ARAW iyon ng exam para sa scholarship program ng Ellison University, nataon din na siyang araw para sa pamimili ng mga gamit ni Olivia para sa darating na pasukan.
“Raven!”
May kaba sa dibdib ni Raven nang lumapit siya sa kaniyang madrasta na si Patricia. Bihis na bihis na ito. Paano na lang kung pasamahin siya nito sa pamimili? Paano siya makakapag-take ng exam?
“Hindi kami uuwi mamayang tanghali ni Olivia. Kaya ‘wag ka ng magluto ng marami. Hahapunin din kami sa pag-uwi baka sa labas na rin kami mag-dinner.”
“Hindi niyo po ako isasama?” alanganin pa niyang tanong. Nais lang naman niyang makasiguro na maiiwan lang siya roon maghapon.
“Raven, magba-bonding kami ng anak ko. Baka mainggit ka pa kapag nakita mong masaya kami. Dito ka na lang sa bahay at maglinis. Maliwanag?”
Tumango siya. “O-okay po.” Wala namang kaso iyon sa kaniya. Ang mahalaga ay magawa niya ang binabalak para sa araw na iyon.
“Olivia, bilisan mo. Nasa labas na ang sasakyan na maghahatid sa atin.”
“Pababa na ho!” ani Olivia buhat sa itaas ng bahay.
Napatingin si Raven sa may hagdanan nang marinig ang mga yabag. Ayos na ayos si Olivia. Gusto sana niyang magreklamo dahil suot nito ang dress na regalo sa kaniya ng kaniyang ama noong sixteenth birthday niya.
“Mas bagay nga sa iyo,” bulalas pa ni Patricia na nakatingin sa anak.
Ngiting nang-aasar naman ang ibinigay ni Olivia kay Raven. “Narinig mo?”
Nag-iwas na lang siya ng tingin. Kahit na sa isip niya ay s*******n niyang hinubad ang dress na iyon mula kay Olivia. Huminga siya nang malalim bago kinalma ang sarili.
“Mag-ingat ho kayo,” wika na lang niya nang ihatid niya ang mga ito sa may pintuan.
“‘Yong bilin ko sa iyo,” mariin pang wika sa kaniya ni Patricia.
“Opo.”
Nang maisara niya ang pinto ay para bang saka lang niya naramdaman ang panghihina ng kaniyang pakiramdam. Sumandal siya sa pinto na nakapinid. Mayamaya pa ay narinig niya ang papalayong ugong ng sasakyan.
Isang hinga pa nang malalim bago inayos ni Raven sa may kusina ang kaniyang dadalhin na bag sa Ellison University. Hindi naman siya roon aabutin ng maghapon. Bago magtanghalian ay tapos na rin ang naturang exam.
Nakaligo na naman siya kaninang pagkagising niya kaya naman pagkakuha niya sa kaniyang payong ay ni-lock na rin niya ang pinto sa harapan ng bahay. Sunod niyon ay hinayon niya ang back door at doon lumabas. Ni-lock din niya iyon. Maging ang mismong gate sa harapan ng kanilang bahay.
Nag-sign of the cross pa siya bago tuluyang umalis ng kanilang bahay. Hindi siya dapat mainis. Kailangan relax lang siya para hindi masira ang mood niya. Lalo na at hindi biro ang exam na gagawin niya.
Hindi pa siya nakakalayo sa kanilang bahay nang matigilan siya. May huminto kasing kotse na kulay itim.
Ang driver niyon na may puti na sa buhok ay nagtanong sa kaniya ng daan.
“Naku, Sir, hindi po dito ang daan. Sa kabila pa po. Nagkamali kayo ng napasukan na kalye.”
“Ah, ganoon ba, hija? Sige, salamat.”
Ngiti ang isinagot niya bago nagpatuloy sa paglalakad. Sa hindi naman kalayuan ay nagmaniobra ang naturang kotse. Muli iyong tumigil sa may tapat niya. Ibinaba niyon ang bintana sa may passenger seat.
“Sumabay ka na, hija, malayo-layo pa ang lalakarin mo.”
Kung sasabay siya ay tiyak na makakasakay agad siya ng bus sa may sakayan. Hindi siya mali-late sa kaniyang pupuntahan.
“Sigurado po kayo, okay lang pong makisabay?”
“Oo. Saan ba ang punta mo?”
“Sa Ellison University po. Susubok po kung makakapasa sa exam para sa scholarship program.”
“Kung ganoon, sumakay ka na at ihahatid kita hanggang doon. Hindi naman nagmamadali ang pupuntahan ko. Para naman makaabot ka sa exam.”
Lalong namilog ang mga mata ni Raven dahil sa galak. “Salamat po. Pagpalain po kayo ng Diyos sa inyong kabutihan,” aniya bago sumakay sa binuksan nitong pinto.
Habang-daan ay walang pagsidlan ang kasiyahan sa puso ni Raven. Sa kabila ng mga taong inaabuso ang kabutihan niya ay may tao pa ring gagawa ng mabuti para sa kaniya. Ramdam naman niya na safe siya sa taong nagpasakay sa kaniya.
SUMILAY ang ngiti sa labi ni Raven habang pinagmamasdan ang isang mataas na building kung saan ginanap ang exam. Tapos na ang exam at sa libong estudyante na sumubok, isa siya sa nangangarap na makapasa.
“Lord, kayo na po ang bahala. Kung para sa akin ‘to, pagyayamanin ko po. Kung hindi para sa akin, maluwag ko pong tatanggapin,” anas pa niya.
Ang makatuntong sa loob ng Ellison University ay isang katuparan para sa kaniya. Ano pa kaya kung siya ay makapasa?
Isang ngiti pa bago ipinasya na ni Raven na umuwi na sa kanila.
“BAKIT hinayaan mong matutong ang kanin!” bulyaw ni Patricia kay Raven. Gigil na gigil na naman ito sa kaniya.
“I-inutusan niyo po ako na kumuha ng kangkong. Kasasalang ko lang po ng bigas sa kalan noong umalis ako kanina.”
“Aalis ka naman pala pero bakit ang lakas ng apoy mo sa kalan? Kaya naman tutong na tutong ang kanin!”
Malakas ang apoy? Sa pagkakatanda niya ay mahina lang iyon para maabutan niya bago kumulo. At isa pa, nagmamadali na nga siya sa pagkuha ng mga dahon ng kangkong sa kangkungan.
Sigurado siya na may naglakas ng apoy sa kalan. At isang tao lang ang puwedeng gumawa niyon. Kumuyom ang mga palad niya.
“Buwisit ka talaga, Raven! Palibhasa hindi ikaw ang namomroblema sa bilihin para sa bahay na ito. Kaya wala kang pakialam! Puwes,” gigil nitong wika na hinila siya sa buhok papunta sa kinaroroonan ng sunog na kanin. “‘Yan ang kainin mo ngayong tanghalian at mamayang hapunan!”
Pakiramdam ni Raven ay halos maalis sa anit niya ang kaniyang buhok kahit na hawak niya iyon at pilit na binabawi mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Patricia. Pigil niya ang maluha ngunit nag-uunahan pa rin iyon sa pagpatak.
Napahiyaw pa siya nang halos iduldol nito ang mukha niya sa mainit na kanin. Mabilis lang niyang naiiwas ang mukha kaya ang gilid ng ulo niya ang napaso niyon.
“T-tama na!” palahaw niya.
“Letse ka! Nanggigigil ako sa katangahan mo. Bilisan mong magsaing ng bagong kanin,” isang ngudngod pa sa ulo niya sa mainit na kanin bago nito nagawang bitiwan ang buhok niya. “Siguro naman ay magtatanda ka na niyan?”
Hinang-hina ang pakiramdam ni Raven nang agad niyang tunguhin ang lababo at doon ay basain ng malamig na tubig mula sa gripo ang kaniyang ulo. Lalo na sa parteng napaso ng kanin. Pagkuwan ay masama ang tinging ipinukol niya kay Patricia nang palabas ito ng kusina. Bagay na nakita nito nang bigla itong lumingon. Lalong nagngalit ang mga bagang nito dahil sa nakitang reaksiyon niya.
“Titingnan mo pa ako ng masama?” galit nitong bulalas nang muli siyang lapitan.
Bago pa ito makalapit sa kaniya ay nahagip naman agad niya ang isang kawali at mabilis na iniumang dito.
“Pagod na pagod na ako sa inyo. Tinitiis ko lahat ng pang-aalipusta ninyo sa akin. Pero… pero hindi ko matitiis na habang-buhay ninyo akong gaganituhin!”
“At sumasagot ka na ngayon?!”
Marahas niyang pinahid ang luha sa kaniyang mga mata.
“Tingin mo may tatanggap pa sa iyo bukod sa akin? Mangarap ka, Raven. Dito ka mabubulok sa bahay na ito sa ayaw at sa gusto mo,” mariin nitong wika habang nanlilisik ang mga mata ni Patricia. “Gawin mo na ‘yong ipinagagawa ko sa iyo bago mo pa pagsisihan ang puwede kong gawin sa iyo. Itatak mo rin sa isip mo, Raven, na wala na ang papa mo para ipagtanggol ka pa. Tanggapin mo ‘yong katotohanan na ‘yon. Mag-isa ka na lang. At kung gusto mong magpatuloy sa buhay mo, sumunod ka at ‘wag kang puro reklamo.” Isang matalim na tingin pa bago tuluyang lumabas ng kusina si Patricia.
Humigpit ang kapit ni Raven sa handle ng kawali. Pinanggigilan niya iyon na para bang iyon si Patricia. Nagpupuyos ang loob niya habang tahimik na lumuluha.
“Makakawala rin ako sa iyo, Patricia,” pangako niya sa kaniyang sarili habang mariing pinapahid ang mga luha sa kaniyang pisngi. Matatapos din ang kalbaryo niya sa bahay na iyon.