CHAPTER 1
“BESS, sa ’yo na bilis takbo! Kita tayo sa bahay mo!”
Binato sa ’kin ni Maria ang wallet na hawak-hawak nito. Dahil sa gulat ko nang biglang may sumigaw sa likuran ko... wala na akong nagawa kun’di ang kumaripas na rin nang takbo papalayo sa lugar na iyon.
“Hey! Come back here!”
Dinig kong sigaw ng lalaki na humahabol sa ’kin... ngunit tuloy-tuloy lamang ako sa mabilis na pagtakbo papalayo. Lagot talaga ako nito kapag naabutan niya ako. At lagot din sa ’kin si Maria mamaya dahil sa kalokohan nito sa ’kin. Magbibigay raw ito sa ’kin ng raket dahil kailangan ko nga ng pera, ang hindi ko naman alam ay ganitong raket pala ang ibibigay nito sa ’kin. Ang ipahamak ako!
Pagkarating ko sa bahay ay nadatnan kong naroon na rin si Maria at naghihintay sa pagdating ko. Sobrang laki ng ngiti nito nang lumapit sa ’kin.
“Saan na, bes?” tanong nito. “Tiba-tiba tayo niyan ngayon.” Anito.
Kahit hinihingal pa ako dahil sa layo nang tinakbo ko kanina, agad ko itong binatukan nang makalapit ako rito.
“Aray naman, bes! Bakit?” kunot ang noo at naiinis na tanong nito.
“Bakit? Nagtatanong ka pa kung bakit?” galit na tanong ko rito. “Kailan mo pa ginagawa ang magnakaw, huh? At talagang isinama mo pa ako! Alam mo bang muntikan na akong mahuli kanina dahil sa ’yo?” lintaya ko.
Napapakamot naman ito sa ulo. “E, sabi mo kailangan mo ng pera hindi ba? Kaya tinulungan kita—aray!”
“Tulong bang matatawag ’to, huh? Aba, Maria, maghunos dili ka naman sa ginagawa mo. Kapag ikaw nahuli ng mga pulis, ewan ko na lang kung saan ka pupulutin.” Galit na saad ko. Tiningan ko pa ito ng matalim bago nagdiretso nang lakad papasok sa kusina para uminom ng tubig. Sumunod naman ito sa ’kin.
“Sorry na!” anito. “Nasaan na ba kasi ’yong wallet at ng matingnan natin. Alam kong bigatin ang nahuli natin kanina.” Saad nito ’tsaka kinapa ang bulsa ng pantalon ko. Agad naman nitong dinukot ang wallet na nandoon. Dali-dali nitong binuksan iyon. “s**t!” nanlalaki ang mga matang bulalas nito.
Napatingin ako rito ng diretso. “Bakit?” takang tanong ko.
“Malulutong bes,” sabi nito at tumawa ng malakas. “Tingnan mo.” Saka nito inilabas ang makapal na perang tag-iisang libo.
Agad akong napalapit rito at inagaw ’yon lahat.
“Oh! Teka lang. Hati tayo, bes.”
“Walang hahatiin. Isusuli natin ’to sa may-ari.” Galit na saad ko.
Mali na angkinin namin ang perang hindi naman amin. Malay ba namin na pinaghirapan ’yon ng tao o baka may paggagamitan ito sa pera!
“Bes, ang kj mo!” anang Maria. “Akala ko ba kailangan mo ng pera para makapag-apply ka na ng trabaho mo? Ito na ’yon, o! Hulog ng langit tapos ibabalik mo pa. Akin na nga ’yan!” saad nito pagkuwa’y inagaw nitong muli sa ’kin ang pera. “Hati tayo, o! Sa ’yo na rin ang mga credit cards niya wala naman akong mapapala riyan, e!” sabay abot nito sa ’kin ng wallet at pera.
Hindi ko naman iyon tinanggap at hinayaan ko ’yon sa kamay nito. May konsensya naman ako ano! Kaya kong maghanap ng pera na ipang-gagastos ko sa paghahanap ng trabaho.
“Ayaw mo? Akin na lahat?” tanong nito mayamaya.
“Sa ’yo na ’yan tutal at wala ka naman konsensya sa tao.” Saad ko. “Alis na nga rito at baka ipakulong pa kita, e!” iritang ipinagtabuyan ko ito palabas ng bahay.
“Ayaw mo talaga?” tanong pa nitong muli.
Sinamaan ko lamang ito ng tingin.
“Okay!” anito at lumabas na ng bahay.
NAKALIGO na ako at nakapagtimpla na rin ako ng aking tsaa nang dumating naman si kuya.
“Oh, tol, kumusta ang raket n’yo ni Maria kanina?” tanong nito sa ’kin.
Mabilis akong nagpakawala nang malalim na buntong-hininga. “Hay nako! Hindi talaga mapagkakatiwalaan ang babaeng ’yon pagdating sa raket. Muntikan pa akong mahuli kanina.” Reklamong saad ko.
Natawa naman si kuya dahil sa hitsura ko. “Sabi na, e!” anito. “Oh, siya ito nakabale ako kay boss para sa panggastos mo bukas sa pag-apply ng trabaho.” Nag-abot ito sa ’kin ng limang daan.
Ayoko sanang tanggapin dahil mas kailangan nito ng pera ngayon pero, wala na ako ibang choice kun’di kunin iyon. Babayaran ko na lang kapag nakahanap na ako ng trabaho. “Salamat kuya. Hayaan mo at maibabalik ko rin ito sa ’yo.” Nakangiting saad ko pa.
“Huwag mo ng isipin ’yon,” sabi nito. “Pahinga na rin ako. Ikaw na bahala diyan.” At nagtuloy na ito papunta sa silid nito.
Matapos kong inumin ang tsaa ko ay nagpasiya na rin akong pumanhik sa kuwarto ko. Maaga pa akong gagayak bukas para maghanap ng trabaho. Sana suwertehin na ako. Highschool lang ang natapos ko kaya medyo nahihirapan din akong maghanap ng trabaho. Madami naman akong experienced sa mga nauna kong trabaho, pero hindi pa rin qualified dahil school background din ang isa sa mga tinitingnan nila.
“Magandang umaga, Aling Tasing!” nakangiting bati ko sa kapitbahay namin nang lumabas ako kinaumagahan para na umalis at mag-apply ng trabaho.
“Sa ’yo rin ineng. Aba’y ang aga natin ngayon a!” anito.
“Hahanap po ng trabaho,” sagot ko. “Mang Elong, ginawa mo na namang kape ang alak ni Aling Tasing. Hinay-hinay lang, huh!” puna ko sa matandang lalaki. Tumawa lamang ito sa ’kin.
Matapos makipagkuwentuhan sa kapitbahay ay umalis na rin ako. Dumaan muna ako sa simbahan para kahit papaano ay suwertehin na talaga ako ngayong araw. Pagkatapos ay kung saan-saan na ako nagpunta para magbigay ng bio data ko. Tatawagan na lang daw. Kahit tindera lang sana okay na ’yon, kaso wala rin, e! Inabot na ako ng tanghali pero ni isa wala pa rin akong mahanap. Nagugutom na rin ako kaya umupo muna ako sa isang karenderya. Kakaunting pera na lamang ang natira sa bulsa ko kung kaya’t tinapay na lamang ang binili ko para sa tanghalian.
Pagod na pagod talaga ako kakahanap ng trabaho na wala manlang napala. Diyos ko, kahit ngayon lang po pagbigyan n’yo na muna ako. Promise pagbubutihan ko naman, e! Please! Dasal ko habang naglalakad sa gilid ng kalsada.
“You!”
Nagulat ako nang biglang may nagsalita sa harapan ko. Bigla akong nagtaas ng mukha.
“You! Where’s my wallet?” galit na tanong nito at mabilis na lumapit sa ’kin.
