Chapter 03

1476 Words
“RAVEN!” Napakurap-kurap si Raven nang marinig ang pagsigaw ni Patricia sa kaniyang pangalan. Nagmamadaling pumunta siya sa may salas kung nasaan ito. “P-po?” aniya nang makalapit dito. Medyo hiningal pa siya. “Tingnan mo,” ani Patricia. Pagkuwan ay itinuro ang isang maliit na pusa sa tabi ng isang pang-isahang sofa. Humayon ang tingin ni Raven papunta sa maliit na pusa. Mukhang nahihintakutan iyon. Siguro ay dahil sa boses ni Patricia. “Paano ‘yan nakapasok dito? Ilabas mo ‘yan dito. Ngayon na! Dalhin mo sa kahit na saan, basta malayo rito sa bahay ko. Raven, ayaw kong makikita ang pusa na ‘yan kahit na kailan. Alam mo na ayaw na ayaw ko sa kahit na ano’ng uri ng pusa at aso. Naiintindihan mo ba?” “Pero ang cute naman po ng pusa. Mukhang may breed,” aniya na napangiti pa habang nakatingin sa Ragamuffin na uri ng pusa. May kalakihan ang walnut-shapped na mga mata ng pusa. It has longer, plusher coats, a squarer build. And the cat's face, it looks like, forever young baby doll face. Hindi tuloy mapigilan ni Raven na hindi ma-in love sa maliit na pusa. “Puwede po bang sa akin na lang siya? Pangako po na—” “No. No. No. Bingi ka ba? Sabi ko, alisin mo ‘yan dito sa bahay ko at ayaw kong makikita ‘yan dito kahit na kailan,” nauubos ang pasensiya na wika nito sa kaniya. Nabura ang ngiti sa labi niya. “O-okay po.” Wala ng nagawa pa si Raven nang dalhin niya sa kusina ang pusa at ilagay sa isang malinis na basket. Napaka-cute talaga ng pusa. Ngunit hindi niya ito maaaring itago. Na-i-imagine na niya ang pagmumukha ni Patricia marinig pa lang nito ang ngiyaw ng pusa. “Pasensiya na munting pusa. Hindi kita puwedeng alagaan dito, eh. Baka marinig ka ni Patricia. Dadalhin na lang kita sa ibang lugar. ‘Yong puwede kang mabuhay ng mas maayos at mas matagal. Dito kasi, baka hindi tumagal ang buhay mo. At sigurado ako na makakahanap ka rin ng mag-aalaga sa iyo dahil napaka-cute mo. ‘Wag ka ng malungkot. Hmmm?” aniya habang marahang hinahaplos ang balahibo nito. Napabuntong-hininga si Raven. Kung maaari lang mag-alaga ng pusa sa bahay na iyon… pero ayaw ni Patricia at Olivia ng kahit na anong uri ng pet. Tanging mga manok lang ang mayroon sila sa may likod ng bahay. Siya ang nagpapatuka sa mga iyon tuwing umaga at hapon. At ang reward niya sa pagpapakain sa mga iyon? Mga itlog na fresh mula sa mga manok. “Umuwi ka rin agad, Raven,” banta pa ni Patricia nang makalabas na siya sa bahay nila. “Opo,” aniya na binuksan na ang dalang folding na payong. Pagkuwan ay naglakad na papalayo sa bahay nila. Iniisip niya kung saan niya dadalhin ang pusa. Hindi rin niya alam kung paanong may naligaw na pusa sa kanila. Eh, wala naman silang kapitbahay. Napakalalayo ng agwat ng mga bahay sa lugar nila. Ngayon pa lang ay may lungkot na siyang nararamdaman para sa munting pusa. Maaabandona ito. Parang siya. Mag-isa lang. “Pasensiya na, ha?” aniya sa pusa na mula sa basket ay nakatunghay lang sa kaniya. “Kung may chance lang ako na alagaan ka, gagawin ko. Puwede tayong maghati sa pagkain ko,” aniya na ngumiti pa sa pusa. “Pero, hindi kita kayang ibili ng cat food sa ngayon. Kasi, wala naman akong pera. Pasensiya na, ha?” Halos isang oras yata siyang naglalakad makalayo lamang sa kanilang bahay. Para makasiguro na hindi makakabalik doon ang pusa. Malungkot na bumuntong-hininga si Raven nang ilapag niya sa tabi ng isang malaking puno ang cute na pusa. Hindi kalayuan sa kaniyang kinatatayuan ngayon ay natatanawan niya ang isang malaking bahay. “Kitty, tingin ko, ang bahay na iyon ay mapapakain ka ng tama. Doon ka pumunta, ha? Sigurado ako na hindi ka roon magugutom. Masyado kang cute para tanggihan.” Bumuntong-hininga na naman siya. “Pasensiya ulit. Kailangan na kitang iwan dito.” Ngumiyaw ang pusa. Para bang nauunawaan siya. “Kailangan ko ng umuwi ngayon. Bye, Kitty,” malungkot niyang wika bago tumayo mula sa pagkakaluhod sa damuhan. Isang sulyap pa rito bago siya pumihit paharap sa kaniyang likuran para lamang matigilan sa kaniyang nakita. Lihim pa siyang napalunok. Ikinurap pa niya ang kaniyang mga mata para lamang makasigurado na hindi siya namamalikmata lang. Ngunit hindi nawala ang lalaking nakatayo ngayon sa kaniyang harapan. Ngumiti pa ito sa kaniya. At ang puso niya? Nag-react na naman. “Hi.” Wala siyang mahagilap na salita ng mga sandaling iyon. Totoo ba ito? aniya sa kaniyang isipan. Sa pangalawang pagkakataon ay muli niyang nakita si Lhorde. Pero paano itong napapunta roon? “Nagkita ulit tayo, Raven.” Raven… ibig sabihin ay hindi rin nito nalimutan ang kaniyang pangalan? Bakit higit na natuwa ang kaniyang puso? “A-ano’ng ginagawa mo rito?” aniya nang sa wakas ay matagpuan ang boses. “Hulaan mo,” anito sa kaniya. Nang maalala ang malaking bahay sa hindi kalayuan ay dagli niyang ipinagpalagay na baka doon ito nakatira. Sumulyap siya sa cute na pusa na naroon pa rin at humihilig pa sa kaniyang paa. Naglalambing. Napapalunok na muli niyang ibinalik ang tingin kay Lhorde. “Nakatira ka ba sa bahay na ‘yon?” itinuro pa niya ang bahay na tinutukoy. “Why?” sa halip ay balik-tanong ni Lhorde kay Raven. Paano ba niya rito ipapaliwanag ang totoong dahilan kung bakit siya naroon? “A-ah, wala,” sabi na lang niya. Muli siyang nag-squat para kunin ang pusa at muling ibalik sa dala niyang malinis na basket. Siguro, sa ibang lugar na lang niya iyon iiwan. “Iiwan mo ba ‘yang pusa dito?” Mahigpit na hinawakan ni Raven ang handle ng basket. Pagkuwan ay muling tumayo at hinarap si Lhorde. “Hindi.” “Hindi? Pero narinig kita kanina, saying your goodbye sa pobreng pusa.” Parang bigla ay nanghina ang kaniyang pakiramdam. Hindi naman siya nakagawa ng krimen. Pero bakit ganoon ang pakiramdam niya? Tipong nahuli siya on the spot na nagnanakaw. Kung ganoon narinig pala ni Lhorde ang litanya niya kanina sa pusa. “A-ang totoo niyan,” aniya na nagbaba ng tingin sa pusa. “Kailangan kong iwan ang pusang ito dahil ayaw ng madrasta ko na nasa bahay ito.” “Really?” anito na hinimas pa ang balahibo ng pusa. “Cute itong pusa—” “Kung ganoon, sa iyo na lang. Isama mo na sa bahay ninyo,” mabilis niyang wika. Napatawa si Lhorde sa diniklara niyang iyon. “Seryoso ka?” Tumango siya nang tingnan ito. “Oo. Alam kong mapapakain mo itong pusa ng tama. Maaalagaan mo rin siya.” “At paano ka nakakasigurado?” “Malakas ang instinct ko,” aniya na ibinigay na rito ang basket na may lamang pusa sa loob. “‘Di ba, minsan ka ng nagkaroon ng utang na loob sa akin dahil sa pagliligtas ko sa iyo? Kaya ngayon, ikaw naman ang magliligtas ng isang buhay. At ‘wag kang tatanggi sa pusa na ito.” Napailing-iling si Lhorde. Pero hindi ito puwedeng tumanggi sa kaniya dahil may punto ang sinabi niya. At sa hitsura nito ngayon, mukhang napapayag ito ni Raven. Napangiti na siya. Makakahinga na siya nang maluwag dahil may mag-aalaga na sa pusa. “Kailangan ko ng umalis. ‘Wag mong kalimutan na pakainin ang pusa. Bye.” “Not so fast,” ani Lhorde na agad siyang hinawakan sa kaniyang kamay para pigilan sa pag-alis. Ganoon na lang ang kabog sa dibdib niya dahil sa ginawa nito. Napakalapit nito sa kaniya. “B-bakit?” tanong niya na halos mapigilan ang paghinga. Ang init na nagmumula sa kamay nito ay nagdudulot ng kakaibang kilabot sa bawat himaymay niya. Gusto niyang bawiin ang kamay mula rito ngunit hawak lang nito iyon nang mahigpit. “‘Yong kamay ko.” Pero hindi nakinig sa kaniya si Lhorde. Lalo tuloy bumilis ang tahip sa dibdib ni Raven. Ngunit mayamaya pa ay pinakawalan din ni Lhorde ang kaniyang kamay na hawak nito. Ang mga mata nito ay bakas ang ngiti habang nakatitig sa kaniya. “You’re blushing, Raven.” “H-hindi, ah,” kaila niya. “Tigilan mo ako,” mabilis niyang pigil kay Lhorde nang umakma pa itong magsasalita. “Kailangan ko ng umuwi. Ingatan mo ‘yan,” tukoy niya sa pusa. “Maaga pa para umuwi.” “Magagalit ang madrasta ko kapag natagalan akong nasa labas,” paliwanag niya. Nag-wave siya ng kamay as a sign ng pamamaalam dito. Hindi na rin naman nangulit pa si Lhorde para manatili pa siya roon nang matagal. Kuntento na itong tinanaw siya habang papalayo. Muli, sumilay ang ngiti sa labi nito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD