“OKAY lang ’yan anak, Sinag. Basta ang mahalaga ay ang pagsasama ninyo ni Caspian. Don’t worry, pasasaan pa at makakabuo rin kayo.” Nakangiting saad sa ’kin ni Mommy Lucy. Nasa bahay kami ngayon at nag-aasikaso para sa house blessings namin.
Gusto kasi ni Kamahalan dito na kami tumira bago pa ang kasal namin na gaganapin sa susunod na linggo. Medyo busy na rin kami ngayon dahil sa pag-aasikaso para sa kasal namin. Naka-schedule na rin bukas ang pagpusukat para sa gown ko pati sa susuutin ni Kamahalan. Si Mommy Lucy naman ang abala para sa ibang preparasyon. Kumukunsolta na lang siya sa amin kung ano pa ang mga kailangan. Kinuha ko na rin si Maria para makatulong ko rito sa bahay para sa house blessing mamayang hapon. Hindi na rin ako magkandamayaw dahil sa tuwa at excitement lalo pa at ilang araw na lang ay magiging Mrs. Amorez na rin ako. Si Kamahalan mismo ang nag-insist sa akin na huwag ng patagalin ang kasal namin. Kaya naman daw gawin ng mabilis pero maayos ang preperasyon ng kasal namin, e! Kaya um-oo na rin ako sa kaniya. Ganoon pala talaga ang nagagawa kapag marami kang pera at koneksyon sa mga kilalang tao. Madali lamang asikasuhin ang lahat.
“Kaya nga po, mommy. Iyon din palagi ang pinag-uusapan namin ni Caspian,” nakangiting sagot ko habang abala ako sa paghihiwa ng mga karne.
“Masaya ako at ikaw ang mapapangasawa ng Caspian ko. I never thought na hindi na ’yan magtitino, e! Paano, simula noon pa ay pasaway na ’yan sa ’kin. Parating kung sinu-sino lang na babae ang iniuuwi sa condo niya. Mabuti at nakilala n’yo ang isa’t isa.”
Ngumiti akong muli nang malapad nang sumagi sa isipan ko ang nakangiting mukha ni Kamahalan. Hindi ko rin naman inaasahan na mamahalin ko ng ganito si Caspian. At hindi ko rin inaasahan na kahit ganito lang ang estado ko sa buhay ay matatanggap ako ni Mommy Lucy para sa anak nito. Ang pagkakaalam ko kasi, karamihan sa mga mayayaman ay matapobre at tutol sa relasyon ng anak nila kapag mahirap na babae lamang ang naging karelasyon nito. Pero si Mommy Lucy... ibang-iba ito.
“Bess, nandyan ang wedding organizer n’yo.” Nang biglang sumulpot sa kusina si Maria.
“Oh, siya ako na ang bahala rito, anak. Maria, come here at tulungan mo ako.” Ani Mommy Lucy sa ’kin.
Agad din akong naghugas ng kamay ko saka nagtungo sa sala. Wala rin kasi si Kamahalan at may emergency meeting sa opisina niya, kaya ito ako at kaliwa’t kanan ang trabaho ko rito.
“Goodmorning, Ma’am Shine.” Nakangiting bati sa ’kin ng bading na nag-o-organiza ng kasal namin.
Ilang oras din akong nakipag-usap sa wedding organizer namin. Saktong pagkatayo ko sa sofa ay tumunog naman ang cellphone ko na nasa bulsa ng pantalon ko. Agad ko iyong dinukot sa bulsa ko. Si Kamahalan pala ang tumatawag.
“I missed you already, Sinag ko.” Bungad niya sa ’kin sa kabilang linya.
Napangiti na lang ako nang malapad. Sigurado kung nasa harapan ko siya ngayon, naglalambing na naman siya sa akin!
“I miss you too. Teka, kumain ka na? Tanghali na.” Tanong ko sa kaniya nang mapasulyap ako sa malaking wall clock.
“Nope. Hinihintay ko pa ang order ko. Inutusan ko ang secretary ko,” sagot niya. “Gusto ko kasabay kitang kumain, Sinag ko. I want to go home but I still have five hours meeting.”
Alam kung nakasimangot na naman siya ngayon at halata naman sa boses niya. Kinikilig tuloy ako lalo dahil sa kaniya.
“Limang oras na lang naman, Kamahalan,” sabi ko sa kaniya. “Busy rin kami ni Mommy Lucy kaya ’di kita natawagan kanina. Kumain ka na, okay? Dapat alas sinco nandito ka na, huh?”
“Yeah, Sinag ko. After my meeting uuwi agad ako. Gustong-gusto na kita makita at mahalikan, e! Sosolohin din kita mamayang gabi.” May paglalambing na saad niya. Pero ramdam ko ang pilyong ngiti ngayon sa mga labi niya.
Napangiti na lang ulit ako.
“Kapag hindi ka pagod pati ako mamaya, puwede naman kita pagbigyan.” Hindi ko mapigilan ang matawa habang nakatayo pa rin sa sala.
“You know me, Sinag ko, I could never tire of making love with you. I love you, Sinag ko. Mahal na mahal kita.”
Napahagikhik pa ako. “Oo na alam ko na ’yon. I love you too, Mr. ko.”
“I love you and I’m badly missing you, Sinag ko. Damn this feelings.” Aniya sa nahihirapang boses at sunod-sunod na nagpakawala nang mabigat na buntong-hininga. “I don’t know why, Sinag ko. But I have this feeling that I need to see you right now. Hug you tight and kiss you passionately.”
Bigla tuloy akong kinabahan sa mga sinabi niya. Nangunot pa ang noo ko habang nakatitig sa kawalan. Bakit parang pakiramdam ko rin ay kailangan ko siyang makita at makasama ngayon? Bumuntong-hininga na lang din ako at ipinilig ko ang ulo ko at pinilit na ngumiti at pasiglahin ang boses ko.
“Sige na, kumain ka muna! Pagkatapos ng meeting mo, umuwi ka kaagd, huh!”
“Yes, Sinag ko. I love you.”
“I love you, Kamahalan!”
HINDI NA ako mapakali sa kinatatayuan ko at segu-segundo ay napapatingin ako sa cellphone na hawak ko. Kanina pa natapos ang meeting niya. Dapat nakaalis na siya sa opisina niya. Dapat tinawagan niya ako para ipaalam kung nasaan na siya. Kinakabahan na tuloy ako! Halos dalawang oras na kasi simula nang matapos ang limang oras na meeting niya, e! Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dumadating.
“Mommy, bakit wala pa rin siya? Kinakabahan na po ako,” nag-aalalang sabi ko kay Mommy Lucy.
Kita ko rin sa hitsura nito ang pag-aalala para sa anak nito pero pinilit pa rin nitong ngumiti sa ’kin at sinasabi sa ’kin na dadating si Caspian.
“Baka na traffic lang, anak. Hintayin na lang natin, okay? Come here at hindi ka pa kumakain.” Ani nito saka ako inakay pabalik sa loob ng bahay.
Unti-unti na ring nag-aalisan ang mga bisita namin. Nasa sala ako at paulit-ulit kung tinatawagan ang cellphone ni Caspian pero wala talagang sumasagot. Panay ring lang ang kaniyang cellphone.
Nasaan ka na ba Caspian? Dalawang oras ka ng late! Hindi mo pa sinasagot ang tawag ko.
Mayamaya ay biglang tumunog ang cellphone ko. Agad kong sinagot ang tawag sa ’kin nang makita ko ang pangalan niya sa screen ng cellphone ko. Napahinga pa ako nang malalim. Sa wakas!
“Caspian naman! Nasaan ka na? Kanina pa ako naghihintay sa ’yo! Pinag-aalala mo ako sa ’yo.” Sunod-sunod na saad ko sa kabilang linya.
“Sorry po, ma’am. Ikaw po si Mrs. Sinag Amorez?” tanong ng babae sa kabilang linya.
Napakunot bigla ang noo ko nang marinig ang boses nito. “O-oo. Bakit na sa ’yo ang cellphone niya?” nauutal na tanong ko. Bigla rin akong nakadama ng kakaibang kaba sa puso ko.
“Sorry po, ma’am, pero... nasa ER po ngayon ang asawa n’yo. Naaksidente po siya kanina—”
Parang pakiramdam ko ay tumigil bigla ang pag-ikot ng mundo ko dahil sa narinig ko! Nabingi ako sa sinabi ng babae. Naaksidente si Caspian? Hindi totoo ’yan! Hindi totoo ’yan! Biglang nag-init ang sulok ng mga mata ko at biglang naglandas ang mga luha sa pisngi ko. Kasabay ng paghagulhol ko ay ang sobrang bigat at sakit na naramdaman ko sa dibdib ko. Pakiramdam ko ay pinagsakloban bigla ng langit at lupa ang buong pagkatao ko.
“Sinag? Bes, bakit? Ano’ng nangyari?” nag-aalalang tanong sa ’kin ni Maria.
“Sinag, why?” si Mommy Lucy na tumabi sa ’kin sa upuan habang inaalo ako.
Agad naman akong napayakap dito at mas lalong napahagulhol. “S-si... si Caspian po. N-naaksidente raw.” Naninikip ang dibdib ko.
Nagulat din sila sa mga sinabi ko.
Halos himatayin at kapusin ako sa paghinga ko dahil naninikip talaga nang husto ang dibdib ko. Nanginginig ang buong katawan ko dahil sa takot. Hindi totoo ’yon! Hindi totoong naaksidente ang mahal ko. Uuwi siya sa ’kin ng okay.
AGAD DIN kaming pumunta sa hospital kung saan dinala si Caspian. Wala pa ring patda sa pagpatak ang mga luha sa mata ko. Nanginginig pa rin ang buong katawan ko dahil sa matinding takot. Dumiretso agad kami nina Mommy Lucy sa ER.
“Mommy, h-hindi naman po totoo ’yon, hindi ba? Hindi si Caspian ang nasa loob ng ER.” Hindi ko mapigilan ang mapahagulhol muli.
Nasa tabi ko si Maria at nakaalalay sa ’kin at pinipilit na patahanin pa rin ako. Kita ko rin ang takot at luha sa mga mata ni Mommy Lucy. Mayamaya ay may lumabas na doctor sa ER. Agad din itong lumapit sa puwesto namin.
“Doctora Amorez!”
“How was my son, Manolo?” umiiyak na tanong ni Mommy Lucy roon sa doctor.
“For now, we need to observe his condition. Have some test kung ano pa ba ang ibang fractures ang natamo niya sa aksidente. I can’t say right now na stable na ang condition niya dahil medyo malala ang nangyari. But I, I’ll assure you na makakaligtas ang anak mo.”
Hindi pa stable ang lagay niya? Test? Bakit? Malala ang lagay ni Caspian? Pakiramdam ko ay unti-unting dinudurog ang puso ko dahil sa awa at takot ko para sa mahal ko.
Bakit siya pa? Bakit ngayon pa? Bakit, ano ang nangyari kaya naaksidente siya? Hindi puwedeng hindi maging okay ang mahal ko dahil hindi ko rin kakayanin! Kung kailan nagiging okay na ang lahat sa amin ay saka naman nangyari ang lahat ng ito. Bakit?
Hindi ba kami puwede maging maligaya? Hindi ba kami puwede magsama ng masaya lang? Ano ba talaga ang nangyari at naaksidente siya? Maraming katanungan sa isipan ko sa mga sandaling ito.
Kaya pala ganoon na lang ang paglalambing niya sa ’kin kanina na gusto niya na akong makasama kasi ito ang mangyayari sa kaniya! Hindi ko akalain na ’yon na pala ang huling beses na madidinig ko ang boses niya. Ang paglalambing niya sa ’kin!
Sobrang sakit ng puso ko! Hindi ko kayang tanggapin na nalagay sa panganib ang buhay ng mahal ko.
“May nakita kasi kaming malaking fracture sa ulo niya na nag-cause ng bleeding sa utak niya kaya ito pa ang kinababahala ko.” Paliwanag ng doctor.
Paulit-ulit sa utak ko ang mga sinabi ng Doctor. Hanggang sa maramdaman ko ang panghihina ng buong katawan ko. Pakiramdam ko nag-slow motion ang buong paligid ko habang unti-unting nandidilim ang paningin ko. Hanggang sa bigla akong nawalan ng malay.
“Mommy ko, gising na!”
Napangiti pa ako nang marinig ko ang malambing na boses ni Kamahalan sa gilid ng tainga ko.
“Teka lang kasi... naantok pa ako, e!”
“A, ganon, huh! Sige... make love na lang tayo para mawala ang antok mo, Sinag ko.”
Agad niya akong dinaganan at hinalikan sa mga labi ko.
“Caspian!” bigla akong napabalikwas nang bangon mula sa kinahihigaan ko. Sumalubong sa paningin ko ang puro puting paligid. Hinanap ko bigla sa paligid si Caspian pero wala akong makita na anino niya.
“Sinag anak, kumusta ang pakiramdam mo?” bumungad sa ’kin si Mommy Lucy na kapapasok lang sa pinto.
Kunot ang noo na napatingin ako kay Mommy Lucy. “Si Caspian po, umuwi na po ba? Bakit po nandito ako?” nalilitong tanong ko.
Malungkot namang tumitig sa mga mata ko si Mommy Lucy. Lumapit ito sa ’kin saka ako niyakap nang mahigpit.
“Caspian will be fine, Sinag. May awa ang Diyos. Manalig lang tayo sa kaniya.”
So, totoo nga ang lahat ng nangyari? Naaksidente siya? Panaginip ko lang pala ang paglalambing niya sa ’kin kanina? Ito na naman ang pag-iinit sa sulok ng mga mata ko. Ang sunod-sunod na pagpatak ng mga luha mula sa mata ko.
“Bakit po siya pa? Bakit si Caspian pa, Mommy Lucy?” muli akong napahagulhol.
“Everything happens for a reason anak. May dahilan ang Diyos kung bakit nangyari ang lahat ng ito and I know na hindi niya kukunin sa atin si Caspian. Babalik siya.” Pagbibigay lakas loob sa akin ni Mommy Lucy.
Mayamaya ay inalalayan ako nito na bumaba sa kama saka sinamahan akong bumalik sa loob ng ER. Kagaya kanina ay ganoon pa rin ang sakit sa puso ko nang masilayan ko siyang muli na nakahiga sa hospital bed. Puno ng dextrose ang katawan niya. May benda ang ulo at mga binti niya. Maraming sugat at pasa sa braso at mukha niya.
“Caspian ko, naririnig mo naman ako, hindi ba? Huwag kang bibitaw, huh! Kapit ka lang at gagaling ka rin! Babalik ka sa akin.” Bulong ko sa tapat ng tainga niya habang hawak-hawak ko ang kamay niya at kinintalan ko pa iyon ng maliliit na halik. “Maghihintay ako sa ’yo! Magpapakasal pa tayo, hindi ba? Gagawa pa tayo ng baby natin.” Patuloy na iyak ko habang bumubulong sa kaniya.