CRUSH

2117 Words
Chapter 6 By Joemar Ancheta (PINAGPALA) --------------------------------------- Nang pasukan at First Year na ako ay noon ko muling naramdaman ang kaibahan ko sa ilang mga nakakaangat kong mga kaklase. Mas lalo akong namulat kung gaano kahirap ang aking buhay. Isa lang kasi ang palda kong pampasok at dalawa lang ang puting blouse na uniform ko. Kailangan tuwing hapon pagdating ko ay maglalaba ako para may maisuot ako kinabukasan. Luma at pudpod na rin ang aking itim na sapatos. Ngunit imbes na kaawaan ko ang aking sarili, pilit kong inintindi ang aking kahirapan. Batid kong iyon na ang magiging buhay ko. Kailangan ko lang diskartehan na may kasamang tiyaga at sipag. Wala naman akong ibang magawa kundi tanggapin na bahagi na ito ng aking pagkatao. Kaya ko ginagawa ang lahat ng ito para makaahon. Edukasyon na lang ang alam kong susi para makaangat kami ni Nanang. Ang hindi ko lang talaga maintindihan ay ang maagang pagtibok ng aking puso. Kahit kasi anong gawin kong pag-iwas, hindi ko napigilan ang kusa nitong pagtatangi. Bakit kaya walang subject na magtuturo sa amin kung kailan lang puwedeng magmahal at magkagusto. Bakit walang batas na nagtatakda kung kailan lang dapat magmahal. Mahirap nga pala talagang suwayin ang kagustuhan ng damdamin. Mahirap itong kalabanin. Kung sana katulad lang ng formula sa Algebra o Physics paniguradong kaya kong maintindihan. Kung sana meron lang mga elements sa Chemistry na kailangan pagsasama-samahin para tuluyang mapag-aralan ang tuluyang pagtigil ng pagkakaroon ng crush. Wala ba talagang subject na tuluyang bubura sa tunay na pakiramdam ng isang tao? Ngunit hindi ba’t mayaman man o mahirap, may karapatang magmahal at mahalin? Nabibigyan ng buong kalayaan para gawin ang anumang maibigan lalo na kung sa ngalan naman ng pag-ibig? Kaya nga kahit anong laban ang gawin ko ay hindi ko pa rin kayang labanan ang umusbong na pagka-crush ko kay Bryan. Siya ang unang bumihag sa akin. Siya ang pinangarap kong mamahalin ko habang-buhay. Siya ang nakikita kong makakasama ko sa aking pagtanda. Kahit pa sabihin nilang imposible dahil kami ay parang langit at lupa. Kahit pa pagtawanan ako, ramdam kong siya nga talaga ang itinadhana sa akin. Guwapo si Bryan. Hindi nga lang siya katangkaran ngunit sa paningin ko ay siya ang pinakaguwapo sa buong campus. Bilugin ang kaniyang mga mata na may makapal na kilay. Matangos ang ilong at may tamang umbok at kapal ang mga labi. Dahil sa bata pa kami noon ay wala pang laman ang dibdib niya pero mabalbon siya. Makinis ang balat at maputi sa karaniwan. Ako naman, nang mga panahong iyon ay pumuti na rin dahil bihira nang mabilad sa araw. Matangkad ako sa karaniwang tangkad ng mga kaklase kong babae. Isa ako sa mga pinakamatangkad na babae sa buong campus namin. Maayos ang manipis na kilay ko, matangos ang ilong at manipis ang pang-itaas na labi na binagayan ng medyo may kakapalan na bibig sa baba. Maganda ang tubo ng ngipin. Namana ko ang magandang hubog na katawan ni Nanang. Kung titignan akong mabuti, walang magsasabing anak mahirap lang ako dahil sa likas na ganda at kinis maliban na lang sa pabalik-balik na suot kong uniform at may kalumaan na ring sapatos. Kung pinalad lang sana ako kahit kaunting yaman, ilalampaso ko sana ang mga magagandang babae sa buong campus namin. Kaya lang hindi ibinigay ng Diyos sa akin ang lahat. Nag-iwan siya ng isa na kailangan kong pagtrabahuan ng husto, ang kahirapan. Dahil sa tindi ng pagka-crush ko kay Bryan ay inaagahan kong pumasok sa school para kapag dumaan ang sinasakyan niyang motor ay makita ko siya. Binibilisan ko naman ang paglakad para maabutan ko siyang nagbibida sa mga barkada niya bago mag-flag ceremony. Dahil halos magkasingtangkad kami kahit pa sabihing lalaki siya ay laging magkatapat kami sa pilahan. Ngunit naging mailap siya sa akin. Ni hindi nga yata ako napapansin noong una. Hindi nakikita. Sa tuwing flag ceremony ay panay ang lingon ko sa kanya at bago siya lilingon sa akin ay mabilis akong yuyuko. Kinakabahan ako sa tuwing magtama ang aming mga paningin. Sumisikip ang dibdib ko sa tuwing lumalapit siya sa akin at naaamoy ko ang kanyang pabango. Dahil magkatabi lang kami ng upuan madalas akong hirap huminga. Bautista kasi ang apilyido ko at Castro naman siya kaya alam ko ang lahat ng kaniyang ginagawa. Kung bakit kasi ginawa ng guro naming pagtabihin ang lalaki at babae. Katwiran ng guro namin ay para raw maiwasan ang tsismisan sa mga babae at sa mga lalaki. Kung napagitna ang lalaki sa dalawang babae ay malabong makapagkuwentuhan ang mga ito. Nawawala tuloy ang konsentrasyon ko sa pakikinig sa tuwing naidadampi ang siko niya sa kamay ko. Sa tuwing lilingon ako sa kaniya at mahuli niyang nakatingin ako sa kaniya ay namumula ako ng husto. Kinakabahan na kinikilig. Basta. Hindi ko talaga naiintindihan ang aking nararamdaman. Dahil mahirap lang kami, wala rin akong ibang kuwentong pangmayaman tulad ng mga pinag-uusapan nila ng mga iba ko pang mga kaklase kaya mahirap talagang makausap ko siya. Isa pa, natatameme ako kapag siya na ang kausap ko. Nauunahan kasi ako ng hiya at hindi ko masalubong ang kaniyang mga mata. Kapag may tinatanong siya ay nawawala ako sa aking sarili. Nahihirapan akong mag-focus sa tanong niya. Nawawala sa sarili at natataranta. Samantalang kung iyong ibang lalaki na nagkakagusto sa akin ang lumalapit at nakikipag-usap ay parang napakasarap lang silang biruin at sakyan ng sakyan. Oo, mahirap ako pero maganda. Hindi man maayos ang pananamit ko pero may likas akong gandang pansinin isama pa ang aking talino. Iyon ang puhunan ko kung bakit hindi ako kagaya ng mga mahirap kong kaklase na hindi pinagpala sa pisikal at utak. Sila ang kawawang nasa gilid lang. Iba akong mahirap. May panlaban. Dahil alam kong langit siya at lupa ako at kailan man ay mahirap pagtagpuin ang mga ito kaya pilit kong iwinaksi siya sa aking isipan. May pangarap ako sa buhay kaya ko pinag-igihan lalo ang aking pag-aaral. Iyon na lamang kasi ang naiiwang pag-asa ko para umangat. Hindi ko akalain na ang pagpupursigi kong iyon rin ang napansin sa akin at nagustuhan ni Bryan para kaibiganin niya ako. “Kash, mahilig ka bang magsulat?” bigla niyang tanong isang umaga. “Magsulat? Ng ano? Ng Love letter?” taranta kong sagot. “Hindi.” Napangiti siya. lumabas ang mga dimples niya sa pisngi.  Napakaputi talaga ng kanyang pantay na ngipin. Lalong lumabas ang kanyang kaguwapuhan. “Love letter agad? Bakit naman love letter ang naisip mo?’ “Akala ko kasi…” “Akala moa no?” “Wala. Nagulat lang ako sa tanong mo.” “Ikaw ah, love ang nasa isip mo ‘no?” “Hindi ah.” “Hindi raw? Ano nga, marunong kang magsulat hindi ba?” “Sulat tungkol saan kasi?” “Magsulat? Yung pagsusulat ng short stories, poems, news, feature, those stuffs you know…” “Ah okey, hmmm siguro?” “Why don’t you try?” “Try saan?” “Sa school paper.” “School paper? Ano ‘yon?” “School paper? Hindi mo alam?” Umiling ako. Wala naman sa baryo kasi namin ang mga ganyan noong Elementary ako. May kinuha siya sa kanyang backpack. Nakita ko ang isang dyaryo na inilabas niya. School paper pala ang tawag do’n sa parang newspaper ng school. Noong unang kita ko pa lang at basa do’n gusto ko nang sumali. Nakabasa kasi ako no’n sa library namin. “Ah okey. School paper pala ang tawag diyan?” “Oo. School organ, school publication. Oh paano, mag try out ka ha?” “Kaya ko kaya yan?” “Bakit naman hindi? Mahusay ka kaya, saka minsan nababasa ko ang mga sinusulat mo sa notebook mo. I tell you, kayang-kaya mo ‘to. You have the talent.” “Nababasa mo ang mga sinusulat ko sa notebook ko?” “Oo, panakaw nga lang.” ngumiti siya. Nakita ko na naman ang dimples niya. “Ano, game na?” “Sige, susubukan ko lang.” “Yan, ganyan dapat.” Dahil sa pakiusap niyang iyon sa akin ay pumayag ako. Gustung-gusto ko rin naman kasi kahit paano ay magkaroon ng extra-curricular at hindi lang natuon sa pag-aaral ang aking buhay sekundarya. Naging