KABANATA 3

2955 Words
KABANATA 3 Ang aga kong nagising. Naligo. Nagpabango. Nagpagwapo. Excited na 'kong makita ulit si Jade. Excited akong sunduin siya at sabay kaming papasok ng school. Pagdating ko sa bahay nila, sakto sa oras na sinabi ko kahapon. ‘Di ako pwedeng ma-late. Bawas pogi points ‘yun! Bumaba ako ng kotse at nag-doorbell. Saglit lang lumabas na rin agad ng bahay si Jade. Hay, masyado ba 'kong in love? Kasi paganda siya nang paganda sa paningin ko. Lumabas siya ng gate, “Halika na!” sabi niya. Pagdaan niya sa harapan ko, grabe, ang bango niya. Natawa ako sa sarili ko, ang manyak kasi ng dating. Pero ang bango niya talaga. Pinagbuksan ko siya ng pinto ng kotse, tapos sumakay na rin ako. “Ang ganda mo ngayon Jade.” Mukhang nahiya siya sa sinabi ko, pero sumagot din agad. “Bolero!” tapos tumawa siya. “Nag-breakfast ka na ba?” tanong ko sa kanya. “Nope! ‘Tsaka hindi ako sanay na kumakain sa umaga.” Kaya naman pala parang pumayat siya. “Sakin ‘di pwede ‘yun. Daan muna tayong Mcdo. Bili tayo ng breakfast,” sabi ko. Kung ‘di siya inaalagaan ni Steve, ako ang mag-aalaga sa kanya. ‘Di muna siya sumagot. “Uhm.. Sige, ikaw bahala.” Um-order kami sa drive-thru. “Ano'ng gusto mo?” tanong ko sa kanya. “Ikaw na bahala um-order para sa ‘kin.” Mukhang nahihiya ata siya sa ‘kin. Pero ayos lang, natural naman ‘yun. ‘Di pa naman kami sobrang close. “Okay. Miss, dalawang egg muffin,” sabi ko sa crew. Hindi ko alam kung ano'ng gustong inumin ni Jade, kaya tinanong ko ulit siya. “Hot choco, coffee, or softdrinks?” “Hot choco na lang,” sagot naman niya. “Miss, dalawang hot choco,” pagkasabi ko ng order namin, binayaran ko na rin. Nag-aabot pa ng pera sa ‘kin si Jade, pero sabi ko, ako na lang. “Alam mo kung palagi mo 'kong ililibre, palagi na rin ako magpapasundo sa ‘yo,” sabi niya tapos tumawa. Alam kong biro lang niya ‘yun, pero kung papayag siya, kahit araw-araw ko pa siyang sunduin at ihatid, ayos lang. “Pabor sa ‘kin,” ‘yun ang isinagot ko. Tumawa naman siya at saka nagsalita. “’Di ‘no. Joke lang. Nakakahiya kaya sa ‘yo,” huminto siya sa pagsasalita tapos nagtanong. “Ay teka, ano'ng pabor sa ‘yo?” “Pabor kasi…” nag-isip ako ng palusot, minsan kasi ang mga hirit ko wala sa lugar, “lagi akong may kasabay papasok ng school. ‘Di ako magiging loner.” Napakunot ‘yung noo niya sa sagot ko. “Loner? Ikaw? Sarap mo kayang kasama. Imposibleng maging loner ka. Kasi siguradong marami kang magiging kaibigan sa school.” “Ewan, parang ilang silang lahat sa ‘kin. Maliban ata sa ‘yo.” “Baka kasi new student ka, kaya ganun.” “‘Di rin. Siguro dahil sa nangyari kahapon.” ‘Yung hindi magandang nangyari sa pagitan namin ni Steve. ‘Yung ginawang pantri-trip sa ‘kin ng buong barkada niya. “Ano'ng nangyari kahapon?” tanong niya. Mukhang hindi niya alam ‘yung nangyari sa pagitan namin ng boyfriend niya. “Ah, wala ‘yun,” ‘di ko sinagot ‘yung tanong niya. Baka ’pag kinuwento ko, magmukha pang sinisiraan ko ‘yung boyfriend niya. “Hmm... malihim,” pailing-iling pa siya. “Wala. Wala lang talaga ‘yun. Huwag mo nang isipin ‘yung sinabi ko.” Buti na lang dumating na ‘yung order namin, kaya nakaligtas ako sa pang-uusisa niya. Dahil sa nagmamaneho ako, si Jade ang nagbukas at nag-ayos ng balot ng sandwich para madali akong makakain. Pagkatapos kong kumagat sa sandwich, aabutan naman niya 'ko ng hot choco. Ang sarap ng feeling na inaasikaso niya 'ko sa pagkain. Ang sarap sigurong maging girlfriend ni Jade, kasi maalaga siya. Tanga lang ni Steve, at tine-take for granted niya ang isang katulad ni Jade. Inuuna pa barkada kesa sa girlfriend. “Alam mo Jade, ang swerte ng boyfriend mo sa ‘yo,” puri ko sa kanya. “Bakit mo naman nasabi?” “Maalaga ka kasi, maganda, mabait, masarap kausap, masayang kasama,” tahimik lang si Jade sa mga papuri ko sa kanya. “O, bakit ‘di ka na nakasagot?” kaya nagtanong ako. “Ha? Wala, ikaw lang ata kasi nagsabi ng ganyan sa ‘kin. Anyway, thanks sa compliment,” nakangiti niyang sagot. Napaisip naman ako sa sinabi niya. Siguro ‘di pa siya sinabihan ng ganun ni Steve. Tsk, wala talagang kakwenta-kwentang boyfriend. “Ikaw, may girlfriend ka na?” tanong ni Jade sa ‘kin. Hay, kung alam lang niya. “Wala, Pero soon. magkaka-girlfriend din ako,” sagot ko sa tanong niya. “Hmm...Sino kaya ‘yun? Classmate ba natin? Schoolmate?” pang-uusisa niya. “Basta kilala mo siya.” “Talaga?” “Oo, kilalang-kilala,” tiningnan ko siya at nginitian. “Naku, jino-joke mo 'ko. Hindi mo naman kilala mga friends ko eh.” Wala naman kasi sa mga kaibigan mo. “Eh ‘di pakilala mo sa ‘kin.” Ang totoong dahilan kaya ko sinabi ‘yun ay para mapalapit din ako sa mga kaibigan niya. “Sige, mamayang lunch sabay ka sa ‘min,” yaya niya sa ‘kin at sino ba naman ako para tumanggi? “Sure. ‘Di ko tatanggihan ‘yang offer mo.” Ini-imagine ko na ‘yung mukha ni Steve mamaya, ‘pag nakita niyang kasama ako ni Jade. Pagdating namin sa school, sabay kami naglakad papasok. Ang mga mata nasa amin na naman. Hay, bahala nga kayo. Tingnan n'yo kami, hanggang sa magsawa kayo. Naglalakad pa kami sa labas ng school nang may biglang humatak sa balikat ko, sabay suntok sa ‘kin. Si Steve. Sa lakas ng suntok at dahil ‘di ko inaasahan ‘yun, natumba ako. Kaya lumapit agad at lumuhod sa tabi ko si Jade, “Oh my God. Okay ka lang?” “’Di ka marunong magtanda ‘no? Kahapon paharang-harang ka sa dinadaanan ko, tapos ngayon sinusulot mo girlfriend ko? Gago ka rin eh,” sigaw ni Steve sa ‘kin. Hinawakan niya sa braso si Jade kaya napatayo ito, “Halika na!” sigaw niya kay Jade. Napatayo na rin ako. “Bitawan mo nga ako, Steve!” pag-angal ni Jade. Binitawan naman siya ni Steve kaya lumapit ulit si Jade sa ‘kin. Tumingin siya kay Steve. “Kasalanan mo kung bakit si Jared ang kasama ko ngayon! Puro ka kasi barkada! Kaibigan ko lang si Jared at walang katotohonan ‘yang mga iniisip mo sa ‘min!”  “Baby, kakampihan mo pa ‘yang lalaking ‘yan?” inis at ‘di makapaniwalang sabi ni Steve. ‘Di siya makapaniwalang ako ang kinampihan ng girlfriend niya at hindi siya. “Oo, kaya ayokong sasaktan mo uli si Jared or else makikipag-break ako sa ‘yo!” banta ni Jade. Pasimple tuloy akong nangiti. “Baby naman,” biglang naging maamo ‘yung mukha ni Steve. “I’m serious Steve kaya mag-sorry ka kay Jared,” seryosong sabi ni Jade. “Ano?!” gulat na tanong ni Steve. “Sabi ko mag-sorry ka,” seryoso pa rin ang tono ni Jade. Si Steve nag-iisip pa kung gagawin o hindi ‘yung sinabi ni Jade. “Okay, I’m sorry,” sabi sa ‘kin ni Steve na halatang pilit. Labas sa ilong. “Wala ‘yun. Kalimutan na lang natin,” pero sabi ko lang ‘yun. Kasi wala pa rin akong tiwala kay Steve. Nag-sorry lang naman siya dahil kay Jade at halata sa itsura ni Steve na ayaw niya ‘yung ginawa niya. Sinamahan ako ni Jade sa clinic. Inasikaso ng nurse yung sugat ko. Pumutok kasi ang labi ko. Tinanong tuloy kami kung ano'ng nangyari. Sabi ko na lang aksidente lang ‘yung nangyari sa labi ko. Mukhang ‘di kumbinsido ‘yung nurse, pero ‘di na siya nagtanong pa. Buti na lang din walang estudyanteng nagsumbong sa nangyari kanina. Ayoko rin kasing lumala ‘yung g**o na umabot pa sa pagtawag sa mga magulang namin. Nang nasa classroom na kami ni Jade, pilit pa rin siyang humihingi ng tawad sa ginawa ni Steve sa ‘kin. “Jared, pasensya ka na talaga ah. Masyado kasing seloso si Steve,” paliwanag pa ni Jade sa ‘kin. “’Wag mo na isipin ‘yun. Nag-sorry na naman siya,” kahit na alam kong walang bahid kahit katiting na sinseridad ang ginawang pagso-sorry ni Steve kanina. “Basta sorry pa rin. Masakit pa ba?” tanong niya at tiningnan pa ‘yung putok na labi ko. “’Di naman, malayo ‘to sa bituka,” sagot ko. Medyo kumikirot pa ‘yung sugat pero okay lang. Ang ‘di lang okay ay kapag nakita ‘to ni Mommy. Sigurado akong mapapagalitan ako. ‘Yung kahapon ‘di niya napansin, pero itong putok sa labi sigurado akong mapapansin na niya. “Sigurado ka?” “Oo,” tumango-tango pa 'ko. “Ganito na lang, para makabawi ako sa ‘yo. Treat kita ng lunch.” “Sigurado ka? Pa’no kung magselos na naman si Steve?” tanong ko. “Hayaan mo siya. Para magtino na rin. Ano mamayang lunch ah?” “Sige... Ah, Jade pwede ba 'kong magtanong?” “Sige, okay lang.” “Matagal na ba kayo ni Steve? Matagal mo na ba siyang boyfriend?” “Kami ni Steve? Uhm.. Eight months na rin at first boyfriend ko siya. Bakit mo pala natanong?” “Wala naman,” ngayon nalaman ko na naging sila pala ni Steve dalawang buwan pagkatapos nang gabing nakita ko siya sa ulan. Kung napaaga lang kami ng lipat. Siguro kami ni Jade at ‘di sila ni Steve. Maya-maya dumating na ‘yung teacher namin. Boring ng klase, kaya pasimple na lang kaming nagkwentuhan ni Jade. Tapos pigil na pigil ‘yung tawa niya sa mga pinoy pick-up lines ko. Kahit ang corny natatawa pa rin siya. “Ms. Perez, Mr. Sarmiento. Baka gusto ninyong makinig sa klase ko?” Tsk! Lagot! Napansin kami ng teacher namin. “Sorry po,” sabay pa naming sabi. Pagtalikod ni ma’am, nagkangitian na lang kami ni Jade. Kinuha ko ‘yung notebook at ballpen ko sa bag at nagsulat ako. Nahuli tayo, tawa ka kasi nang tawa. Hehehe. Pinakita ko kay Jade para mabasa niya. Nang mabasa niya, kinuha rin niya ‘yung notebook