabagay, sino ba naman ang hindi kakabahan na katabi ako, ako kaya si Sebastian Aki.
“Uhm, a-ano ang ginagawa mo sa bayan?”
Napakunot ang aking noo at napatingin sa babaeng katabi ko ngayon. Ako ba ang kausap ng babaeng ito? Tinaasan ko siya ng kilay.
“Ako ba kausap mo?” malamig kong tanong.
Napalunok siya sa kaniyang laway at hindi makatingin sa akin ng diretso sa mga mata.
“A-Ah, oo… s-sorry, huwag mo na lang po sagutin ang tanong ko,” mahina niyang sabi at napayuko na parang nahihiya sa kaniyang ginawa.
Lihim akong napangisi at napailing sa kaniya. Muli na lang akong tumingin sa daan sa harapan at hindi na siya pinansin. Ako ang naunang bumaba sa tricycle dahil mas malapit ang aming bahay kaysa kanilang mansion. Bago makaalis ang tricycle ay tinitigan ko muna siya hanggang sa umandar na ito. Muli akong napangisi nang maalala ko ang kaniyang tanong kanina sa akin. Hindi ko pa siya kilala at hindi niya ako kilala pero tinanong niya kanina kung anong ginagawa ko sa bayan. Napailing ako, sigurado akong may gusto iyon sa akin, pero sorry na lang siya hindi ko siya magugustuhan. Ayoko sa mga babaeng galing siya syudad at mga babaeng mayayaman, masyado silang maarte at hindi kami bagay dahil mahirap lang ako.
Nang makalayo na ang tricycle ay naglakad na ako papunta sa aming munting bahay at agad kong nakita ang Lola ko na nagwawalis sa labas ng aming bahay.
“La!” tawag ko sa kaniya habang may ngiti sa labi. Napatigil siya sa kaniyang pagwawalis at humarap sa akin.
“Baste! Buti nakauwi ka na. Ano ba iyang dala mo, Apo?” tanong niya nang mapatingin siya sa mga dala ko.
Ngumiti ako at niyakap si Lola. “Birthday ngayon ni Lolo, diba? Gusto ko may celebration tayo ngayon,” malambing kong sabi at inakbayan si Lola.
Mahina niya akong pinalo sa may tiyan ko. “Nakong bata ka! Okay ka naman na hindi tayo mag handa. Saan ka galing ng pera niyan pambili? Ang dami niyan, apo!”
“La, pinag-ipunan ko po ito kaya h’wag kayong mag-alala. H’wag na rin kayo magalit dahil gusto masaya tayo ngayon,” malambing kong sabi at dinala na si Lola papasok sa aming bahay.
Nang makapasok na kami ay agad kong nakita ang dalawa kong kapatid na nagsusulat sa may sala at nasa likuran nila nakaupo si Lolo sa aming lumang sofa. Napasulyap ang isa kong kapatid na si Axle sa akin at napatayo ito.
“Kuya Baste!” tumakbo siya papalapit sa akin at niyakap ako. Lumapit din ang isa ko pang kapatid na si Ace na kakambal ni Axle.
10 years old na ang kambal at nasa elementary na sila at malapit na rin silang mag high school. Marami pa akong pag-iipunan dahil marami na ang bayarin kapag high school ka na.
“Hala, Kuya! Cake po ba iyang hawak niyo?” hindi makapaniwalang tanong ni Ace habang nakatingin sa aking dala.
Ngumiti ako at tumango. “Oo, cake ito at kakainin natin ito ngayon dahil birthday ni Lolo,” masigla kong sabi.
Nag talunan sila ngayon sa tuwa at kinuha na nila ang mga dala kong pagkain para ilagay ito sa may kusina at sila na ang mag ayos sa lamesa. Nakita ko rin na sumunod sa kanila si Lola Lagring upang tulungan ang mga kapatid ko doon. Nakita ko naman na lumapit sa akin si Lolo ngayon na nakakunot ang noo.
“Apo, hindi ka na sana nag-abala,” mahina niyang sabi, dahil na rin sa katandaan.
Ngumiti ako at lumapit sa kaniya upang yakapin.
“Maligayang kaarawan, Lo! Meron din akong regalo sa inyo,” masaya kong sabi at binigay sa kaniya ang supot na may laman na damit na binili ko kanina.
Kinuha niya naman ito at kinuha ang damit. Nang makita na niya ang damit ay nagsimula na siyang umiyak. Damit ang binili ko para kay Lolo dahil wala na siyang bagong damit at ang iba pa ay punit na.
Muling tumingin sa akin si Lolo habang umiiyak pa rin. Lumapit siya sa akin at niyakap ako.
“Maraming salamat, Apo! Ang saya saya ko ngayon,” wika niya habang nakayakap sa akin.
Ngumiti ako at hinalikan ang puting Buhok ni Lolo.
“H’wang kayong mag-alala, hindi lang iyan ang ibibigay ko sa inyo sa susuod, mas mahal pa diyan at marami pang damit,” sabi ko sa aking Lolo.
Mahinang tumawa si Lolo at nagpunas ng kaniyang luha.
Muli siyang tumingin sa akin ng seryoso at nagsalita. “Huwag mo masyadong ituon ang iyong atensyon sa amin, Apo. Unahin mo rin ang kaligayan mo, ang pangarap mo, hindi iyong puro kami na lang,” sabi niya at hinawakan ang aking braso.
“Lo, ang pangarap ko ay ang maiangat kayo sa kahirapan at mabigyan kayo ni Lola at mga kapatid ko ng magandang buhay. Iyon ang pangarap ko, Lo at iyon din ang kaligayahan ko,” seryoso kong sabi sa kaniya.
Muli siyang ngumiti at tinapik ang aking balikat.
“Marming salamat sa lahat ng sakripyo mo, Apo.”
Gagawin ko ang lahat masuklian lang sa kanila ang ginawa nilang sakripisyo para sa amin ng aking mga kapatid. Uunahin ko ang pamilya ko, sila ang kayaman ko.
TO BE CONTINUED...