“Congratulations, Ruthie!” masiglang bati ni Anemone sa kanya pagkatapos ng huling klase nila nang araw na iyon. “Kamuntikan ko pang makalimutang batiin ka sa pagkapanalo mo. Pasensya ka na hindi ako nakapunta, ha,” dugtong nito.
Isa-isa nang nagsilabasan ng silid ang mga kaklase nila hanggang sa silang dalawa na lang ang naiwan sa loob.
Tipid niyang nginitian ang kaibigan at marahang umiling. “Ikaw naman, okay lang. Alam ko namang may responsibilidad ka sa Villa Altieri.” Ang sabi kasi sa kanya ni Anemone ay tinutulungan nito ang mga magulang sa pagmimintina ng Villa bilang iyon ang primerang obligasyon ng mga ito.
Kinalap na niya ang kuwaderno at libro nila nang muling magsalita ang dalaga.
“Ang totoo’y nagkasakit kasi ako. Mataas ang lagnat ko noong gabi ng programa kaya kahit gustuhin ko mang puntahan ka ay hindi kaya ng katawan ko.”
Natigilan siya sa sinabi nito at nanatiling nakatungo at nakapako ang mga mata sa kanyang mga gamit. Kahit hindi na ipaliwanag sa kanya ni Luther ang dahilan nito ay madali na niyang maipagtatagpi ang mga pangyayari. Hindi ito nakapunta sapagkat inalagaan nito si Anemone.
Napabuntong-hininga siya at pilit na itinulak sa likod ng dibdib ang sakit na kumudlit sa puso niya. Sa simula palang ay maliwanag naman na sa kanya na hindi niya kayang pantayan ang pagtingin ni Luther kay Anemone.
“Ruthie?” tapik sa kanya ng kaibigan.
“Mabuti na ba ang pakiramdam mo?” baling niya rito.
Tumango ito. “Magaling na magaling na ako.”
Tumanaw siya sa labas ng bintana at tinitigan ang mabibigat na ulap sa kalangitan. Nagkukulay abo na ang mga iyon. “Masama ang panahon at mukhang uulan na nga. Ang mabuti pa ay umuwi ka na.”
“Nandito na pala si Luther, eh,” anito.
Awtomatikong dumako ang mga mata niya sa pintuan ng silid. Nakatayo na roon si Luther at may dala itong payong. Mukha itong magiting na eskrimador na bihasa sa pakikipagtunggali at ang hawak nito ay espada. Subalit ang prinsesang nais nitong iligtas at pakasalan ay walang iba kundi tanging si Anemone lang. Tanggap na niya iyon kaya bakit ba nasasaktan pa rin siya?
Isinukbit na niya ang strap ng bag sa kaliwang balikat.
“Hindi ka ba sasabay sa amin?” tanong ni Anemone sa kanya.
“Isasauli ko pa ang hiniram kong mga libro sa library at maghahanap na rin ng bagong babasahin. Kaya mauna na kayo.” Totoong kailangan na niyang isauli ang mga hiniram na libro, pero bukod doon ay ayaw niyang makasama si Luther. Kahit naman hindi siya umaasang tutugunin nito ang damdamin niya ay masakit pa rin sa kanya ang nangyari noong programa. Karapatan naman siguro niyang makaramdam ng paghihinakit. Kahit walang kamuwang-muwang ang binata na ganoon ang nararamdaman niya.
Lumabas na sila ni Anemone ng silid at nang mapadaan siya sa tabi ni Luther ay sinambit nito ang pangalan niya.
“Ruthie…”
Tumingin siya rito. “Ingatan mo ang kaibigan ko, ha. Hindi dapat maulanan iyan,” aniya, payak na ngumiti. Kinawayan niya ang dalawa bago tumalikod at tinahak ang daan patungong library. Habang naglalakad ay mahapding-mahapdi ang dibdib niya.
Nagmadali siya sa pagpasok sa library at nagtungo sa ikalawang palapag, sa isang malayong sulok. Isiniksik niya ang sarili roon at padausdos na umupo. Saka niya lang napagtantong nanginginig pala ang mga tuhod niya. Naihilamos niya ang mga palad sa mukha at sunud-sunod ang ginawang paghugot ng malalim na paghinga upang hindi mamuo ang luha sa kanyang mga mata.
Nang hindi na niya kayang pigilin ang pag-iinit ng mga mata ay kumuha siya ng libro at nagkunwaring abala sa pagbabasa ng malungkot na nobela. Sa ganoong paraan ay may dahilan siyang umiyak.
Kuyom ang mga kamay niya.
Bakit ba suwail ang puso niya at nagmamatigas kahit na ilang daang beses na niyang sinabihan na huwag nang titibok para sa binata? Bakit umaasa ito kahit alam niyang mabibigo lang siya? Bakit laman pa rin ito ng mga panaginip niya sa gabi kahit na ang totoo’y hanggang doon lang ang kayang abutin ng pagsinta niya?
He will never be her reality.
_____
MAY PAGMAMADALI sa bawat paghakbang ni Ruthie habang palabas siya ng library. Hindi niya sinasadyang maidlip. Madilim na nang magising siya. Nagulat pa ang katiwala sa aklatan nang makita siyang pababa ng hagdan mula sa ikalawang palapag. Akala marahil nito ay wala nang tao sa loob.
Hindi siya nangahas na salubungin ang mga mata nito sapagkat hindi niya alam kung paano ipapaliwanag dito ang presensya niya. Mabilis na lamang siyang naglakad patungong pintuan. Pagkalabas na pagkalabas niya ng library ay may kamay agad na humila sa kanya sa isang tabi. Titili sana siya kung hindi lang nakatutop ang palad nito sa kanyang mga labi.
“Ruthie, it’s me, Luther.”
Napatingala siya rito. Totoo ngang si Luther ang taong iyon.
“Don’t scream, okay?”
Tumango siya. Inalis na nito ang kamay sa kanyang mga labi.
“A-ano ang ginagawa mo rito? Paano mo nalamang nandito pa ako?”
Nagkibit-balikat ito. “I just know. Sumama ka muna sa akin.”
Dinala siya ni Luther sa convenience store sa labas ng SCC. Sinabihan siya nitong maupo lang at may bibilhin ito. Pagbalik nito ay may dala na itong yogurt drink. Inabot nito iyon sa kanya.
“A-ano ’to?”
“You’re thirsty, aren’t you? Drink it. Paborito mo iyan, hindi ba?”
Paano nito nalamang paborito niya iyon? At paano nito nalamang nauuhaw nga siya? “Salamat.” Pinili niyang hindi na magkomento o magtanong pa.
"Hey, did you cry? Bakit namumugto iyang mga mata mo?" Bakas ang pag-aalala sa boses nito.
Wala sa loob na nahaplos niya ang mga mata. "Wala 'to. Ano kasi, uhm, may binasa akong malungkot na kuwento kanina."
"Was it about tragic romance again? I always see you reading stories that end in suffering or death." Ngumiti ito sa kanya. "I'll guess your favorite story... is it Romeo and Juliet?"
Gumuhit ang maliit na ngiti sa mga labi niya. "Mali ka."
"Hindi ba? Eh, ano pala?"
"The Hunchback of Notre-Dame ni Victor Hugo."
Tumaas ang mga kilay ni Luther. "Bakit iyon?"
"Because Quasimodo's love for Esmeralda is unrequited, and for me nothing is more painful than a love that isn't reciprocated. It's the most tragic of all, don't you think? Sina Romeo naman kasi at Juliet ay tunay at wagas na nagmamahalan." Pero kung magiging totoo siya sa sarili niya, ang dahilan kung bakit gusto niya ang nobelang iyon ay dahil nakikita niya ang sarili niya kay Quasimodo. Just like the love of the bell-ringer of Notre-Dame Cathedral for Esmeralda, her love for Luther was also one-sided. "Huwag na nga nating pag-usapan ang tungkol sa mga binabasa ko."
Naupo ang binata sa espasyong katabi ng inuupuan niya. Hindi sinasadyang dumampi ang braso nito sa braso niya. Napalunok siya, subalit pinuwersa niya ang sariling umaktong normal kahit ang totoo’y hindi na naman siya makahinga nang maayos dahil napakalapit nito sa kanya.
Pasimple siyang sumulyap sa mukha ni Luther. Nakatingin ito sa unahan kaya mas malinaw niyang namamasdan ang magandang hugis ng matangos nitong ilong. His foreign blood gave him that tall nose bridge, and the natural warm color of his cheeks.
“I’m sorry, Ruthie.”
“Ha? Bakit?”
“Dahil sumira ako sa pangako ko sa iyo.”
He sounded so sincere. His voice was too gentle. Ganoon naman ito palagi. Mabait sa lahat, magaan ang boses.
“Wala iyon. Nanalo naman ako, eh.”
Tintigan siya nito sa mga mata. Hindi niya kayang tagalan iyon kaya nag-iwas siya ng tingin.
“Can you look straight into my eyes?” tanong nito sa kanya.
Paano niya gagawin iyon? Kung gagawin niya iyon ay baka masilip nito sa mga mata niya ang totoong damdamin niya para rito.
Tumayo siya at itinago ang kaba sa likod ng ngiti. “Kailangan ko nang umuwi. Tiyak na hinahanap na ako ng mga magulang ko dahil wala pa ako sa bahay.”
Bago pa niya magawang gumalaw ay naagapan na siya sa kamay ng binata. Mainit ang kamay nito na mahigpit na nakahawak sa mga kamay niya. Dumoble ang bilis ng pagpintig ng puso niya.
“Luther…”
“Nagtatampo ka sa akin, aminin mo.”
“Bakit naman ako—”
“She was sick,” he cut her off.
“Ha?”
“Si Anemone… may sakit siya nang araw na iyon. Akala ko magiging maayos ang pakiramdam niya kinagabihan pero lalo lang siyang tumamlay. I have to… I have to take care of her. Umalis ang mga magulang niya kaya wala siyang kasama sa bahay nila. Ako lang ang nand’un.”
Humugot siya ng malalim na paghinga at binawi ang kamay na hawak pa rin nito. Pakiramdam niya ay wala siyang karapatang hawakan ito. He didn’t belong to her. He belonged to Anemone. “Naiintindihan ko, Luther. Wala akong… wala akong sama ng loob sa iyo,” pagsisinungaling niya. “Hindi ko nga alam kung bakit pinag-uusapan pa natin ito. Kung iniisip mong masama ang loob ko sa iyo dahil sumira ka sa pangako mo, nagkakamali ka. I’m fine, Luther. Isa pa, ito o.” Pinakita niya rito ang wala nang lamang yogurt drink. “Nakabayad ka na.”
“Thank you, Ruthie. You’ve always been so understanding. Alam kong maiintindihan mo ako.” Tumayo na rin ito at ginulo ang buhok niya, nakangiti na ito nang malawak sa kanya. “Alam mo namang para na kitang kapatid, ’di ba? Ayoko siyempreng nagtatampo ka sa akin.”
“Hindi nga ako—”
“Oo na, oo na. Let’s go. Ihahatid na kita sa bahay niyo.”
“Hindi na!”
Pinaningkitan siya nito ng mga mata. “Gabing-gabi na, Ruthanya, delikado nang naglalakad ka sa daan nang mag-isa sa ganitong oras.”
May punto ito. Pumayag na lang siya.
Habang naglalakad sa kalsadang naiilawan ng poste ng ilaw ay napansin niyang magkatabi ang mga anino nila ni Luther. She discreetly held out her hand so it would appear as if their shadows were holding hands. Masaya na siya sa ganoon. Kahit sa anino man lang ay magkahawak sila ng kamay ni Luther.
Lihim siyang napailing at kinastigo ang sarili.
Para kay Luther ay isa lang siyang nakababatang kapatid, kaya hindi na dapat siya umasa pa ng higit pa roon.