KABANATA 2

3775 Words
KABANATA 2 Lunes, unang araw ko ngayon sa bagong school ko. Ang aga kong nagising para maaga rin akong makapasok. Medyo malayo ‘yung school sa bahay kaya dinala ko ‘yung kotse ko. Seventeen na ‘ko ngayon, kaya nakakuha na ‘ko ng student’s permit para makapagmaneho ng sasakyan. Pagdating ko sa school, medyo kabado. Pero magaling naman akong makisama, siguro naman makakahanap agad ako ng mga kaibigan dito. Grade 12 o 2nd year Senior High School na ‘ko ngayon at buti pinayagan pa rin akong mag-transfer dito kahit na  last year ko na sa high school. Mataas naman daw kasi ‘yung grades ko sa dating school ko. Sa section A pa nga nila ako nilagay. Noong mag-enroll ako nabigyan na ‘ko ng school map, pero ‘di ko pa alam kung saan ang classroom ko. Nawala sa isip ko na tingnan sa school map bago ako pumunta rito, kaya pagpasok ko ng school building at habang naglalakad ako sa corridor, hawak ko ‘yung notebook ko kung saan ko inipit ‘yung school map. Habang naglalakad, naririnig ko ‘yung bulungan ng mga tao. Lalo na ‘yung mga babae. “Girl, ang cute niya ‘no?” sabi  ng isang chubby na babae na may pink na headband. “Siya siguro ‘yung transferee dito sa school,” sabi naman ng isang matangkad na payat na babae na kasama ni chubby girl. “Crush ko na siya,” sabi ulit ni chubby girl. “Hindi akin siya,” protesta naman nung isa. “Sige, share na lang tayo.” Wow ah! Ano ‘ko pagkain o gamit? Pwede i-share? Mga babae talaga. At bulong ba ‘yon o sadyang pinaparinig nila sa ‘kin? Napailing na lang ako sa mga narinig ko. ‘Di sa nagmamayabang ah. Ano’ng magagawa ko kung nagwa-gwapuhan sila sa ‘kin? Kaso taken na ‘tong puso ko at ‘tong mga mata ko, isang babae lang ang gustong makita. ‘Yung misteryosang babae sa gitna ng ulan. Dahil sa patingin-tingin lang ako sa dinadaanan ko, habang tinitingnan sa mapa kung nasaan ba ‘yung classroom ko, may nakabungguan ako. May kalakasan ‘yung pagkakabunggo ko sa kanya, nahulog tuloy ‘yung hawak kong notebook. Pag-angat ko ng ulo ko, may isang lalaki sa harapan ko. Tapos sa likuran niya, kasama niya ‘yung mga kabarkada niya. Sa itsura nila, sa tingin ko mga varsity players sila ng school. May mga dala kasi silang malalaking bag, naka-varsity jacket ‘yung ilan, ‘yung ilan naman naka-jersey, at ‘yung isa may dala pang bola ng basketball. “Dude, pasensya na,” sabi sa ‘kin ng nakabungguan ko, sabay pulot niya sa notebook ko. “’Di pare, pasensya rin. Ako ‘yung ‘di tumitingin sa dinadaanan ko,” paghingi ko ng paumanhin sa kanya. Kasalanan ko naman talaga at ‘di ako tumitingin sa dinadaanan ko. “Notebook mo o.” Inabot niya sa ‘kin ‘yung notebook ko. Kukuhanin ko na sana, kaso binitawan niya kaya nahulog ulit. “Ooops… Pasensya na ulit dude, nahulog,” sabi niya at nagtawanan sila ng mga kabarkada niya. Sa isip-isip ko, mga gago pala ‘tong varsity players na ’to. Pero wala akong balak gumawa ng eksena sa unang araw ko sa school, kaya pinulot ko na lang ‘yung notebook ko at naglakad na ‘ko paalis. Pero hinawakan ako sa balikat ng lalaking nakabungguan ko. “Dude, alis ka na kagad?” tanong niya sa ‘kin. “Pare, ayoko ng g**o,” ‘yon lang ang isinagot ko at tinanggal ko ‘yung kamay niya na nakahawak sa balikat ko. “Steve, mukhang mayabang ‘tong isang ‘to ah,” sabat ng isa niyang kabarkada. Ako pa talaga ang naging mayabang ngayon? Samantalang ako ‘yung pinagtri-tripan nila. “Alam n’yo mga pre, kung ano atang nilaki niyang mga katawan n’yo, siyang niliit ng mga utak n’yo. Sabi ng ayoko ng g**o, kaya pwede tantanan n’yo ‘ko,” sabi ko at tinalikuran ko na sila. “‘Di ka lang pala mayabang, matabil pa 'yang dila mo!” sabay hatak sa ‘kin ni Steve at sinuntok ako sa mukha. ‘Yung mga taong tahimik lang na nanunuod sa ‘min kanina, biglang nagsigawan. Medyo malakas ‘yung suntok niya, sakit nga ng pisngi ko eh, pero ‘di naman ako natumba, nakatayo pa rin ako. Hinawakan ko ‘yung pisngi ko at tiningnan ko sila nang masama. Gaganti sana ako ng suntok kaso saktong may dumating na teacher. Tsk! Wrong timing naman si ma’am! Ayon na eh, pasuntok na ‘ko, tapos biglang dumating. Tsk! “Mr. Romualdez, ano na namang kaguluhan ‘to?” medyo galit na sabi ng babaeng teacher na sa tingin ko nasa late 40’s na ang edad. Sa sinabi niya, mukhang madalas masangkot sa away ‘tong mayayabang na lalaking ‘to. “Ma’am, wala po! Wine-welcome lang po namin ‘tong new student!” palusot nitong Steve, at inakbayan pa ‘ko. “’Di ba, dude?” Tiningnan pa niya ‘ko na parang sinasabing makisakay ako sa sinasabi niya. Hindi ako sumbongero, at baka magmukha akong lampa ‘pag sinumbong ko sila sa teacher, kaya tumango na lang ako. “Okay, go to your rooms now!” utos ng teacher sa ‘min, saka umalis. “Sa susunod, ‘wag ka na lang pahara-hara sa dinadaanan ko ah,” bulong sa ‘kin ni Steve, at tinanggal na ‘yung pagkaka-akbay sa ‘kin at umalis na sila ng mga kabarkada niya. ‘Yung ibang mga estudyante, nakatingin lang sa ‘kin. Magandang simula ‘to. Sobrang ganda. ‘Di muna ko pumunta sa classroom ko, sa CR muna, para ayusin ‘yung sarili ko. Pagtingin ko sa salamin na nasa loob ng CR nakita kong namumula ‘yung pisngi ko. Naisip ko agad si mommy, lagot ako. Ayaw kasi ni Mommy na nakikipag-away ako. Napaisip tuloy ako ng ipapalusot. Sasabihin ko na lang kapag nagtanong siya, na tinamaan ako ng pinto nang biglang buksan ng classmate ko dahil hindi ako napansin. Pagdating ko sa klase, nandoon na ‘yung teacher namin. Tinginan ‘yung mga classmates ko sa ‘kin. Sa mga tingin nila, mukhang nakarating na sa kanila ‘yung nangyari sa corridor kanina o baka nakita pa nila mismo. Nagpakilala sa ‘kin ‘yung teacher namin. Siya raw si Ms. Esguerra at siya ang class adviser namin for the whole year. Pinakilala naman ako ng teacher ko sa klase tapos pinaupo sa isang bakanteng upuan. Sa kanan ko may katabi akong lalaki. Mukha siyang nerd kasi ang kapal ng salamin niya sa mata. Sa kaliwa ko naman, bakante pa. ‘Yon na lang ‘yung upuan na walang nakaupo. Nag-check na ng attendance ‘yung teacher namin. Isa-isa niyang tinawag ‘yung mga pangalan namin. “Jack Jayden Perez, Jack Jayden Perez,” tawag ng teacher namin, pero walang nagsasalita o nagsasabi ng ‘present’. “Ma’am, absent po,” sabi ng isang classmate namin. Ayos din ‘yung katabi ko, first day of school, absent. Sana bukas pumasok na siya. Kasi baka mapanisan ako ng laway dito sa katabi kong nerd. Sinubukan ko kasing kausapin pero, tango o iling lang ang sagot sa ‘kin. Gusto ko ngang tanungin ng ‘may dila ka ba?’