“EXCITED ka na ba sa darating na pasukan, anak ko?” matamis pa ang ngiti na nakaplaster sa labi ni Patricia habang nakatingin kay Olivia.
“Of course, ‘Ma,” ani Olivia na sinadya pang laksan ang boses para marinig ni Raven.
“Sa susunod na buwan, mamimili na tayo ng mga gagamitin mo para sa kolehiyo.”
Inihinto ni Raven ang pagwawalis ng sahig bago pumihit paharap kina Patricia at Olivia. “P-pag-aaralin niyo rin po ba ako sa kolehiyo?” nagbabakasakali niyang tanong sa madrasta.
Tumaas ang isa nitong kilay. “Raven, wala ka ng magulang para pag-aralin ka pa sa kolehiyo. Tingin mo ba ay mura lang ang pag-aaral sa kolehiyo? No! Kulang na kulang pa ang iniwang pera ng ama mo para makapag-aral ka sa kolehiyo.”
Kung kulang na kulang pa ang perang iniwan ng kaniyang ama, bakit ma-a-afford nitong pag-aralin sa college si Olivia? Nakaramdam siya ng animo pagpiga sa puso niya.
“Bilisan mo na riyan,” sita pa ni Patricia kay Raven kaya nagpatuloy siya sa kaniyang pagwawalis.
Matapos niyang magwalis sa buong bahay ay inutusan naman siya ni Patricia na bumili ng patuka ng mga manok sa palengke. Gustuhin man niyang tumanggi ay hindi naman niya magawa.
Nang makarating sa palengke ay agad siyang bumili ng patuka sa manok. Ilang kilo rin iyon na inilagay niya sa kaniyang rolling basket para hindi siya mahirapan sa pagdadala. Ganoon pa man ay mabigat pa rin iyon kapag hinihila.
Naglalakad siya sa may gilid ng kalsada nang humangin naman nang may kalakasan. May nagliparan na papel mula sa pagkakahawak ng isang lalaki. May tumapal pa nga sa kaniyang mukha dahilan para mapahinto siya sa paglalakad nang wala siyang makita.
Mabilis naman niyang kinuha ang papel sa mukha niya. Maiinis sana siya nang mabasa naman niya ang nakasulat sa papel. Isa iyong flyer mula sa Ellison University. Animo tumigil ang mundo niya nang mabasa niya na tungkol iyon sa nalalapit na entrance exam para sa mga gustong makakuha ng scholarship program ng nasabing unibersidad.
Napatingala siya sa kalangitan. Ayaw niyang mag-assume. Pero, sign na ba iyon para mabago ang buhay niya mula sa impiyernong buhay na mayroon siya kasama ang kaniyang madrasta at si Olivia?
Muli niyang binasa ang nakasulat sa flyer. At lalong nabusog ang mga mata niya na gutom mula sa kalayaan. Ang first five na makakapasa sa exam para sa scholarship program ay siyang makakakuha sa mga libreng pribeliheyo mula sa Ellison University. Libreng dorm, pagkain at allowance. In short, wala siyang gagastusin ni isang kusing habang nag-aaral siya. Ang tanging gagawin lang niya ay mag-aral siya hanggang sa makatapos siya.
At alam niya sa sarili niya na kakayanin niya.
Unang linggo sa susunod na buwan ang nasabing examination para sa mga estudyante na nais maging parte ng scholarship program.
“Kuya, sa akin na lang po ito,” paalam pa niya sa lalaking dinadampot ang mga nagkalat na flyer.
“Sige,” sang-ayon niyon kaya naman mabilis iyong tinupi ni Raven at inilagay sa bulsa ng suot niyang pants.
Walang pagsidlan ang ngiti niya. Para bang natanggal ang pagod niya para sa araw na iyon. Gagawa siya ng paraan para maka-attend sa examination na gaganapin mismo sa Ellison University. Pero bago iyon, kailangan niyang maka-register online.
At simula na ang registration sa susunod na araw na tatagal lang ng tatlong araw. Wala pa naman siyang laptop, personal computer o kahit cellphone para magamit niya sa pagre-register. Out of the blue ay nawala ang saya sa maganda niyang mukha.
Napabuntong-hininga pa siya. Kung pupunta naman siya sa isang computer shop, wala iyon sa kanila, baka pagbawalan pa siya ni Patricia. Nasa bayan ang halos mga computer shop.
“Raven, excited ka masyado. Pero una mong pro-problemahin ay ang pag-re-register para makasama ka sa listahan ng mga mag-e-exam sa susunod na buwan,” anas pa niya. May website naman na nakalagay sa flyer para sa darating na registration.
Kay layo na naman ng tingin niya habang namamaybay siya sa gilid ng kalsada nang biglang mawala sa kamay niya ang kaniyang hawak-hawak na rolling basket.
Agad ang pagbaling niya ng tingin sa may likuran niya. Napasinghap pa siya nang makita ang mukhang iyon na akala niya ay hindi na niya ulit makikita pa. Dalawang linggo na rin ang matulin na lumipas simula noong huli niya itong makita.
“L-Lhorde?” gulat pa niyang bulalas. Napakurap-kurap pa siya ngunit hindi ito nawala sa kaniyang paningin. Ngumiti pa ito.
“Akala ko, limot mo na ako,” nangingiti pa nitong wika.
Lihim na napalunok si Raven. Hindi na naman niya mapigilan ang lihim na ma-starstruck sa kaguwapuhang taglay ni Lhorde. Kahit nakasuot ito ng sumbrelo sa ulo, dahil sa katangkaran nito, madali niyang makita ang mukha nito. Umabot lang ang taas niya sa may dibdib nito.
“What is this? Ang bigat masyado,” ani Lhorde na sinulyapan ang rolling basket niya. “Palagi ka na lang may dalang mabigat. Kaya hindi ka tumatangkad,” biro pa nito sa kaniya.
“Nasasabi mo lang na maliit ako kasi masyado kang matangkad,” aniya na binawi na rito ang kaniyang rolling basket.
“I wonder kung bakit parang ang layo ng nararating ng tingin mo? Nasa kabilang kalye ako nang mapansin kita. I even shouted your name, pero parang hindi mo naririnig? Wala ka namang suot na ear phone sa tainga mo,” anito na sinulyapan pa ang tainga niya.
Tinatawag siya nito? Hindi nga niya iyon napansin dahil masyadong ukupado ang isip niya. “H-hindi ko napansin.”
“Ganoon ba kalalim ang iniisip mo?”
Tumango siya. “Gusto ko kasi sanang sumubok na mag-exam para sa scholarship program ng Ellison University. Gusto ko rin kasing makatapos sa pag-aaral. At ‘yong scholarship program lang ang makakatulong sa akin para makatapos ako.” Bumuntong-hininga siya. “Kaso, problema ko kung paano ako makakapag-register. Eh, wala namang computer shop sa amin. Mahina rin ang signal kung manghihiram naman ako ng cellphone sa madrasta ko. Kaso, suntok sa buwan na pahiramin ako noon.”
“Gusto mong mag-aral sa Ellison?”
Tunog ambisyosa ba siya rito? “Hindi ba puwedeng mangarap?”
“Hindi naman sa ganoon.”
Tumingin siya sa kabilang kalsada. “Alam ko naman na para lang sa mayayamang tao ang Ellison University. Pero sa nakita kong announcement para sa scholarship program, ‘yon lang kasi ‘yong tanging paraan para makatapos ako sa pag-aaral at makaalis sa poder ng madrasta ko. Ayaw ko na hamambuhay na nakakulong lang sa poder niya at sunud-sunuran sa lahat ng utos niya. Gusto ko ring maging malaya na parang ibon. May sariling desisyon at hindi nagtitiis na nakakulong lang sa isang hawla.”
“‘Yong pag-re-register lang ba ang problema mo?” ani Lhorde kapag kuwan.
Tumango siya. Pagkuwan ay nginitian ito. “Bahala na kung paano ako makaka-register,” aniya bago nagsimula na ulit maglakad-lakad.
“Saan ka ba pupunta? Wala naman diyan ang bus stop.”
“Sa may water fountain sa may plaza. Uupo lang sandali,” aniya na nagpatuloy lang sa paglalakad. Ayaw pa niyang umuwi. Kahit isang oras lang. Gusto niyang maging malaya na makapahinga. Tipong wala siyang maririnig na boses ni Patricia.
“Ako na rito,” ani Lhorde na muli ay inagaw sa kaniya ang hawak niyang handle ng rolling basket.
“Wala ka bang ibang pupuntahan? Baka nakakaabala ako sa iyo. Kaya ko naman ‘yan, eh.”
“Wala. Pauwi na rin naman ako nang makita kita.”
Bakit ba sa tuwing makikita niya ito ay kay gaan lang ng pakiramdam niya rito? Napabuntong-hininga na naman siya. Sa huli ay wala na rin siyang nagawa pa kung hindi ang hayaan dito ang kaniyang rolling basket. Siguro naman ay ihahatid lang siya nito sa plaza bago iiwan na rin para umuwi.