matagumpay naman ang pagsali ko pagkatapos nilang mabasa ang ilan sa mga nasulat ko nang tula at maikling kuwento. Napabilib ko silang lahat. Dahil doon, naging isa ako sa mga writers ng aming school paper. Ilang araw pagkatapos kong natanggap sa aming school paper ay siya na ang kusang lumalapit sa akin. Madalas na siyang nagkukuwento. Hindi siya nagbabanggit sa mga bagay na alam niyang hindi ko alam. Doon siya nagfo-focus sa mga simpleng bagay na alam niyang may masabi ako. Ramdam kong nag-adjust siya para sa akin bagay na lalo kong nagustuhan sa kanya. Mula noon, may kausap na ako. Isang umaga habang naglalakad ako papasok sa school ay biglang may pumitada. Gumilid ako ngunit patuloy pa rin ang aking paglalakad habang nagre-review sa daan. Dahil nga wala kaming kuryente kaya sa umaga habang naglalakad ay isinisingit ko pa rin makapag-review. Muling pumitada ang hindi ko alam kung sino e, nakagilid na nga ako. Nilingon ko. Sumabit sandali ang aking paghinga nang makita ko si Bryan na nakangiti sa akin. “Tara.” “Tara? Saan?” “Sa school.” “Eto nga papunta na ako sa school.” “Sakay ka na lang sa akin para mabilis kang makarating at doon ka sa room mag-review.” “Uyy hindi na. Maglalakad na lang ako.” “Ano ka ba? Sa school lang din naman ako pupunta.” “Pero nakakahiya naman. Huwag na.” “Sakay ka na dahil hindi naman kita titigilan hangga’t di ka sa akin sasabay.” Huminga ako ng malalim. Kahit nahihiya ako ay nadala ako sa kanyang pangungulit. Umangkas ako sa kanya. Unang pagkakataon iyon na sumakay ako sa motor kaya ninenerbiyos ako. Sa mga panahong iyon noon. Kapag may motor ang isang istudiyante, alam na alam ng lahat na hindi ito basta-basta at may sinasabi ito sa buhay. “Bakit ang layo mo?” “Oo e, sa dulong barangay pa kasi ako kaya nilalakad ko lang papasok.” Tumawa siya. Kumunot ang noo ko. Ano kayang nakakatawa sa sinabi ko? “Sabi ko bakit parang anlayo mo naman sa akin. Baka mahulog ka.” “Okey na ‘to. Nakahawak naman ako e.” “Lumapit ka sa akin. Sige ka baka mahulog ka diyan, mabilis akong magpatakbo.” “Okey na ‘to. Nahihiya ako e.” “Kash, kaklase mo ako. Katabi ng upuan. Kasama sa school paper. Bakit kailangan mong mahiya.” “Nakaka-alangan kasi…” “Nakakaalangan dahil?” “Dahil mabango ka ta’s ako amoy sabong panlaba lang.” Tumawa siya. “Grabe ka. Ikaw lang nagpapatawa sa akin ng ganito.” “Hindi naman ako nagpapatawa e.” “Hindi nga pero nakakatawa ka. Your natural and yan ang gusto ko sa’yo. Walang arte.” “Kung natatawa ka sa akin, ako naman e nahihiya sa’yo.” “Huwag ka nang mahiya ok? Mula ngayon, hintayin kita o hihintayin mo ako doon sa waiting shed sa umaga at doon din kita ibababa sa hapon para kahit papaano konti na lang ang lalakarin mo pauwi.” “Huwag na lang kasi, naalangan ako e.” “Ano ba talaga? Nahihiya o naaalangan?” “Pareho.” “Hindi ba pwedeng magpasalamat ka na lang? Kasi wala ka rin lang naman magagawa dahil makulit ako. Unless may iba kang dadaanan? Ano, di ba mas madaling magpasalamat?” “Sige na nga, salamat.” “Ganyan dapat.” Mula noon hinihintay na niya ako doon sa waiting shed pagkatapos ng mahabang lakaran sa pilapil mula sa aming bahay sa umaga at doon rin niya ako hinahatid sa hapon. Panay pa rin ang tanggi ko sa mga unang araw kahit pa pumayag na ako dahil iniisip ko kasi ang maaring sabihin sa akin ng mgat tao. Alam kong iisipin nila na kadalaga kong tao at nakikisakay sa motor ngunit paano ko nga ba tatanggihan ang katulad niyang mapilit? Nabanguhan ako sa kaniya sa tuwing umaga at pagdating ng hapon ay parang hindi pa rin iyon nawawala. Sa tuwing nagprepreno siya at dumadampi ang dibdib ko sa likuran niya ay parang nakakaramdam ako ng pagka-asiwa. Paano kung may pagkamalisyoso siya? Paano kung sinasadya niya pala? Pero ang mas nakakatakot na tanong ay paano kung sobrang mahal ko na siya at siya na ang magiging kahinaan ko para hindi tuluyang makamit ang pinapangarap kong tagumpay?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD