KABANATA 5
Kinabukasan ang ganda ng gising ko. Excited na naman akong makita si Jade. Naligo na 'ko, nag-ayos. Pare-pareho lang naman ang ginagawa ko tuwing umaga.
Pagkatapos ko mag-breakfast, nagpaalam na 'ko kina Mommy at Inah na papasok na 'ko sa school. Ang Dad naman, nauna nang umalis.
“Kuya, please say hi to Ate Jade for me,” sabi sa ’kin ni Inah.
“Okay, basta may kiss si Kuya,” tapos nilapit ko ang mukha ko sa kanya at humalik naman siya sa pisngi ko.
“Sino si Ate Jade, Jared?” pagtatanong ni Mommy na may ngiti sa mukha. “Girlfriend?” dagdag pa niya.
“Ma, classmate ko po. ‘Di girlfriend. Kaibigan ko lang po,” kaibigan pa lang po. Soon to be girlfriend.
“Sabi ko nga anak. Girl friend. Kaibigang babae. Maganda ba?” usisa ni Mommy.
“Yes Mommy. She’s pretty and nice. Nag-usap po kami sa sky,” sagot naman ni Inah. Natawa naman ako sa kapatid ko. Mali pa kasi ‘yung sinabi niyang sky na dapat Skype.
“Talaga, baby?” tango naman ‘yung kapatid ko habang ngumunguya ng pancake. “Bakit na-meet na ni Inah? Pakilala mo rin dapat kay Mommy at ano ‘yung sky, anak?”
“Skype po ‘yung ibig sabihin ni Inah. Niyaya ko po siyang pumunta dito sa Sabado, kaya mami-meet n'yo rin po si Jade.”
“Talaga?” mukhang tuwang-tuwa si Mommy. Puro kasi mga kaibigan kong lalaki ang nakikilala niya. Wala pa 'kong niyaya na kaibigang babae sa bahay namin.
“Opo. Sige Mommy alis na po ako,” paalam ko. Paalis na sana ako, pero pinigilan ako ni Mommy, dahil may naiwan daw ako. Napaisip naman ako kung ano ‘yun, dahil lahat naman ng gamit ko nailagay ko na sa bag ko, ‘yung cellphone at susi ng kotse nasa bulsa ko na.
“Ito oh,” tapos inabot sa ‘kin ang isang lunch box.
“Baon? Ma, seryoso po?” kasi naman high school na 'ko ‘di na elementary.
“Oo, magtatampo ako ‘pag ‘di mo binaon ‘to. Carrot cake lang naman ‘to. Sige na, anak.”
Wala na 'kong magawa. Inunahan na 'ko ng drama ni Mommy, kaya kinuha ko na lang ‘yung lunch box na may lamang carrot cake. Nag-bake kasi si Mommy kahapon. Pagkakuha ko ng lunch box, nilagay ko na sa bag ko, saka ako lumabas at nag-drive na papuntang school.
Nang nasa school na ako, pagkababa ko pa lang ng kotse nakita ko agad si Jade. Naglalakad siya papasok ng school, pero siya lang mag-isa. Nasaan si Steve? Akala ko susunduin siya?
Tumakbo agad ako palapit kay Jade para masabayan siya pagpasok.
“Jade!” todo ngiti ako sa kanya. Mas lalong gumanda ang umaga ko dahil nakita ko na siya.
“O, Jared. Mukhang maganda gising ah,” matamlay niyang sabi.
“Maganda nga,” kasi nakita kita. “Pero, mukhang ikaw hindi. Bakit? At nasaan pala si Steve? Akala ko susunduin ka niya at sabay kayo papasok.”
“Kulang lang ako sa tulog. ‘Di kasi 'ko nakatulog kagad kagabi. Si Steve naman, masama raw ang pakiramdam kaya ‘di makakapasok.”
“Kung ganun, dapat tinext mo na lang ako at nagpasundo ka sa ‘kin. Nag-commute ka pa tuloy mag-isa.”
“Uhm.. Hindi na, okay lang naman 'tsaka sanay na 'kong mag-commute.”
“Ah... Teka, nag-breakfast ka na ba?” alam ko kasing ‘di siya sanay mag-agahan.
“Hindi pa, sabi ko naman sa ‘yo ‘di ba, hindi ako sanay na kumakain sa umaga.”
“At sabi 'ko naman ‘di ba na ’di ‘yun pwede sa ‘kin.” Natawa siya sa sinabi ko.
“May ganun?”
“Halika, punta na tayo sa classroom, may ibibigay ako sa ‘yo habang maaga pa.”
“Ano naman?”
“Breakfast mo.”
“Ha?”
Pagdating namin sa classroom, pangilan-ngilan pa lang ‘yung mga classmates namin at wala pang teacher. Si Jeff nasa room na rin.
Umupo na kami, tapos kinuha ko ‘yung lunch box sa bag ko. Pagbukas ko ‘di lang pala carrot cake ang laman, may Chocolait pang kasama. Hay, si Mommy talaga. Para talaga 'kong elementary na pinabaunan ng nanay. Nang makita tuloy ni Jade ‘di niya napigilang matawa.
“Cute,” sabi niya.
“Tigilan mo na ang kakatawa d’yan at kumain ka na. Mommy ko nag-bake niyan. Magtatampo kasi pag ‘di ko binaon ‘yan. Pero ‘di ko alam na may kasama pa palang Chocolait,” paliwanag ko. Nahihiya kasi ako sa kanya. Baka isipin niya bine-baby ako ni Mommy.
“Naku! Nahiya pa sa ‘kin. Ano bang masama sa Chocolait? Favorite ko kaya ‘yan,” sabay kuha ng Chocolait at straw at uminom agad. May magandang naidulot din pala ‘yung pagpapabaon ni Mommy sa ‘kin. May nalaman akong bagay tungkol kay Jade. Favorite niya ang Chocolait.
“Favorite mo? Sige, ubusin mo ‘yan ah. Alam mo ‘di ka kasi dapat pumapasok sa school na ‘di pa kumakain.”
“Opo. Makasermon naman. Pero gusto ko kakain ka rin.”
“Okay, sige,” kinain na namin ‘yung cake, inalok din namin si Jeff pero tumanggi kasi kumain na raw siya.
Nang maubos na namin ‘yung cake. “Grabe ang sarap! Pwede ba 'kong magpaturo mag-bake sa Mommy mo?” tanong ni Jade sa ‘kin.
“Oo naman at matutuwa ‘yun. Hayaan mo sasabihin ko, para sa Sabado turuan ka ni Mommy mag-bake.”
“Nakaka-excite naman!” halata nga, kasi ngiting-ngiti siya at pumalakpak pa.
Mayamaya dumating na ‘yung teacher namin. Nakinig naman kami ni Jade sa teacher, pero paminsan-minsan pasimple kaming nagkukwentuhan. Nang breaktime na, niyaya ako ni Jade. Sabay daw ulit ako sa kanila. Pumayag naman ako at niyaya ko rin si Jeff, pero ayaw niya.
Sabay na kami um-order ni Jade. Nang maka-order na kami at makapagbayad, ‘di na namin kailangan maghanap pa ng mauupuan, kasi may naka-reserve na para sa kanila, sa barkada nila. Tipong alam na ng lahat ng estudyante na ‘yung pwesto na ‘yun ay para lang sa kanila. Na sila lang ang pwedeng gumamit. Mukhang sila kasi ‘yung mga popular na estudyante sa school. Kung titingnan naman kasi, lahat sila may itsura. Magaganda at gwapo, at mukha ring may mga kaya ang pamilya.
Habang kumakain kami, halatang ‘di pa rin ako welcome sa mga barkada ni Steve. Kahit na wala silang ginagawa sa ‘kin, ramdam ko ‘yung pagka-ayaw nila sa ‘kin. Pero wala na 'kong pakialam kasi ang importante, kasama ko si Jade.
“Nasaan pala si Kristine?” tanong ni Jade sa mga kaibigan niya.
“Absent,” sagot ni Karen sa kanya. Isa sa mga kaibigan niya.
“Bakit? Si Steve din eh. Masama raw pakiramdam,” pagkatapos sabihin ni Jade ‘yun, napansin kong nagtinginan ‘yung mga kaibigan niya. Anong meron?