Chapter 06

1083 Words
WALA yatang araw na hindi humiling at nagdasal si Raven na sana ay magkaigi ang pag-re-register sa kaniya ni Lhorde para sa scholarship program ng Ellison University. Kahapon pa natapos ang registration at wala siyang ideya kung ano na ang balita. “Mama!” halos mangiyak-ngiyak na tawag ni Olivia sa ina nito matapos nitong isara ang pinto ng bahay nila. Humahangos naman si Patricia sa pagbaba sa may hagdanan. Habang si Raven ay unti-unting bumagal ang paglalakad mula sa kusina. May pagtataka na pumunta siya sa may salas. Huminto siya sa may bukana niyon at nanatili sa may gilid kung saan kita niya si Olivia na nilapitan ni Patricia. “Ano ‘yon?” “Kaaalis lang ni Jhorie. Know what? May bad news siyang sinabi.” “Bad news? Ano ‘yon?” tanong ni Patricia na inalalayang maupo si Olivia sa malapit na sofa at hinagod-hagod ang likuran upang kumalma. “Nagkaroon po pala ng registration para sa mga gustong maging scholar ng Ellison University. Wala akong kamalay-malay. ‘Ma!” halos mangiyak-ngiyak na bulalas ni Olivia. “Sayang ‘yong chance na makapag-aral ako sa Ellison. Tapos na ‘yong online registration kahapon.” Tumikhim si Patricia. “Olivia, anak, wala tayong magagawa kung tapos na.” “Mama! Pangarap ko rin naman na makatapak sa prestiheyosong unibersidad na ‘yon. Bagay na bagay ako roon.” “Kung makakapag-register ka ba naman, tingin mo ba, maipapasa mo ‘yong exam? Siguradong mahirap ‘yon.” Sa puntong iyon ay natigilan si Olivia. Hindi man sa pan-ja-judge ngunit mas higit na mas matalino si Raven kaysa rito. Bumuntong-hininga si Olivia. “Mama, puwede naman akong magpa-tutor bago dumating ang exam para sa scholarship program na ‘yon,” katwiran pa ni Olivia. “Anak, ‘wag ka ng manghinayang. Maganda rin naman ang unibersidad na papasukan mo sa darating na pasukan.” Sumimangot si Olivia. “Wala ng mas hihigit pa sa Ellison University, ‘Ma.” Ipinasya na lang ni Raven na ituloy ang pagbabalat ng patatas sa kusina. Naalala niya, nagpapantasya nga pala ito noon na maging isang Ellison. Wala itong ibang pinangarap kung hindi ang makapangasawa ng isang mayaman. Ganoon din naman ang pangarap ng nanay nito para dito. Mag-aaral lang ito ng kolehiyo para sa magandang background. Pero hanggang doon lang iyon. Dahil mayamang mapapangasawa pa rin ang pangarap nito. At ang makapasok sa Ellison University, tiyak na mas mapapadali sana ang pangarap na iyon ni Olivia. Lalo na ang makahanap ng isang Ellison. SA BAWAT pagpunta ni Raven sa siyudad ay umaasa siya na makikita niya si Lhorde at makakakuha ng balita mula rito kung na-i-register ba siya nito? Pero bigo siya na makita ito. “Akala ko ba, kabute ka? Bakit hindi kita mahagilap ngayon kung kailan kailangan kita?” litanya pa niya habang naglalakad. Pauwi na siya ng mga sandaling iyon. As usual, may dala na naman siyang rolling basket na may laman na mga pinamalengke niya. Sinasadya pa niya na bagalan ang kaniyang paglalakad at palingon-lingon din siya sa paligid. Nagbabakasakali na makita ang pamilyar na guwapong mukha ni Lhorde. “Dad, look! Kasama ‘yong name ko sa list na puwedeng mag-exam para sa scholarship program ng Ellison University!” Huminto sa paglalakad si Raven at tiningnan ang babae na umikot pa sa sobrang saya habang hawak ang cellphone nito. Tuwang-tuwa naman ang ama niyon na may-ari ng isang shoe shop. “Pagbutihin mo sa darating na exam, anak.” “I will, Dad.” Kinapalan na niya ang mukha at nilapitan ang babae at ang ama niyon na nasa harapan ng shoe shop. “Bibili ka ba ng sapatos, hija?” nakangiti pang baling sa kaniya ng may-ari ng shop. “A-ah… h-hindi po. Pero okay lang po ba kung makiki-check din po ng pangalan ko kung napasama sa listahan ng mga puwedeng mag-exam para sa scholarship program ng Ellison University?” lakas-loob niyang tanong. Bahagyang tumaas ang kilay ng anak niyong babae na nawala ang ngiti sa labi. “Nag-register ka rin ba?” “‘Yong kaibigan ko ang nag-register sa akin. Kaso wala akong contact sa kaniya. Malayo po kasi ‘yong sa amin. K-kung okay lang po. Congrats din po pala.” “Sige na, anak,” baling ng tatay ng babae rito. Kabado man ay lubos pa rin ang pasasalamat ni Raven dahil mabait ang tatay ng babae. “Okay, what’s your name?” “Raven. Raven Trojillo.” In-spelling pa niya sa babae ang kaniyang pangalan at apelyido. Abot yata sa Jupiter ang kaniyang kaba habang nag-i-scroll down ang babae sa screen ng cellphone nito. Halos mapigil din niya ang paghinga. “Naku, Miss,” anang babae na malungkot siyang tiningnan. Iniharap pa nito ang screen ng cellphone nito sa kaniya. “Kasama ang pangalan mo!” nasisiyahan din nitong bulalas. “A-ano po?” parang hindi yata niya narinig ng malinaw ang sinabi nito. “Look, ito ang pangalan mo, ‘di ba?” tumabi pa ito sa kaniya at ipinakita sa kaniya ang kaniyang buong pangalan. Hindi mapigilan ni Raven ang pag-iinit ng kaniyang mga mata nang mabasa ang pangalan niya sa listahan ng mga kuwalipekado na mag-e-exam sa susunod na buwan. “Congrats din sa iyo, Miss,” nakangiti pa ring wika sa kaniya ng babae. “S-salamat po,” maluha-luha niyang bulalas. Tinapik siya sa balikat ng tatay ng babae. “Mag-review ka ring mabuti para matupad mo ang pangarap mo. Congrats, hija.” Hindi man siya kilala ng mga ito pero hindi siya pinagdamutan. Sinabi rin ng babae sa kaniya kung ano ang mga kailangan niyang dalhin sa mismong araw ng examination day. Bagay na pinakatandaan niya. “Good luck!” kumaway pa sa kaniya ang babae bago pumasok ang mga ito sa shoe shop. Daig pa ni Raven ang idinuduyan sa alapaap habang naglalakad papunta sa bus stop. Tuloy na tuloy na ang pangarap niya. Kailangan na lang niyang makapasa sa exam at mapasama sa first five na pasado. Lhorde, hindi ko alam kung nasaan ka na ba ngayon, pero malaki ang pasasalamat ko sa iyo. Kung hindi dahil sa iyo, wala ‘yong pangalan ko sa listahan na ‘yon. Jesus, kayo na rin po ang bahalang mag-bless sa mabait na mag-ama kanina. Lalo na kay Lhorde. Thank you po… Nang may dumaang bus ay agad na ring sumakay si Raven doon. Maluha-luha pa rin ang kaniyang mga mata dahil sa kaligayahang namamahay sa kaniyang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD