“HEY!” SIGAW NG babae.
Napahinto ako sa paglalakad at inosenteng nilingon siya. Hinintay ko lang na dumating siya at ang mga kasamahan niya sa harapan ko. Tipid naman akong ngumiti nang makita sa mukha nila ang matinding galit sa akin.
Pagdating nila sa harapan ko, hinintay ko lang na magsalita sila subalit hindi iyon nangyari. Mas abala pa sila na titigan ako mula ulo hanggang sa aking mga paa. Mabuti na lang at kalilinis ko lang ng mga paa noong isang araw.
Napalunok muna ako ng laway bago nagsalita. “Ano po ang maipaglilingkod ko?”
“Bawiin mo ang sinabi mo!” inis na sabi ng babae sa akin.
“Marami po akong sinabi kanina. Saan po roon?” tanong ko.
“Na. Anak. Ako. Ng. Isang. Magnanakaw,” gigil na sagot niya sa akin.
Napangiti ako. “Sinabi mo na. Kailangan ko pa bang ulitin? Po?”
Napabuntonghininga ang babae sa labis na galit. “Gusto mo ba talagang masaktan?”
Nagkibit-balikat ako. “Ikaw po ang bahala kung gusto mong manakit.”
“Saktan mo na, Bridgette!” utos ng kasama ng babae.
“Shut up, Marga! Sino ka para utusan ako!? Hindi mo ako alalay!” inis na sabi ni Bridgette. Ang taas ng ihi, ha?
“Grabe ka naman, Marga. Mukha bang alalay si Bridgette?” sabi ko. Nagpipigil na akong tumawa.
Nilingon ako ni Marga habang hindi mapigilan na mapanganga. Napayuko lang ako para hindi niya makita ang pagngiti ko.
“I dit not say anything!” sigaw ni Marga.
Nilingon ko na siya. “Alam ko po. Pero hindi mo naman siya uutusan kung sa tingin mo ay mas mataas ang antas mo sa kanya, hindi po ba? Hindi ka mabuting kaibigan kay Miss Brid—”
Hindi ko natapos ang balak na sabihin nang makitang sinampal ni Bridgette si Marga. Napakagaan lang ng kamay niya. Hindi man lang siya nagdadalawang-isip na manakit sa kanyang kaibigan.
Napailing-iling na lang ako habang hindi mapigilan na talikuran sila. Hindi ko maipagkakaila na tama ang panghuhusga ko sa kanila. Pinalaki nga sila na nasusunod ang mga gusto nila kaya ang haba ng mga sungay.
“H-Hindi pa tayo tapos!” sigaw ni Bridgette.
Hindi pa man ako napalingon pabalik kay Bridgette ay nahila na niya ang buhok ko. Gaganti na sana ako pero hindi ko na lang tinuloy nang makitang may paparating. Imbes na pigilan ko siya na saktan ako ay mas pinili ko na lang na umiyak. Nagbabakasakali lang akong may karagdagang puntos ito sa pag-apply ko bilang isang sekretarya.
Nang may dumating na ilang tao para umawat sa amin ay hinayaan ko lang na magwala si Bridgette. Wala akong anumang sinabi. Tiningnan ko lang siya habang pinipigilan ang sarili ko na mapangiti.
“What’s happening here?” tanong ng babae, kasama ng mga lalaking umawat sa amin.
“Sinaktan niya ako. I was protecting myself from evil,” sabi ni Bridgette.
“Bridgette was telling the truth,” sabi ni Marga. Tinuro niya ako. “That girl started the fight.”
Pinunasan ko ang mga luha sa mga mata ko habang humihikbi. “Isa lang ako at tatlo kayo. Sa tingin ninyo ay makakaya ko kayo?” Nilingon ko ang babaeng nagtanong kanina. “Ma’am, kahit tingnan ninyo pa sa record ng CCTV. Ako po ang biktima rito.”
“Mr. Salvador, tingnan mo ang record ng CCTV para malaman natin kung sino ang nagsasabi ng totoo. At kung mapatunayan natin kung sino, sorry not sorry, kailangan ng umalis sa kumpanyang ito. Sir Atlas does not need a violent lady as his secretary. Based on your outfits, it appears that you are all vying for the position of Sir Atlas’ secretary.”
Aalis na sana ang inutusan ng babae na tumingin sa kung saan makikita ang record ng CCTV pero pinatigil ito ni Bridgette. Tinitigan niya ang lalaki mula ulo hanggang sa paa at halatang minamaliit niya ito.
“You don’t need to do that, Mister. Yes, ako ang nagsimula ng gulo. Anyway, I am Bridgette Acosta. One of the children of the only Senator Carlo Acosta. I know kilala ninyo siya as one of the trusted friends ng COO ng kumpanyang ito. Kung ayaw ninyong mawalan ng trabaho, tabi. Padaanin ninyo na ako,” mataray na sabi ni Bridgette.
Nang umalis na sila Bridgette kasama ang mga kaibigan niya ay napailing-iling na lang ako. Naiinis ako sa inaasta nila pero kailangan kong pigilan ang sarili ko. Walang magandang mangyayari sa akin kung magpapadala ako sa emosiyon ko.
Muli akong napabuntonghininga. Mukhang mas kailangan ko pang pahabain ang pasensiya ko. Sana lang talaga ay makayanan ko.
Habang tinitingnan ang tatlong maldita na papalayo sa amin, naliwanagan na ako sa kung ano ang totoong sadya nila rito. Hindi ang trabaho ang sadya nila kung hindi ang CEO na naghahanap ng bagong sekretarya. Nagbabakasakali sila na isa sa kanila ang mapili para mapalapit sila rito. Hindi ko tuloy mapigilan na mapaisip kung gaano kaguwapo ang CEO para magkandarapa sila nang ganoon. Sa ganda na meron sila, mas pinili nilang manlimos ng atensiyon. Mabuti na lang at hindi ako ganoon.
Nilingon ko ang babae at ang mga lalaki na umawat sa amin. “Pasensiya na po sa gulo na ginawa nila.”
Napangiti ang babae at lumapit sa akin. “Are you alright, Miss? Nasaktan ka ba?”
“Salamat po sa inyo. Okay lang po ako. Pero pwede na po bang mauna sa inyo? Baka mahuli na ako,” sabi ko.
“Okay. May I know you name? Nagkita na ba tayo noon?” tanong ng babae.
Napangiti ako sabay iling. “Hindi pa po. Baka kamukha lang po.”
“Baka nga. Anyway, goodluck sa look test,” aniya.
Napatango ako. “Thank you po.”
Napayuko ako bago umalis sa kinatatayuan nila. Binilisan ko na ang paglalakad at baka mahuli pa ako sa look test. Isa pa naman iyon sa pinakamahalagang parte ng pagsusuri dahil sa sakit na meron ang CEO ng kumpanya. Kaya sana makapasa talaga ako sa look test. Kung hindi ako makapasa, ewan ko na lang. Ilang taon ko sigurong bibitbitin ang sama ng loob.
Pagdating ko sa tapat ng room kung saan kami susuriin, agad akong pinagbuksan ng guwardiya. Napatitig ako sa itsura nito bago pumasok. Para siyang isang modelo na nakikita ko sa mga clothing brand.
“Salamat po,” sabi ko.
Pagpasok ko, nakatingin na ang lahat sa akin. Iginiya ko ang tingin sa paligid at napansin ko na wala talagang lalaki sa loob ng kwarto maliban sa guwardiya sa labas. Napansin ko rin na halos lahat ng babae sa loob ay walang tapon ang mga mukha. Lahat ay pwede maging modelo, artista, o hindi kaya beauty queen. Hindi naman ako nakaramdam ng kaba dahil lumaki akong puno ng kumpiyansa sa aking sarili.
“Kaya ko ito,” sabi ko sa isipan ko.
Nang naghanap na ako ng pwesto, nagtama ang mga mata namin ni Bridgette. Tinaasan niya ako ng kilay at ginantihan ko lang siya ng isang ngiti. Napakasuwerte niya kung bibigyan ko pa siya ng oras. Nakarami na siya.
Nang may nakita na akong bakanteng upuan, agad akong umupo. Binati ko ang mga nasa tabi ko kahit alam kong hindi sila sasagot. Nakatatawa mang isipin pero sa tingin ko, sa lahat ng aplikante, ako lang iyong nakasakay ng jeep at traysikel papunta rito. Pero hindi naman iyon magiging hadlang para panghinaan ako ng loob. Kung tutuusin, mas nagkaroon pa ako ng lakas ng loob na kunin talaga ang posisyon. Sa uulitin, pangarap ko ito kaya hindi ko sasayangin ang pagkakataon. Ito na iyon!
“Good day, Ladies!” pagbati ng isang babae.
“Good day po, Ma’am,” sagot ko.
Nagsitayuan ang mga balahibo ko nang mapansin ko na ako lang ang sumagot sa pagbati ng babae. Ano bang klaseng mga babae ang kasama ko? Halatang kulang sa disiplina. Pati pagsagot ay hindi magawa.
“You are all here to be Sir Atlas Consunji’s secretary. I understand that some of you here are the daughters of powerful people, while others are close to the Consunji family. But I’m the one informing you that you’re all equal here. In the upcoming look test, you will enter...” Tiningnan nito ang pulang pintuan bago nagpatuloy sa sasabihin, “That red door unnamed and be judged based on your physical appearance.”
“What should we do there?” tanong ni Bridgette.
“There are several cameras in the room. Simply stare at it and be yourself. In just one minute, you will see the results. Three juries will judge you. You need at least twenty points.”
“Is Atlas Consunji one of the juries?” tanong ni Marga.
“Sir Atlas,” pagtama ng babae.
“My bad. Sir Atlas, happy? Nasaan na ang sagot mo sa tanong ko?” mataray na tanong ni Marga.
“Nope. He is excluded. If you pass, you will be able to see him on level two. Even at level one, we ensure that no applicant who is not good in his view is accepted,” sagot ng babae.
Napatitig lang ako sa babae na kausap ni Marga. Natutuwa lang ako kung paano siya makipag-usap dito. Kahit tinatarayan na siya nito, nanatili pa rin siyang kalmado. Maliban sa haba ng pasensiya niya, hindi ko rin mapigilan na puriin kung gaano siya kaganda.
Napataas ang kilay ni Marga. “Sa madaling salita, kung hindi makapasok sa level two, panget, tama ba?”
“Not like that. It just didn’t pass Sir’s standard,” sagot ng babae.
“Common, girl! Just be real!” mataray na sagot ni Marga.
Napalingon na lang ako kay Marga. Mukhang wala talaga siyang balak na tumigil. Pero aminin ko, kinakabahan ako nang kunti. Kahit alam kong may itsura ako, bawal pa rin akong magpakampante dahil malaki ang posibilidad na iba ako sa paningin ni Sir Atlas.
“Everyone, let’s start!” sabi ng babae.
Napalingon na ako sa unang pumasok. Napakaganda niyang babae. Sigurado ako na matatanggap siya. Pero wala pang isang minuto ang lumipas, lumabas na siya habang hindi mapigilan na mapahagulgol. Nanlaki ang mga mata ko habang hindi mapigilan na mas bumilis ang t***k ng puso ko. Paanong hindi iyon nakapasa? Ano ba ang pamantayan nila? Itutuloy ko pa ba? Parang nakapapanghina talaga kung hindi ako makapasa sa look test.
Napalingon na ako muli sa mga babaeng pumasok. May iilan na hindi na nakalabas. Sigurado ako na nakapasa na sila.
Nang si Bridgette na ang pumasok, napangiti lang ako. Kitang-kita ko sa kanyang mga mata na sigurado siyang makapapasa sa look test. Kahit panget ang ugali niya, hindi ko maitatanggi na maganda talaga siya.
Ilang segundo na ang lumipas, hindi na nga napalabas si Bridgette. Sumunod iyong isang kaibigan niya at katulad niya, nakapasa rin ito. Inaasahan ko na iyon. Maganda naman silang tatlo.
Bago pumasok si Marga, tinaasan niya kaming lahat ng kilay. Ang lakas magtapang-tapangan. Para bang hindi nakatikim ng sampal kanina ni Bridgette.
Napabuntonghininga na ako. Kahit ayaw kong makapasok sila sa susunod na bahagi ng pagsusuri, wala akong nagawa kung hindi ang tanggapin ang katotohanan na makapapasa talaga silang tatlo. Pero nang lumabas na luhaan si Marga, napatakip ako sa aking bibig para pigilan ang aking pagngiti. Nagtama ang mga mata naming dalawa at kinindatan ko lang siya bago yumuko.
Mabilis siyang naglakad patungo sa akin. Nang nasa tapat ko na siya, inangat ko ang tingin ko para makita ang kanyang mukha. Nagsipatakan pa rin ang luha sa kanyang mga mata kaya pinigilan ko talaga ang sarili ko na mapatawa. Inisip ko na lang ang aking mapait na karanasan para naman dapuan ako ng lungkot.
“Why are you laughing!?” sigaw ni Marga.
“Hindi po,” sagot ko.
“Margarette, leave,” utos ng babae.
“Shut up!” sigaw ni Marga.
“Aalis ka o ipakaladkad kita sa guard? Gusto mong isumbong kita sa Daddy mo?” sabi ng babae.
“Shut up, Evil Stepmom!” gigil na sabi ni Marga. Nandadabog na siyang umalis.
Napatingin na lang ako kay Marga habang papaalis siya. Hindi ko inaasahan na stepmother pala niya ang babaeng kanina pa niya tinatarayan. Kaya pala ganoon ang ugali na pinapakita niya dahil magkakilala pala silang dalawa.
Nang timikhim ang stepmother ni Marga, napaayos na kami ng upo. Nagpokus na rin ako sa sarili ko at baka matulad ako kay Marga na hindi makapasok. Ano kaya ang gagawin sa loob?
Ilang minuto ang lumipas, sunod-sunod ng lumabas ang mga babae mula sa red door habang umiiyak. Naiintindihan ko na nasasaktan sila dahil masakit talaga ang hindi makapasa kung alam mo mismo sa sarili mo kung bakit hindi ka nakapasa. May punto naman kanina ang sinabi ni Marga. Bilang babae, iyon talaga ang mararamdaman mo. Pakiramdam mo ay hindi ka maganda.
Nang oras ko na, napangiti na ako bago tumayo sa kinauupuan ko. Inayos ko muna ang sarili ko habang dahan-dahan ng tumungo sa tinatawag nilang red door.
Nang nasa tapat na ako ng pinto, hindi ko mapigilan na mapa-sign of the cross. Ipinagdasal ko lang na sana hindi ako pabayaan ng Panginoong Diyos. Siya ang kailangan ko sa mga oras na ito.
Nang itinulak ko na ang pinto para pumasok, labis na ang bilis ng pintig ng puso ko. Lalo na nang tuluyan ng makapasok ako. Hindi masyadong malaki ang loob. Iginiya ko ang tingin sa paligid pero hindi ko nakita ang mga iilang aplikante na nakapasa sa look test. Saan na kaya sila?
Nagpatuloy na ako sa paglalakad hanggang sa may nakita akong isang camera na nakalagay sa camera stand. Paglapit ko roon, bigla itong nag-flash kaya nagulat ako. Ilang segundo ang lumipas, bumukas ang monitor na nakadikit sa haligi. Napatakip naman ako sa mga mata ko nang makitang may malaking numerong gumagalaw sa screen. Napatigil ito at may tatlong table na lumabas.
7. 7. 7.
Total: 21
YOU PASSED! CONGRATS!
Napatakip ako sa bibig ko nang makita ang resulta ng look test. Nakapasa ako! Kahit paano, masasabi ko na hindi lang ako ang nagagandahan sa sarili ko.
Ilang segundo ang lumipas, napaisip ako kung ano ang pinagbabasehan nila. Wala naman akong ginawa? Nagulat lang ako. Hindi kaya tiningnan nila ang reaksiyon namin kung paano magulat? Kung maganda pa rin ba kami sa sitwasyon na ganoon? Baka nga ganoon.
Nagpipigil naman ako sa pagtawa nang mapagtanto na baka hindi maganda ang pagkakuha ng larawan ni Marga. Baka napatirik ang mga mata niya sa gulat? Mabuti na lang at hindi masyadong eksaherada ang aking reaksiyon. Sakto lang.
Nang bumukas ang pinto, napatingin ako sa monitor. Napatango ako nang mabasa ang nakasulat na pumasok ako sa nakabukas ng pinto. Nagmamadali naman akong tumungo roon.
Nang makapasok ako sa loob ng kwarto, napakaliwanag nito. Kabaliktaran doon sa kabilang kwarto. Napayuko na ako bilang pagbati sa ilang mga babae na nakapasa. Kahit hindi sila gumanti sa akin, wala akong pakialam.
Umupo na ako sa bakanteng upuan. Hindi ko naman mapigilan na bilangin kung ilan na lang kami. Sa awa ng Diyos, pito pa lang kaming nakapasa. Ano kaya ang susunod na hakbang? Makikita ko na kaya si Sir Atlas? Nasasabik na rin tuloy akong makita kung ano ang kanyang itsura. Alam kong gwapo siya, pero gusto kong mapatunayan iyon mismo sa mga mata ko.
Ilang minuto ang lumipas, sampu na kaming lahat dito sa kwarto. Maaaring kami lang sampu ang nakapasa sa look test. Sa dami namin kanina, kami na lang ang natira. Doon pa lang, masaya na ako.
Napatingin na ako sa pinto nang bumukas ito. Inulawa roon ang stepmother ni Marga. Sigurado ako na aawayin siya mamaya. Pero mukhang hindi naman siya iyong babaeng nagpapaapi lang. Mukha rin siyang matapang.
“Best wishes, Ladies! The second level of the test involves determining which lady Sir Atlas prefers to work with. He is looking at you from his office. Anyway, are you all set?” sabi ng babae. Ang sarap niya pakinggan.
Nang napatango kami, biglang bumukas ang napakalaking TV. Sa tingin ko, mga 72 inches ito. Papanoorin kaya kami ng short video? Tapos magbibigay ng repleksiyon? Sana nga ay ganoon lang.
Nang pinindot na ng babae ang remote na kanyang hawak, biglang lumabas sa TV ang isang napakaguwapong nilalang. Napasigaw ang lahat ng babae maliban sa akin na napatulala lang sa TV. Nakaupo lang ang lalaki sa swivel chair habang nakatitig sa amin—sa camera pala.
Ibinaba ko ang tingin ko at napanguso na lang ako nang mabasa ang pangalan ni Sir Atlas sa mesa. Nakalagay ito sa parisukat na gawa sa salamin.
Lord Atlas R. Consunji
CEO
Ang gwapong nilalang pala na nakikita ko sa TV ay ang magiging amo ko kung sakaling matanggap ako? Tama nga ako sa hinala ko. Napakagwapo niyang nilalang! Ibang-iba ang kanyang mukha. Napakamisteryoso.
Nang biglang ngumiti at kumindat si Sir Atlas, napasigaw na ang lahat ng kababaihan dito sa loob ng kwarto maliban pa rin sa akin. Napaismid pa nga ako sa katotohanang parang nang-aakit siya sa aming mga babae. Ayaw ko kaya sa ganoong lalaki! Para sa akin, gwapong-gwapo siya sa kanyang sarili! Ano ang sa tingin niya sa amin? Porque gwapo siya, mahuhulog kami sa kanya? Ibahin niya ako.
“Okay, Sir,” sagot ng stepmother ni Marga. Nakahawak siya sa tenga niya na may nakalagay na earpods. Mukhang malapit ito kay Sir Atlas.
Napalingon ako sa kanya. Pero nang tumingin siya sa akin, agad kong iniwas ang tingin ko. Nahihiya lang akong mahuli niya na nakatingin sa kanya.
“Ladies, Sir Atlas commanded me to stop the test. No more level 3, 4, and 5,” sabi ng babae.
Napatayo si Bridgette. “Unfair para sa amin na itigil na ito. Lalo na sa akin na nakakuha ng perfect score sa look test.”
“Pardon? For your information, Miss Bridgette Acosta, pinatigil ni Sir Atlas ang pagsusulit dahil may napili na siya,” sabi ng babae.
Napanganga ako sabay tingin kay Bridgette. Ang lapad ng ngiti niya. Kung perfect score ang nakuha niya kanina, posible siya ang napili ni Sir Atlas. Paano ako? Paano ang pangarap ko?
“So you mean, pinili niya ako?” si Bridgette.
“Sorry, Miss Bridgette, pero hindi ikaw. Siya,” sabi ng babae.
Napalingon sa akin si Bridgette habang hindi mapigilan na mapairap. “Siya? Nagbibiro ba kayo? Obvious naman na ako ang pinakamaganda rito.”
Sinong siya? Bakit ako ang tinitingnan ni Bridgette? Ibinaling ko ang atensiyon ko sa stepmother ni Marga at nakatingin pa ito kay Bridgette. Pero nang ibinaling nito ang tingin sa akin, napatitig lang ako sa kanya.
“Who are you, Miss?” tanong ng babae.
“A-Ako po?” paninigurado ko.
“Yes. Ikaw.”
“Mira Cruz po,” sagot ko.
“Mira Cruz, you are hired,” sabi ng babae.
“W-What!?” sigaw ng mga babae sa loob ng kwarto. Hindi nila matanggap na ako.
Napakamot na ako sa batok ko. Hindi ko alam kung anong nangyari. Wala akong ideya kung bakit ako? Imbes na matutuwa ako ay mga katanungan ang bumabagabag sa isipan ko.
“Anong ginawa ko? Sa uulitin, bakit ako?” tanong ko sa sarili ko.
~~~