NANG makarating sa may plaza ay agad na naupo sa gilid ng water fountain si Raven. Nanatili namang nakatayo si Lhorde matapos ilagay sa may gilid niya ang dala-dala niyang rolling basket.
“Hindi ka ba hahanapin kung magpapalipas ka pa ng oras dito?” usisa pa ni Lhorde kay Raven na hindi inaalis ang tingin sa kaniya.
“Magdadahilan na lang ako kapag nagtanong ang madrasta ko kung bakit ang tagal ko. At isa pa,” aniya na pinuno ng preskong hangin ang kaniyang dibdib. “Gusto ko lang mag-relax kahit isang oras lang. Dahil pag-uwi ko sa amin, sunod-sunod na naman ang gagawin ko.”
“What do you mean?” anito na naupo na sa may tabi niya. Bagaman at may espasyo pa ring nakapagitan sa kanila.
Gusto niyang punahin ang pag-e-English ng lalaking kaharap. Ngunit hinayaan na lang niya. Bagay rin naman dito. At isa pa, mukha namang may kaya si Lhorde dahil sa pananamit nito at kutis nito.
“Ako lahat ang gumagawa ng mga gawain sa bahay. ‘Yong pagtambay ko rito sa plaza, parte lang ito ng pamamahinga ko.”
“Walang tumutulong sa iyo sa inyo?”
“Dati mayroon, pero ngayon,” aniya na umiling pa. “Wala na.” Bago pa bumakas ang lungkot sa magandang mukha ni Raven ay muli siyang ngumiti. “Kabute ka ba?” tanong pa niya kay Lhorde para maiba ang usapan.
Nagsalubong ang kilay nito. “Kabute?”
Tumango siya. “Para ka kasing kabute. Bigla-bigla ka na lang sumusulpot.”
“Ah,” anito na nangingiti pang tumingin sa malayo.
Halos mapigil ni Raven ang paghinga dahil sa ngiting sumilay sa guwapong mukha ni Lhorde. Animo pumailanlang sa paligid ang kantang… you take my breath away.
“Para ka ring kabute sa paningin ko,” ganting wika ni Lhorde kay Raven. “Bigla ka ring sumusulpot.”
“Okay, parehas tayong kabute kung ganoon,” nangingiti niyang wika. Nilingon niya sa likuran ang malaking rebulto ng isang lalaki na nakasakay sa isang kabayo. Ang dalawang paa ng kabayo ay may tinatapakang bato sa unahan niyon. “Kilala mo ba ‘yan?” out of the blue ay tanong niya kay Lhorde na itinuro pa ang rebulto sa likuran nila.
Tiningnan ni Lhorde ang kaniyang tinitingnan. “Kilala mo?” sa halip ay balik tanong nito sa kaniya.
“Sabi ng papa ko, isa raw ‘yan sa pinakamayamang tao na nirerespeto hindi lamang dito sa atin, kung hindi sa buong mundo… Si Philip Ellison. Kaso, matagal na siyang patay. At kaya mayroong rebulto niya rito sa plaza, dahil mahal na mahal siya ng taong bayan. At ang rebulto na ‘yan ang isa sa alaala ni Philip Ellison dahil malaki ang naitulong niya para umunlad ang lugar na ito. Kung gaano man kaunlad ang lugar na ito, dahil ‘yon sa kaniya.”
Napatango-tango si Lhorde. “Tama ka, siya si Philip The Great kung ituring noon ng mga tao dito sa bayan na ito.”
“At ang anak niya ang nagmamay-ari sa Ellison University,” dagdag pa niya.
Tumikhim si Lhorde. “Nakita mo na ba ang buong pamilya ng mga Ellison?”
Mula sa rebulto ay lumipat ang tingin niya kay Lhorde. Kapagkuwan ay umiling. “Hindi pa.”
“May alam ka ba tungkol sa pamilya nila?”
Umiling siya. “History lang ang alam ko. Papa ko lang naman kasi ang nagkukuwento sa akin. Saka kapag nababanggit sa school ang tungkol sa pagiging kilalang tao ni Phillip Ellison. Ah, may isa pala akong alam,” aniya nang may maalala.
“Ano ‘yon?”
“Naninirahan ang mga Ellison sa Ellison Heights. Isa ring exclusive na village at malapalasyo ang bahay. At kapag sinabing, Ellison,” aniya na bumuntong-hininga pa.
“Ay ano?” naghihintay pa na tanong ni Lhorde kay Raven.
Ngumiti siya rito. “Para silang royal family kung ituring.”
“Tingin mo?”
Tumango siya. “Siguro ang hirap nilang lapitan, ‘no? Puro bodyguards.”
“Paano kung may makaharap ka na isang tao na parte ng pamilya ng mga Ellison?”
Tumawa siya.
“May nakakatawa ba sa tanong ko?”
“Lhorde, siguro suntok sa buwan na may makaharap ako na isang Ellison. At saka, sino ba ako para pag-aksayahan nila ng oras?” malungkot siyang ngumiti bago nagbawi ng tingin.
Mula sa pagkakatitig sa kaniya ni Lhorde ay nagbawi ito ng tingin at tumanaw sa malayo.
Katahimikan ang sunod na namayani sa pagitan nila. Na hindi naman nagtagal ay binasag din ni Lhorde. Tumikhim pa ito.
“Tungkol sa exam para sa scholarship program… ituloy mo ‘yon.”
Saka lang muling ibinalik ni Raven ang tingin kay Lhorde. “Gusto ko talaga. Kaso lang, hindi ako sigurado kung makaka-register ako online. Tatlong araw ang duration ng registration.”
“Sayang kung palalampasin mo ‘yon.”
Napabuntong-hininga na naman siya.
Dinukot ni Lhorde ang cellphone nito at nagpipindot sa screen niyon. “What if, ako na ang mag-register para sa iyo? Siguro naman mga basic infos lang ang kailangan para sa registration. Sabihin mo na lang sa akin kung ano ang full name mo, complete address, birthday at saka age mo.”
“S-sigurado ka?” Gagawin nito iyon para sa kaniya? Pakiramdam tuloy niya ay para bang nagdilang anghel itong lalo sa kaniyang paningin.
“Sigurado,” paniniguro ni Lhorde kay Raven.
Kaya naman walang pag-aalinlangan si Raven na sabihin kay Lhorde ang mga personal information niya na agad naman nitong sini-save sa notes ng cellphone nito.
“Kung mapapasama ka sa mga mag-e-exam, galingan mo. Sayang ang chance na makatapos ka.”
Nakangiting tumango siya. “Basta mapasama ako sa mga mag-e-exam.”
Kung may extra lang siyang pera ay nailibre na sana niya si Lhorde kahit ice cream man lang para sana pasasalamat. Kaso, sakto lang ang pera niya para sa pamasahe pauwi.
“Wait lang,” ani Lhorde kay Raven. Tumayo ito at naglakad palayo.
Sandali lang niyang nahabol ng tingin si Lhorde. Pagkuwan ay nagbawi na rin siya ng tingin. Pinagsawa niya ang tingin sa paligid ng plaza. May mga batang naglalaro. May ilang kabataan na nag-i-skateboard. Pakiramdam niya ay normal na normal lang ang buhay ng mga iyon. Hindi niya katulad. Sa murang edad, may mga pagsubok na kailangang lampasan.
Kung makakapasa siya sa scholarship program ng Ellison University, saka pa lang magiging normal ang takbo ng buhay niya. Bilang isang kabataan at bilang isang estudyante na walang ibang iniisip kung hindi ang makatapos sa pag-aaral.
Mamaya lang, babalik na rin siya sa reyalidad. Maririnig na naman niya ang boses ni Patricia.
Bumuntong-hininga siya.
Sa ngayon, tanging dalangin niya na ma-i-register siya ni Lhorde para makasama siya sa list ng mga qualified na mag-exam para sa susunod na buwan.
Ganoon na lang nang mapakurap-kurap si Raven nang biglang may sumulpot na ice cream sa harapan niya. Vanilla flavor iyon. Nakalagay iyon sa medyo malaking cup. Maraming sprinkles sa ibabaw at chocolate syrup na tumigas na. Nang mag-angat siya ng tingin ay mukha ni Lhorde ang nasilayan niya.
Lihim siyang napalunok nang magtama ang mga tingin nila.
“Mas masarap tumambay rito habang may kinakain,” nakangiti pa nitong wika. “Kunin mo na, Raven, bago pa matunaw.”
“B-baka singilin mo ako? Pamasahe na lang pauwi ang pera ko.” Gusto niya ang ice cream na iyon ngunit nahihiya siyang tanggapin.
“Saka na ako maniningil kapag nag-aaral ka na sa Ellison University,” ani Lhorde na nagkusa ng ilagay sa kamay niya ang ice cream cup. Mayroon din itong ice cream para dito. “Kainin mo na.”
“S-salamat,” kimi niyang wika. Bahagya pa niyang nakagat ang ibabang-labi bago nagawang tikman ang ice cream.
Pinigilan niya ang maluha dahil ang tagal na rin simula nang makatikim siya ng ganoon. Ikinurap-kurap niya ang mga mata nang maalala ang kaniyang ama na noong bata pa siya ay palagi siyang binibilhan ng ice cream kapag dinadala siya nito sa kabayanan. Kumakain ng ice cream sina Patricia at Olivia, ngunit hindi siya inaalok ng mga iyon.
“H-hey,” ani Lhorde na nang mapatingin sa kaniya ay nagulat nang makitang may pumatak na luha sa mga mata niya. “Hindi mo ba nagustuhan ang flavor?”
Umiling siya na mabilis na pinalis ang luhang hindi niya nagawang pigilan na kumuwala sa kaniyang mga mata. “Naalala ko lang ‘yong papa ko,” aniya bago nagpatuloy sa pagsubo ng ice cream. “Okay lang ako. M-masarap ‘yong ice cream,” dagdag pa niya.
Nakahinga naman ng maluwag si Lhorde. Inilapag nito sandali ang ice cream cup sa may gilid nito at may dinukot sa bulsa ng suot nitong pants. Panyo iyon na kulay itim. Pagkuwan ay kinuha ni Lhorde ang isang kamay ni Raven at doon ay inilagay ang malinis nitong panyo.
“I think, mas kailangan mo ‘yan.”
Sandali niyang natitigan ang panyo bago tumingin kay Lhorde. Pero hayon at hindi niya magawang salubungin ang tingin nito. Kasabay ng pagbawi niya ng tingin ay ang paghawak niya nang mahigpit sa panyo nito.
“S-salamat. Lalabhan ko na lang,” aniya na agad ipinampunas sa kaniyang mga mata na namamasa-masa pa rin.
Mas lalo lang niyang naramdaman kung gaano kahirap ang buhay niya ngayon. Hindi katulad ng mga kabataang katulad niya na nasa plaza. Malaya.