KABANATA 8
Pagdating ko sa bahay, nagtaka si Mommy kung bakit may dala akong fresh milk, at kung ano-ano pang gamit sa kusina. ‘Di pa naman ako sumasama sa kanya na mag-grocery. Nakakainip kasi kapag paikot-ikot si Mommy tapos ang tagal niyang mamili ng mga bibilhin. Pipili nga lang ng bawang at sibuyas si Mommy, ilang minuto talaga ang inaabot. Kung ako kasi ‘yun, dampot lang ako nang dampot. Wala namang pinagkaiba ‘yung mga ‘yun ‘di ba? Pare-pareho lang naman.
‘Di ko alam ang sasabihin ko, kaya sabi ko na lang, nagpadaan ‘yung isang kaibigan ko sa supermarket kaya naisipan kong bumili, kasi ang alam ko wala na kaming stock dito sa bahay. At naniwala naman si Mommy, natuwa pa sa ‘kin at responsible raw ako. ‘Di na raw kailangang utusan dahil may kusa pala ako.
Pagkatapos naming mag-dinner nasa kwarto lang ako at hinihintay mag-alas otso, nang makatanggap ako ng text galing kay Jade.
From: Jade
Jared, wag ka na muna tumawag ngayon. Nandito kasi si Steve. Pasensya na ah.
Bad trip naman oh! Wrong timing! Kailan ba sila magbi-break ng Steve na ‘yun? Kailangan ko talagang malaman ang tinatago ng lalaking ‘yun.
Naiinis ako pero wala naman akong magagawa. Ano bang laban ko kay Steve? Siya ang boyfriend at si Jade na rin ang nagsabi na ‘wag muna akong tumawag sa kanya. ‘Di ko naman pwedeng ipilit ‘yung gusto ko, kaya kahit naiinis ako nag-reply pa rin ako sa kanya.
To: Jade
okay lang Jade. magkikita naman tayo sa school bukas. =)
Wala na siyang reply sa text ko. Siguro kasi nandoon nga si Steve. Baka pati pag-text bawal. Dahil sa pagkainis ko ‘di tuloy ako makatulog. Alas-diyes na ng gabi gising pa ko. At kung ano-ano ang iniisip ko.
Nandoon pa kaya si Steve? Siguro naman nakauwi na siya.
Ano kayang pinag-usapan nila ni Jade?
Ano kayang ginagawa nila ‘pag magkasama sila?
Ano ba ‘tong pinag-iisip ko? Lalo tuloy akong naiinis. At ‘di lang inis, nagseselos ako! Sa sobrang pag-iisip ko, ‘di ko napansin na kanina pa pala nagri-ring ‘yung cellphone ko. Nang marinig ko ‘yung ringtone.
♫♫♫
You caught me off guard
Now I’m running and screaming
I feel like a hero and you are my heroine
Do you know that your love is the sweetest sin?
♫♫♫
Si Jade pala ‘yung tumatawag! Heroine ng Boys Like Girls kasi ang ringtone na isinet ko, para alam ko agad ‘pag si Jade ang tumatawag.
‘Yung cellphone ko, nakapatong sa ibabaw ng study table ko, kaya dali-dali akong tumayo mula sa kama. Kaso sa pagmamadali ko, ‘yung paa ko sumabit sa kumot. Nalaglag tuloy ako sa kama.
Sh*t na malagkit! Sakit sa tuhod ah! Dahil sa sakit, palundag-lundag akong lumapit sa study table ko, para kunin ‘yung cellphone ko.
♫♫♫
And I feel a weakness coming on
Never felt so good to be so wrong
Had my heart on lock down
And then you turned me around
And I’m feeling like a newborn child
Every time I get a chance to see you smile It’s not complicated
I was so jaded
♫♫♫
“Hello Jade?”
“Hi Jared.Tagal mo namang sagutin ‘yung tawag ko, nagising ba kita?”
“Hindi. Hindi, ayos lang,” sabi ko kahit ‘di talaga ako okay dahil ang sakit pa rin ng tuhod ko. Nakaupo na nga ako sa kama, at himas-himas ‘yung tuhod ko na tumama sa sahig. “Bakit ka pala napatawag?” ‘Di ko naman kasi inaasahan na tatawag siya. Lalo na medyo late na.
“Gusto ko lang ng kausap.” Parang malungkot ‘yung boses niya.
“Bakit? May problema ba?” nag-alala naman ako sa kanya.
“Nag-away kasi kami ni Steve.” Nang marinig ko ‘yun, ‘di ko alam kung ano'ng mararamdaman ko. Matutuwa ba ako dahil nag-aaway sila, malulungkot kasi nalulungkot si Jade o maiinis dahil si Steve ang dahilan kung bakit siya malungkot.
Ang hirap din ng lagay ko ah. Kakausapin ko ba siya bilang Jared na may gusto sa kanya na gusto silang mag-break ni Steve o Jared na kaibigan niya na gusto siyang damayan kasi malungkot siya at kailangan niya ng kausap.
At ang pinili ko, ‘yung pangalawa. Gusto ko si Jade, pero ‘di naman ako makasarili.
“Bakit? Ano namang pinag-awayan n’yo?”
“Ikaw.”
“Ako?”
“Nalaman niya kasi na ikaw ang naghatid sa ‘kin dito sa bahay kanina. Nagalit siya, bakit daw ‘di na lang ako kina Karen nagpahatid. Bakit daw sa ‘yo pa.”
“Laki talaga ng galit o selos ng boyfriend mo sa ‘kin ah. Wala ba siyang tiwala sa ‘yo? Wala naman tayong ginagawang masama. Sana sinabi mo kasama naman natin si Jeff.” Wala naman talaga ‘di ba? Wala pa nga akong ginagawang malupit na da-moves kay Jade, tapos galit na agad siya. Pa’no pa kaya kung meron na?
“Alam mo namang ‘di sila close ni Jeff ‘di ba?”
“Sabagay. Ano ba kasing kinaseselos niya sa ‘kin?”
“Hindi ko alam. Kaya pasensya ka na Jared ah. Kung pati ikaw nadadamay sa away namin ni Steve.”
“Ano bang lagay n’yo ngayon?”
“Umalis siya nang galit sa ‘kin. Hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Wala naman kasi akong ginawang masama. Ako ba ang dapat mag-sorry?” Tama bang ako ang tanungin?
“Sa tingin ko, wala kang dapat ipag-sorry, Jade. Wala akong nakikitang masama sa paghatid ko sa ‘yo.” Honest na sagot ko. ‘Di sa ayoko sila magka-ayos pero para sa ‘kin, wala talagang masama, lalo na at kasama naman namin si Jeff kanina.
“Pero mali ata na, magpahatid pa rin ako sa ‘yo. Lalo na alam kong pwede siyang magalit. Kung ano kaya...”
“Ano Jade?”
“Lumayo muna ako sa ‘yo.” Sakit naman!
“Ayoko,” matigas ‘yung pagkakasabi ko. ‘Di ako papayag na layuan niya 'ko. Habang naiinis ako, narinig kong tumatawa si Jade. “Bakit ka tumatawa?” Seryoso ako, tapos siya tumatawa?
“OA kasi ng reaction mo eh. Kung pa lang Jared, ‘di ko pa sinasabing lalayo ako. At dahil sa OA na reaction mong ‘yan…”
“’Di mo na 'ko lalayuan?”
“Hindi na po.” Hay, salamat. Minsan, nakakatulong pala ang pagiging OA.
“Kinabahan ako sa ‘yo Jade at sa totoo lang nasaktan ako.” Hindi lang bilang Jared na may gusto sa kanya, kundi bilang Jared na kaibigan niya. Para kasi sa ’kin sobrang importante ng pagkakaibigan, at hindi magandang rason para hiwalayan mo ang isang kaibigan nang dahil sa mga mababaw na dahilan, tulad na lang ng pagseselos ni Steve.
“Sorry, ‘yun lang kasi una kong naisip para ‘di na magselos at magalit si Steve. Pero dahil sa sobrang OA na reaction mo kanina, I realized you’re a good friend at maling layuan kita. Siguro dapat kausapin ko na lang si Steve. Kahit ayoko man, ako na lang unang kakausap sa kanya.”
Ang bait ni Jade, at ‘di talaga deserving si Steve na maging boyfriend niya. Sobrang mababaw at makitid mag-isip si Steve. Isama pa ‘yung kutob ko na may kakaiba talaga sa kanila ni Kristine, kaya siguro wala siyang tiwala ‘pag may kasamang ibang lalaki si Jade. Kasi siya, gawain niya ‘yung pinag-iiisip niya kay Jade.
Kung pwede ko lang kontrahin at gatungan si Jade, ginawa ko na, pero ayokong manalo sa maling paraan. Kung mag-break man sila, sisiguraduhin kong si Steve ang dahilan at hindi ako.
“Ang bait mo, Jade. Kung napaaga lang ako. Sana ako na lang naging boyfriend mo.” Kahit tinutulungan ko siya sa problema niya kay Steve, syempre pasimple pa rin akong magpaparamdam.
“Jared!”
“Bakit? Ang sabi ko, kung lang naman. Kaso nga na-late ako ng dating.” ‘Di kita nahanap agad.
“Tigilan mo nga ako, Jared.”
“Kung sabihin ko sa ‘yo ngayon na crush kita?”
“Kung naririnig ka ni Steve ngayon, siguradong madadagdagan ang pagseselos at galit niya sa ‘yo. Kaya tigilan mo na ‘yang mga biro mo.”
“Paano kung ‘di ako nagbibiro at crush talaga kita?”
“Jared...”
“Sagutin mo lang ‘yung tanong ko.”
“Eh ‘di thank you. Kaso may boyfriend na ko eh.”
“Alam ko naman ‘yun. Crush lang naman eh.”
“Seryoso ka ba talaga sa mga sinasabi mo?”
“Oo...”
Wala siyang nasabi. Tahimik lang siya. Nabigla ata sa ‘kin.
“Jade? Nand’yan ka pa?”
“Ah, yeah. Ikaw Jared, galing mo talaga! Muntik mo na 'kong mapaniwala ah. Matulog na nga tayo. Antok lang ‘yan!” tapos tumawa siya.
Joke ba dating ng sinabi ko sa kanya? Pero totoo naman ‘yung sinabi ko. Ay hindi pala, kasi ‘di ko lang siya crush, mahal ko siya, kaso ‘di naman siya naniwala. At ‘di ko na muna ipipilit ‘yun sa kanya.
“Sige na nga. Tulog na tayo. Ayos ka na ah?”
“Yeah, thanks sa time at sa pakikinig sa ‘kin.”
“Wala ‘yun.”
“Sige, good night Jared.”
“Good night, Jade.”
Doon natapos ‘yung usapan namin ni Jade. Masaya rin naman ako kasi tingin ko mas close na kami ni Jade, dahil may tiwala siya sa ‘kin dahil ako ang napili niyang kausapin, lalo na involved din ako sa problema na meron siya. Sana lang talaga maaga kong malaman ‘yung tinatagong lihim nina Steve at Kristine para mas maaga kong masabi kay Jade, para ‘di siya lalong masaktan.
Kinabukasan, ‘di na muna ako sumabay kay Jade kumain. Mainit pa ‘yung issue kay Steve at ginawa ko ‘yun para kay Jade.
Pagkatapos ng recess, kinuwento agad sa ‘kin ni Jade na nagka-ayos na sila ni Steve. Ang saya nga niya. Nakangiti ako habang nagkukwento siya pero sa loob ko, nasasaktan ako. Iniisip ko na lang, may oras din ‘yung Steve na ‘yun. Ngayon swerte siya, pero sa susunod ewan natin.
“Jared, pinapasabi nga pala ni Steve ‘yung try-out daw bukas na. Nabago raw kasi ang date at oras, 5:00 PM na raw.”
“Sige. Darating ako,” sagot ko kay Jade pero ‘di ako pupunta. Kala nila ‘di ko alam na pinaglololoko nila ko. At talagang pinaaga nila ah, at iniba pa nila ‘yung oras. Ginawa nilang mas hapon. Bakit kaya? Para mas konti na ang estudyante ‘pag may ginawa silang masama sa ‘kin?
Pasensya na lang si Steve at ‘yung mga kaibigan niya, kung inaasahan nilang darating ako. Dahil mamumuti ang mga mata nila, walang Jared na darating bukas, at paniguradong mas iinit ang dugo nila sa ‘kin. Pero ‘di ako natatakot sa kanila. Mga duwag naman sila at ‘di marunong lumaban nang patas.
Kung may plano sila, syempre ako rin meron. Magugulat na lang sila, kasama na 'ko sa team.
“Hello, coach?”
“Oh, Jared napatawag ka?”
“Coach, may hihingin po sana akong pabor.”
“Ano yun?”
“Kasi coach ‘yung araw po ng try-out nasakto na may importanteng lakad ang pamilya namin. Baka naman coach pwede n’yo naman akong bigyan ng consideration. Special try-out po. Sige na coach. Sayang naman coach kung ‘di ako makapasok sa team, nang dahil sa ‘di ako nakarating ng try-out. Malaking kawalan ako sa team coach,” biro ko kay coach. Close naman kami kaya ayos lang.
“Grabe ka makabuhat ng upuan mo ah!” natatawang sabi ni coach. “Pero totoo, kailangan ko talaga ng magagaling na players ngayon. Kaya sige, pagbibigyan kita pero may kapalit, at ‘yun na magiging try-out mo.”
“Ano po ‘yun coach?”
“May paliga sa lugar namin next week. Pwede ka bang maglaro para sa team namin?”
“Opo naman po, coach! Pwedeng-pwede!”
Hindi na 'ko makahintay na makita ang mga pagmumukha nina Steve ‘pag nalaman nilang member na 'ko ng team, kahit na ‘di nila ako nakitang nagtry-out.