. Dahil sa nangyari kaninang umaga, mukhang ilag ang mga classmates ko sa ‘kin. Pwedeng iniisip nilang troublemaker ako. Pwede ring umiiwas sila kasi ayaw nilang madamay. Ayaw nilang sila naman ang mapagtripan ng mga mayayabang na varsity players na ‘yon. Kaya ngayon, mag-isa akong kumakain sa canteen. Ang saya ‘di ba? Pero pakialam ko ba. ‘Di naman ako ‘yung tipo na nagpapaapekto sa mga sinasabi at iniisip ng ibang tao. Kilala ko naman ang sarili ko, at wala akong inaagrabyado. Katagalan din siguro, makakalimutan na nila ‘yung nangyari, at maiisip nilang mali ‘yung pagkakakilala nila sa ‘kin. Tahimik lang akong kumakain, at maririnig mo sa loob ng cafeteria ‘yung mga kwentuhan ng mga estudyante habang kumakain. Nakatalikod ako sa pintuan ng canteen, kaya ‘di ko kita kung sinu-sino ‘yung mga papasok. Pero sa lakas ng mga boses at tawanan nila, mukhang kilala ko na kung sino ‘yung mga padating. ‘Yung mayayabang na naman kanina. Paglingon ko, tama nga ang hinala ko, sila nga. Pero ngayon, kasama pa nila ‘yung mga girlfriends nila. ‘Yung iba magka-akbay, ‘yung iba magka-holding hands, ‘yung iba sige lang ang lampungan sa isa’t isa, kala mo wala sa eskwelahan. Sa totoo lang wala naman akong pakialam na dumating sila, ‘di ko naman pagmamay-ari ‘tong canteen para pagbawalan silang pumunta. Kaso nawalan talaga ako ng gana, at ‘di makapaniwala sa nakita ko. Kilala ko ‘yung babaeng kasama ni Steve. ‘Yung babaeng inaakbayan niya ngayon at nakapulupot ang braso sa baywang niya. Sigurado ako at ‘di ako pwedeng magkamali. Kahit ba iba na ‘yung kulay ng buhok niya. ‘Yung dating itim at unat na mahaba, ngayon kulot at kulay brown na. ‘Yung dating simpleng ayos niya, ngayon iba na. Akala mo modelo o sikat na artista. Pero sigurado talaga akong siya ‘yon. Siya ‘yung babaeng nakita ko noong gabing umuulan. ‘Yung babaeng ‘di ko alam kung bakit ako hinalikan, pero tinakbuhan naman. ‘Yung babaeng nagpatibok ng puso ko. Ang tagal ko siyang hinanap. Dito ko lang pala siya makikita. Ang laki ng pinagbago niya. Maganda pa rin naman siya tulad dati, mas gumanda pa nga. Pero ‘yung babaeng nakilala ko noon, ‘yung mukhang maamo, mukha ng palaban ngayon. Ano kayang nangayari sa loob ng sampung buwan? Ganun pa man, ‘yung nararamdaman ko para sa kanya, ‘di nagbago. At isa lang ang nasa isip ko ngayon. ‘Di ako makapapayag na kay Steve lang siya mapunta. Kaya ano man ang mangyari, gagawa ako ng paraan para mapalapit sa kanya. Pagkatapos kumain, tumayo na ‘ko, kinuha ang tray, at tinapon ‘yung mga kalat ng pinagkainan ko. Naglakad ako palabas ng pintuan at talagang sinadya kong dumaan sa gilid ng lamesa nina Steve. Gusto ko siyang makita nang malapitan, ang misteryosang babaeng matagal kong hinanap at nagbabakasakaling, mapatingin siya sa ‘kin. Titingnan ko ‘yung reaksyon niya. Makikilala niya kaya ako? Kaso ‘di siya tumingin. Ang lungkot. Pero tuloy pa rin ‘yung plano ko. Kahit sa anong paraan,kailangan mapansin niya ‘ko. Kailangan mapalapit siya sa ‘kin. Mula sa canteen dumiretso na ‘ko sa classroom. May pailan-ilan na rin akong classmates na nasa loob, pati ‘yung katabi kong nerd nakaupo na rin sa upuan niya. Pero wala pa ‘yung teacher namin. Umupo na rin ako at sisimulan ko na ‘yung plano ko. Naisip kong pagtanungan si Nerd ng mga information na kailangan ko para makilala ko nang lubusan ang babaeng pinapangarap ko o kahit pangalan man lang niya ay malaman ko. ‘Di ko alam pangalan ni Nerd, kaya “Uy,” ang itinawag ko sa kanya. Napatingin naman siya sa ‘kin. “Ano’ng pangalan mo?” tanong ko sa kanya “J-jeff...” Sus! Nabubulol pa. Pero buti nagsalita, may dila naman pala. “Ako nga pala si Jared,” pakilala ko sa kanya at tumango lang siya. Hay, hirap naman kausap nito, pero pwede na ring pagtiyagaan. At least kahit interviewhin ko siya, ‘di niya siguro maidadaldal sa iba. Kasi nga sobrang tahimik niya. “May gusto sana akong itanong sa ‘yo,” tumango na naman siya, pero walang sinabi. Ibig sabihin ba, pwede na ‘kong magtanong? Siguro. Kaya nagtanong na ‘ko. “May kilala ka bang Steve? ‘Yung varsity player?” tumango ulit siya. Ayos, kung kilala niya si Steve may posibilidad na kilala niya rin ‘yung girlfriend. “Kilala mo ba ‘yung girlfriend niya?” tumango lang ulit siya. Ang ganda ng usapan namin ‘no? Pero ayos na rin at least sumasagot siya, kahit puro tango. “Alam mo ba ‘yung pangalan niya?” tanong ko ulit. Naramdaman kong may umupo sa katabi kong upuan. Narinig ko rin ‘yung pagtunog ng upuan pagkaupo ng kung sino man ang naupo. ‘Di ko kasi kita kung sino, kay Jeff kasi ako nakaharap. Si Jeff naman hindi pa sumasagot at nakatingin lang sa likuran ko. “Excuse me. May extra ballpen ka ba?” narinig kong tanong ng isang babae sa likuran ko. Lumingon tuloy ako para tingnan kung sino ba ‘yung umupo sa bakanteng upuan kanina. Istorbo naman kasi ini-interview ko pa si Jeff, ngayon pa niya naisipang humiram ng ballpen. At estudyante siya, dapat pagpasok niya sa school may dala siyang ballpen. Tsk! Pero sa gulat ko nang makita ko kung sino ‘yung nanghihiram ng ballpen, muntik na akong mahulog sa upuan ko. Pero buti ‘di natuloy, muntik lang naman. Natawa tuloy sa ‘kin ‘yung babae, “Okay ka lang?” tanong niya. Napakamot naman ako sa ulo, “Ha? Oo, ayos lang ako.” “Hi, I’m Jade. Ikaw ‘yung new student, ‘di ba?” tapos inabot niya sa ‘kin ‘yung kamay niya at nakipag-shake hands naman ako sa kanya. Teka... Jade? Siya ba yung Jack Jayden Perez? Babae siya? Akala ko kasi lalaki. Panlalaki kasi ‘yung pangalan niya. At ‘di ko na pala kailangan interview-hin pa ‘tong si Jeff. Kasi nandito na ngayon sa harapan ko ang lahat ng sagot. Jade... Jade pala ang pangalan niya. Pero bakit parang ‘di niya ‘ko nakilala? “Baka gusto mong sabihin ‘yung pangalan mo,” sabi niya tapos tumawa siya uli. Oo nga pala, nagpakilala siya at nakipag-shake hands ako, pero ‘di ko pa nasabi ‘yung pangalan ko. Sino ba namang makakapagsalita ‘di ba? Andito siya mismo sa harapan ko. Medyo malungkot nga lang dahil mukhang ‘di niya ‘ko nakilala. Dahil siguro gabi na noon. Umuulan pa at madilim kaya ‘di niya masyadong nakita ‘yung mukha ko? Kaya ‘di niya ko natandaan? ‘Di niya alam na ‘yung lalaking kaharap niya ngayon ay ‘yung lalaking hinalikan niya ten months ago sa ilalim ng ulan. Hay, hayaan ko na lang. Ang importante nagkita na kami. ‘Di ko na ipapaalala sa kanya ‘yung nangyari dati. Ka-ilang naman ‘di ba? Alangan namang sabihin ko, ‘Hi, I’m Jared. Ako nga pala ‘yung hinalikan mo dati. Sa gitna ng kalsada, noong gabing madilim at umuulan. Pagkatapos mo nga ako halikan tinakbuhan mo ko. Pero alam mo hinanap kita.’ Syempre ‘di ko pwedeng sabihin ‘yon. Baka mapahiya siya, tapos baka isipin pa niyang stalker ako. Magpapakilala na lang ako nang maayos, na parang ngayon lang talaga kami nagkita. “Sorry, I’m Jared nga pala. Yep, ako ‘yung new student. Ikaw ba ‘yung Jack Jayden Perez?” tanong ko sa kanya. “Ako nga, bakit?” “Akala ko kasi lalaki ka,” honest na sagot ko sa kanya. Natawa naman siya. “Weird ba ng name ko? Sisihin mo na lang mga magulang ko. Dapat daw kasi Jacqueline ang first name ko. Ewan ko ba, bakit biglang naging Jacque na lang. Nawala ‘yung ‘l-i-n-e’ sa dulo. Tinamad siguro silang magsulat sa birth certificate ko. Tapos ang second name ko naman kinuha sa name ng dad ko. Jayden kasi name ni Papa. Jayden with Y. Ako Jaiden with I, gets mo?” tapos tumawa na naman siya, “Sensya ang daldal ko ah.” Nakakatuwa siya at pati ako nahawa sa pagtawa niya. “‘Yun pala ang kwento ng pangalan mo. Cute nga eh. Unique.  At okay lang kahit madaldal ka,” sabi ko at lumapit ako nang konti sa kanya at bumulong. “Kesa naman dito kay Jeff, puro tango at iling,” ngumiti ako tapos pasimple ko pang tinuro si Jeff. “Loko ka rin. Mabait naman ‘yan,” pagtatanggol niya kay Jeff, pero nakangiti naman siya. “Nagbibiro lang at oo mukhang mabait nga siya,” pagsang-ayon ko sa sinabi niya. Nagkwentuhan pa kami hanggang sa dumating ‘yung teacher namin. Nang matapos ‘yung klase at uwian na, nagpaalam na sa ‘kin si Jade. “Jared, una na ko sa ‘yo ah. Baka andyan na sa labas sundo ko. Ingat ka na lang sa pag-uwi.” Nainis ako sa sinabi niya, kasi sa tingin ko ‘yung sinasabi niyang sundo ay si Steve. Pero ngumiti pa rin ako sa kanya para ‘di niya mapansin ‘yung pagka-inis ko. “Sige, ingat ka rin,” paalam ko sa kanya. “Okay,” sagot niya at naglakad na siya palabas ng classroom. Habang inaayos ko ‘yung mga gamit ko, napatingin ako sa sahig at may nakita akong panyo. Panyo ni Jade, sigurado ako dahil nakita kong hawak niya ’to kanina. Kaya kinuha ko agad at tumakbo palabas ng classroom para habulin siya. Buti na lang ‘di pa siya nakakalayo. “Jade!” napalingon siya at huminto sa paglalakad nang marinig niya ‘yung pagtawag ko. “O, bakit?” tanong niya. Nang makalapit na ‘ko sa kanya, iniabot ko sa kanya ‘yung panyo niya. “Panyo mo. Nalaglag mo.” Napatingin naman siya sa hawak ko. “Ay, thanks ah, ‘di ko napansin na nalaglag ko pala,” paliwanag niya. “Wala ‘yon,” sagot ko naman. At napansin ko na siya lang mag-isa at walang kasama kaya nagtanong ako. “Teka, nasaan ‘yung sundo mo?” Biglang nalungkot ‘yung mukha niya sa tanong ko, “Wala eh. Nagtext, ‘di raw niya ‘ko masasabayan ngayon umuwi. Nayaya ng barkada.” Ngumiti siya pero pilit. Ikaw ba namang ipagpalit ng boyfriend sa barkada. Tsk! “Boyfriend mo?” tanong ko, nagkunwari pa ‘kong ‘di ko alam. “Oo,” sagot niya at may lungkot pa rin sa mukha niya. “’Wag ka nang malungkot d’yan. Hatid na lang kita. Kung ayos lang sa ‘yo?” Sana pumayag siya, sana pumayag siya. Paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko. “Ha? ‘Wag na, nakakahiya naman sa ‘yo.” Huwag. Huwag kang mahiya sa ‘kin. Okay lang. Okay na okay at pabor na pabor sa ‘kin. Sabi ko sa isip ko. “’Di, ok lang ‘tsaka may dala naman akong kotse.” “May kotse ka?” medyo gulat na tanong niya, tapos naningkit ‘yung mga mata niya. “May lisensya ka naman ba?” sunod na tanong niya. “Oo naman, student’s permit meron ako, kakakuha ko lang last month. Ano? Hatid na kita?” Please umoo ka na. “Uhmm... nakakahiya talaga eh ‘tsaka ngayon lang nga tayo nagkakilala tapos magpapahatid ako sa ‘yo,” pagtanggi niya ulit. Hay, ano bang sasabihin ko, para mapapayag ko siya? “Ayos lang ‘yon, classmates naman tayo. Teka saan ka nga pala nakatira?” tanong ko sa kanya. Kung on the way naman pauwi sa ‘min, mas may dahilan para maisabay ko siya. “Sa Quin’s Land Subdivision,” sagot niya. At kung susuwertehin nga naman ako, same subdivision pala kami. ‘Di ko tuloy maiwasang mangiti. “Sa iisang subdivision lang pala tayo. Tara na.” Bago pa siya makatanggi ulit, kinuha ko na ‘yung mga librong hawak niya, at ako na ang nagdala. Wala siyang nagawa kundi sumunod sa ‘kin. Naglakad na kami papunta sa parking lot. ‘Yung ibang mga estudyante nakatingin sa ‘min, pero ‘di ko na lang pinansin. Kahit si Jade, ‘di rin niya pinansin ‘yung mga tingin sa ‘min. Wala naman kasi kaming ginagawang masama. Pagdating namin sa may parking lot, pinagbuksan ko siya ng pinto ng kotse ko. “Thanks,” nahihiyang sabi niya. Nang nasa loob na kami ng kotse pareho, “Jade, pwede pala kita bisitahin nang madalas, dahil nasa iisang subdivision lang tayo.” Natawa siya sa sinabi ko. “Bilis ah! Close agad?” Napansin niya? Syempre ayokong mag-aksaya ng oras. Dapat maging close agad ako sa kanya. Paano ko siya aagawin kay Steve kung babagal-bagal ako? Tumawa rin ako, “Bakit? Hindi ba pwede? Magkaibigan naman na tayo ‘di ba?” Ngumiti siya, “Sabi ko nga ‘tsaka, mukha ka namang harmless.” Tumawa ulit siya. Nagkwentuhan lang kami habang nasa biyahe pauwi. Nasabi niya sa ‘kin kung bakit hindi siya nakapasok ng first period kaninang umaga. Tinanghali raw kasi siya ng gising, dahil galing siya sa isang birthday party kagabi. Napuyat daw siya kagabi dahil late na nakauwi. Pagdating namin sa bahay nila. “Gusto mo, pasok ka muna?” alok niya sa ‘kin. “Hindi na. Next time na lang. Mauulit pa naman ‘to, ‘di ba?” ngiting-ngiting sabi ko, para hindi siya humindi. Natawa na naman siya sa ‘kin. “Nakakatuwa ka Jared.” Alam ko. “Thanks sa compliment, kahit na parang clown ang dating ko. Tawa ka kasi nang tawa sa bawat sinasabi ko,” biro ko sa kanya. “Kulit mo kasi. Sige, pasok na ‘ko and thanks sa paghatid.” Pababa na sana siya ng kotse ko nang pigilan ko siya. “Teka Jade,” sabi ko kaya humarap siya ulit sa ‘kin. “Bakit?” tanong niya. “Sulitin ko na, tutal sabi mo nakakatuwa naman ako. Sunduin kita bukas. Sabay na tayo pumasok, ayos lang?” Nag-isip muna siya. Sana umoo. Dasal ko. “Uhm, sige.” Yes! “Sige, 7:00 am nandito na ‘ko bukas!” excited na sabi ko. ‘Di ko kasi maitago ‘yung tuwa ko dahil pumayag siya na sunduin ko siya bukas. “Okay,” nakangiti niyang sabi. “Sige, bye Jared.” “Bye,” at bumaba na siya ng kotse. Pagdating niya sa harapan ng bahay nila, tumingin pa siya ulit sa ‘kin at kumaway. Kumaway naman ako pabalik at hinintay ko hanggang sa makapasok siya ng bahay nila. Sobrang saya ko. Ang malas man ng umaga ko, bawing-bawi naman kay Jade.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD