KABANATA 12
“Kristine, ‘pag walang pasok o ‘pag may free time ka, saan ka pumupunta? Ano'ng pinagkakaabalahan mo?”
“Ako? Minsan sa bahay lang o kaya sa bahay ng mga friends ko. Bakit mo natanong? Yayayain mo ba 'kong lumabas?”
“Ha?” medyo nagulat ako sa sinabi niya. Kung meron mang gustong magyayaya sa kanya lumabas, ‘di ako ‘yun kundi si Jeff.
Natawa naman siya sa reaksyon ko. “Ang cute mo, Jared. Joke lang ‘yun, pero aaminin ko sa ‘yo, crush kita. Cute ka kasi,” deretsahan niyang sabi, habang nakatitig pa sa ‘kin. At bakit ba ang hilig nilang sabihan ako ng cute? Hindi ba pwedeng gwapo naman?
“Thanks,” medyo nahiya naman ako. Ang prangka kasi niya. Kaso ‘di ‘to ang oras para mahiya, dapat may malaman naman ako tungkol sa kanya o sa kanila ni Steve kahit konti. “May boyfriend ka ba ngayon, Kristine?”
“Ako? Ewan ko,” parang nabigla siya sa sinabi niya.
“Ano'ng ibig mong sabihin?”
“Ha? Kalimutan mo na ‘yung sinabi ko. Ang ibig kong sabihin wala. Wala akong boyfriend,” biglang bawi sa sinabi niya kani-kanina lang.
“Kung may manliligaw ba sa ‘yo, papayag ka at ano bang tipo mo sa lalaki?”
“Bakit? Liligawan mo ba 'ko?” sabi niya sabay tawa, nagbibiro lang daw siya. “Ang tipo ko kasi sa lalaki ay bad boy ‘yung image, matangkad, maputi, athletic. Ayoko kasi sa lampa,” parang si Steve ang tinutukoy niya at na sobrang kabaligtaran naman ni Jeff.
“Parang si Steve?” ngayon siya naman ang nagulat sa tanong ko.
Pilit siyang tumawa at saka nagsalita. “Para bang si Steve ‘yung mga sinabi ko?”
“Parang. Pero alam kong ‘di naman si Steve ‘yung tinutukoy mo, kasi may girlfriend na siya ‘di ba?”
“Oo naman,” ngumiti siya sa ‘kin sabay tingin sa labas ng bintana. Umiwas na naman siya.
“Kung may manliligaw ba sa ‘yo na kabaligtaran ng lahat ng gusto mo, tingin mo magugustuhan mo?” tinutukoy ko si Jeff. Baka sakaling may pag-asa ‘yung kaibigan ko.
“Hindi ko alam. Kung ikaw siguro ang manliligaw sa ‘kin, Jared, may pag-asa ka,” nginitian ko na lang siya. Ayoko naman kasing ma-offend siya ‘pag sinabi kong ‘di ko siya type, at wala akong balak ligawan siya.
“Nandito na tayo,” hininto ko na ‘yung kotse sa tapat ng bahay nila. Nagpaalam kami sa isa’t isa at nagpasalamat din siya sa paghatid ko, tapos bumaba na siya ng kotse. Kumaway pa siya sa ‘kin bago siya pumasok sa loob. Pagkapasok niya ng bahay nila umalis na rin ako. Wala akong nakuha kay Kristine na makapagsasabing may relasyon nga sila ni Steve. Pero kung ibabase naman sa kilos at mga reaksyon niya halata talaga na meron. Siguro mas maganda na sundan ko rin siya nang ‘di niya alam. Kasi kung pagiging malapit ko lang sa kanya ang aasahan ko, mukhang walang kapupuntahan.
Pagdating ko sa bahay, tinawagan ko agad si Jeff at kinuwento ko sa kanya ‘yung naging usapan namin ni Kristine.
“Jared, kaya mo kaya akong baguhin? Kaya mo kaya akong gawin na parang ‘yung kapatid ko?”
“Ano namang klaseng tanong ‘yan, Jeff? Bakit gusto mo rin bang maging basagulero? Gusto mo rin bang manakit ng tao?” para kasi sa ‘kin ‘di niya kailangang gayahin ‘yung kapatid niya para magustuhan siya ni Kristine.
“Hindi naman ganun. Kahit sa dating lang. Paano ba 'ko magmumukhang hindi weak? Kasi matangkad din naman ako, maputi din naman ako. ‘Yun nga lang hindi bad boy ang image ko. Pero kung hindi na 'ko mukhang weak, baka magustuhan na 'ko ni Kristine, at hindi na niya kailangan pang ipagsiksikan ‘yung sarili niya sa kapatid ko.”
“Sabagay may point ka. Ano bang sports ang alam mo?”
“Wala eh,” ay patay tayo d’yan.
“Hobbies mo?”
“Magbasa ng libro, mag-chess, mag-piano,” may sasabihin pa sana siya pero pinigilan ko na.
“Hep! Ayoko nang marinig. Ang exciting ng buhay mo, Jeff. Sobra. Buwis buhay ang mga gusto mo,” biro ko sa kanya.
“Eh ‘yun naman talaga hobbies ko,” pangangatwiran pa niya.
“Gusto mo bang matutong mag-basketball?” basketball ang isa sa mga bagay na magaling ako. Kapag tinuruan ko si Jeff, sa tingin ko madali siyang matututo sa ‘kin.
“Pwede,” parang ‘di pa siya sigurado sa sagot niya.
“Sabihin mo, oo gusto ko. Hindi pwede ‘yung pwede lang. Dapat gusto mo talaga,” kung gusto niyang makuha ‘yung babae, dapat desidido siya.
“Oo, gusto ko!”
“‘Yan, ganyan dapat. Sige, pagkatapos ng practice namin, tuturuan kitang mag-basketball.”
“Talaga? Salamat Jared! Kapatid talaga kita!”
“Kikiligin na ba 'ko?” natawa kami pareho.
Pagkatapos naming mag-usap ni Jeff, nag-dinner muna 'ko kasabay sina Mommy. Si Mommy at Inah tanong nang tanong kung kelan daw ulit bibisita si Jade. Kaya sabi ko na lang tatanungin ko si Jade kung kailan siya pwede ulit dumalaw dito sa ‘min.
Pagkatapos kong kumain, pumunta na 'ko sa kwarto ko, ginawa ko muna ‘yung mga assignments at saka tinawagan si Jade.
“Hello, Jade.”
“O, Jared napatawag ka?”
“Si Mommy kasi at si Inah, kunukulit ako kanina. Pinapatanong kung kailan ka raw ulit dadalaw dito sa ‘min,” ‘yun ang sinabi ko sa kanya, pero ang isa pa talagang dahilan kung bakit ko siya tinawagan, tinatanong pa ba ‘yun? Syempre, gusto ko siyang makausap.
“Ay, nakakatuwa naman sila. Sige next week punta uli ako d’yan sa inyo.”
“Talaga? Thanks.”
“Wala ‘yun, mag-eenjoy din naman ako kapag nagpunta ako d’yan.”
“Gustong-gusto ka kasi nina Mommy.”
“Ako rin, ang saya kasi kasama ng family mo. Uhm, Jared, may itatanong pala ako sa ‘yo.”
“Ano ‘yun?”
“Kanina kasi...” tumigil siya saglit saka nagsalita ulit, “Bakit mo niyaya si Kristine na sumabay sa ‘yo? Hindi naman kayo close ‘di ba?” hindi ko inaasahan na kukuwestyunin niya ‘yung pagyaya ko kay Kristine kanina. Natuwa naman ako, ‘di kaya nagseselos siya?
“Gusto ko lang. Kaibigan ko rin naman si Kristine ‘di ba?”
“Kaibigan lang ba talaga? Gusto mo na rin ba si Kristine?”
“Oo, kaibigan lang talaga at wala akong gusto kay Kristine. Bakit Jade?” pinag-iisip niya kasi 'ko sa mga tanong niya.
“Ha? Wala lang. Nagulat lang ako nang yayain mo siya.”
“Baka naman, nagseselos ka Jade kasi si Kristine na ‘yung hinatid ko.”
“Uy, Jared.. Hindi ah.. Kapal mo.”
“Sigurado ka?” pabirong tanong ko sa kanya.
“Oo at kung maging kayo man ni Kristine, magiging masaya ako para sa inyo.” Ouch! Pinamigay ako.
“Kaso wala nga akong gusto kay Kristine. Hanggang kaibigan lang ‘yung tingin ko sa kanya.”
“Okay,” ‘yun lang ang isinagot niya. Ang tipid.
“Hindi ka talaga nagseselos?” pangungulit ko pa.
“Hindi nga! Kulit mo Jared ah.”
Tumawa ako saka bumulong. “Nagbabaka-sakali lang.”
“Ano ‘yun? May sinabi ka?”
“Wala, sabi ko ang ganda mo, ‘yun nga lang bingi. Manhid pa,” pero pabulong ko lang sinabi ‘yung manhid.
“Ano ‘yung huli mong sinabi? Hindi ko narinig?” buti na lang.
“Tingnan mo, bingi ka nga. Linis ka ng tenga, Jade,” tapos tumawa ako.
“Ang sama mo, Jared!” medyo parang naiinis na siya. May pagka-pikon din ‘tong si Jade.
“Uy, joke lang. Baka naman magalit ka sa ‘kin.”
“Ano nga ‘yung huli mong sinabi?”
“Sabi ko maganda ka ‘tsaka sexy.”
“Pinagloloko mo talaga ako ‘no?”
“Ayaw ng pinupuri? O sige, ito na lang. Ang pangit-pangit mo Jade,” at tumawa na naman ako. Kaso mukhang tuluyan nang napikon sa biro ko dahil biglang wala na 'kong kausap. Sinubukan ko siyang tawagan ulit pero naka-off na ‘yung phone niya.
Patay, nagalit ata. Pa’no ako magso-sorry nito? Ano kayang dapat kong gawin? Anong pwede kong gawin para mapatawad ako ni Jade? Kulit ko kasi. Ayan tuloy. Tsk!
Isip ako nang isip kung ano'ng magandang idea para makapag-sorry kay Jade kaso wala akong maisip. Kaya nahiga na ako sa kama, at sinusubukan ko na lang matulog pero ‘di ako makatulog. Naiisip ko pa rin si Jade. Galit sa ‘kin si Jade. Ano bang dapat ko gawin? Bakit ba ngayon pa ‘di gumagana ‘tong utak ko?
‘Di pa rin ako makatulog hanggang sa may maisip akong magandang ideya.
Dahan-dahan akong bumaba, kasi tulog na lahat at baka magising ko pa sila. Dumiretso ako sa kusina.
Tsk! Nasaan ba ‘yun? Saan ba nilalagay ni Mommy ‘yun?
Hinahanap ko kasi ‘yung recipe book ng Mommy. Si Mommy kasi sinusulat niya sa isang notebook lahat ng pagkain na alam niya lutuin. ‘Yung mga paborito namin o kaya ‘yung mga sarili niyang recipe. ‘Yung siya lang nag-imbento tapos masarap ang kinalabasan. Malamang kasi nakasulat doon sa notebook niya kung pa’no gawin ‘yung carrot cake na gusto ni Jade.
Kahit ‘di ako marunong mag-bake gagawin ko, para matuwa si Jade sa ‘kin. Para tanggapin niya ‘yung sorry ko.
Bawat sulok ng kusina namin tiningnan ko at sa wakas nakita ko na rin ‘yung hinahanap ko. Hinanap ko kung nakasulat nga sa notebook ‘yung recipe ng carrot cake, at tama ang hinala ko. Binasa ko muna ‘yung buong recipe 'tsaka ko kinuha lahat ng mga ingredients na kailangan ko.
Kahit nahihirapan ako, sobrang kalat na sa kusina at sobrang ingat pa 'ko na ‘wag makagawa ng ingay, tinuloy ko pa rin ‘yung ginagawa ko. Nilagay ko na ‘yung mixture sa baking pan at pinasok ko sa oven. Hinintay ko hanggang sa matapos ‘yung oras na isinet ko sa oven. Nang tapos na nilabas ko ‘yung cake na ginawa ko.
Nag-hiwa ako nang konti, 'tsaka ko tinikman. Kaso palpak ‘yung pagkaka-bake ko kasi hilaw pa at sobrang lambot. Kaya gagawa na lang ako ulit.
Halo ulit ng mga ingredients. Punong-puno na ng harina ‘yung damit at mukha ko. Mabahing-bahing pa 'ko ‘pag nasisinghot ko ‘yung harina pati ‘yung confectioners sugar. Pero sige lang, tuloy pa rin. Nang okay na, nilagay ko na ulit sa baking pan ‘yung mixture at pinasok ko na sa oven.
Sana okay. Sana okay. Paulit-ulit kong sinasabi habang hinihintay ko na maluto ‘yung cake. Maya-maya parang nakaka-amoy ako ng amoy sunog. Binuksan ko agad ‘yung oven, at lalong lumabas ‘yung amoy sunog.
Ano ba yan. Palpak na naman. Una hilaw, sunod naman sunog. Gamit ‘yung pot holder, pinaypayan ko ‘yung oven para mawala ‘yung amoy sunog, 'tsaka ko nilabas ‘yung baking pan mula sa oven.
Nakakapanlumo na palpak na naman ‘yung gawa ko. Nasa harapan ko ngayon ‘yung sunog na cake. Nakatitig lang ako doon sa cake kasi pagod na 'ko at inaantok na rin, tapos palpak pa rin ‘yung ginawa ko. Ano ngayon ang cake na ibibigay ko kay Jade bukas?
Habang nakatitig ako doon sa cake, ‘di ko namalayan na bumaba pala si Mommy at pumunta agad sa kusina.
“Jared? Ano'ng nangyari dito?” nilibot ni Mommy ‘yung mata niya sa buong kusina na mukhang sinalanta sa sobrang g**o at dumi. Tapos naamoy din niya ‘yung amoy sunog at napatingin doon sa cake na nasa harapan ko.
“Hi, Mommy,” ‘yun lang nasabi ko.
“Nag-bake ka? Bakit? Gusto mo ng cake? Sana sinabi mo na lang sa ‘kin para ako ang nagluto. At anong oras na, bakit ‘di ka pa natutulog? It’s three o’ clock in the morning,” tumingin ako sa orasan at 3:00 a.m. na nga. ‘Di ko namalayan ‘yung oras.
“Ma, nag-bake po ako ng carrot cake para ibigay kay Jade. Nagalit kasi siya sa ‘kin. Kaso palpak. Kaya wala rin akong ibibigay sa kanya mamaya,” matamlay na sabi ko.
“Sige ako na magbe-bake para may ibigay ka kay Jade.”
“Pero gusto ko po ‘yung ako ang gumawa.”
Tiningnan ulit ni Mommy ‘yung sunog na carrot cake. “Akin na ‘yan,” sabay kuha sa cake.
Inalis ni Mommy sa baking pan ‘yung cake. Hiniwa niya ‘yung labas na parte ng cake, lahat ng parte na sunog. ‘Yung loob pala ng cake ‘di nasunog; yung labas lang.
“‘Yan po ang ibibigay ko kay Jade? Parang ang pangit naman po ata. Halatang tinapyas kasi palpak,” pangit na ‘yung cake. ‘Di na nga sunog pero tapyas naman, pangit pa rin. Pero sabi ni Mommy siya na raw ang bahala. May mga pinakuha na ingredients si Mommy sa ‘kin. Tinanong ko kung anong gagawin niya. Caramel sauce daw para sa cake.
Tinuro sa ‘kin ni Mommy kung pa’no gumawa ng caramel sauce. Kasi gusto ko, ako ‘yung gagawa lahat. Madali lang naman lalo na kasama ko si Mommy para sabihin sa ‘kin kung tama ba o mali ‘yung ginagawa ko.
“I-slice mo ‘yung cake, tapos mamaya bago mo ibigay kay Jade ilagay mo na ‘yung caramel sauce sa ibabaw ng mga sliced cake,” turo ni Mommy sa ’kin. Napaka-supportive niya sa ‘kin. Nakuha ko pa nga siyang patikimin ng cake. Syempre bago ko ibigay kay Jade, dapat sigurado akong masarap. Kaso sabi ni Mommy, dry daw ‘yung cake, pero masarap pa rin naman at ‘di naman lasang sunog. Nag-alangan na tuloy akong ibigay ‘yun kay Jade.
“Anak, masarap naman. Ang importante, ikaw ang nagluto niyan lahat. Pinaghirapan mo ‘yan. Kaya siguradong matutuwa si Jade,” pagpapalakas ni Mommy sa loob ko. Naniwala naman ako, syempre si Mommy na nagsabi.
“Antok na antok ka na. Pumanik ka na at matulog. Ako na ang bahalang mag-ayos dito,” inisa-isa nang kunin ni Mommy ‘yung mga ginamit namin sa pag-bake. Tinulungan ko pa si Mommy pero sabi niya matulog na raw ako, kaya naman daw niya ayusin mag-isa. Sumunod naman ako at pumanik na para matulog. Lalo na, may klase pa 'ko at konti na lang ang itutulog ko.
Sana mamaya pagbigay ko ng cake kay Jade, magustuhan niya.