KABANATA 11
Lunes na naman. Nasa school na 'ko at bago ako pumunta sa classroom dumaan muna 'ko sa locker ko. Kapag pupunta ka sa locker area, madadaanan ang faculty room at pagdaan ko sa tapat ng faculty room, may napansin akong papel na nakadikit sa may bulletin board. Announcement kung kailan at saan ang try-out. Kinuha ko agad ‘yun at nilagay sa bag ko. Pakiramdam ko kasi may paggagamitan ako.
Pagdating ko sa tapat ng locker ko, dinig na dinig ko ‘yung boses ng mga parating. Si Steve at ang grupo niya. Isasarado ko na sana ‘yung pintuan ng locker ko nang biglang pabalyang isinarado ‘to ni Steve.
“Thanks ah…” sarcastic na sabi ko sa kanya at ni-lock ko na ‘yung pinto ng locker ko.
“Bakit ‘di ka dumating noong try-out?!” tanong ni Steve na matigas ‘yung pagkakasabi. Kahit ‘di ako nakatingin sa kanya, alam kong galit ‘yung itsura niya. Humarap ako sa kanya para naman makita ko. Sayang naman kung hindi ko makikita kung gaano siya kagalit sa ginawa kong ‘di pagsipot sa try-out kuno nila.
Tiningnan ko siya sabay ngisi. “Try-out? Akala mo ba ‘di ko alam na wala talagang try-out? ‘Di ako tanga Steve,” kinuha ko ‘yung papel na kinuha ko kanina sa may bulletin at saka ko ipinamukha sa kanya ‘yung kalokohan nila. “Kung gagawa kayo ng kalokohan. Linisin n’yo naman. Siguraduhin n’yong walang ebidensya. Siguraduhin n’yong walang sabit. Napaghahalatang ‘di kayo gumagamit ng utak.”
“Gago ka ah!” susuntukin dapat ako ni Steve pero pinigilan siya nina Bernard.
“Tapos ka na? Aalis na kasi 'ko. Baka ma-late pa 'ko ng dahil sa inyo,” sabi ko at saka ko sila tinalikuran.
“‘Di pa tayo tapos, Jared. Nagkamali ka ng binangga mo. Tandaan mo ‘yan.” Akala naman niya natakot ako sa sinabi niya. Matapang lang naman siya kasi marami sila.
Pagpasok ko sa classroom, nakita ko agad si Jade. Binati ko siya at nginitian na parang walang nangyaring pagtatalo sa pagitan namin ng boyfriend niya kani-kanina lang. Nasa loob ng classroom na rin si Jeff at kauupo ko pa lang nang may binulong agad siya sa ‘kin.
“May ipapakita ako sa ‘yo mamaya,” seryoso ang mukha niya.
“Ano ‘yun?”
“May nakita 'ko sa kwarto ng kapatid ko.”
“Ano?” bulong ko sa kanya. Gusto ko na kasing malaman nang matapos na maliligayang araw ni Steve.
“Mamayang break. Andyan si...” at ngumuso siya. Tinutukoy niya si Jade. Buti hindi nakatingin si Jade sa ‘min.
“O sige.”
Habang nagkaklase, ‘di ako mapakali. Gusto ko nang malaman kung ano ‘yung ipapakita ni Jeff sa ‘kin. Kaya pagdating ng breaktime.
“Tara na, Jeff,” yaya ko agad sa kanya. Madali kaming nakabili ng pagkain dahil isa kami sa nauna sa pila. Pagkabili, humanap agad kami ng pwesto na malayo kina Jade.
“Ano na? Ano ‘yung ipapakita mo sa ‘kin?” kating-kati na kasi akong malaman kung ano ‘yung nakita niya sa kwarto ng kapatid niya.
“Teka lang kukunin ko,” kinuha niya ‘yung bag niya, binuksan ‘yung zipper at may kinuha siyang libro.
“Libro?”
“Hindi, masyado kang excited,” binuksan niya ‘yung libro. “Ito,” at ipinakita niya sa ‘kin ‘yung nakaipit sa loob ng libro. Isang letter? Na nasa loob ng plastic. Pero ang nakasulat lang.
