ISANG linggo na ang matulin na lumipas. At kahapon nga ay ang ika-isang linggo simula noong araw ng examination. Malungkot ang buntong-hininga na pinakawalan ni Raven habang nagpapatuka siya ng mga manok sa kulungan niyon sa may likod-bahay.
Ang sabi sa Ellison University, bago sila lumabas sa silid na pinag-take-an niya ng exam, ang masuwerte raw na limang makakapasa ay padadalhan ng letter sa mismong address na inilagay noong registration makalipas ang saktong isang linggo.
Pero kahapon pa iyong saktong isang linggo. Ibig niyong sabihin ay hindi siya masuwerte. Siguro ay bagsak siya sa exam kahit na malakas ang pakiramdam niya na maipapasa niya iyon. Saan kaya siya nagkamali?
Napabuntong-hininga na naman si Raven. Ibig ba niyong sabihin ay walang rason para makaalis agad siya sa poder nina Patricia?
Nakaramdam siya ng lungkot. Tapos na ang isang linggo. Wala ng dahilan para umasa pa.
Matapos magpatuka ng mga manok ay inasikaso naman niya ang pagdidilig ng mga halaman. Mabigat ang dibdib niya at hindi naman niya masisisi ang sarili kung bakit ganoon ang pakiramdam niya. Bigo siya na makapagsimula ng bagong buhay.
“Miss.”
Napatigil sa akmang pagsalok ng tubig sa timba si Raven nang marinig ang isang malagong na boses. Binitiwan na niya ang hawak na tabo at tumayo ng tuwid. Pagkuwan ay nilingon ang pinanggalingan ng boses. Nasa labas iyon ng gate. Dahil matangkad iyon kaya naman nagagawa niyong sumilip sa may gate. Pero may helmet iyon sa ulo kaya hindi makita ni Raven ang mukha niyon.
Baka kartero iyon o kaya naman ay may bill ng kuryente na dumating. Pero tingin naman niya ay masyado pang maaga para may dumating na bill ng kanilang kuryente.
Nagtataka man ay lumapit pa rin siya sa may gate. Binuksan niya iyon.
“Ano po ‘yon?” tanong niya sa matangkad na lalaki na may suot pang helmet sa ulo. Mukhang wala itong balak na alisin iyon. Hindi naman siguro ito isang magnanakaw? Gayon pa man ay naging alerto si Raven kung gagawa man ito ng bagay na hindi kaaya-aya sa kaniyang pakiramdam.
“Ito ba ang Trojillo Residence?” tanong pa ng malagong niyong boses.
Tumango siya. “Dito nga po. Ano pong sadya ninyo?”
“Ah, may delivery ho kasi ako. Para kay, Miss Raven Trojillo. Kayo po ba ‘yon?”
“O-opo. Ako nga ho.”
“Nakapangalan sa iyo ‘yong item. Actually, dala ko na. Pakihanda na lang ho ng payment.”
“P-p*****t? S-sandali ho, Sir. Wala ho akong ino-order na kahit na ano. Wala nga po akong cellphone na gamit para um-order online. Kaya, paanong may order ako?”
“Eh, sa inyo po ito nakapangalan. Nagkakahalagang sampung libo.”
Umawang ang labi niya. Sampung libo?! At saan naman siya kakayod ng sampung libo?
Nang makabawi ay itinikom niya ang bibig. “Wala ho akong ino-order na kahit na ano. Kung ano man po ang item na dala ninyo, pakibalik na lang ho ‘yan sa pinanggalingan niyan,” aniya na tinalikuran na ito.
“Are you sure, ayaw mong makita kung ano ang delivery para sa iyo?”
Halos manindig yata ang balahibo niya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Napakurap-kurap siya. Tama ba ang boses na narinig niya?
“A-ano hong sabi mo?” aniya nang muling pumihit paharap sa lalaking wala talagang balak na alisin ang suot niyong helmet. Bakit bigla ay may bumundol na kaba sa kaniyang dibdib?
“Sabi ko ho, kukunin ko na ‘yong item. Hindi ho kasi ‘yon puwedeng ibalik,” hayon na naman ang malagong niyong boses.
Nakaringgan lang ba niya iyong kaninang boses? Dinig niya ay boses iyon ni Lhorde. Nababaliw na ba siya kaya kung ano-ano na ang naririnig niya?
Baka nga nababaliw na siya. Sino ba naman ang hindi mababaliw kung mukhang magtatagal pa siya sa bahay na iyon.
“Wala po talaga akong in-order. Sandali at itatanong ko sa mga kasama ko sa bahay kung may order sila,” aniya na umakmang iiwan muna ang lalaki nang imuwestra naman ng lalaki ang isang box na kinuha nito sa dala nitong motor.
“Raven Trojillo ang nakalagay rito,” anito na ipinakita pa ang buong pangalan niya.
Nakalagay rin ang address doon. Napalingon siya sa bahay, siguradong tulog pa sina Patricia at Olivia.
“Buksan mo na lang muna.”
Umiling siya. “Kapag binuksan ko ‘yan, baka pagbayarin mo lang akong lalo. Wala naman talaga akong in-order at isa pa, wala akong pera na pambayad sa iyo, Kuya. Kung ano man ‘yan, pakisuyo na lang ho na pakibalik sa pinanggalingan.”
“Ako na ang bahala, buksan mo na lang,” giit pa nito.
Isang tingin pa sa lalaking naka-helmet bago niya ibinalik ang tingin sa kahon.
“Binibigyan kita ng karapatan na buksan ‘yan. Tutal naman ay sa iyo nakapangalan.”
“Wala nga kasi akong pambayad,” katwiran pa rin ni Raven.
“Okay lang. Basta buksan mo.”
Napabuga siya ng hangin. Sa huli ay ginawa niya ang gusto ng lalaking may hawak sa kahon. Naka-tape iyon kaya naman ginamit niya ang cutter na inabot nito sa kaniya para pambukas niyon.
Bumilang pa siya ng isa hanggang sampu bago nagawang buksan ang kahon. Kumunot ang noo niya nang wala namang ibang laman ang kahon kung hindi isang puting card envelope.
“S-sampung libo ang halaga niyan?” maang niyang tanong sa lalaki.
“Tingnan mo kung ano ‘yan,” sa halip ay wika nito.
Huminga muna nang malalim si Raven bago kinuha sa loob ng kahon ang puting card envelope. Hindi naman iyon nakadikit kaya madali lang niyang nabuksan.
Ngunit muntik na niyang mabitiwan ang card na kinukuha nang bumungad sa kaniya ang logo at pangalan ng Ellison University.
Lumunok siya. Halos pigil ni Raven ang paghinga nang ipinagpatuloy niyang kunin ang card sa loob na may pag-iingat. Palakas din nang palakas ang dagundong sa dibdib niya. May ideya na siya kung ano iyon pero hindi pa rin siya makapaniwala.
Hanggang sa buklatin niya ang card na animo isang invitation letter. Doon ay bumungad sa kaniya ang unang mga kataga na, Congratulation, Miss Raven Trojillo…
Agad na nanlabo ang kaniyang mga mata dulot ng luha nang mabasa kung para saan iyon. Iyon na ang resulta na hinihintay niya. Nakapasa siya sa exam at kasama siya sa limang makakatanggap ng scholarship program sa Ellison University.
“Congrats and good luck,” bati pa sa kaniya ng lalaking nagdala niyon.
“Kainis ka, Kuya,” naiiyak niyang wika na agad pinahid ang luha sa mga mata. “Akala ko totoong may order na nakapangalan sa akin. Wala pa naman akong pera.”
“Pinakaba muna kita bago mo malaman ang good news. Paano, mauna na ako,” anang lalaki na sumakay na rin sa magara niyong motor.
Delivery man pero nakasakay sa Ducati?
Naihatid na lang ni Raven ng tingin ang papalayong motor. Nakagat niya ang ibabang-labi. Tahimik siyang umiyak at hinayaan lang niya ang kaniyang sarili. Masaya siya. Masayang-masaya.
Ibinalik na muna niya ang card sa envelope. Mamayang gabi na niya iyon babasahin kapag tulog na ang mga kasama niya sa bahay.
“Raven, wala ng dahilan para malungkot ka. Matutupad mo na ang pangarap mo,” aniya sa kaniyang sarili.
Sigurado siya, kahit wala na ang kaniyang mga magulang ay hindi naman siya pinababayaan ng mga iyon mula sa kabilang buhay.
Sumulyap sa langit na may bakas pa rin ng luha ang mga mata. “Magsisikap po ako para makatapos at magkaroon ng maayos na buhay, Mama, Papa,” pangako niya.