Chapter 02

1804 Words
HUMINTO mula sa paglalakad sa sidewalk si Raven. Nakatayo siya ngayon mula sa labas ng isang mamahaling restaurant. Gumuhit ang malungkot na ngiti sa kaniyang labi habang nakatuon ang tingin sa isang partikular na spot. Isang kumpletong pamilya ang ngayon ay kumakain mula sa loob ng isang restaurant. Masaya. Hindi niya mapigilan ang mainggit sa pamilyang iyon at hindi niya kayang ikaila ang bagay na iyon. Hindi niya kailanman na-experience ang bagay na iyon. Ang magkaroon ng isang kumpletong pamilya. Kasama ang totoong mama niya… Bakit ba kailangan niyang maging mag-isa sa mundong ito? Wala na parehas ang mga magulang niya. Kahit nga kaibigan ay wala siya. Ayaw ni Patricia na makikipagkaibigan siya sa kahit na sino. Iyon ang malungkot na katotohanan. Muli ay nagpatuloy siya sa paglalakad ngunit isang partikular na tanawin ang nagpahinto sa paglalakad ni Raven. Ang magandang view ng Ellison University mula sa hindi kalayuan ang kaniyang natatanaw. Iyon ang pinaka-prestigious na unibersidad sa bansa. Tanging ang mga pinakamayayamang personalidad lang sa bansa ang may kakayahang mag-aral doon. At ang mahirap na katulad niya? Walang tiyansa para makapag-aral ng kolehiyo sa pamosong Ellison University. Isang sulyap pa sa Ellison University, pagkuwan ay nagpatuloy na sa paglalakad si Raven habang hila-hila ang kaniyang dalang rolling basket na puno ng kaniyang pinamalengke kanina. Hinahayon niya ang kinaroroonan ng bus stop sa kabilang kalye. Kailangan niyang makauwi bago magtanghalian para magluto. Siguro, kailangan na niyang masanay sa araw-araw niyang buhay ngayon. Lalo na at nasa poder pa siya ng kaniyang madrasta. “Papa,” malungkot pa niyang bulalas. Kung hindi lang ito namatay ng maaga mula sa isang aksidente, hindi sana miserable ang buhay niya ngayon. Walang Patricia na ginagawa siyang alila. Tiyak din na makakapag-aral siya sa kolehiyo. Mayamaya pa ay natuon ang kaniyang tingin sa lalaking patawid sa kalye. May suot iyong sumbrelo sa ulo. Kumunot ang kaniyang noo dahil mukhang hindi alintana ng lalaking iyon ang paparating na sasakyan. Umawang ang labi niya at nagsimulang makaramdam ng panic nang tuloy-tuloy lang iyon sa paglalakad kahit na binusinahan na ito ng sasakyan. Walang pagdadalawang isip na binitiwan niya ang rolling basket at agad tumakbo palapit sa lalaking iyon. At bago pa ito tuluyang masagasaan nang mabilis na sasakyan ay nahila niya ito sa kamay nito papunta sa tabing kalsada. At dahil sa impact ng kaniyang ginawang paghila, parehas silang tumumba sa may gilid ng kalsada. Napakalakas ng t***k ng kaniyang puso. Habol din niya ang kaniyang paghinga. Unti-unti niyang iminulat ang mga mata. Buhay pa siya. Iyon ang nasisigurado ni Raven. Isang ungol ang nagpayuko kay Raven, saka lang niya napagtanto na nakapatong siya sa ibabaw ng lalaking iniligtas kani-kanina lang. Napapalunok na agad siyang bumangon mula sa ibabaw nito at umalis doon. Ang mga tao sa sidewalks ay nagsilapitan sa kanila para makiusisa. “Okay lang ba sila?” “Buti na lang hindi naabutan ng sasakyan ang binatang ‘yon.” “Baliw ka ba?!” hindi niya mapigilang bulyaw sa lalaking iniligtas. Muntik na itong mamatay sa mismong harapan niya. At hindi yata niya ma-imagine kung ganoon nga ang mangyayari. Makikita niya ng live ang pagkakabangga rito ng sasakyan. Paano kung maipit pa ito ng gulong? Mapisak ang ulo nito at kumalat ang utak sa kalye? Nangilabot siya sa na-imagine. Maging ang katawan niya ay bahagyang nanginginig. “W-what?” anito nang makabangon din ito mula sa pagkakahiga sa semento. Medyo ngumiwit pa ito dahil sa likod na bumagsak sa semento. Naiinis man ay tinulungan pa rin ito ni Raven mula sa pagkakatayo. Para bang hindi ito aware sa nangyari dito kanina. Saka lang nakita ni Raven nang malinaw ang hitsura ng lalaking iniligtas niya nang tingalain ito. Hindi siya agad makapagsalita dahil sandaling natulala na siya sa kaguwapuhan nitong tinataglay. “Hey!” anito na pumitik pa sa harapan niya kaya napatinag siya sa pagkakatitig dito. At nang dumako ang tingin ni Raven sa may tainga nito ay saka lang niya nakita ang nakapasak sa magkabila nitong tainga na AirPod. Lalo siyang nakaramdam ng inis. Tumingkayad siya para maalis sa may tainga nito ang AirPod nito at inilagay sa kamay nito. Malakas ang sound na nanggagaling mula roon. Kung ganoon, kaya wala itong pakialam sa paligid nito ay dahil sa malakas na tugtuging iyon. Nakasuot ito ng simpleng white t-shirt na pinatungan ng itim na jacket at pants sa pang-ibaba. Sa paa ay pares ng rubber shoes ang suot. “Magpapakamatay ka ba, ha?!” aniya nang makabawi. “Sa susunod, kung tatawid ka sa kalsada, magbigay ka naman ng oras na tumingin sa kaliwa’t kanan mo. O kung sawa ka na sa buhay mo at gusto mong magpakamatay, please lang, ‘wag sa maraming makakakita. Babangungutin ako sa iyo,” marahas siyang bumuntong-hininga. “Alam mo, isang beses ka lang mabubuhay sa mundo, ‘wag mong sayangin.” Nakatitig lang ito sa frustrated niyang mukha. Pagkuwan ay saka lang nito nagawang tumingin sa kalsada. Patunay ang mga taong nakatuon pa rin ang tingin sa kanila nang mga sandaling iyon, sa muntik ng pagkakaaksidente nito. Mukhang ngayon lang dito nag-si-sink in ang nangyari dito kanina. Inayos nito ang suot na sumbrelo sa ulo at mas ibinaba pa ang hood niyon para hindi ito mamukhaan. Isang tingin pa sa guwapong mukha nito bago niya binalikan ang kaniyang rolling basket. Hinawakan na niya iyon sa handle at nagsimula ng maglakad palayo sa lalaking iyon habang hila-hila ang rolling basket niya. Nang wala ng sasakyan sa magkabilang kalsada ay ipinasya na niyang tumawid sa may pedestrian lane. Gusto sana niyang lingunin ang lalaking iniligtas kanina pero pinigilan niya ang kaniyang sarili. Ayaw niyang maging obvious na sa kabila ng inis niya sa nangyari kanina ay nagawang patigilin ng guwapo nitong mukha ang pag-inog ng kaniyang mundo. Iyon ang unang pagkakataon na naranasan niya ang ganoon sa isang lalaki. “It looks heavy. Ako na,” anang boses ng lalaki kanina bago niyon hinawakan ang handle ng rolling basket ni Raven at ito na ang humila. “S-sandali. Kaya ko na ‘yan,” apila niya rito. “Sa nakikita ko, mukhang hindi,” anito na hindi hinayang makuha niya ang rolling basket. “Saan ka ba pupunta? Ihahatid na kita bilang pasasalamat ko sa ginawa mo kanina. You save me,” may munting ngiti na gumuhit sa labi nito. “I owe you my life now. Thank you.” Bakit bigla ay parang ang awkward ng kaniyang pakiramdam? Huminga nang malalim si Raven. “You’re welcome,” aniya. Pagkuwan ay sinubukan ulit agawin dito ang handle ng rolling basket ngunit hindi siya nito hinayaan. Sa halip ay hinawakan pa nito iyon nang mahigpit. “Mister, nagmamadali ako kung hindi ka aware. Sapat na ‘yong pasasalamat mo. Pakiingatan na lang ng buhay mo kung gusto mo pang tumagal dito sa mundo.” “Kung nagmamadali ka, then, let’s go,” anito na hindi pinansin ang iba pa niyang sinabi. At sa pagkagulat ni Raven ay hinawakan din nito ang isa niyang kamay at muling naglakad. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Isang estranghero ang may hawak sa kaniyang kamay. Totoo ba ito? Ipinilig niya ang kaniyang ulo. Hindi. Hindi ito maaaring mangyari. Binawi niya ang kamay mula sa lalaki ngunit mahigpit lang nito iyong hawak. Para bang ayaw nitong makakawala siya rito. Halos mababakas sa maganda niyang mukha ang pagkailang. Ngayon lang siya nahawakan sa kamay ng isang lalaki at hindi niya maipaliwanag ang kaniyang nararamdaman. “E-excuse me. Kaya kong maglakad. Hindi mo rin kailangang hawakan ang kamay ko na para bang isang bata ako na kailangan pang alalayan ng tatay sa paglalakad,” litanya pa niya nang makabawi. Nagkibit lang ito ng balikat. “Miss, I am just being thankful here. Just let me do this. Dahil hindi ka rin naman mananalo sa akin.” Napabuntong-hininga na naman si Raven. Mukhang seryoso nga ito na tulungan siya. At ang puso niya? Hindi niya mapahinto mula sa mabilis na pagtibok. Sino ka ba? gusto sana niyang itanong. Pero hindi niya magawang isatinig. Nang marating nila ang bus stop, saka lang niya muling binawi ang kamay niya na binitiwan na rin nito. “Puwede mo na akong iwan dito,” aniya na kinuha na rin mula rito ang kaniyang rolling basket. “S-salamat.” Nang tingalain niya ito ay saka lang niya napansin na nakatuon ang tingin nito sa kaniya. Bakit kung makatitig ito ay para bang minimemorya nito ang kaniyang mukha? “M-may dumi ba sa mukha ko?” nahihiya niyang tanong. Nahawakan tuloy niya ang kaniyang mukha sa pag-aakalang may dumi roon. Umiling ito. “Wala. Gusto ko lang tandaan ang mukha ng taong nagligtas sa akin.” Halos mapigilan ni Raven ang kaniyang paghinga. Like seriously? “Hindi mo kailangang tandaan ang mukha ko. Dahil alam ko na ito na ang huli nating pagkikita. Mag-ingat ka na lang,” aniya bago ito tinalikuran. Nakagat niya ang kaniyang ibabang-labi. Hinihiling niya na sana ay may dumaan ng bus sa lalong madaling panahon. Ang bahay nila ay malayo sa siyudad. Kailangan pa niyang sumakay ng bus. “What's your name?” tanong pa nito. Hindi tumugon si Raven. Lord God, nasaan na po ang bus? Bakit ang tagal? “Miss?” Muli, huminga siya nang malalim bago ito tiningnan. “Raven,” sa huli ay pakilala rin niya sa kaniyang pangalan. “Okay na?” Baka kasi humirit pa ito. Tumango ito. “Hmmm.” Ngunit may kasunod pa pala dahil inilahad pa nito ang kanan nitong kamay sa harapan niya. “Lhorde,” pakilala rin nito kay Raven kahit na hindi naman niya tinatanong ang pangalan nito. Ano ba ang mangyayari kung hindi niya tanggapin ang kamay nitong nakalahad ngayon sa harapan niya? Magagalit ba ito? Sa hitsura nito, para bang walang sinuman ang basta-basta mang-i-ignore sa charm na mayroon ito. At isa siya sa malinaw na katibayan niyon. Dahil hindi niya iyon basta mapalampas. Deep inside ay gusto niyang kiligin dahil may ganito kaguwapo sa harapan niya. Ngunit kahiya-hiya kung magpapaka-obvious siya. Nang may humintong bus sa tapat nila ay saka lang siya natinag. Pagkuwan ay agad na tinanggap ang kamay nito para makipagkamay. Hala! Napakalambot ng kamay niya, bulalas niya sa kaniyang isipan. “Kailangan ko ng umalis,” aniya nang bitiwan na ang kamay nito. “Bye,” aniya bago may pagmamadaling sumakay na siya sa bus dala ang kaniyang rolling basket. Sa may bandang hulihan siya naupo. Isang sulyap pa ang ibinigay ni Raven sa lalaking nakatayo pa rin sa may bus stop at nakatuon ang tingin sa kaniya. Ngumiti pa ito nang magtama ang kanilang mga mata. Nag-wave pa ito sa kaniya. Pigil niya halos ang paghinga dahil sa pambihirang ngiting iyon ni Lhorde. Nakaramdam siya ng panghihinayang nang umandar na ang bus at hindi na matanawan pa ang binatang iniligtas mula sa kapahamakan.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD