“MAY problema ba, ‘Ma?” ani Ezekiel nang lapitan niya ang kaniyang ina na nakatanaw sa malayo habang nakatayo sa may tabi ng bintana sa second floor ng kanilang bahay.
Huminga ito nang malalim. “May nakarating sa aming balita ng ama mo. Galing sa Pilipinas.”
Kumunot ang kaniyang noo. Mukhang hindi maganda dahil sa reaksiyon ng kaniyang Mama Belle. Nasa Spain sila at doon na naninirahan.
“Tungkol saan ang balita? May nangyari ba kay Lolo Alonzo?” nakaramdam siya ng pag-aalala para sa kaniyang abuelo na siyang tanging naiwan sa Pilipinas nang manirahan na sila ng kaniyang pamilya sa Spain.
“Mukhang nahuhumaling ang lolo mo sa mas batang babae. Imagine how old your grandfather? Kung kailan tumanda na ay saka pa bumabalik sa pagbibinata.”
“A-are you sure, ‘Ma?” Kapag tinatawagan naman niya ang kaniyang lolo ay wala itong nababanggit na batang babae na nagugustuhan nito. Sa halip ay palagi nitong tinatanong kung kailan ba ulit siya uuwi sa Pilipinas?
Solong apo siya ng kaniyang Lolo Alonzo. Tatlong lalaki ang anak ng kaniya Lolo Alonzo at Lola Esmeralda. Ngunit wala yatang kabalak-balak mag-anak ang dalawa pa niyang tiyuhin dahil kapwa lalaki rin ang karelasyon. Ang ama lang niya ang anak ng kaniyang lolo na nakapagbigay ng apo rito at nakapag-asawa. Wala naman iyong kaso sa pamilya nila kung ano man ang pinili ng kaniyang mga tiyuhin. Kahit ang lolo niya ay wala na ring nagawa sa piniling buhay ng mga iyon.
Tumango ang kaniyang ina. “Ang mabuti pa ay umuwi ka sa Pilipinas at bisitahin ang lolo mo. At kung maaari ay pagsabihan mo na matanda na siya, hindi na para pa magpakasal sa mas bata sa kaniya. Hindi matutuwa si Mama Esmeralda sa ginagawa niya.”
“Relax,” aniya sa ina na hinagod-hagod ang likod nito. “Mukhang mas high blood ka pa kaysa kay papa. Hindi pa ako puwedeng umuwi, may tinatapos pa kaming malaking project.”
“Ezekiel, paano kung mapunta sa babaeng kinahuhumalingan ng lolo mo ang mga ari-arian niya? No way. You deserve it more than anyone else.”
Hindi siya kaagad nakapagsalita sa sinabing iyon ng kaniyang ina. Ibig bang sabihin ng inis na namumuo sa ina niya ay dahil sa mamanahin niya sa kaniyang lolo at hindi dahil concern ito? Sa isip ay napailing-iling si Ezekiel. Kailanman ay hindi niya pinag-interesan ang yaman ng kaniyang lolo dahil kaya niya namang kumita ng malaking halaga. May maganda siyang trabaho dahil isa siyang engineer na may mataas na katayuan. Lahat din ng multi-billion project ay siya ang may hawak. Kaya kung pera lang, kaya niyang kitain.
“Hindi ako makakauwi, ‘Ma,” aniya na kunway tumingin sa kaniyang relong pambisig. “May pupuntahan pa nga pala ako. See you later,” aniya na agad hinalikan sa pisngi ang kaniyang ina at nagmamadali na itong nilayuan para hindi na makahirit pa.