niya, tapos may sinulat din siya, at pinakita sa ‘kin. Para ka kasing mais… Nagsulat ulit ako sa notebook. Bakit? Nagsulat ulit siya at pinakita sa ‘kin. Ang CORNy mo kasi! hahaha! XD Natawa naman ako, pumi-pick-up line na rin siya. Natapos ang klase na wala kaming ginawa kundi mag-usap sa notebook at wala kaming naintindihan sa pinagsasabi  ng teacher namin. Pero pangalawang araw pa lang naman ng klase, kaya pwede pa namang papetiks-petiks muna.  Pagdating ng recess niyaya na 'ko ni Jade. “Jared, halika na. Nagugutom na 'ko. Natunaw na ‘yung nilibre mong breakfast kanina.” Tapos tumawa siya. “Matakaw ka pala,” pang-aasar ko sa kanya. “Hindi ah. Kanina pa kaya ‘yung kinain natin,” pangangatwiran niya, sabay nguso, Ang cute niya, parang gusto ko tuloy pisilin ‘yung pisngi niya. Tumawa na lang ako. “Halika na nga. Ililibre mo pa ko ‘di ba?” Kaya lumabas na kami ng classroom at paglabas namin, nakita ko agad si Steve na nakaabang na. Lumapit naman siya kay Jade. “Baby,” hinawakan pa niya si Jade sa kamay. Kung pwede ko lang hablutin palayo si Jade sa kanya, ginawa ko na. “Kasabay nating kakain si Jared ngayon,” ‘yun ang sinagot niya kay Steve. Si Steve, walang nagawa. Kailangan niyang magpakabait eh. Pero sana nga, ‘wag na siya magpakabait sa ‘kin para makipag-break na si Jade sa kanya. Ang sama ko ba? Pero masama rin naman kasi ang ugali niya. Kung mabait lang sana siya, bakit ko pa pagpaplanuhan na paghiwalayin sila. Lalo na kung masaya si Jade sa kanya. Pagdating namin sa canteen, pumila na kami para bumili ng pagkain. Si Steve, nakasunod lang sa ‘min ni Jade. Alam kong inis na siya. Kung wala lang siguro si Jade, baka nasapak na niya ako ulit. “Jared, ano'ng gusto mo?” tanong ni Jade sa ‘kin. “Busog pa naman ako, kaya magsa-sandwich na lang ako,” sagot ko. “Hindi pwede. Sa itsura mo, mukha kang malakas kumain kaya huwag ka na mahiya sa ‘kin. Time ko naman para i-treat ka.” Narinig ni Steve ‘yung usapan namin. Kaya sumingit siya sa ‘min. “Baby, bakit ikaw magbabayad ng pagkain niya?” Humarap sa kanya si Jade. “Para makabawi sa ginawa mo sa kanya kanina.” “Ako na lang magbabayad ng pagkain niya,” sagot naman ni Steve. “Sure ka?” tanong ni Jade sa kanya. Umoo naman si Steve kaya pumayag na rin si Jade. Nang marinig ko ‘yung sinabi ni Steve, may kalokohan akong naisip. Ihanda mo na Steve ‘yang wallet mo. Ikaw pala magbabayad ah. Sa totoo lang gutom na talaga ako nahihiya lang ako kay Jade kaya sinabi kong sandwich lang ang kakainin ko. “Bilis Jared, pili ka na. Ano'ng gusto mo?” sabi ni Jade sa ‘kin. “Sige na nga,” sabi ko na kunwari pang napilitan. “Ateng maganda...” tawag ko sa tindera, nangiti naman siya sa pagtawag ko sa kanya ng maganda, “isang order nga po ng chicken adobo, isang breaded pork chop, corn and carrot, dalawang rice, isang large coke, tsaka pahingi na rin po ng sabaw.” Narinig ko ‘yung mahinang tawa ni Jade. “Busog ka sa lagay na ‘yan ah.” Nginitian ko na lang siya, tapos tiningnan ko si Steve. Namumula na siya sa inis sa ‘kin. Kaya nginitian ko rin siya sabay sabi ng “Salamat sa libre ah,” at lalo pa siyang namula. Tuwang-tuwa ako sa itsura niya. Nang maka-order na kaming lahat, binitbit na namin ‘yung mga tray namin at pumunta sa table kung nasaan ‘yung mga kaibigan ni Steve at ‘yung mga kaibigan ni Jade. “Dude, bakit kasama n’yo ‘yan?” sabi ng isa sa mga kabarkada ni Steve. ‘Yung sinabihan ako ng mayabang kahapon. “Kaibigan siya ni Jade,” ‘yun na lang ang sinagot ni Steve. “Yes, kaibigan ko siya. Kaya dapat kaibigan n’yo na rin siya. His name is Jared,” dagdag pa ni Jade. Sa mukha ng mga kaibigan ni Steve. Mukhang ayaw nila sa ‘kin, pero ‘yung mga girlfriends naman nila, todo sa pag-welcome sa ‘kin. Dahil doon mukhang mas lalo pa silang nainis sa ‘kin. Habang kumakain kami. Napansin kong may ibinubulong si Steve doon sa kaibigan niya na Bernard pala ang pangalan. Tapos nagsalita si Bernard, “Jared, marunong ka ba magbasketball?” “Oo, bakit?” sagot ko naman. “Bakit ‘di mo subukang mag try-out. Sabihin namin kay coach.” “Oo nga Jared, try mo,” pagsang-ayon naman ni Jade sa sinabi ni Bernard, pati ng mga kaibigan niyang babae. “Ah, sige. Kelan ba ang try-out?” tanong ko sa kanila. “Next week, Friday. Punta ka lang sa gym ng 3:00 p.m.” sagot ni Bernard. Medyo masama kutob ko, pero naisip ko, baka maging daan ‘yun para mas mapalapit ako kay Jade. Dahil syempre ‘pag may practice o kaya may game sigurado akong manunuod siya. “Sige,” sagot ko kay Bernard. May tiwala naman ako sa sarili ko. Varsity player din ako sa dating school ko, kaya sa tingin ko, makakapasok ako sa team. “Okay, aasahan ka namin ah,” nakangising sabi ni Bernard. “’Pag nakasama sa team si Jared, may reason na pala ako para sumama sa practice at games n’yo,” sabi ni Kristine sabay ngiti sa ‘kin, kaya nginitian ko na lang din. Si Kristine, isa siya sa mga kaibigan ni Jade. Nalaman kong sa barkada nila, si Kristine lang ang single dahil kaka-break lang nila ng boyfrined niya noong nakaraang linggo. Mukhang ako pa ata ang puntiryang maging susunod na boyfriend niya. Kaso pasensya, may Jade na 'ko. Pagkatapos naming kumain, balik na kami sa kanya-kanyang klase. Si Jade sabi niya mauna na raw ako sa classroom kasi mag-restroom daw muna sila ng mga kaibigan niya. Lahat ng kaibigang babae ni Jade galing sa Section C, kahit sina Steve sa Section C din. Kaya tuwing breaktime lang ata niya sila nakakasama. Habang naglalakad na 'ko pabalik ng room, may tumawag sa pangalan ko. Pagtingin ko kung sino'ng tumawag sa ‘kin, si Steve pala, kasama mga kabarkada niya syempre. “Bakit?” “Hindi porket naging mabait ako sa ‘yo kanina, ibig sabihin okay na tayo,” mayabang na sabi niya. “Alam ko. Alam ko namang mabait ka lang sa ‘kin kapag nakaharap si Jade. At ‘wag kang mag-alala. Kung ayaw mo sa ‘kin, mas ayaw ko sa ‘yo,” akma niya akong susuntukin pero pinigilan siya ni Bernard, tapos may binulong sa kanya na ‘di ko narinig. ‘Di ko na lang pinansin kung ano man ‘yun, at nagpatuloy na 'ko sa paglalakad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD