KABANATA 1
KABANATA 1
“Pare ba’t ganyan itsura mo? Mukha kang basang sisiw!” bungad agad sa ’kin ng kaibigan kong si Phil, pagpasok ko pa lang ng kwarto niya, kasunod ng isang malakas na tawa.
“Oo nga, pre. Mukha kang ewan!” gatong pa ni Mico, isa ko pang kaibigan at sumabay pa kay Phil sa pagtawa.
Pero totoo naman ‘yung sinabi nila, para kasi akong naligo sa ulan. Wala nga kasi akong dalang payong, tapos ‘yung jacket ko, pinagamit ko doon sa babaeng nakita ko kanina. Sa babaeng ‘di ko naman kilala pero bigla akong hinalikan, tapos bigla naman akong tinakbuhan.
Sa totoo lang, ang weird niya. Pero mas weird ata ako kasi sa tingin ko, na-love at first sight, first touch, at first kiss ako.
“Alam n’yo ‘di kayo maniniwala sa nangyari sa ‘kin kanina bago ako makarating dito,” kwento ko sa kanila habang nakaupo ako sa kama ni Phil at tinatanggal ang sintas ng sapatos ko sa kaliwang paa. Nabasa kasi ng ulan, pati medyas ko nga nabasa nang ng konti.
“Ano naman ‘yan? Baka kwentong barbero ‘yan,” pang-aasar ni Phil, habang nakaupo sa tapat ng computer niya.
“Pre, baka habang papunta si Jared dito, napagtanto niyang beki siya at isa sa ‘tin ang type niya,” isa pa ‘tong si Mico puro kalokohan ang laman ng utak. Ang lakas mang-asar niyan, pero kapag siya ang inasar, pikon ‘yan.
“Loko! Hindi!” sabay bato ko ng medyas sa kanya habang tumatawa, kaso nakailag. Sayang!
“Salaula mo, Jared!” reklamo ni Mico, at sinipa pabalik sa ‘kin ‘yung medyas ko, na nasapo ko naman, kaya tatawa-tawa pa rin ako.
“Ayaw n’yo kasing makinig sa ‘kin. Seryoso ‘to,” sabi ko habang nakayuko ako at tinatanggal naman ‘yung kanang sapatos ko.
“Eh ano nga? Bilis, ikwento mo na,” kunwari pa ‘tong si Phil, magpapakwento rin naman pala at tumabi pa sa ‘kin.
Umayos ako ng upo at tumingin sa kanila. “In love na ata ako.”
“Kwentong barbero nga,” akala ata nila nagbibiro ako dahil tinalikuran nila 'ko pareho. Si Phil bumalik sa harap ng computer. Habang si Mico naman bumalik sa pagbabasa ng magazine. FHM na naman ang binabasa. Hilig sa babae, torpe naman.
“Seryoso ako. May nakita akong babae kanina. Mukha siyang nawawala kaya nilapitan ko. Basang-basa na rin siya nang dahil sa ulan tapos nangangatog ‘yung katawan sa lamig kaya pinagamit ko ‘yung jacket ko sa kanya. Kaya nga ako ang basang-basa ngayon.” Pareho silang nakatutok na ulit ang tingin sa ‘kin at naghihintay ng susunod kong sasabihin, kaya binitin ko muna sila nang konti.
“Pero, bago ko ituloy ‘yung kwento, pahiram muna ng damit Phil.” Hindi na 'ko naghintay pa ng pagpayag niya at tumayo na 'ko at naglakad palapit sa cabinet niya. Parang magkakapatid na kasi ‘yung turingan naming tatlo, lalo na simula elementary magkakasama na kami. Kaya sanay na kaming naghihiraman ng gamit.
“Kumuha ka na lang d’yan sa cabinet ko,” sagot naman ni Phil.
Binuksan ko ‘yung cabinet at naghanap ng maisusuot na pamalit. Hinubad ko agad ‘yung basang pang-itaas ko dahil nangangatog na 'ko sa lamig, at isinuot ‘yung grey t-shirt na kinuha ko mula sa cabinet.
“Oh, tapos, ano na?” pangungulit ni Mico.
“Tinanong ko kung nawawala ba siya, at kung kailangan niya ng tulong. Pero ‘di sumagot, tinitigan lang ako sabay halik sa ‘kin,” kwento ko sa kanila habang hinuhubad ko naman ‘yung pants ko. May shorts naman ako sa loob na hindi naman nabasa, kaya ayos lang. Hindi na 'ko nagpalit.
“’Di nga...” sabay pa nilang sabi, ‘di makapaniwala sa narinig nila.
“Gusto n’yo ng mic? Nag-duet pa talaga kayong dalawa,” biro ko. Kumuha naman ako ng hanger at isinabit ‘yung mga basa kong damit at umupo ulit sa kama.
“Pinagloloko mo ata kami eh,” sagot ni Mico na inuumpisahan ng kainin ‘yung potato chips na nakapatong sa ibabaw ng study table ni Phil.
“Kailan ko pa kayo niloko? Sa ‘ting tatlo ako ata pinakamatino,” sagot ko. Iyon naman talaga ang totoo. Maloko kasi ‘yang dalawang ‘yan. Hilig man-trip ng mga classmates namin.
“Sige na, sige na. Pero pare, maganda naman ba?” pang-uusisa ni Phil, at naupo ulit sa tabi ko.
“Sobrang ganda, ang amo ng mukha, kaso ang weird niya ‘di ba? Hindi ko alam kung bakit niya 'ko hinalikan,” medyo napakunot ‘yung noo ko sa pag-iisip. Nagwapuhan kaya sa ‘kin? Baka matagal na ‘kong type? Kaso hindi ko naman siya kilala. Baka naman ako kilala niya pero siya hindi ko kilala?
“’Wag mo na isipin ‘yung dahilan, nag-enjoy ka naman ata,” nangingiting sabi ni Phil.
“’Di lang nag-enjoy, na-in love pa,” dagdag naman ni Mico na ngumunguya-nguya pa.
“Ay sus! Mr. Lover Boy,” pang-aasar na naman ni Phil.
“Mga pre, kailangan ko siyang makita ulit, ni hindi ko man lang nalaman ‘yung pangalan niya at hindi ko nahingan ng contact number.”
“Ano? Eh, ang hina mo naman pala Jared.” Makapagsalita naman ‘tong si Mico, akala mo kung sinong expert sa babae.
“Bigla kasing tumakbo paalis, tapos ‘di ko na nakita sa dami ng tao,” nanghihinyang na sabi ko. Sana mas binilisan ko 'yung paghabol sa kanya, baka sakaling naabutan ko siya.
“Baka naman nadismaya sa ‘yo. Baka ‘di ka raw masarap humalik.” Pasalamat si Mico, malayo siya sa ‘kin kung hindi nabatukan ko na siya. Lakas talaga mang-asar eh.
“Yabang mo talaga, Mico! Bakit? Ilang babae na ba nahalikan mo? Si Kathy nga hanggang tingin ka lang, ni hindi mo madiskartehan,” bawi ko sa kanya. Nang naghagis kasi ng katorpehan ang Diyos, mulat na mulat yang si Mico.
“Hoy, humahanap lang ako ng tamang timing!” pagtatanggol niya sa sarili.
“Ang sabihin mo, torpe ka,” pang-aasar ko pa sa kanya.
“Oy, awat na baka mag-away pa kayong dalawa.” Sa tuwing nagkakaasaran kami ni Mico, ‘yang si Phil ang laging taga-awat. Siya kasi ang pagagalitan ng nanay niya kapag narinig ang ingay namin dito sa kwarto niya. Ayaw kasi sa maingay ng nanay ni Phil.
“Oo na. Pero mga pre, kailangan ko talagang makita ulit ‘yung babaeng ‘yun.” Kaso paano kaya? Iyon ang malaking tanong, paano?
“Paano? Hindi mo alam ang pangalan. Hindi mo alam kung saan nakatira. Wala kang contact number.” At ‘yun din pala ang tanong na nasa isip ni Phil. Pero paano nga kaya? Saan ako mag-uumpisa?
“Eto lang ang masasabi namin sa ‘yo,” nag-duet na naman ‘yung dalawa. Bibilhan ko talaga sila ng mic.
“Ano?” tanong ko naman.
“GOODLUCK!” sabay na naman nilang sabi, at tinapik pa 'ko sa balikat ni Phil. Goodluck talaga sa 'kin.
***
Sampung buwan na ang nakalipas, pero malinaw pa rin sa isipan ko ‘yung mga nangyari noong gabing ‘yun. Tanda ko pa rin ‘yung maamo niyang mukha, ‘yung maganda niyang ngiti, at higit sa lahat, ‘yung halik niya. Sampung buwan na rin ang nakalilipas, pero ‘di ko pa rin siya nakikita ulit. Pabalik-balik nga ako sa lugar kung saan kami unang nagkita. Umaasa na makikita ko siya muli doon.
Kaso, wala eh.
At mukhang malabo nang magkita talaga kami, kasi ngayon paalis na kami papunta sa bago naming bahay. Medyo malayo sa lugar kung saan kami unang nagkita ang lilipatan namin. May bagong bukas na branch kasi ‘yung negosyo ni Dad. Bago ‘yung branch kaya gusto ni Dad hands-on siya. Bawat nangyayari, gusto niya alam at nakikita niya. Kaya wala kaming choice kundi lumipat. Mas mabuti na rin ‘yun, para araw-araw pa rin naming makikita si Dad. Kesa naman mag-stay kami sa dating bahay, pero baka dalawa o tatlong beses sa isang linggo lang namin siya makita.