KABANATA 7
“Hi, Jared!” Ako talaga ang una niyang binati, sabay kapit sa braso ko. Napatingin tuloy ako kay Jeff na ngayon ay nakayuko.
“Hi Kristine.” Tinanggal ko agad ‘yung kamay niya sa braso ko. “Akala ko may sakit ka? Ayos ka na?”
“Yeah, nang malaman kong darating ka, bigla na 'kong gumaling,” ngiting-ngiti naman siya sa ‘kin.
“Ehem, ehem,” umarte namang parang inuubo si Karen.
“Halika, pasok kayo,” pumasok na kami sa loob ng bahay nina Kristine. Malaki rin ang bahay nila. Maluwag ang sala, maraming gamit na mukhang mamahalin. ‘Yung mga kaibigan niya, ‘di na kailangang sabihan dahil kanya-kanya na sila ng upo. Feel at home sila, eh ‘di nakigaya na lang din kami ni Jeff. Magkatabi sana kami ni Jeff, pero pumagitna si Kristine sa ‘min. Kaya ang pwesto namin, si Jeff, Kristine, ako tapos si Jade.
“Yaya! Kunin mo yung merienda,” utos ni Kristine sa isa sa mga maids nila.
“Opo, ma’am,” dali-dali naman ‘tong pumunta sa kusina.
“Sure ka, Kristine, okay ka na? Nag-worry kami sa’yo, “ sabi ni Jade. Sa isip ko naman mukhang si Jade lang ang nag-alala. Kasi mukhang ‘yung mga kaibigan niya, alam naman na wala talagang sakit ‘tong si Kristine.
“Yeah. I’m okay na,” sagot naman ni Kristine na parang may pilit na ngiti.
“Alam mo sabay pa kayo ni Steve,” kwento pa ni Jade sa kanya.
“Ah, si Steve...” nakita ko ‘yung pagbabago sa mukha ni Kristine. Kinakabahan ba siya? “Andito na pala ‘yung merienda, kain na muna kayo,” tapos bigla niya iniba ‘yung usapan.
Kung ano mang meron kay Steve at Kristine, kailangan ko talaga ‘yun malaman. Mukhang may itinatago talaga sila at naawa ako kay Jeff. Bakit kasi ito pang si Kristine ang nagustuhan niya. Sana ibang babae na lang.
Sa buong oras na katabi ko si Kristine, kwento siya nang kwento. Puro tango at ngiti lang ako o kaya minsan naman sumasagot din ako. Puro kasi kaartehan ‘yung mga kinukwento niya at puro tungkol sa sarili niya. Kapag susubukan ko naman kausapin si Jade, biglang sisingit si Kristine sa usapan. ‘Yung ibang kaibigan naman nila, halos ganun din ang usapan, make-up, bagong sapatos, bagong damit, at ‘yung mga boyfriends nila. Kaya napapaisip talaga ako, kung paano sila naging kaibigan ni Jade.
Sa inis ko kinuha ko ‘yung cellphone ko sa bulsa at pinatunog ko ‘yung phone, at umarte na may tumatawag sa ‘kin. Tumayo pa 'ko mula sa pagkakaupo at nag-excuse sa kanila, para mas makatotohan ‘yung arte ko. Nang kunwaring tapos na ko makipag-usap sa phone, saka ko tinawag ‘yung pansin ni Jade.
“Jade...”
“Bakit?”
“Si Mommy ‘yung tumawag. Pinadadaan ako sa grocery, may pinabibili. Pwede mauna na tayong umalis sa kanila, sabay na kita tutal iisang subdivision naman tayo.”
“Ha? Teka, sabihin ko sa kanila,” kaya tinawag naman niya agad si Kristine.
“Bakit?”
“Kailangan na raw umuwi ni Jared.” Napatingin naman si Kristine sa ‘kin at nagtanong.
“Uuwi ka na Jared? Ang bilis naman, ‘di ba pwedeng mag-stay ka pa?” tanong ni Kristine sa ‘kin na may kasama pang pa-sweet na ngiti. Wala namang epekto sa ‘kin, dahil ang gusto ko talaga ay makaalis na sa lugar na ’to.
“Pasensya na Kristine pero kailangan ko na talagang umalis,” diretsong sagot ko, para alam niyang ‘di na magbabago ang isip ko.
Ganun ba? Sige, hatid na kita sa labas,” buti hindi na siya namilit na magtagal pa 'ko, kaya naglakad na 'ko palabas pati si Jeff at Jade. Napatingin naman si Kristine kay Jade. Nagtataka siguro kung bakit pati si Jade kasabay namin palabas.
“Jade, aalis ka na rin?” nagtanong naman si Karen nang mapansin din niya si Jade.
“Sasabay na 'ko kay Jared, kasi same subdivision naman kami. Para ‘di n’yo na 'ko ihatid pa,” paliwanag naman ni Jade sa kanila.
Nakita kong umasim ‘yung mukha ni Kristine nang malaman na sasabay sa ‘min si Jade. Pero wala na rin silang nagawa, kasi sumabay pa rin sa pag-uwi sa ‘min si Jade.
Habang nasa byahe kami, naisipan kong tanungin si Jade tungkol sa mga kaibigan niya.
“Jade, gaano mo na katagal kakilala sina Kristine?”
“Uhm.. Matagal ko na silang kakilala kasi schoolmate ko sila, pero last year ko lang sila naging mga kaibigan talaga. Wala pa ngang one year eh,” sagot naman niya.
“Last year lang?”
“Oo, kasi Section A ako palagi, tapos sila Section C. Pero last year, niyaya nila akong maging part ng barkada nila,” tumingin pa siya sa ‘kin at saka ngumiti. Nakaupo kasi siya sa tabi ko, habang si Jeff nasa likod ng kotse.
“‘Di mo pa sila gaanong kakilala?”
“Anong ibig mong sabihin Jared?” ang hirap naman nito. Paano ko naman sasabihin sa kanya na may duda ako sa mga kaibigan niya? ‘Wag na nga lang muna. Papalusot na lang ako.
“Ha? Ang ibig ko sabihin, sino bang pinaka-kaclose mo sa kanila?”
“Sa kanila?” Nag-isip muna siya, “Kay Kristine ako pinaka-close. Bakit?” At si Kristine talaga ang ka-close niya? Parang ‘di ata ako makapaniwala.
“Wala naman, natanong ko lang. Uy Jeff, kapatid mo pala si Steve,” bigla kong iniba ‘yung usapan. Sisiguradunin ko muna ‘yung kutob ko, bago ko kausapin si Jade tungkol sa mga kaibigan niya.
“Ah, oo,” matipid niyang sagot.
“Kung magkapatid kayo, bakit magka-year kayo? At bakit parang ‘di kayo nagpapansinan sa school?” Kung ‘di ko pa kasi narinig kanina na magkapatid sila, ‘di talaga sasagi sa isip ko na magkapatid sila.
“Hindi kami close ‘tsaka magkaiba kami ng nanay. Anak kasi ako sa labas.”
“Sorry, natanong ko pa.” Bigla naman akong nakaramdam ng hiya at awa kay Jeff.
“Okay lang. Alam naman ata ng buong school ang tungkol sa ‘min. Galit sa ‘kin si Steve, ‘di niya kasi matanggap na nagka-anak ang tatay niya sa ibang babae. Sorry Jade ah, wala akong balak siraan si Steve.” Malungkot ang mukha ni Jeff nang tingnan ko siya sa rear-view mirror ng kotse. Kung ako man ‘yun ganun ‘din ang mararamdaman ko. Pero natutuwa ako kay Jeff dahil nakuha niyang magkwento sa ‘min. Si Jade naman lumingon para tingnan si Jeff.
“Okay lang Jeff, alam ko naman yung ang tungkol sa inyo. Actually kinakausap ko nga si Steve tungkol sa ‘yo. Magkapatid pa rin kayo kahit na magkaiba ang nanay n’yo kaya dapat magkasundo kayo.”
“‘Wag na Jade. Okay naman ako. Okay lang sa ‘kin kahit hindi niya 'ko pinapansin. Sanay na 'ko.” May lungkot sa boses ni Jeff.
“Kung ‘di mo mamasamain ‘yung tanong ko, nasaan ang mommy mo?” tanong ko kay Jeff.
“Wala na patay na. Baby pa lang ako nang ibigay ako ng nanay ko sa tatay ko. Sabi ng tatay ko after a year daw, namatay ang nanay ko. Kaya ‘di ko na siya nakita, ‘di ko na siya nakilala. Sa picture lang.” Ang lungkot naman ng buhay ni Jeff. Naisip ko bigla si Mommy. ‘Di ko ata kaya na mawala si Mommy o kahit isa sa pamilya ko.
“Close ba kayo ng dad mo? ‘Yung mom ni Steve kumusta kayo?” tanong ko pa. Ngayon kasi na nagsasalita na si Jeff, maganda na tuloy-tuloy ang tanong para masanay na siya magsalita at makipagkwentuhan.
“Busy masyado sa trabaho ang tatay namin. Ang Mommy ni Steve, ayaw din niya sa ‘kin.”
“Pasensya na sa mga tanong ko.” Parang puro kasi hindi maganda ang sagot ni Jeff sa bawat tanong ko.
“Okay lang. Parang gumaan nga ‘yung pakiramdam ko na may nasabihan ako ngayon.” Ngumiti naman nang matipid si Jeff.
“Kung ayaw ni Steve sa ‘yo, ako na lang kapatid mo. ‘Yun eh kung gusto mo lang naman,” tapos tumawa ako.
“P-pwede?” Mukhang gusto niya ‘yung idea ko.
“Oo, Ano bro?”
“Sige... Bro!” Kung kanina, sobrang lungkot ng mukha ni Jeff, ngayon naman ang saya niya. Sabik siguro siyang magkaroon ng kapatid. ‘Yung kapatid na ituturing talaga siyang kapatid. Natutuwa rin si Jade para kay Jeff.
“Tama nang kaka-bro n’yo d’yan. Jared , ayan na ang supermarket. Baka lumagpas tayo,” sabi ni Jade at tinapik niya pa 'ko sa balikat.
Hindi ko kasi napansin at nawala rin sa isip ko na dadaan kami ng supermarket. Kasi wala naman talagang pinabibili si Mommy at palusot ko lang ‘yun kanina, para makaalis na sa bahay nina Krtistine.
Pinarada ko na ‘yung kotse, at pumasok na kami sa loob ng supermarket. Habang nasa loob kami, ‘di ko alam kung ano'ng bibilhin ko. Kasi wala naman talagang pinabibili sa ‘kin si Mommy.
Ikot-ikot... Tingin-tingin…
“Jared, ano ba talagang bibilhin mo? Parang kanina pa tayo paikot-ikot dito,” tanong ni Jade sa ‘kin. Mukhang nakakahalata na ‘di ko alam ang bibilhin ko.
Ano nga bang bibilhin ko? Hay, kahit ano na nga lang. Napadaan kami sa bilihan ng mga gatas.
“Ito. Ito, bibilhin ko. Naubusan daw kasi kami. ‘Di kasi pwedeng wala nito sa bahay. ‘Pag nagmamadali pa naman, cereals lang ang kinakain ko sa umaga.” Nag-explain pa 'ko para kapani-paniwala at kumuha ako ng tatlong karton ng fresh milk.
“Grabe sa explanation ah,” natatawang sabi ni Jade. Nasobrahan ata ako.
Pagdating namin sa cashier, binayaran ko na ‘yung mga binili ko at bumalik na kami agad sa parking lot para makauwi na rin. Baka hinahanap na rin kasi ako ni Mommy. ‘Di naman kasi ako nagpaalam. Alam pa naman niya kung anong oras ako laging umuuwi.
Pagkaupo ko sa loob ng kotse, pinatong ko muna sa kandungan ko ‘yung supot na dala ko, tapos may kinuha ako sa loob ng supot.
“Jade, para sa ‘yo,” inabot ko sa kanya ‘yung isang Chocolait. Naalala ko kasi kanina na paborito niya.
Tiningnan niya at kinuha ‘yung Chocolait na inaabot ko sa kanya at natawa. “Para pala sa ‘kin ‘to? Akala ko sa ‘yo.”
“Sabi mo kasi favorite mo. Ito naman sa ‘yo Jeff. Syempre dapat meron din ang bro ko,” at ibinato ko naman kay Jeff ‘yung isa pang Chocolait, na nasalo naman niya.
“Salamat.”
“Ang sweet n’yo naman,” pang-aasar ni Jade sa ‘min.
“Jade...” kunwari tiningnan ko siya nang masama.
“Biro lang…” at nginitian niya lang ako.
Inabot ko naman kay Jeff ‘yung supot at pinalagay ko muna sa upuan sa likod, para makapagmaneho ako.
Una kong hinatid si Jeff. Maganda at malaki rin ang bahay nila. Mukhang may kaya rin ang pamilya nila. Nakita ko pang may babaeng nasa labas ng bahay nila. Mukhang nasa early 40’s ‘yung edad. Palayo na kami nang makita ko sa side mirror na magmamano sana si Jeff doon sa babae pero iniwas ang kamay nito. Malamang ‘yun ang Mommy ni Steve. Totoong ayaw nga nito sa kanya, at hanggang ngayon hindi pa rin siya tanggap.
Sunod ko namang hinatid si Jade. Nang makababa na siya ng kotse, at nasa tapat siya ng bukas na pintuan ng kotse, nagpasalamat siya sa paghatid ko sa kanya at sa binigay kong Chocolait.
“Anytime Jade, basta ikaw.”
“Sige, ingat ka sa pagmamaneho ah. Kita na lang tayo sa school.”
“Sige... Ah Jade…”
“Bakit?”
“Pwede ba kitang tawagan ulit mamaya? Skype ulit?” Nagbabakasakali akong makausap siya ulit.
“Uhm... Sige, tawagan mo 'ko ng mga 8:00 P.M.” Yes! Ang lakas ko talaga kay Jade. ‘Di ako hinihindian.
“Okay! Sige.”
“Bye Jared, ingat.”
“Bye,” paalam ko, at saka niya isinarado ‘yung pinto ng kotse. Tulad ng dati, bago siya pumasok sa bahay nila, kinawayan niya pa 'ko.