Steve,
I miss you..
-K
“‘Yan lang?” asang-asa kasi ako na picture o kaya video o kaya kahit love letter na mahaba man lang ‘yung nakasulat para ebidensya talaga. Nakakatuwang nakakainis ‘tong si Jeff. Umaasa talaga ako! Pero ayos na rin. Kasi effort ‘yun sa kanya.
“Anong ‘yan lang? Siguradong galing kay Kristine ‘yan.”
“Pa’no mo naman nasabi? Pa’no ka makakasiguro na kay Kristine galing?”
“Jared, saan ba nag-start ang Kristine? Sa K ‘di ba? Kaya sigurado ako galing kay Kristine ‘yan,” oo nga naman. Pero hindi sapat ‘yun.
“Oo nga, pero kulang pa rin na ebidensya ‘yan. Paano kung ipakita natin kay Jade ‘yan? Ang daming Steve sa mundo. At ‘yung K, pwedeng Karmela, Katherine, Kathy, o Karla. Ang daming posibilidad ‘di ba? At wala man lang date kung kailan sinulat. Dapat letter na recent lang.”
“Hay… Oo nga. Tama ka.”
“Wala ka na ba talagang nakita na iba?”
“Wala na. Mukhang magaling magtago si Steve ng kalokohan niya. Tiningnan ko nga rin ‘yung laptop niya, kaso may password. Kaya hindi ko nabuksan. Nakita ko nga lang ‘to sa loob ng trashcan.”
“Traschcan? Kadiri. Naghanap ka pati doon? Paano kung iba ang nahanap mo? Tulad ng rubber. ‘Lam mo na.”
“Sobra ka, Jared. Ano'ng akala mo sa ‘kin? Puro papel naman ‘yung laman at nakita kong nasa ibabaw ‘yan. Tsaka nag-gloves ako.”
“Okay, pasensya naman. At parang detective ka talaga ah? Pa-gloves-gloves ka pa.”
“Syempre. Para malinis. Walang ebidensya na pumasok ako sa kwarto niya.”
“Buti pala nakapasok ka.”
“Pag-uwi ko kasi, wala siya. Kaya sinamantala ko at pumasok ako sa kwarto niya.”
“Umalis si Steve? Saan nagpunta?”
“Hindi ko alam. Baka kina Kristine.”
“Pwede. Pero nasabi mo na sa trashcan mo ‘yan nakita. Ibig sabihin kaya ng pagtapon niya niyang letter, ‘di importante si Kristine sa kanya? Kung kay Kristine nga ‘yan galing ah.”
“Naisip ko rin ‘yan. Nalungkot nga ako para kay Kristine. Kasi kung may tinatagong relasyon nga sila ni Steve, mukhang hindi siya siniseryoso ng kapatid ko,” lumungkot ‘yung mukha ni Jeff. Kahit naman kasi ganun si Kristine, gusto talaga siya ni Jeff.
“Sigurado ‘yun. Dalawang babae ang pinagsasabay niya. Hindi talaga siya seryoso.”
“Ano'ng gagawin natin, Jared? Wala talaga akong makukuhang ebidensiya sa kapatid ko?”
“Hintay lang tayo. May lalabas din na ebidensya d’yan. ‘Di nga lang ako makalapit pa kay Kristine ngayon dahil sa mga kaibigan niya at mga barkada ni Steve. Pero ‘pag nagkaroon ng pagkakataon, makakausap ko rin siya.”
“Ano namang sasabihin o itatanong mo?”
“Kahit ano. ‘Di ko pa rin alam. Bahala na. Basta may malalaman din tayo. Sisiguraduhin ko ‘yan.”
Dumaan ang isang linggo. Pero wala pa rin talaga kaming nakukuhang ebidensya na may relasyon sina Steve at Kristine. Kasi ‘di ko pa rin talaga masaktuhan si Kristine na walang kasama. Siguro makakausap ko na lang siya kapag nag-umpisa na ‘yung practice ng varsity ng basketball team. At syempre kasama na ako roon. Nagawa ko na kasi ‘yung hinihinging kapalit ni coach na maglaro sa team niya doon sa paliga sa lugar nila. At ako lang naman ang nagpanalo ng laro, kaya imposibleng hindi ako isama ni coach sa team.
Noong isang araw ‘yung try-out ng basketball at ngayong pagkatapos ng klase nag-schedule si Coach na sabihin kung sinu-sino ‘yung mga nakapasa at napili para maging part ng team. Syempre kasama ako sa mga pinapupunta ni Coach.
Pagkatapos ng klase, lumabas na 'ko kasabay sina Jade at Jeff.
“Jade, uuwi ka na ba niyan o may pupuntahan ka pa?” tanong ko sa kanya.
“Pupunta ako sa gym. Bakit?”
“Sabay na 'ko sa ‘yo, doon din ang punta ko.”
“Sa gym?” nagtatakang tanong niya.
“Oo.”
“Ano'ng gagawin mo sa gym?”
“Pinapupunta ako doon.”
“Nino?”
“Ni coach.”
“Ni Coach?” halata sa mukha niya na napaisip siya kung bakit ako pinapupunta ni Coach sa gym. Ang alam niya kasi hindi ako nakapagtry-out.
“Basta. Mamaya malalaman mo rin,” nginitian ko na lang siya.
“Okay.”
Paglabas namin ng building, umiba na ng daan si Jeff sa ‘min. Palabas na siya ng school habang kami naman ni Jade papunta ng gym. Pagpasok namin ng gym, nasa loob na lahat ng varsity players at mga estudyante na sumali sa try-out, sina Steve at mga kabarkada niya, pati na rin ‘yung mga girlfriends nila na mga kaibigan naman ni Jade.
Sinalubong agad ni Steve si Jade. “Hi, baby,” sabi niya kay Jade, sabay halik sa pisngi nito na mukhang kinahiya ni Jade dahil kaharap lang nila 'ko. Napatingin naman ako kay Kristine na nakatingin kina Jade. Nang makita niyang nakatingin ako sa kanya, bigla siyang umiwas ng tingin. Sa itsura niya, sa tingin ko, nagseselos siya. Pilit lang niyang pinipigilan para hindi mahalata.
“Ano'ng ginagawa mo rito?” tanong ni Steve sa ‘kin. Umpisa na ng palabas. Lihim akong napangiti sa isip ko.
“Pinapunta raw siya ni Coach dito,” si Jade ang sumagot para sa ‘kin.
“Si Coach?” tanong ni Steve. Parang nag-iisip kung ano'ng dahilan para papuntahin ako ni Coach dito, eh ‘di naman ako nagtry-out.
“Oo, pinapunta ako ni Coach. Mamaya mo malalaman kung bakit,” isang ngisi lang ang ibinigay ko sa kanya. “Jade, doon muna 'ko,” paalam ko at lumapit ako kay Kristine.
“Hi, Kristine,” siya ‘yung nilapitan ko kasi siya lang ‘yung mag-isa. Mga kaibigan niya kasi katabi ‘yung mga boyfriends nila. Kumbaga siya lang ang walang partner.
“Hi, Jared!” masayang bati niya sa ‘kin. Umupo naman ako sa tabi niya. ‘Yung mga kaibigan niyang babae inaasar kaming pareho. Kaya sina Jade at Steve napatingin naman sa ‘min.
Tiningnan ako nang masama ni Steve. Mukhang nadadagdagan na naman ang galit niya sa ‘kin. Kasi ‘di lang si Jade ang mapapalapit sa ‘kin, pati na rin si Kristine. Tiningnan ko naman si Jade, pero umiwas siya ng tingin. Ano'ng ibig sabihin ng pag-iwas niya? Sana nagseselos siya. Pero asa naman ako ‘di ba? Natutuwa lang naman siya sa ‘kin. Pero ‘di magtatagal, sisiguraduhin ko, mamahalin din niya 'ko.
Maya-maya dumating na si coach. “Andito na ba lahat?”
“Yes coach. Pero may isa po atang naliligaw dito,” sagot ni Steve na mukhang ako ang pinatatamaan. Tawa ko lang ‘pag nalaman na niya kung bakit ako nandito.
Inisa-isa nang sabihin ni Coach kung sino ‘yung mga pasok sa team. “And last but not the least, Jared Sarmiento,” ‘yung reaksyon ng mukha ni Steve at ng mga kabarkada niya, priceless! ‘Di ko tuloy mapigilang matawa. Pero syempre mahina lang at pigil.
“Coach, bakit kasama siya? Hindi naman siya nagtry-out,” protesta agad ni Steve.
“Actually, he did. Kaso hindi lang kasabay ng iba. Special try-out, kasi may importanteng bagay siyang inasikaso. Kaya nakiusap siya na kung pwede may ibang schedule siya. Magaling si Jared, at malaki ang maitutulong niya sa team,” paliwanag ni coach.
“Pero Coach, hindi man lang namin nakita kung paano siya maglaro,” protesta pa rin ni Steve.
“Kinukwestyon mo ba ang naging desisyon ko, Steve?”
“Hindi po, Coach. Pasensya na po,” Natameme siya kay Coach. Sarap niya talagang pagmasdan. Simple ‘yung bawi ko sa kanya. Walang pisikalan, pero laki ng impact sa kanya. Sa kanila.
“Okay, team. Tomorrow ang schedule ng first practice natin. Ayokong may male-late ah,” masyadong istrikto ‘yang si Coach. Kahit isang minuto ka lang late, may parusa ka na agad.
“Yes Coach,” sabay-sabay naming sagot.
“Sige, you can all leave now.”
Kinuha ko na ‘yung bag ko at nang mapatingin ako kay Kristine, nakita ko na namang nakatingin siya kina Jade.
“Kristine, gusto mong sumabay?” tumingin sa ‘kin si Kristine at todo ngiti.
“Sure!” kumapit pa siya sa braso ko at tumingin saglit kay Steve saka kinausap ‘yung kaibigan niyang si Karen at sinabing sa ‘kin na siya sasabay. Mukhang pinagseselos niya si Steve. Nakita ko namang tumingin si Steve sa ‘min na mukhang inis, sabay akbay kay Jade na nakatingin naman sa ‘kin. “Baby, tara na,” sabi niya kay Jade.
“Ha?” tanong ni Jade na parang ‘di narinig si Steve.
“Sabi ko, tara na.”
“Ah, okay,” saka nagpaalam si Jade sa mga kaibigan niya pati sa ‘kin. Pero halos magkasunod lang kaming lumabas ng gym, nauna lang sila ng konti ni Steve.
“Tulungan na kita,” sabi ko kay Kristine. May mga dala kasi siyang libro. Napaka-ungentleman naman kung hindi ko siya tutulungan.
“Thanks! Alam mo, Jared, ‘di ko in-expect na yayayain mo 'kong sumabay sa ‘yo pauwi.”
“Bakit? Ano namang kagulat-gulat sa pagyaya ko sa’yo? Madadaanan ko naman talaga ‘yung bahay n'yo bago ako makarating sa ‘min. Kaya okay lang. Magkaibigan naman tayo, ‘di ba?”
“Oo nga naman,” patango-tango niyang sagot. Pagdating namin sa may parking lot, paalis na sina Steve, na sinundan pa ng tingin ni Kristine.
“Medyo matagal na rin palang mag-boyfriend sina Jade at Steve ‘no?” napatingin siya sa ‘kin at halatang ‘di narinig ‘yung sinabi ko.
“Ha? Ano ‘yun? May sinabi ka ba, Jared?” ‘di nga niya narinig ‘yung sinabi ko. Ang layo kasi ng tingin.
“Sabi ko, matagal na rin palang mag-boyfriend sina Jade at Steve.”
“Ah, oo. First boyfriend ni Jade si Steve.”
“Eh si Steve, pang-ilan niyang girlfriend si Jade?” bigla siyang umiwas ng tingin nang itanong ko ‘yun sa kanya. Pang-ilan nga kaya si Jade? At siya, pang-ilan siya?
“H-hindi ko alam eh. Tara na, Jared. Uwi na tayo,” sabay pasok sa kotse ko. Hindi na niya hinintay na pagbuksan ko pa siya ng pinto. Mukhang umiiwas siya sa usapan tungkol kay Steve, kaya sumakay na rin ako sa kotse at nagmaneho.