KABANATA 4
Nang nasa classroom na 'ko, wala pa ‘yung teacher namin. Nakipagkwentuhan muna ako kay Jeff. Tulad ng dati puro tango at iling na naman siya. Napapaisip tuloy ako kung paano ko mapagsasalita nang tuluyan ‘tong taong ‘to.
“Jeff, wala ka bang ibang mga kaibigan o kabarkada rito sa school? Palagi ka kasing mag-isa,” iling lang ang sinagot niya. Grabe, ang tahimik talaga. Sa bahay kaya nila, ganito rin siya? Kasing tahimik din kaya niya ang mga magulang niya? May kapatid kaya siya? Teka, bakit ko ba ‘to tinatanong sa sarili ko, bakit ‘di siya ang tanungin ko?
“Jeff, ‘yung mga magulang mo ba kasing tahimik mo?” umiling na naman siya. Ibig sabihin hindi.
“May kapatid ka ba?” tumango naman siya.
“Dito rin ba nag-aaral?” tango siya ulit.
Hay, tama na nga sa interview mukhang ‘di ko siya mapagsasalita ngayon. Kaya yayayain ko na lang siya. Sa darating na Sabado kasi, pupunta sina Phil sa bahay. Baka sakali, ‘pag maraming kumausap dito kay Jeff, mapilitan na rin siyang magsalita.
“Jeff, sa Sabado, pupunta ang mga kaibigan ko sa ‘min. Baka gusto mong sumama?”
“T-talaga? Gusto mo akong sumama?” mukhang hindi siya makapaniwala sa pagyaya ko sa kanya. At akalain n’yong nagsalita siya?
“Oo, kaibigan mo na 'ko ‘di ba? Kaya sama ka sa lakad namin,” tumango lang siya. Mukhang balik na naman sa pagiging tamihik.
Dahil sa pag-uusap namin ni Jeff, ‘di ko napansin ‘yung pagdating ni Jade. ‘Di ko napansin na nakaupo na pala siya sa tabi ko. “Hey, ano'ng pinag-uusapan n’yo d’yan ha?” tanong niya sa ‘min ni Jeff.
“Wala naman, niyaya ko lang ‘tong si Jeff na sumama sa lakad namin ng mga kaibigan ko,” pagsagot ko naman sa tanong niya.
“Talaga?” si Jeff ngumiti lang kay Jade.
Bumulong si Jade sa ‘kin. “Alam mo Jared, ang bait mo. Walang kaibigan ‘yang si Jeff. Hindi siya nai-inivite sa kahit na anong party or gimik. Loner.” Nakita ko sa mukha ni Jade ‘yung lungkot. Siguro naaawa siya sa kalagayan ni Jeff. Mahirap ang walang kaibigan. Palaging mag-isa, at walang gustong kumausap.
“May kaibigan na si Jeff, ako. Iniisip ko ngang mapagbago ‘yan kaya isasama ko sa ‘min.” Nginitian lang ako ni Jade. Maya-maya dumating na rin ‘yung teacher namin. Simula na naman ang klase.
Nang malapit na ‘yung uwian, “Jade, sabay ka ulit sa ‘kin pag-uwi mamaya?”
“Uhm.. Jared, thanks sa offer ah. Pero ihahatid ako ni Steve ngayon,” nalungkot naman ako doon.
“Ganun ba? Sige bukas na lang sunduin kita ulit, sabay tayong pumasok,” nagbabakasakali lang. Kung ‘di pwede ngayon, baka bukas pwede.
“Naku Jared, nagsabi na rin si Steve na susunduin daw niya 'ko bukas. Uhm... Pasensya na.” Mukhang babakuran na ni Steve si Jade, pero ‘di ako basta-basta susuko. Marami pang paraan para mapalapit nang husto kay Jade.
“’Di, ok lang. Boyfriend mo ‘yun,” sabi ko kahit sa totoo lang, ‘di okay sa ‘kin.
“Nga pala Jared, bago ko malimutan. Pinabibigay ni Kristine,” at may inabot siyang maliit na pink na papel sa ‘kin.
“Ano ‘to?”
Nangiti si Jade. “Number niya.”
“Number?”
“Cellphone number. Type ka talaga ni Kristine. Pansin mo naman siguro kanina,” nakangiting sabi ni Jade.
“Ah okay,” ‘yun lang ang nasabi ko, kaya natawa siya. “Tipid ng sagot ah. Nagulat ka siguro.”
“’Di naman.”
“’Di naman? Ibig sabihin ba, lapitin ka talaga ng mga babae kahit sa former school mo kaya sanay ka na? Ganun ba ‘yun?”
“Sayo nanggaling ‘yan. ‘Di sa ‘kin,” nakangiti kong sagot. Pero medyo totoo ‘yung sinabi niya. Lapitin ako ng babae sa dating school ko. Kaso ayoko na babae ang unang nagpapakita ng motibo sa lalaki. Para sa ‘kin mas ayos kung kaming mga lalaki ang mauna, saka lang ipaparamdam ng babae kung gusto rin kaming mga lalaki o hindi.
“Ang yabang ah. Babaero ka siguro.”
“‘Yan ang ‘di totoo. Kasi ang totoo niyan,” nag-alangan pa 'ko sabihin, “‘di pa ko nagkaka-girlfriend,” napayuko tuloy ako.
No girlfriend since birth po ako. Kahit na lapitin ako, wala pa 'kong babaeng nagustuhan. May crush ako, pero hanggang paghanga lang dahil maganda ‘yung babae, o kaya matalino. Pero ‘di pa ko umabot sa punto na nagkagusto ako at binalak kong ligawan. Pero ngayon kung kelan ako na-in love, taken naman. Hay, buhay nga naman.
“Seryoso?” gulat na tanong ni Jade.
“Oo, mukha ba 'kong nagsisinungaling?”
“Ang cute mo, Jared.” Nakangiti siya sa ‘kin. Lalo tuloy akong nahiya.
“Anong cute?” Cute ba yung NGSB?
“Basta, ang cute mo and salamat kasi sinabi mo sa ‘kin,” sana nga ‘di ko na sinabi. Kakahiya.
“Tama na nga. Hiyang-hiya na 'ko rito.”
Natawa siya, “Safe ang secret mo sa ‘kin.”
“Salamat ah.” Natawa na lang din ako.
“So if ever pala, ang swerte ni Kristine.”
“Ha? Bakit naman?” tanong ko. Kasi, anong koneksyon ni Kristine sa pagiging NGSB ko?
“Siya magiging first girlfriend mo,” ‘di ko pa nga nililigawan, girlfriend agad? At wala akong balak na ligawan si Kristine.
“Ang advance mo ah.”
“Bakit, hindi mo ba type si Kristine?” usisa ni Jade.
“Maganda siya, mabait din naman, pero may iba na 'kong gusto,” at ikaw 'yun.
“Sino ba kasi ‘yang girl na ‘yan? Kaswerte naman niya.”
“Malalaman mo rin.”
“Masikreto ka ah. Sige na nga. Hihintayin ko na lang na ipakilala mo sa ‘kin.” Kung alam mo lang Jade. ‘Di na kailangan.
Pagdating ng uwian, si Steve nasa labas agad ng classroom namin at nakaabang kay Jade.
Nagpaalam na 'ko kay Jade. Si Steve ‘di ko pinansin. Maswerte lang siya ngayon, pero darating din ang araw na maagaw ko si Jade sa kanya.
Naglalakad na 'ko papuntang parking lot nang may mapansin akong isang lalaki na naglalakad din papuntang parking lot. Mukhang pamilyar siya sa ‘kin.
“Coach?”
Napatingin siya sa ‘kin. “Jared?”
Si Coach Arvin nga. Siya ‘yung coach namin sa dati kong school, pero nag-resign siya last year.
“Ako nga po.” Naglakad pa 'ko palapit sa kanya.
“Ano'ng ginagawa mo rito?” Hindi niya siguro inaasahan na magkikita kami rito. Kahit naman ako.
“Dito na po ako nag-aaral, lumipat po kasi kami ng bahay, kaya kailangan kong lumipat ng school. Kayo po ba ang coach ng basketball team dito?”
“Oo, bakit mo natanong?”
“Balak ko po kasi mag-try out sa Friday, next week.” Mukhang napaisip siya sa sinabi ko.
“Maganda ‘yan, nabawasan nga kami ng players dahil nagsi-graduate na ‘yung mga magagaling na seniors last year. Pero nasabi mong Friday, next week?”
“Opo. ‘Yun po ang sabi sa ‘kin ni Bernard.”
“Nakilala mo na pala si Bernard. Isa sa mga magagaling na players ko iyon. Well anyway, hindi next week ang try-out. Supposed to be, pero na-move ng Monday the following week pa.”
“Ganun po ba? Siguro nakalimutan lang ni Bernard.”
“Baka nga. Basta aasahan kita ah? Kung ako nga ang tatanungin ‘di mo na kailangang mag-try out dahil pasok ka na kagad sa team, dahil alam ko kung paano ka maglaro. Pero syempre dapat maging fair.”
“Thanks, Coach.”
“Sige mauna na 'ko sa ‘yo at may date pa kami ng misis ko,” nakangiti niyang sabi. Ang alam ko three years pa lang silang kasal ng asawa niya at wala pa silang anak. Kaya siguro parang mag girlfriend-boyfriend pa rin sila at pa-date-date pa.
“Sige coach, salamat po.”
Pag-alis ni coach, sumakay na 'ko ng kotse ko. Habang nagmamaneho ako, naisip ko ‘yung kalokohan nina Steve. Ano kayang plano nila at papapuntahin nila ako sa gym next week, kahit wala naman palang try-out? Pero kung ano man ‘yun, sorry na lang sila dahil ‘di na matutuloy kung ano man ang binabalak nila.
Pagdating ko sa bahay, nakita ko si Mommy sa kitchen at magluluto na ng dinner kasama si Manang.
“I’m home! Ano pong dinner natin ngayon?” tapos lumapit ako kay Mommy para tingnan kung ano'ng iluluto nila.
“Dinner agad ang tanong?” tapos inabot ni Mommy ‘yung kamay niya sa ‘kin. Ibig sabihin magmano ako. Sa iba siguro ‘di na uso ‘yun, pero dito sa ‘min, oo. Kaya nagmano ako.
“Teka, ano ‘yang nasa labi mo? Sugat ba ‘yan? Nakipag-away ka ba? Hindi ba bilin na bilin ko huwag kang nakikipag-away, lalo na ang makipagsuntukan?! Ni hindi kita mapadapuan ng lamok noong baby ka pa, tapos ipapasira mo lang ‘yang mukha mo sa iba? Hindi kita pinalaki nang ganyan Jared Sarmiento!” sabi ko na nga ba mapapansin niya at ang OA ng reaksyon ni Mommy.
“Mommy, aksidente lang po. Tinamaan ng pinto,” palusot ko.
“Sigurado ka? Ayoko sa sinungaling,” paninigurado ni mommy sa ’kin. Naningkit pa ‘yung mata niyang nakatitig sa ’kin. Umoo naman ako at nagpaalam na papanik na sa kwarto ko, bago pa niya 'ko mausisa lalo.
“Sige, papatawag na lang kita kapag kakain na.” Pumanik na 'ko sa kwarto ko at nagpalit ng damit. Medyo nagugutom ako kaya binuksan ko ‘yung maliit na ref. sa kwarto ko at naghanap ng makakain. Takot ata si Mommy na magutom ako, kaya puno ng pagkain yung ref. ko.
Kumuha lang ako ng coke sa ref. at potato chips na nakapatong sa ibabaw ng ref. Habang kumakain ako, naisipan kong i-text si Jade.
To: Jade
Hi =)
Maya-maya, tumunog ‘yung cellphone ko, tiningnan ko agad kung kanino galing ‘yung text. Kay Jade!
From: Jade
Ang tipid ah! Si Jeff ka ba? haha! XD
Natawa ako, palabiro rin ‘tong si Jade. Alam ko namang alam niyang ako ‘yung nag-text sa kanya, kasi ako pa mismo ang nag-save ng number ko sa cellphone niya. Nilagay ko pa ngang pangalan, Poging Jared.
To: Jade
Haha! Musta? Nakauwi ka na?
Nag-reply ulit sya.
From: Jade
Yah... dito na ko sa haws. ikaw?
Nag-reply agad ako.
To: Jade
Dito na rin sa bahay. Ano gawa mo?
From: Jade
Wala naman...
Naiinip akong maghintay sa text at ‘di rin talaga ako mahilig mag-text, mas gusto ko ang tumawag. Kaya hinanap ko sa contacts ko ‘yung number ni Jade at tinawagan ko siya. Ilang ring lang sinagot na niya.
“Hello, Jared.”
“Hi, Jade.”
“Ka-text na kita, bakit tumawag ka pa?”
“Wala lang, naiinip ako sa text at tinatamad akong mag-type,” tumawa ako nang konti. “At mas gusto kong naririnig ‘yung kausap ko. Mas okay nga kung nakikita ko pa.”
“Sipag ah. May PC ka ba d’yan?” tanong naman niya.
“May laptop ako, bakit?”
“Skype tayo. Sabi mo gusto mong nakikita ‘yung kausap mo ‘di ba?” Ang hina ko rin, bakit ‘di ko naisip ‘yun?
“Sige teka, kukunin ko ‘yung laptop ko. Bigay mo na rin sa ‘kin ‘yung username mo sa Skype,” kaya binigay niya sa ‘kin, at tinapos na rin namin ‘yung usapan namin sa phone.
Nang maka-login na 'ko, hinanap ko siya gamit ‘yung username niya. Bago ko siya tawagan, nakita ko ‘yung teddy bear na naiwan ng five year old sister ko na si Janinah.
Nilagay ko ‘yung teddy bear sa harap ng laptop, para ‘pag tinawagan ko si Jade ‘yung teddy bear ang una niyang makikita. Wala lang, gusto ko lang siya patawanin.
Tinawagan ko na siya at saglit lang, in-accept na niya ‘yung tawag ko.
Kita ko na siya sa screen ng laptop ko. Tapos bigla siyang natawa, malamang dahil sa teddy bear na nakaharap sa kanya.
“Ano naman ‘yan, Jared?” Hindi pa 'ko nagpakita, pero nagsalita ako.
“Bakit ano'ng problema?”
“Bakit may teddy bear? In fairness ang cute ah,” at natawa siya ulit.
“Anong teddy bear? Ako ‘to. At salamat kung nacu-cute-an ka sa ‘kin,” biro ko sa kanya at pinipigilan kong tumawa.
“Hindi ikaw ang cute. ‘Yang teddy bear. Teka, bakit ka pala may teddy bear? Don’t tell me Jared, bading ka?” Dahil sa sinabi niya bigla ko tuloy tinanggal ‘yung teddy bear at ako na ‘yung humarap sa laptop.
“Hindi ako bading ah! Sa kapatid ko ‘to.” Natawa naman si Jade sa sinabi at reaksyon ko.
“Eh ‘di lumabas ka rin!” tapos tawa siya nang tawa. “Pero parang mas gusto ko ‘yung bear. Balik mo na siya uli. Siya na lang kakausapin ko,” tawa pa rin siya nang tawa.
“Selos naman ako sa bear. Sana naging bear na lang ako,” umarte pa 'ko nang nalulungkot. Mas lalo tuloy siyang natawa sa ‘kin.
“Ang arte mo Jared! Hindi bagay sa ‘yo!”
“Cute din naman ako.” Okay lang sa ‘kin kung kurut-kurutin mo 'ko.
“Puro ka kalokohan.”
“Huggable din ako.” Pwedeng-pwede mo 'ko yakapin. Kahit panggigilan mo pa 'ko.
Tawa lang nang tawa si Jade sa mga pinagsasabi ko. Kung alam lang niya ‘yung laman ng isip ko. “Oo na, tigilan mo na ‘yang kaartehan mo Jared,” tapos tawanan na lang kaming dalawa.
Nagulat na lang ako nang biglang pumasok sa kwarto ko ‘yung kapatid kong si Janinah.
“Inah..” tawag ko sa kanya, ‘yon kasi ang palayaw niya. “Sabi ko ‘di ba ‘wag biglang pumapasok dito sa kwarto ko.”
“Sorry po kuya, pero I will get this lang naman po eh,” tapos kinuha ‘yung teddy bear niya na nasa gilid ng kama ko. Akala ko pagkakuha sa laruan niya aalis na siya, pero biglang lumapit siya sa ‘kin at tumingin sa laptop ko. ‘Di pa nakuntento at umupo sa kama ko.
“Kuya, Who is she? Girlfriend mo?” Nahiya tuloy ako sa sinabi ng kapatid ko.
“Hindi, classmate ko,” sagot ko sa kapatid ko.
“Hi baby,” sabi ni Jade tapos kumaway pa siya.
“Hi po ate, What’s your name?”
“Ako si Ate Jade. How about you? What’s your name?”
“I’m Inah and this is Coco,” tinutukoy niya ‘yung teddy bear niya.
“Hi Coco. Nice to meet you,” sinakyan naman ni Jade ‘yung ginawang pagpapakilala ng kapatid ko sa teddy bear niya.
“Coco said, nice to meet you din daw ate.”
“Sige kayo na ang friends. Kayo na ang close. Kalimutan n’yo na ;ko,” sabi ko pero biro ko lang naman ‘yun.
“Ikaw talaga, Jared.”
“Biro lang. Love na love ko kaya ‘tong kapatid ko. Masyado kayang spoiled ‘to sa ‘kin,” hinawakan ko pa sa ulo si Inah at ginulo ang buhok.
“Totoo Inah?”
Tumango ‘yung kapatid ko, “Si Kuya Jared po may bigay sa ‘kin nitong si Coco. Kaya Coco’s my favorite among my toys kasi kuya gave him to me,” sagot ni Inah, habang yapos-yapos ‘yung teddy bear niya.
“Bait naman ni Kuya. Baka pwede rin kitang maging kuya, Jared?” natawa pa si Jade.
“Ha? Ayoko nga,” mabilis na sagot ko.
“Bakit naman?” Ayoko, kasi gusto kong maging boyfriend mo. Pero syempre ‘di ko pwedeng sabihin ’yun sa kanya.
“Ayoko... Kasi...” wala akong maisip. “Basta ayoko lang.”
“Ate Jade, kuya wants to be your boyfriend,” natawa tuloy si Jade. ‘To namang kapatid ko, kabata-bata kung anu-ano ang alam.
“Inah…” tiningnan ko ‘yung kapatid ko. “Parang narinig kong tinawag ka ni Mommy. Bilis puntahan mo na si Mommy,” binuhat ko pa siya pababa sa kama ko.
“‘Di naman kuya...” sagot sa ‘kin ng kapatid ko. Kasi wala naman talaga. ‘Di naman talaga siya tawag ni Mommy. Sinabi ko lang ‘yun para umalis ‘yung kapatid ko, kasi baka kung ano pa masabi niya.
“Narinig ko talaga. Kaya puntahan mo na si Mommy.”
“Sige na nga. Bye-bye ate,” kumaway pa siya kay Jade bago umalis.
“Bye Inah,” paalam naman ni Jade.
Pag-alis ni Inah, humingi ako ng pasensya kay Jade sa sinabi ng kapatid ko.
“Okay lang. Cute nga eh,” tapos mukhang nalungkot si Jade. Kaya tinanong ko siya kung bakit.
“Ha? Wala… May naalala lang ako... 'Tsaka mahilig kasi ako sa mga bata.
“Minsan punta ka dito sa bahay, kung okay lang naman sa ‘yo. Si Inah kasi sabik naman ‘yun sa ate,” pagyaya ko kay Jade. Pero hindi ko sinabi ‘yun dahil lang gusto ko siyang pumunta dito samin kundi dahil gusto talaga ng ate ni Inah.
“Sige, gusto ko 'yun!” excited na sagot ni Jade.
“Sa Sabado, pwede ka?”
“‘Di ba may lakad ka kasama ng mga friends mo, pati ni Jeff?”
“Wala pa naman kaming plano kung saan kami pupunta. Pwede rin naman kami mag-stay dito sa bahay,” paliwanag ko naman sa kanya.
“Ako lang ang babae? Nakakahiya naman.”
“Isama mo mga kaibigan mo.”
“Baka makarating kay Steve. Magalit pa 'yun,” sabagay tama siya. Imposibleng ‘di makarating kay Steve ‘yun.
“Ayos lang naman kahit ikaw lang kasi nandito naman si Mommy. Cool ang mom ko at makakasundo mo ‘yun. At panigurado ‘di ka maiinip dahil sigurado akong buong araw na nakadikit sa ‘yo si Inah,” nag-isip muna siya bago sumagot.
“Uhm… Sige na nga.”
Yes! Sana mag-Saturday na.