CHAPTER 5
“Anong naramdaman niyo, nang?”
Muli niyang niyakap ako at hinalikan sa aking pisngi… “Anak, mahal na mahal kita… naramdaman kong hindi ako kumpleto kung hindi kita nakikita rito.”
Tuluyan na rin akong nahagulgol. Naintindihan ko ang lahat at naawa ako kay nanang.
“Patawarin mo ako ‘nak ha? Mula ngayon, pangako, magpapaka-ina na ako sa’yo.”
“Salamat po Nang. Mahal na mahal ko rin ho kayo.”
“Sige na ‘nak, pumasok na tayo at matulog. Marami pang tanggap na trabaho si Nanang sa bukid bukas.”
“Sige ho.”
Sa unang pagkakataon ay natulog ako sa tabi ni Nanang. Nang kinumutan niya ako ay alam kong sa mahabang panahon ay nahanap ko na ang puso ni Nanang. Alam kong may kakampi pa rin pala ako sa aking buhay. May nagmamahal pa rin pala sa akin.
Nagpatuloy ang hindi magandang trato ni Tatang sa akin. Lagi niya akong bibulyawan. Wala akong nagagawang tama ngunit sa tuwing sasaktan niya ako ay si Nanang ang laging pumapagitna. Si Nanang ang lagi kong tagapagligtas. Hindi na kagaya noon na ginagatungan pa ni Nanang ang galit ni Tatang sa akin. Nakaramam ako ng kaginhawaan. At kung ganoon na nararamdaman ni Tatang na wala talaga siyang kakampi pa sa aming bahay ay kusa na lang itong umaalis para makipag-inuman lang sa mga kapitbahay naming lasinggero rin.
Mas nagiging magaan ang buhay kahit pa mahirap kami. May nakakausap na ako sa gabi. May nasasabihan ako ng problema at may nakikinig sa mga kuwento ko. Tatlong araw bago ang graduation ko ng Grade six ay tinanong ko muli si Nanang tungkol sa tunay kong ama. Gusto kong malaman pa ang tungkol sa kanya. Gusto kong makarinig ng karagdagang kuwento.
“Nang, gaano kayaman yung totoo kong tatay?”
“Mayaman sila anak. Mayaman na mayaman. Bilyonaryo sila kasi may mga Mall sila e”
“Talaga ho? Yung Mall di ba Nang ‘yon yung parang tindahan na malalaki? Yung parang napapanood ko na mayayaman lang ang pumapasok?”
“Tama.”
“Grabe Nang no? Ganoon sila kayaman?”
“Oo ‘nak. Kaya nga bilyonaryo e.”
“Ano hong hitsura niya, Nang?”
“Kahawig mo nga.” Sandali ha, hanapin ko ang litrayo niya.
Pumanhik siya at binuksan ang lakasa namin. Lakasa ang tawag namin sa parang ataul na pinaglalagyan namin ng mga mahahalaga naming gamit at maaayos naming damit. Pagbalik niya ay iniabot niya sa akin ang isang litrato.
“Oh hayan, tignan mo.”
“Siya ba ito?”
“Oo siya ‘yan di ba magandang lalaki?”
“Para nga siyang artista Nang.”
“Oo parang artista. Nakuha mo ang kaniyang tangkad at hugis ng ilong, nangungusap na mga mata at sa akin mo lang nakuha ang iyong labi.”
“Oo nga ‘no? Kahawig ko nga siya Nang.”
“Siguro, anak, kung sa Manila ka rin nakatira, siguradong magiging katulad mo rin siya ng kutis, makinis at maputi. Mamula-mula.” Nakangiting sinabi iyon ni nanang sa akin. May nakita pa rin akong kilig sa kanyang mga mata nang tinignan niya ang litrato ng tatay ko.
“Ano hong pangalan niya Nang?”
“Bakit mo naman tinatanong sa akin ang lahat ng ito anak?”
“Wala lang ho. Baka lang kasi matatanggap na niya ako kung makita niya ako ngayon na malaki na ako.”
“Iyan ang huwag na huwag mong gagawin dahil ayaw kong mapagdaanan mo ang ginawa nila sa akin.”
“Ibig ninyong sabihin hindi nila ako matatanggap?”
Bumuntong-hininga si Nanang. “Tama nang ako na lang ang winalang-hiya at binastos ng pamilya niya anak. Wala silang puso at kaluluwa. Hinding-hindi ka nila matatanggap. Kasi kung tanggap ka nila, dapat kasama nila tayo ngayon. Pabalik-balik ako no’n sa bahay nila. Nag-iwan pa nga ako ng address natin doon sa kaibigan kong katulong nila. Tinatawag-tawagan ko ang phone number nila hanggang sinabi ng kaibigan kong katulong nila na may iba na nga raw ang Tatay mo. Kaya naman tinigilan ko na rin lang siya. Iniisip ko nga, kung talagang mahalaga sa tunay mong tatay, sana hinanap ka pa rin niya. Kaya huwag mo nang bigyan pa ang sarili mo ng pag-asa anak ha. Ang payo ko sa’yo, magsumikap ka para sa sarili mo. Wala kang ibang aasahan ngayon kundi ang sarili mong kakayahan.”
Hindi na ako nagsalita pa dahil may nakita akong pag-iimbot at sakit ng loob kay Nanang ngunit ipinapangako ko sa aking sarili na pagdating ng araw, ipapamukha ko kung sinuman ang tunay kong ama na pagsisisihan niyang ginawa niya sa amin. Isasama ko si Nanang sa aking pag-angat. Gaganti ako para kay Nanang. Iaahon ko siya sa hirap sa abot ng aking makakaya.
Nagtapos ako ng Elementary. Kahit pa sabihing ako ang pinakamatalino sa aming klase, hindi naging sukatan iyon sa aming baryo. Daig ng mapera ang matalino. Hindi man lang ako nakakuha ng parangal dahil walang ma-idonate na kahit ano ang pamilya ko. Matalino ako ngunit wala akong pera ngunit alam kong babawi ako kapag nasa High School na ako. Sa mga panahong iyon noon, sapat na sa akin na sa araw ng aking pagtatapos ay hindi ako nag-iisa sa aking upuan. Naroon si Nanang sa tabi ko. Proud na proud na nakatapos ang anak niya. Lumuluha siya ng abutin ko ang una kong diploma. Ngunit alam kong hindi lang dalawa o tatlo ang iaabot ko sa kaniya. Pangarap kong iahon siya at darating ang araw na maghaharap kaming dalawa ng aking ama para ipamukha kung ano ang narating nang pinabayaan at itinakwil niyang anak. Gusto kong maibigay kay Nanang ang buhay na dapat niyang matamasa.
“Nang, mag-aaral ba ako ng high school?”
“Bakit naman hindi?”
“Talaga ho Nang? Salamat po. Akala ko talaga…”
“Mag-aaral ka pa rin anak. Di ba pangako ko sa’yo na tulungan kitang kumita ng pera para sa pasukan sa High School? Igagapang kita anak, igagapang natin ang pag-aaral mo kaya huwag kang mag-alala ha?”
“Salamat Nang.” Parang nabunutan ako ng tinik. Iyon kasi ang ikinatatakot ko ang mag-isang abutin ang matayog kong pangarap.
“Pero anak, malayo ang paaralan ng sekundarya dito sa atin. Kailangan mo pang lakarin ng higit isang oras kasi malapit na iyon sa bayan. Sa tingin mo kaya mo bang mag-uwian dito ng lakaran lang?”
“Oho nang. Kayang-kaya ko ho ‘yan. Sa tulad ko hong may pangarap, pilit kong kakayanin ang lahat. Alam kong sa tulong mo Nang, matatapos ko ho ang High School at patutunayan ko ho sa inyo na hindi ho masasayang ang ating mga sakripisyo at pagpapagal.”
“Mataas talaga ang pangarap. Parang naman kaya niyang pag-aralin ang sarili. Ta’s ano? Mag-aasawa ka rin lang. Magpapabuntis! Sayang lang ang pera!” singhal ng nangingialam na si Tatang.
Hindi ako sumagot. Hindi ko na rin lang siya pinansin pa.
“At ikaw naman, nagpapadala ka sa ambisyosa mong anak. Pareho lang kayo niyan ng kalalabasan. Mga ambisyosa. Tignan mo kung anong nangyari sa buhay mo? Di ba binuntis ka rin lang at iniwan? Pareho lang ang mangyayari sa inyong mag-ina.”
“Tang! Sumusobra na ho kayo! Bastusin ninyo ako, alilain, saktan at alipustahin pero huwag naman si Nanang!”
“Aba, lumalaban ka na talaga?”
“Sumusobra na ho kasi kayo. Inaano ba namin kayo?”
“Nak, tama na. Huwag mo na lang pansinin ang tatang mo. Sige na, doon ka na sa gulayan mo sa likod.” Pumagitna sa amin ni Tatang.
“Ang tapang ah. Elementary lang ang natapos mo pero kung umasta ka akala mo may maipagmamalaki na. Ano? Kaya mo na ang sarili mo?”
“Wala ho akong sinasabing gano’n pero sana naman irespeto naman ho ninyo si Nanang. Kung hindi ho ninyo siya kayang mahalin, kahit respeto na lang ho.”
“Hoy! Hangga’t nasa poder kita at ako ang nagpapalamon sa’yo, wala kang karapatag sagot- sagutin ako ha!” isang malakas na sampal ang kalakip ng paninigaw ni Tatang sa akin. Huli na para saklolohan ako ni Nanang.
“Hayop ka! Bakit mo sinampal ang anak ko? Anong karapatan mong saktan siya?”
“E sumasagot e, oh ano ha? Matapang ka na?” nilapitan ako at aambaan uli ng sampal nang bigla siyang itinulak ni Nanang.
“Sige saktan mo pa ang anak ko.” tinutukan ni Nanang si Tatang ng kutsilyo. “Sige subukan mo lang! Hindi kita aatrasan gago ka! Ako ang nagtatrabaho para sa pagkain naming mag-ina at ang kinikita mo ay para lang sa sigarilyo at alak mo. Pati ako gago ka, naimpluwensiyahan mo pa sa bisyo mo pero nagising na ako. Namulat na ako sa katotohanan, ang anak ko lang ang tanging kayamanan ko. Kung hindi mo siya matanggap hanggang ngayon bilang anak mo, wala kang karapatang saktan siya o kaya’y pagalitan dahil hindi kita sasantuhin kung uulitin mo pang pagbuhatan siya ng kamay!”
“Putang ina ninyo! Magsama kayo mga ambsiyosa! Disgrasiyada! Akala mo kung sinong malinis! Pwe!”
“Hindi ko ipinilit ang sarili ko sa’yo. Ikaw ang nagsabi sa akin na tatanggapin mo ako at nang magiging anak ko! Napakarami mong ipinangako gago ka ta’s gaganyanin mo lang ako?”
“Ang drama mo! Mga buwisit kayo sa buhay ko!” malakas niyang isinara ang sira na naming pintuan. Lumabas at alam naming gabi na naman at lasing bago iyon uuwi.
Nilapitan ako ni Nanang. Tinignan niya agad ang pisngi kong sinampal ni Tatang. “Okey ka lang?”
“Okey lang ako Nang.”
Huminga ng malalim si Nanang habang niyayakap ako at hinaplos niya ang likod ko.
Tinupad ni Nanang ang kanyang pangako sa akin. Nakigapas kami ng palay, tumulong kami sa pagtatanim ng palay at mais. Inipon naming dalawa ang lahat ng kita namin. Kahit ang mga bote ng alak ay ibinebenta ko para lang magkaroon ako ng savings para sa aking pag-aaral. Kahit pagod kami ni Nanang sa bukid ay masaya pa rin kaming nagkukuwentuhan. Nagkakamay kaming kumakain sa bukid. Magkasunod kaming naglalakad sa mga pilapil habang nakikinig siya sa aking mga pangarap. Nagtatawanan kami sa kanyang mga kuwento dala ng kanyang pagiging no read at no write. Paulit-ulit niya akong pinapangaralan. Tumimo sa aking isip at puso ang hirap ng kanyang kamangmangan at alam kong ayaw niyang maranasan ko ang kanyang mga dinanas. Paulit-ulit ko ring ipinangako sa kanya na magtatagumpay ako at hindi ako magagaya sa kanya bagkus ako ang mag-aangat sa kanya sa kahirapan. Ramdam kong proud na proud sa akin si Nanang. Natuto siyang mangarap, natuto siyang umasa dahil nakita niya sa akin ang kagustuhang baguhin ang kinasadlakan naming buhay.