Biglang nanlaki ang mga mata ko kasabay ng pagsibol ng kaba sa dibdib ko. Napalunok ako nang sunod-sunod sa aking laway. “Lord, sabi ko po trabaho, hindi po karma.” Nababahalang saad ko sa sarili. Lalakad na sana ako pabalik nang bigla niya akong hawakan sa braso ko para pigilan.
“Where do you think you’re going, huh?” galit na tanong niya sa ’kin.
Napangiti ako sa kaniya ng pilit. “A, e, kilala ko po ba kayo, sir?” utal na tanong ko. “May lakad pa po kasi ako, e!”
“Are you kidding me?” nasa mukha niya ang labis na pagkayamot dahil sa mga sinabi ko. “I’ve been looking for you everywhere, dito lang pala kita makikita. Give me back my wallet.” Sigaw niya sa ’kin at mas lalong hinigpitan ang pagkakahawak niya sa braso ko.
Wala sa sariling napangiwi ako dahil sa panggigigil niya roon. “A-aray ko! Ano ba! Hindi kita kilala kaya bitawan mo ako.” Nagpumiglas ako sa kaniya.
“Ako ba niloloko mo, huh? Gusto mo bang ipakulong kita? I said give me back my wallet.” Nanggigigil na saad niyang muli.
Muli kong sinubukan na magpumiglas sa kaniya. Nang makawala ako mula sa kamay niya ay bigla akong tumakbo. Pero sa kasamaang palad, hindi pa man ako nakakalayo sa kaniya’y nahuli niya na naman ako.
“Where do you think you’re going, huh?”
“Ano ba! Sabing pakawalan mo nga ako, e!” pilit pa rin akong nagpupumiglas sa kaniya, ngunit mas lalo lang niyang hinihigpitan ang pagkakahawak sa braso ko.
“After what you did to me? Do you think that I’ll just let you go? Nah! You have to pay me, woman.” Aniya ’tsaka ako hinila.
“Hindi naman ako ang may kasalanan sa ’yo, e! Hindi ako ang kumuha sa wallet mo kaya pakawalan mo na ako.” Singhal ko sa lalaking ito. “Ano ba! Bitawan mo ako nasasaktan ako, o! Pakawalan mo ako.”
“Not this time. Pay me or jail?” nasa hitsura pa rin niya ang galit at determinasyon na mabawi sa ’kin ang wallet at pera niyang ninakaw ni Maria.
Oh, Lord!
“Pay you? E, hindi nga ako ang kumuha ng wallet mo ang kulit, oh!” naiinis na saad ko sa kaniya.
Paulit-ulit, e!
Naniningkit naman ang mga mata niyang lumapit sa ’kin at tinitigan akong mabuti. “I know you! I saw you! Ikaw ’yon. So, now you choose. Pay me or jail?” ulit na tanong niya matapos akong bitawan. Namaywang naman siya sa harapan ko habang matalim pa rin ang titig sa ’kin.
“Magkano ba kasi ang laman nang wallet na ’yon, huh?” matapang na tanong ko. Kala mo naman may pangbayad ako sa kaniya ano?!
“Eighty thousand pesos,” sagot niya.
“Eighty thousand pesos lang naman pala, e! Ano? 80k?” gulat at nanlalaki ang mga matang tanong ko sa kaniya.
“Yeah! Plus my credit cards. So, mababayaran mo ba ako ngayon?”
Mabigat at sunod-sunod na paglunok ng aking laway ang ginawa ko dahil sa tanong niya. Ngayon? As in right now? Now na? “A-ano? T-teka lang! Ang laki naman n’on. Wala akong pambayad sa ’yo.” Kinakabahang saad ko.
Saang lupalop naman ng mundo ako maghahanap ng 80k para pangbayad sa kaniya, aber? Not unless ibebenta ko ang kaluluwa ko or ang laman-loob ko!
“So, you don’t have money?” tanong niya. “Let’s go.” Hahawakan na sana niya ako sa kamay pero bigla akong tumakbo.
“Ahhh!” sigaw ko nang mahuli niya akong muli.
“Tatakasan mo pa ako, huh! Come with me at ipapakulong kita.” Saad niya ’tsaka ako sapilitang isinakay sa kotse niya.
Panay sigaw naman ako para humingi ng tulong! Kung minamalas ka nga naman, o! Hindi naman ako ang nagnakaw ng wallet niya pero ako ang napaparusahan ngayon ng lalaking ito.
“Please, parang awa mo na! Gagawin ko ang lahat huwag mo lang ako ipakulong. Ayokong makulong.” Saad ko sa kaniya habang nagmamakaawa.
“No! Ipapakulong kita kung hindi mo ibabalik sa ’kin ang wallet ko.” Galit na saad niya ’tsaka pinaandar ang sasakyan niya. “Thief.” Dagdag pa niya.
“Sir, pag-usapan muna natin, oh! Huwag naman kulungan agad,” sabi ko sa kaniya habang hindi na ako mapakali sa kinauupuan ko. Pahamak talaga ang Maria na ’yon, e! Kung sana ’di niya ako isinama sa kalokohan niya, e ’di sana hindi ako namomoblema ngayon.
Ayokong makulong! Ayokong mag-alala sa ’kin si kuya kapag nalaman nito ang nangyari sa akin ngayon. Grabe naman kasi, wala manlang paabiso ang karma sa ’kin! Agad-agad dumating? Hindi manlang ako binati at ng sa ganoon ay nakapaghanda manlang ako at nakatakbo nang mabilis.
“Sir—”
“Shut up! I need my wallet back.” Mabilis na saad niya dahilan upang hindi ko maituloy ang sasabihin ko sa kaniya. “Kung hindi mo ibabalik sa ’kin ’yon at hindi mo ako mababayaran, maganda talagang dalhin kita sa kulungan.” Galit na saad niya. Kita ko pa ang pag-igting ng panga niya.
“Okay payn! Ibabalik ko na sa ’yo,” mabilis na sabi ko. Halos mapasubsob naman ako sa dashboard ng kotse niya nang bigla siyang magpreno. “Aray!” matalim na titig ang ipinukol ko sa kaniya. “Puwede namang dahan-dahanin ang pagpreno. Susubsob pa ako nito sa kotse mo.” Mataray na saad ko.
“Give it to me. Hurry!”
“Eksayted?” tanong ko. “Wala rito sa ’kin. Nasa bahay. Kukunin ko sa bahay ’tsaka ko ibabalik sa ’yo,” sabi ko. “Ganito na lang... uuwi ako sa amin tapos makikipagkita na lang ako sa ’yo para isuli ’yong wallet mo.” Pagpapaliwanag ko.
Tiim-bagang na tinitigan naman niya ako. “Hindi ako bobo, miss. Alam ko ang mga style n’yo. Give me your address at sasama ako sa ’yo.”
Wala na nga akong nagawa kun’di ang sabihin sa kaniya ang lugar namin. Ayoko naman makulong sa kasalanang hindi ko naman ginawa.
Pagkarating namin sa lugar namin ay kaagad akong bumaba sa kotse niya. Nakasunod naman siya sa 'kin.
“What is this place?” maarteng tanong niya habang inililibot ang paningin sa buong paligid at nakahawak pa ang kamay niya sa ilong niya.
Ang arte talaga ng mayayaman! Palibhasa ay namumuhay sa marangya kaya akala siguro nila nakatira sa basurahan ang mga taong kagaya namin. “Dito ako nakatira.” Mataray na sagot ko sa kaniya.
“You called this your home? This deteriorated place?” tanong niya ulit.
Aminado akong hindi ako kagalingan sa english, pero hindi rin naman ibig sabihin n’on ay hindi ko naintindihan ang sinabi niyang iyon. Huminto ako sa paglalakad at hinarap ko siya. Namaywang ako habang nasa ere ang isang kilay ko. “Bakit ka nagrereklamo? E, hindi naman kita pinilit na sumama rito sa ’kin hindi ba?” tanong ko sa kaniya. Sarap kastiguhin nito, e! Kalalaking tao ang arte-arte!
Mabilis siyang nagpakawala nang malalim na buntong-hininga pagkuwa’y tinulak ako para muling maglakad.
“Oh! Sinag, kumusta ang lakad mo? Nakahanap ka na ba ng trabaho?” tanong sa ’kin ni Mang Elong na nakatambay na naman sa tindahan ni Aling Tasing.
“Wala ho! Minamalas pa, e!” sagot ko.
“Nako, paniguradong hindi mo pa talaga oras ngayon. Hayaan mo, pasasaan pa’t makakahanap ka rin.” Anito.
Ngumiti na lamang ako.
“Sino ba ’yang kasama mo?” tanong ni Aling Tasing habang nakatingin sa lalaking nasa likuran ko.
“A, bisita lang po,” nakangiting sabi ko. “Aling Tasing, pautang na muna ng pansit mo ’tsaka sardinas palista na muna po.”
“Walang problema.” Anito.
“Salamat ho! Mauna na ho kami.” Saad ko pagkabigay sa akin ng inutang ko.
Naglakad na ulit kami papunta sa bahay.
“Maria!” malakas na sigaw ko sa kaibigan ko. Kapitbahay ko lang ito kaya malamang maririnig nito agad ang boses ko.
Mayamaya nga ay nagmamadali itong pumasok sa bahay.
“Ay! Bes, may bisita ka pala.”
“Nasaan na?”
“Ang alin?”
“’Yong pera,” galit na sabi ko rito habang nakapamaywang pa.
“Huh? Akala ko ba ayaw mo?”
“Ibigay mo sa ’kin kung ayaw mong makulong.” Iritang saad ko. Nakatingin lang naman sa ’min ang lalaking ito.
Agad akong hinila ni Maria papasok sa kusina. “Sino ba ’yon, bes?” tanong nito
“Siya lang naman ang dinukutan mo. At ngayon ako ang nahuli niya. Kaya kung hindi mo ibabalik sa ’kin ang wallet niya sinasabi ko sa ’yo... ikaw ang ipapakulong ko.”
Kita ko naman ang takot at pag-aalala sa mukha nito dahil sa sinabi ko. Sumilip pa ito sa maliit na sala namin. “S-sigurado ka, bes? Kasi ano—”
“Ano?” galit na tanong ko.
“W-wala na ’yong pera, e!”
“Ano?” napalakas bigla ang tanong ko rito. Halos mag-isang linya na rin ang mga kilay ko. “Ano’ng wala? Bakit? Saan napunta?” sunod-sunod na tanong ko.
Napakamot naman ito sa batok. “E, n-natalo ako sa sabong kanina.” Tila nahihiyang saad nito ’tsaka yumuko.
“Maria!” malakas na sigaw ko ulit. Napatakip naman ito sa tainga niya. “Bakit? Diyos ko naman, oh!”
“Sorry, bes! Akala ko kasi mananalo ako, e! Pero ’yong ATM naman na sa ’kin pa.” Anito.
“Akin na.” Mabilis naman itong tumalima ’tsaka ibinigay sa ’kin ang wallet. “Layas dali na.” Talaga naman oo! Masisira ang buhay ko dahil kay Maria. Nagpakawala muna ako nang malalim na buntong-hininga bago muling bumalik sa sala namin.
“Where is it?” tanong sa ’kin ng lalaki.
Inabot ko naman sa kaniya ang kaniyang wallet.
“What? Where’s my money?” galit na tanong niya nang makitang walang laman na pera ang wallet niya.
Napalunok ako nang sunod-sunod sa aking laway bago nagsalita. “Wala na,” tipid na sagot ko.
Nanlilisik ang mga mata niyang tumitig sa ’kin. Mayamaya’y umigting ang panga niya. Siguro kung nakakamatay lang ang titig niya, kanina pa ako bumulagta sa harapan niya. Hay! Kapag minamalas ka nga naman, oh! Imbes na trabaho ang hinahanap ko, gulo tuloy ang natagpuan ko. Lord, please naman po! Matino naman po ako e, alam n’yo po ’yon. Pahamak lang talaga itong si Maria.