KABANATA 10

4090 Words
KABANATA 10 Good morning, Sabado! Sobrang ganda ng araw na ‘to at sobrang excited ako. Darating si Jade! Pagbaba ko ng hagdan, pumunta ako agad sa kusina para makapag-breakfast. “Hi, kuya! Good morning!” bati ni Inah sa ‘kin na kumakain na ngayon ng pancake. Favorite niya ‘yan. Kahit araw-araw ‘yan ang ipakain sa kanya sa umaga, ‘di nagsasawa. “Good morning, Inah. Good morning, Mommy. Ang Daddy po?” tanong ko tapos kinuha ko ‘yung kahon ng cereals at fresh milk sa ref. Ipinatong ko sa counter top, saka ako kumuha ng bowl at kutsara. “Ang daddy mo, tulog pa.” Tiningnan ako ni Mommy. “Mukhang maganda ang gising ng anak ko ah.” “Dadating po kasi si Ate Jade,” sabi ni Inah. “Ay, oo nga pala!” tumawa pa si Mommy. Hay, nagsisimula na naman sila. Big deal talaga na may kaibigan akong babae na ipapakilala sa kanila at dadalhin dito sa bahay. Pagkatapos kong kumain narinig ko na may nag-door bell. “Manang, pakitingnan nga kung sino iyon,” utos ni Mommy. “Manang, ‘wag na, ako na lang po,” sabi ko naman at tumayo na ‘ko. Paglabas ko nakita ko sa labas ng gate sina Phil at Mico. Binuksan ko ‘yung gate at pinapasok na sila. “Ang aga niyo ah, anong oras kayo umalis sa inyo?” “Sobrang aga, dahil masyado ka naming na-miss!” Inakbayan pa ‘ko ni Mico, habang si Phil, panay g**o sa buhok ko. “Loko! Teka, nasaan pala kotse mo, Mico? Nag-commute kayo?” “Sira ‘yung kotse niya, ang malas nga eh. Layo rin nitong sa inyo ah, buti nakarating kami at ‘di naligaw.” “Halika na sa loob, kumain na ba kayo?” “Oo, pero kung pakakainin mo kami ulit, ayos lang,” sagot ni Phil. “Takaw niyo pa rin...” “Uy, Jared bisita kami ah. Dapat asikasuhin mo kami nang maayos,” sabi naman ni Mico. Feeling VIP. “Oo na! Gusto n’yo subuan ko pa kayo?” “Pwede rin,” sagot pa niya, batukan ko nga. “Mommy! Nandito na po sina Phil,” sigaw ko habang papasok ng bahay at dumiretso na kami sa kusina. “Hi po, Tita!” bati nilang dalawa. Biglang bait ng dalawang mokong. Kanina lang binabalahura nila ‘kong dalawa. “Hello, kumusta kayong dalawa? Kumusta pag-aaral n’yo?” “Okay naman po.” “Masaya ako na nakadalaw kayo rito sa ‘min.” “Napag-usapan na po kasi namin dati bago pa kayo lumipat dito, na bibisita kami.” “Ay, alam niyo bang magkaka-girlfriend na ‘yang anak ko? Pupunta rin siya ngayon dito.” Ayos maka-kwento si Mommy, advanced. “Girlfriend? Jared, wala kang nababanggit sa ‘min ah... Akala ko ba si J—” pinutol ko agad ‘yung pagsasalita ni Phil. “Wala, si Mommy lang ang nag-iisip ng ganun. Kaibigan ko lang ‘yung darating. Mommy, gutom daw po sila,” pag-iiba ko ng usapan.  “Ay, ganun ba? Teka, paghahanda namin kayo.” Naghanda na ng pagkain sina Mommy at Manang para kina Phil at Mico. Kaming tatlo naman nagpunta na lang muna sa may sala. “Uy, tahimik kayo kina Mommy ah. Wala silang alam tungkol kay Jade. Ang alam nila kaibigan ko lang siya, at may boyfriend pa nga ‘di ba?” “Eh bakit sabi ng mommy mo magiging girlfriend mo na?” tanong ni Mico. “Natutuwa lang ‘yun. Wala naman kasi akong dinadalang babae dito o pinapakilalang girlfriend kaya nang malaman na pupunta si Jade, ayun tuwang-tuwa.” “Hindi lang naman Mommy mo ang tuwang-tuwa, malamang pati ikaw…” pang-aasar ni Phil. “Malamang! Ang tagal ba naman niyang hinanap ‘yung babaeng ‘yun. Saklap nga lang pre, ‘di ka naaalala. Bakit kaya?” dagdag naman ni Mico. “‘Di naman importante ‘yun, ang importante, close na kami. Kaya mamaya, itahimik n’yo rin ‘yang mga bibig n’yo. Wala dapat malaman si Jade. ‘Di niya dapat malaman na ako ‘yung lalaking hinalikan niya dati.” “Bakit? Hindi mo ba gustong malaman kung bakit ka niya hinalikan noong gabing ‘yun?” tanong ni Phil. “‘Di na. Baka kasi mailang lang siya sa ‘kin. Syempre babae ‘yun. Mahihiya ‘yun. Kaya ‘wag na lang.” “Okay, sige. Tikom naman ‘tong mga bibig namin,” sabi ni Mico. “Jared, ready na ‘yung pagkain. Punta na kayo rito!” narinig kong sigaw ni Mommy. “Punta na kayo doon. Kumain na kayo. Maliligo lang ako,” sabi ko sa kanila. Kilala na naman sila ni Mommy, kaya hindi ko na sila kailangan pang samahan. “Sige. Pa-pogi ka!” nang-asar na naman. Batuhin ko nga ng unan si Mico. Kahit kelan, lakas mang-asar. Pumanik na ‘ko sa kwarto para makaligo at makapag-ayos. Sa pagligo at pag-aayos mabilis lang ako, pero sa pagpili ng damit na susuotin, doon ako nagtagal. Habang pumipili ako ng damit na susuotin, narinig kong may kumatok sa pinto. “Uy, Jared, tagal mo namang mag-ayos! Para kang babae!” sigaw ni Mico na nasa labas ng pintuan. Binuksan ko naman ‘yung pinto at pinapasok silang dalawa. Si Phil umupo sa kama ko, habang si Mico naman diretso sa tapat ng maliit na ref. at kumuha ng isang supot ng potato chips na nasa ibabaw ng ref. “Tulungan n’yo nga akong mamili kung ano’ng isusuot ko,” namomroblemang sabi ko. “Ay, sus! Kaya naman pala! Pare-pareho lang damit yan,” sabi ni Phil. “Dali na. Dami pang sinasabi. Ano’ng mas bagay sa ‘kin? Itong blue o itong black?” tanong ko sa kanila habang pinapakita ‘yung dalawang t-shirt na pinagpipilian ko. “Yung black,” sagot ni Phil. Si Mico, ‘di ata ako narinig dahil masyadong busy kakakain. “Hoy, Mico, baka gusto mong sumagot d’yan. ‘Di puro pagkain inaatupag mo. Ano sa tingin mo mas bagay sa ‘kin? Sabi ni Phil ito raw black,” tumungin naman sa ‘kin si Mico, habang nakapasok pa sa loob ng supot ng potato chips ‘yung isang kamay. “’Yung black din,” sagot niya. “Okay, thanks.” tapos sinuot ko na ‘yung black shirt. Nagtodo pabango pa ako pagkatapos. “Pare, grabe... humahalimuyak ka na. Kahit ilang milya ang layo sa ‘yo, maaamoy ka. Hindi kaya mahilo si Jade niyan sa ‘yo?” pang-aasar ni Mico. “Okay lang ‘yan. Para ‘di niya malimutan ‘yung amoy ko,” sabay tawa ko. “Aaccck…” umarte silang pareho na nasusuka. “Pagpatuloy n’yo ‘yan. Gusto n’yong umuwi nang ‘di oras?”  “Joke lang… Lover boy… Kaw naman ‘di ka na mabiro.” Mga 10:45 a.m. dumating na si Jeff. Pinakilala ko siya kina Phil, pati na rin kina Mommy. “H-hello po,” ‘yan na naman siya, nauutal na naman. Natatawa tuloy sina Phil at Mico sa kanya. Lalo na ‘yung suot niya kasi, ang baduy. Kahit na ‘yung buhok niya ayos na at wala na siyang salamin. Panira pa rin ‘yung damit. Brown polo ba naman, tapos khaki pants. Ang tanda niyang tingnan. Tapos naka-tuck-in na nga may suspenders pa siya! ‘Di ba ang baduy? Habang sina Mommy at Manang ay busy sa pagluluto, si Inah naman naglalaro mag-isa, at ang Daddy umalis dahil pumunta sa kumpare niya tapos sina Phil at Mico naman busy sa paglalaro ng Wii, kinausap ko si Jeff. “Jeff, ano na namang nangyayari d’yan sa dila mo? Nauutal ka na naman,” tanong ko sa kanya. “N-nahihiya kasi ako.” “Sa mga ‘to?” sabay turo kina Phil. “Mga walang kahihiyan ‘yang mga ‘yan. Kaya ‘wag ka mahiya sa kanila.” “Sama mo Jared!” sigaw ni Mico. “Narinig namin ‘yun ah! ‘Wag ka nagpapaniwala d’yan Jeff,” dagdag naman ni Phil. Kahit nakatuon ang atensyon nilang dalawa sa nilalaro nila, nakuha pa rin nilang mag-react sa sinabi ko. May naisip naman akong gawin. Nasabi ko kasi kay Jeff dati na tutulungan ko siyang ayusin ‘yung porma niya. Kaya pumunta kami sa kwarto ko ngayon at maghahalungkat sa mga damit ko. Iniisip ko kung ano’ng bagay kay Jeff. Nilabas ko lahat ng damit ko, si Jeff nakatayo lang tapos isa-isa kong nilalagay sa tapat niya ‘yung damit at tinitingnan kung bagay ba o hindi. “Pink? Sigurado ka d’yan, Jared, bagay ba sa ‘kin ‘yan?” ‘di maipinta ‘yung mukha ni Jeff, habang palipat-lipat ang tingin sa ‘kin at sa pink na polo shirt na hawak ko. “Oo, ito sa tingin ko bagay d’yan sa khaki pants mo. Sige na isuot mo na lang,” utos ko at sumunod naman siya. “‘Yan, ‘di nagmukha kang tao sa modernong panahon. ‘Di ‘yung mukha kang nasa panahon ng lolo mo.” “Talaga? Kung palagi kaya akong mag-pink?” ‘Di ko mapigilang matawa sa sinabi ni Jeff. Porke’t bagay sa kanya ang color pink, aaraw-arawin? “Patawa ka Jeff. Alam mo bro, dapat kasi, tingin-tingin din sa paligid mo, maging observer ka kasi. Tingnan mo ‘yung mga uso na damit, sa TV, sa internet, sa magazine.” “Ahhh...” patango-tango pa siya. “Salamat Jared ah.” “Wala ‘yun,” tinapik ko pa sa balikat si Jeff. “Halika baba na tayo at ‘wag kang mahiyang makipag-usap kina Phil. Mababait ‘yung mga ‘yun.” Nang makita nina Phil si Jeff. “Laki talaga ng nagagawa ng damit ‘no? Laki ng pinagbago mo Jeff,” sabi ni Mico. “Salamat.” “‘Pag nakita ka siguro ni Kristine ngayon, baka ikaw na habul-habulin niya,” sabi ko naman. “Sana,” nahihiyang sagot niya. ‘Pag usapang Kristine talaga, ganyan si Jeff. Maya-maya narinig kong may nag-door bell. Panigurado si Jade na ‘yun. “Teka lang, si Jade na ata ‘yun.” Tumakbo agad ako palabas. Si Jade nga. Pinagbuksan ko agad siya ng gate. Ang ganda niya sa suot niyang t-shirt na kulay puti at green, tapos ‘yung shorts niya kulay yellow. Nai-in love tuloy ako lalo.  “Pasok ka Jade.” “Thanks. Sorry, medyo late ako.”  “Okay lang. Wala pa namang 12:00 noon. Abot ka pa sa lunch at ‘di pa nga tapos magluto sina Mommy.” “Ito nga pala ‘yung Carbonara. Sabi mo magdala ako ‘di ba?” Inabot niya sa ‘kin ‘yung plastic container na may lamang Carbonara. “Thanks, Excited na ‘ko tikman ‘to.” “Salamat,” tapos ngumiti siya sa ‘kin, at hinawi yung buhok niya at nilagay sa likuran ng tenga niya. Pagpasok namin sa pintuan, nakasalubong agad sa ‘min si Inah. Lakas din ng pakiramdam ng kapatid ko. “Ate Jade!” sigaw ni Inah na bitbit pa si Coco the Bear, sabay hatak kay Jade papasok ng bahay namin. Ayos, inunahan ako ng kapatid ko. Hindi pa ‘ko nakakahirit masyado inagaw na agad sa ‘kin si Jade. Pero ayos lang, mukhang natutuwa naman si Jade sa kapatid ko. Kaya sumunod na lang ako sa kanila papasok ng bahay. “Hi, Inah.” “Let’s go there, Ate Jade. Punta tayo kay Mommy.” “Sige. Dahan-dahan lang, ‘wag ka tumakbo baka madapa ka,” tapos magkahawak pa sila ng kamay ni Inah papuntang kusina para  puntahan si Mommy. “Hina mo, pare. Naunahan ka pa ng kapatid mo,” narinig kong sabi ni Mico at nagtawanan pa sila. Kaya humarap ako saglit sa kanila. “Tumahimik kayo kung ayaw n’yo ng sapak,” banta ko sa kanila pero biro lang naman ‘yun, ‘di naman seryoso. Alam naman nila kaya pinagtawanan lang nila ko. Pagpunta ko sa kusina. Busy na silang tatlo sa pagkukwentuhan. Hindi na ‘ko napansin! Sabi ko nga, may iba silang bonding na mga girls. Kaya bumalik na lang ako kina Phil. Nakipagkwentuhan at sumali sa paglalaro ng Wii habang hinihintay na mag-lunch. Kahit nasa sala ako, niririnig ko ‘yung tawanan nila Mommy sa kusina. Ano kayang pinag-uusapan nilang nakakatawa? Parang kinabahan ako bigla. Baka kung anu-ano na kinukwento nina Mommy tungkol sa ‘kin, kaya pumunta agad ako sa kusina.  “Ang cute naman ni Jared,” narinig kong sabi ni Jade. “Kita mo naman, kahit baby pa, macho na. Hindi nahihiya sa camera kahit naka-bold siya,” sabi ni Mommy at nagtawanan na naman sila. “Ma!” napatingin sila sa ‘kin. Tama nga ‘yung hinala ko. Pinapakita kasi ni Mommy kay Jade ‘yung mga baby pictures ko. Teka, pa’no nakarating dito sa kusina ‘yung mga ‘yun? Ano ‘yun, hinanda na agad ni Mommy? “Mommy, nakakahiya naman po kay Jade. Bakit pinakita n’yo pa ‘yan,” sabay kuha ko ng mga pictures sa kanila. “Jared, huli ka na. Nakita ko na lahat. ‘Wag ka nang mahiya. Ang cute mo nga eh,” tumawa na naman si Jade. Hiyang-hiya naman ako. Nakita na ni Jade ‘yung hindi dapat makita sa ‘kin. Halos lahat ata kasi ng babay pictures ko wala akong pang-ibaba. Kung ’di ‘yung harap ang nakita ni Jade ‘yung pwet ko. Kahit ba baby pictures ‘yun. Ako pa rin ‘yun! Smaller version nga lang ng ngayon. “Si kuya shy-shy kay Ate Jade,” isa pa ‘tong kapatid ko, nang-asar din. “Jared, anak. Pulang-pula ka,” pulang-pula ako sa sobrang kahihiyan. “Mommy naman kasi,” wala na. Ano pang mukhang ihaharap ko kay Jade? “Okay lang ‘yun. Baby ka pa naman noon,” sabi ni Mommy. “Kaya nga Jared at sa ‘kin ka pa nahiya? Promise ang cute mo talaga,” dagdag pa ni Jade. Wala na ‘kong nagawa at nasabi. Pero ‘yung mga pictures ‘di ko na binalik sa kanila. Kinuha ko lahat at tinago na sa kwarto ko. Pagbaba ko, nagsisimula na silang maghain para makapag-lunch na kami. Habang kumakain, kwentuhan kami. Si Mommy ang daming tanong kay Jade. Tapos si Jade, tuwang-tuwa sa pagbabago ng itsura ni Jeff. Nang matapos kaming kumain, ‘yung mga babae balik sa kusina kasi si Mommy tuturuan nang mag-bake si Jade. Ayos na rin kahit na wala ‘yung atensyon sa ‘kin ni Jade at least napapalapit siya kina Mommy. At si Mommy at Inah, masaya na kasama si Jade. Nang matapos silang mag-bake, tinawag ako ni Jade para pumunta sa kusina. “Gusto kong ikaw ang unang tumikim nitong carrot cake na niluto ko,” nag-slice siya nang maliit, hinipan pa niya nang konti kasi bagong labas sa oven saka niya isinubo sa ‘kin. “Ang sweet nila ‘no, Inah?” sabi ng Mommy na kinikilig sa ‘min ni Jade. Ngumiti naman si Jade. “Yes Mommy,” nag-agree naman si Inah sa sinabi ni Mommy. “Ano, masarap ba?” tanong ni Jade. Nag-thumbs up ako. “Masarap at mas masarap kung kakainin natin ‘to kasabay ng Carbonara na dala mo,” ngumiti ulit si Jade at parang nakita ko siyang nag-blush. Totoo ba ‘yun o namamalikmata lang ako? Titingnan ko sana siya  ulit, para siguraduhin ‘yung nakita ko, kaso bigla siyang tumalikod. “Gutom na ba kayo? Meryenda na tayo!” yaya niya. Tapos nilabas niya ‘yung Carbonara na dala niya, para iinit sa microwave. Sayang ‘di ko nakita kung nag-blush nga siya. Nang matapos kaming magmeryenda, nagpaalam na si Jade na uuwi na raw siya. Nag-offer ako na ihatid siya, ayaw niya, pero nagpilit ako. Sabi ko kahit hanggang sa kanto lang ng street nila. Pumayag siya pero sabi niya maglakad na lang daw kami sa halip na magdala pa ng kotse kasi malapit lang naman ‘yung bahay nila. Pumayag naman ako, kasi kung maglalakad kami mas matagal ko siyang makakasama. Nagpaalam na si Jade kina Mommy tapos sabay na kaming lumabas ng bahay. Habang naglalakad na kami pauwi, “Dito ka,” nasa tabi ko kasi siya, at ako ‘yung pumwesto sa side ng kalsada. “Thanks Jared ah. Sobrang nag-enjoy ako na kasama ang Mommy at kapatid mo.” “Talaga? Wala ‘yun. Anytime, welcome ka sa bahay namin.” “Alam mo nakaka-inggit ka, kasi close kayo ng Mommy mo.” “Bakit? Kayo ng Mommy mo hindi?” “Hindi eh. Pero ‘wag na nating pag-usapan ‘yun. Masaya ako ngayon. Ayokong malungkot.” “Okay, pero kung gusto mong pag-usapan, nandito lang ako.” “Thanks Jared.” Dahil si Jade ang kasama ko, parang ang bilis ng oras. ‘Di ko namalayan na nasa may kanto na pala kami at malapit na sa bahay nila. “Hanggang dito na lang pala ako,” sabi ko sa kanya. ‘Di na ‘ko nagpaabot pa hanggang sa bahay nila. Mahirap na, baka may makakita pa. “Thanks sa paghatid ah?” “Wala ‘yun. Sige, lakad ka na. Hatid na lang kita ng tingin.” “‘Wag na. Ayun na ‘yung bahay namin o.” “Sige na. Dito lang ako, hanggang sa makapasok ka sa inyo.” “Okay. Ingat ka pag-uwi ah?” “Sige, thanks.” Naglakad na siya palayo pero umikot at humarap ulit siya sa ‘kin, at naglakad pabalik. “Bakit? May nakalimutan ka?” tanong ko sa kanya. Nasa harapan ko na siya ngayon at nakangiti. Nagulat na lang ako nang bigla niya kong halikan sa pisngi. “Thanks!” sabi niya, sabay takbo paalis. Ako, parang naging istatwa sa kinatatayuan ko. Gusto kong sumigaw sa tuwa, kaso baka marinig niya ‘ko. Ang saya ko, sobra! Pero ang mas kinasaya ko pa, sigurado ako, nakita kong nag-blush siya. Si Jade, totoong nag-blush siya. Naglalakad ako pauwi na nakahawak sa pisngi ko. ‘Di pa rin ako makapaniwala na hinalikan ako ni Jade sa pisngi. Ano kayang ibig sabihin ng halik na ‘yun? Gusto na rin kaya niya ‘ko? Pero pa’no si Steve? ‘Di pa naman sila break. Teka, bakit ko nga ba iniisip si Steve? Baka naman may balak nang makipag-break si Jade? Ang bilis naman ata niyang magdesisyon. Pero ano nga kaya ‘yung halik na ‘yun? Pagpasok ko sa bahay namin, wala pa rin ako sa sarili. “Hoy, Jared!” sigaw ni Mico. “Ano? Bakit ka nakasigaw?” “Paanong ‘di ako sisigaw, kanina ka pa namin tinatawag, pero parang wala kang naririnig. Problema mo?” “Ha? Wala. ‘Di ko lang talaga kayo narinig.” “‘Di mo kami narinig? Ang lakas kaya ng boses namin. Kaming tatlo pa ang tumatawag sa ‘yo. “‘Di mo kami narinig? Imposible,” sabi ni Phil na nakakunot pa noo. “Hindi ko lang talaga kayo narinig.” Ayokong aminin na lutang ako kanina kaya ‘di ko sila narinig. Malamang aasarin na naman nila ‘ko. “Ahhh, alam ko na. Siguro may nangyaring maganda habang magkasama sila ni Jade,” sabi ni Mico na nakahawak pa sa baba niya. “Malamang ganun na nga,” aba pati si Jeff nakisali? Lakas maka-impluwensiya nitong dalawa. Hinawakan ako ni Mico sa balikat at pinaupo. Silang tatlo, nakaharap at nakatingin sa ‘kin. “Problema n’yo?” tanong ko sa kanila. “Magkwento ka. Ano, may nangyaring maganda ‘no?” sabi ni Mico. Ito talaga, pasimuno. “Wala. Kayo kalalaki n’yong tao, mga chismoso kayo.” “Ang KJ naman,” sabi naman ni Phil. Isa pa ‘to. “Oo nga... Ang KJ,” si Jeff ba talaga ‘tong kaharap ko? Parang sandali lang ako nawala, nahawa na talaga kina Mico. “Uy, Jeff ‘wag ka na makisali d’yan sa dalawang ‘yan. Bahala kayo kung ano gusto n’yong isipin. Basta ‘di ko lang talaga kayo narinig,” sabay tayo ko at naglakad paalis. “Saan ka pupunta?” tanong ni Jeff. “Sa kusina. Bigla akong nagutom,” pero sa totoo lang gusto ko lang maka-iwas sa kanila. Makulit kasi ‘yang sina Mico. Sa ‘min na nag-dinner si Jeff. Pagkatapos namin kumain, nag-stay pa siya saglit tapos nagpaalam na rin na uuwi na siya. Sina Mico at Phil dito sa ‘min matutulog tapos bukas ang uwi nila. Sa guestroom sila pinatulog ni Mommy. Bago ako pumasok sa kwarto ko, dumaan muna ‘ko sa kwarto nila. “Uy, ayos lang kayo rito?” “Ayos na ayos,” sagot ni Phil habang naglilipat ng channel ng TV. “Ikaw, Mico?” “Ayos din at inaantok na ‘ko. Kaya Phil, hinaan mo ‘yang volume ng TV,” reklamo ni Mico. “Alam mo, Mico. Para kang matanda, ang aga mo matulog.” “Eh sa pagod na ‘ko eh.” “Hayaan mo na, Phil. Pagod kakalaro at kakakain ‘yan.” “Buti pa si Jared, naiintindihan ako,” sabi ni Mico habang inaayos pa ‘yung unan niya.   “Basta manunuod ako rito, bahala ka d’yan,” sagot naman ni Phil. “Bahala na kayo d’yan. Punta na ‘ko sa kwarto. Basta feel at home. Kung magutom kayo, na paniguradong mangyayari, maraming pagkain sa baba. Kahit anong laman ng ref pwede n’yong kainin.” “Dapat ‘tong guestroom n’yo kasi may ref. na rin tulad sa kwarto mo, para ‘di na kami bababa,” gandang sagot ni Mico. Mga ideya talaga nito. “Ayaw mo bumaba? Sige sa baba ka matulog,” sagot ko sa kanya. Pinagtawanan tuloy siya ni Phil. “Ayos ‘yun. Sige Mico sa baba ka na lang para wala akong katabing matulog. Ang likot mo pa naman.” “Eh ‘di ikaw sa baba,” sagot niya kay Phil, tapos tumingin sa ‘kin. “Biro lang Jared. Masipag akong bumaba. Kahit nga magpanik-panaog pa ‘ko ayos lang,” nag thumbs up pa siya. “D’yan na nga kayo. Kung may iba pa kayong kakailanganin, katok na lang kayo sa kwarto ko.” “Sige. Salamat.” Pagpasok ko sa kwarto ko, nahiga na ‘ko sa kama. Iniisip ko si Jade. Parang gusto ko siyang tawagan. Gising pa kaya siya? Kinuha ko ‘yung phone ko at tinext siya. To: Jade Gising ka pa? Tumunog ‘yung phone ko. Pag-check ko ng message galing kay Jade. From: Jade Yes, bakit? To: Jade Tawag sana ko... k lng? Ang tagal niya bago mag-reply. Kaya nang marinig kong tumunog ‘yung phone ko ulit, napabangon agad ako. From: Jade cge.. kei lang.. ^_^ Tumawag agad ako, na sinagot naman niya agad. “Hello...” “Hi Jade. Akala ko ‘di ka na magre-reply.”  “Pasensya na ah, tumawag kasi si Steve.” “Ah, ganun ba?” “Uhm... Jared, tungkol pala sa kanina.” “Anong kanina?” “Nakakahiya kasi. Kalimutan mo na ‘yun ah.” “Ah, ‘yun ba,” alam ko na agad kung ano’ng tinutukoy niya. “Natuwa lang talaga ako nang sobra kaya nagawa ko ‘yun,” ‘yun pala ibig sabihin ng halik niya sa pisngi ko kanina. Natuwa lang siya. Akala ko pa naman, gusto na rin niya ‘ko. Hindi pala. Natuwa lang siya. Pero ayos na rin, at least natutuwa pala siya sa ‘kin. Kahit parang clown na naman ang dating. Pero sige na nga. Pwede na rin ‘yun. “‘Wag mo nang isipin ‘yun.” “Thanks. Wala sanang magbago ah? Ayoko kasi na magkailangan tayo.” “Oo naman. Walang magbabago,” kung may nagbago man, mas lalo kitang nagustuhan.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD