Chapter 03

2315 Words
HUMAHANGOS si Janicah nang makarating sa ospital na kinaroroonan ng kaniyang kapatid na si Jayson. Naaksidente ito habang pauwi sa bahay nila sakay ng bisikleta nito. Ayon na rin sa mga nakasaksi sa aksidente ay nasa gilid lang ng kalsada ang kaniyang katorse anyos na kapatid nang bigla na lamang may gumilid na van dahil nag-over take sa nasa unahang sasakyan. Doon na nga nahagip ang kaniyang kapatid na masama ang lagay sa ospital. Napatama ang ulo nito sa semento. May bali rin sa binti. Ang masama pa, tinakbuhan ito ng nakabangga rito. Wala ring nakakuha ng plate number ng naturang sasakyan. Wala rin namang CCTV sa pinangyarihan ng aksidente. “‘Nay,” aniya na hindi na naman mapigilan ang mapaluha nang makita ang kaniyang ina na hilam din sa luha ang mga mata. Agad niya itong niyakap ng mahigpit. “Ang k-kaptid mo,” garalgal ang boses na wika ng kaniyang Nanay Lita. Sunod niyon ay wala na itong ginawa kundi ang umiyak. Naghihinagpis sa tinamo ng anak. Nasa loob ng emergency room ang kaniyang kapatid. Nang may lumabas na doktor mula roon ay agad silang nilapitan. “Kayo po ba ang pamilya ni Jayson Caldenela?” “Opo,” agad niyang tugon. Pigil ang mapaluhang lalo. “K-kumusta po ang kapatid ko?” “He’s in critical condition. Nagkaroon siya ng brain hemorrhage. And, as soon as possible, kailangang magsagawa ng operasyon para sa kapatid mo. I’m sorry, pero kailangan ko kayong i-forward sa main City ng probinsiya natin. Kulang ang kagamitan dito para isagawa ang agarang operasyon. Kita kong lumalaban ang kapatid mo, kaya sana, maagapan ang operasyon para sa kaniya. Naroon din ang magaling na doktor na espeyalista sa ganitong case. He’s a good friend of mine, ire-refer ko kayo sa kaniya, ASAP. Para pagdating ninyo doon ay nakahanda na rin siya para sa operasyon ng kapatid mo.” “Marami pong salamat. Pero, D-Dok, magkano po ba ang kailangan para sa operasyon ng kapatid ko?” “Maghanda kayo ng kalahati hanggang isang milyon. Ang ospital sa main City ay kinakailangan ng down p*****t bago ituloy ang procedure.” At saan naman sila kukuha ng malaking halaga? Kahit nga yata pang down p*****t ay imposible. “Dok, wala po kaming ganoon kalaking halaga. Labandera lang ako. Habang ang asawa ko ay nagtatrabaho lang sa construction site. Mahirap lang kami,” anang kaniyang ina na panay ang pahid ng luha sa mga mata. Parang bigla ay nawalan ito ng pag-asa. Iyong pakiramdam niya na para bang unti-unti siyang lumulutang. Pero kailangan niyang magpakatatag sa harap ng kaniyang ina. Kahit na pigang-piga na ang puso niya sa nararamdamang sakit. “S-sige po,” aniya sa doktor. “Kung ano ang kailangang gawin para makaligtas ang kapatid ko, ganoon po ‘yong gawin ninyo.” Tumango ito. “Anak, saan tayo—” “Ako na ang bahalang gumawa ng paraan, ‘Nay. Kailangang makaligtas ni Jayson kahit na ano’ng mangyari. Ang bata-bata pa niya para mawala na lang sa atin. Kung lumalaban siya, kailangan din nating lumaban para sa kaniya. M-may… may pangarap pa siya na gustong matupad.” Napabuntong-hininga ang doktor habang pinagmamasdan ang kaniyang ina. “Saka na ninyo balikan ang maiiwang bill ng pasyente rito. Tutulungan ko na muna kayong mailipat agad ng mas malaking ospital ang bata.” Bigla ay tila ba kahit na paano ay biglang gumaan ang isang parte ng puso niya dahil may isang doktor na mas inisip pa rin ang kaligtasan ng kaniyang kapatid kaysa sa perang ibabayad nila sa ospital na iyon. Isang doktor na may malasakit pa rin. “Salamat, dok.” Tinapik siya nito sa balikat bago muling pumasok sa loob ng pinto na siyang nilabasan nito. Ang Tatay Julio naman niya ay humahangos din nang lapitan sila. Namumula ang mga mata nito dahil sa pagluha. Kasama nito ang Kuya Anton niya. “S-si Jayson?” agad na tanong ng kaniyang ama. “‘Tay, kailangang ilipat ni Jayson sa main City sa lalong madaling panahon. Hindi siya basta maooperahan dito dahil sa kakulangan sa kagamitan.” Hindi kasi kalakihan ang ospital sa bayan nila. Kaya ang katulad na case sa kaniyang kapatid ay talagang kailangan pang ilipat sa mas malaking ospital. Sa madaling salita, kapag ganoon kagrabe ay paunang lunas lang ang kayang ibigay. “Ano’ng lagay ni Jayson?” anang kuya niya. Sandali niyang nakagat ang ibabang-labi. Naiiyak na naman siya. “Kritikal pa rin si Jayson, kuya.” Huminga siya nang malalim. “Kuya, samahan mo sina Nanay at Tatay sa ospital na paglilipatan kay Jayson. Kung ano’ng kailangang gawin para mailigtas siya, ipagawa ninyo lang. Gagawan ko ng paraan.” “Saan ka pupunta?” ani Kuya Anton nang magpaalam muna siya sa mga ito. “Gagawa ng paraan para mailigtas ‘yong kapatid natin, Kuya. Sina Nanay at Tatay ‘yong intindihin mo. Saka si Jayson. Kailangan niyang maoperahan,” aniya na may pagmamadali na nang lisanin ang ospital na iyon. Bawat segundong lumilipas, buhay ng kaniyang kapatid ang nakataya. May mumunting hikbi ang kumuwala sa kaniyang bibig habang naiisip ang kapatid na sumunod sa kaniya. Napakabait ng kapatid niyang iyon. At kahit lalaki ito, hindi mo ito makikitang nakatambay sa kanto katulad ng mga kaedaran nito, sa halip ay mas gugustuhin pa nito na tumulong sa nanay nila. Kapag wala itong pasok ay panay ang linis sa loob at labas ng kanilang bahay. Dahil nakikita nito ang hirap ng kanilang mga magulang para maitaguyod sila. Ani Jayson ay ayaw raw nito na dumagdag pa sa isipin ng mga magulang nila. Kaya kung ano ang magagawa nito para makatulong ay gagawin nito. Masipag din itong mag-aral. Gusto raw nitong maging engineer kapag dating ng araw. Nangako pa siya rito na susuportahan niya ito sa pangarap nito basta sipagan pa nitong lalo sa pag-aaral nito sa high school. “Ate, ‘wag ka munang mag-asawa agad katulad nina Kuya at Ate. Magtapos ka rin muna katulad ng talagang pangarap mo, ha?” “Yes, Engineer Jayson Caldenela,” sagot pa niya rito. “Saan po kayo?” Saka lang napakurap-kurap si Janicah nang may tumigil na tricycle sa kaniyang harapan. “S-sa Hacienda Alonzo ho,” iyon ang lumabas sa bibig niya. Pinahid niya ang mga luha sa kaniyang pisngi bago sumakay sa loob ng tricycle. Wala siyang ibang malalapitan sa katulad ng ganito kalaking pagsubok na dumating sa buhay nila. Lord, please, ‘wag niyo po munang kunin ang kapatid ko. Lalaban din kami para sa kaniya. Iligtas niyo po siya sa anumang kapahamakan…     “JANICAH, hija, gusto mo raw akong makausap?” sandali pang natigilan si Don Alonzo nang makita ang hitsura ni Janicah na pugto ang mga mata at medyo namumula ang ilong dahil sa pag-iyak. “M-magandang hapon po, Don Alonzo,” ani Janicah na magkadaop ang mga palad sa kandungan. Fifty-fifty rin ang pag-asa na mayroon siya. Pero gusto pa rin niyang sumubok. Wala siyang ibang malalapitan kung hindi ang Don Alonzo lang. “Ano’ng nangyari sa iyo?” anito nang lapitan siya sa may salas. Nagbaba siya ng tingin. “P-pasensiya na po sa abala, Don Alonzo. Pero po kasi, w-wala po akong ibang malapitan. ‘Yong kapatid ko po kasi na sumunod sa akin, si J-Jayson,” aniya na nabasag ang boses sa pagbanggit sa pangalan ng kaniyang kapatid. Ikinurap-kurap niya ang namamasang mga mata. “Naaksidente po siya kanina at kritikal po siya ngayon. Sorry po,” aniya na tuluyan na namang napaluha. “Wala po kasi akong ibang malapitan bukod sa inyo. Kailangan pong maoperahan ang kapatid ko sa lalong madaling panahon. At hindi masisimulan ang operasyon kung wala kaming maibibigay na down p*****t. S-sorry po talaga sa abala.” Nakagat niya ang ibabang-labi. Isinantabi na muna niya ang hiya dahil wala iyong maitutulong para sa kaniya. “Kailangan rin po namin ng malaking halaga para sa agarang operasyon ni Jayson. Kahit po habang buhay kong pagtrabahuhan sa inyo, wala pong problema sa akin. Gusto ko lang pong mailigtas ang kapatid ko.” Sunod-sunod ang luhang pumatak mula sa mga mata niya. Maging ang Don ay hindi maiwasan ang maawa sa kaniya ng mga sandaling iyon. “Gusto mong mailigtas ang kapatid mo?” Sunod-sunod ang ginawa niyang pagtango. “Gustong-gusto po.” “Kaya mong gawin lahat para sa kapatid mo?” tanong muli nito na tinanguan niya. “Janicah, kung desidido ka talaga na mailigtas ang kapatid mo, wala akong ibang choice na ibibigay sa iyo kundi isa lang,” anito na naupo sa karatig niyang upuan. “A-ano po ‘yon?” aniya na tiningnan ito. “Tanggapin mo ang offer ko sa iyo noong nakaraang buwan. Dalhin mo ang apelyido kong Ortega. Kapalit ng kaligtasan ng kapatid mo.” Hindi agad nakaimik si Janicah. Iyong utak niya ay biglang nahati. “Sabi mo, gagawin mo ang lahat para sa kapatid mo,” ngumiti pa ito. “This is the last thing na maaari kong gawin para sa iyo, hija.” Tumayo na ito. “Pero kung ayaw mong tanggapin. Wala akong magagawa.” “Tatanggapin ko po,” walang kakurap-kurap na wika niya. Napalunok pa siya. Muling naupo ang Don. May katusuhan din talaga itong taglay. At mukhang sa wakas ay nakiayon dito ang pagkakataon. “Saang ospital dinala ang kapatid mo?” mayamaya ay tanong nito. “S-sa main City po ng probinsiya. Sa malaking ospital po.” Tumango-tango ito. “‘Wag ka ng umiyak, hija. Hindi ‘yan makakatulong. Sa halip ay mas magpakatatag ka para sa kapatid mo. Ikinalulungkot ko ang nangyari. Pero looking forward ako na maging stable rin siya as soon as possible. Ipapahatid kita kay Roberto sa ospital na pinag-forward-an sa kapatid mo. Kukuha lang ako ng cash na ipanda-down mo para sa operasyon ng kapatid mo. ‘Wag kang mag-alala sa lahat ng gagastusin sa kapatid mo. Ako na ang bahala, hija. Hanggang sa tuluyan siyang gumaling mula sa aksidente,” pangako pa sa kaniya ng Don. Nilunok na ni Janicah ang kung ano mang pride na natitira pa sa kaniyang katawan. Dahil hindi niyon maililigtas ang kaniyang kapatid. Kung kapalit ng kaligtasan nitong iyon ay ang personal niyang kaligayahan ay walang kaso sa kaniya. Dahil ang importante lang para sa kaniya ng mga sandaling iyon ay ang mailigtas ang kaniyang kapatid na si Jayson. Sukdulan na hindi na niya isipin ang kaniyang sarili sa ngayon…     MATAPOS ng successful na operasyon ay inilipat naman sa Incentive Care Unit ang kapatid ni Janicah na si Jayson para sa recovery nito. Successful ang operasyon ngunit hindi pa rin ito nagigising. Nasa-coma pa rin ito dala na rin ng naging operasyon. Ngunit nag-re-response naman in a good way ang katawan ng kaniyang kapatid. Hinihintay na lamang nila na isang araw ay magmumulat ito ng mga mata. Tutok din dito ang mga doktor nito. “Saan ka ba talaga, anak, nakakuha ng pambayad sa ospital?” hindi na nakatiis pang tanong kay Janicah ng kaniyang ina habang magkatabi silang nakasilip sa loob ng ICU mula sa labas ng bubog na salamin. Kita buhat doon si Jayson. Maraming aparato ang nakakabit sa katawan nito. Bumuntong-hininga siya. “‘Nay, may mabuting tao na tumulong sa atin. Lumapit ako kay Don Alonzo,” amin niya rito. Ngunit hindi niya masabi ang kaakibat na kundisyon ng tulong na iyon. Umangkla siya sa braso nito at humilig sa may balikat nito. “‘Nay, ‘wag niyo na pong stress-in ni Tatay ang sarili ninyo dahil manghihina lang kayo niyan lalo. Magpakatatag tayo para kay Jayson.” Dahil malayo sa main City ang San Fernando, kaya naman may inupahan na maliit na apartment si Janicah na malapit lang sa ospital. Walking distance lamang. Doon sila tumutulog sa gabi ng kaniyang mga magulang. Sa darating na Lunes ay babalik na sa trabaho ang kaniyang ama dahil kailangan pa rin nitong kumayod para sa pamilya nila. Binilinan na lamang niya na huwag na huwag mag-iisip masyado kapag nasa gitna ng trabaho at baka kung ano naman ang mangyari dito. Kapag bumalik na sa trabaho ang kaniyang ama ay ang Ate Jossa niya ang tutuwang sa kaniyang ina. Dahil maging siya ay kailangan ding bumalik sa trabaho sa flower farm. Sa Friday naman ng hapon, pagkalabas niya ng trabaho, saka siya dederetso sa main City para dalawin ang kaniyang kapatid. “Kita niyo naman na lumalaban pa rin si Jayson. Ayaw niyang bumitaw basta-basta,” dagdag pa ni Janicah. Pinalalakas ang loob ng ina. “Sa Linggo, sabay na po kaming uuwi ni Tatay sa San Fernando. Kaya niyo na ba rito ni Ate Jossa?” Dalawang araw iyon mula ng mga sandaling iyon. Tumango ang kaniyang ina. “Kakayanin. Pasensiya na, wala akong maitutulong sa pinansiyal—” “‘Nay, sabi ko po, ‘wag ninyong stress-in ang sarili ninyo. Presensiya ninyo ang kailangan ni Jayson. Saka kailangan malakas kayo ni Tatay. Hmmm?” aniya na yumakap na rito. Ayaw niyang masyadong nag-iisip ang kaniyang ina. Lalo na pagdating sa pera. Baka ito naman ang magkaroon ng sakit. “Palagi rin kayong mag-iingat dahil palagi kayong narito sa ospital. Matulog din ng tama sa oras at higit sa lahat ay kumain palagi. Tatawag po ako ng madalas kapag nakauwi na kami para kumustahin kayo rito, saka si Jayson.” “Salamat talaga, anak. Pagpalain ka pa ng Diyos. Lalo na si Don Alonzo.” Humigpit ang yakap niya sa ina. Ayaw niyang ipakita rito ang luha na ipinangako niya na hindi na tutulo sa harapan ng kaniyang ama’t ina. Kaya naman pinigilan niya iyon mula sa pagsungaw. Nang dumating ang kaniyang ama, na bumili ng kanilang makakain mula sa labas ay nag-aya na muna ito na kumain sila sa may canteen ng ospital. Masyado kasing mahal ang pagkain sa canteen ng naturang ospital kaya bumibili pa ang kaniyang ama sa karenderya mula sa labas.                                                    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD