MARAHAN ang mga naging paghakbang ni Janicah habang palabas ng malaking mansiyon. Hanggang ngayon ay malakas pa rin ang kabog sa dibdib niya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa sinabing iyon sa kaniya ni Don Alonzo.
May kalahating taon ng nagtatrabaho si Janicah sa flower farm na pagmamay-ari din ng Don. Na noon ay mina-manage ng nasira nitong kabiyak na si Donya Esmeralda. Hanggang ngayon ay iniingatan at pinangangalagaan ng Don ang naturang flower farm na siyang bumubuhay sa alaala ng asawa nitong sumakabilang buhay na. At dahil maganda ang kamay niya pagdating sa paghahalaman kaya naman ginawa siyang regular ng Don at siyang pinaka nagma-manage ng green house ni Donya Esmeralda. Maganda rin ang pasahod nito sa kaniya, bagay na malaking tulong para sa kaniyang pag-iipon at tulong na rin sa kaniyang mga magulang. Gusto kasi niyang magpatuloy sa pag-aaral.
Dahil sa kahirapan, hindi siya magawang pag-aralin sa kolehiyo ng kaniyang mga magulang. Lalo na at ang dalawa niyang kapatid na sumunod sa kaniya ay mga nagsisipag-aral pa rin sa High School. Ika-tatlo si Janicah sa limang magkakapatid. Hindi naman kalakihan ang kinikita ng kaniyang ama sa construction na pinagtatrabahuhan nito. Sapat lang din sa pang-araw-araw na pagkain ng kaniyang pamilya. Ang kaniyang ina ay tumatanggap ng labada para may maipandagdag din sa pera na kailangan ng mga kapatid niya sa pag-aaral. Ang Ate at Kuya naman niya na panganay sa kaniya ay may mga pamilya na, kaya heto siya, katuwang ng kaniyang ama at ina para maitaguyod ang pamilya nila.
Dahil sa likas na magiliw si Janicah kaya naman sa tuwina ay tuwang-tuwa si Don Alonzo sa kaniya. Napahanga rin niya ito nang minsang maikuwento niya sa Don kung bakit mas pinili niya ang magtrabaho sa farm nito kaysa ang magpatuloy sa pag-aaral. Bukod sa makatulong siya sa kaniyang mga magulang ay para na rin makaipon siya at nang makapagpatuloy naman siya sa pag-aaral sa kolehiyo.
“Janicah, hija,” tawag kay Janicah na nakapagpahinto sa kaniyang paglalakad.
Nang lumingon siya ay nakita niyang palapit si Don Alonzo sa kaniya. Kahit may edad na ito ay nanatili pa rin ang tikas sa tindigan nito. Nagbaba si Janicah ng tingin dahil hindi niya magawang salubungin ang tingin nito.
“Pag-isipan mong mabuti,” muli pa nitong paalala sa kaniya.
Inalok ng Don si Janicah na dalhin ang apelyidong Ortega nang sa ganoon ay mapunta sa kaniya ang kalahati ng mga ari-arian nito lalo na kapag ito ay sumakabilang buhay na. Anito pa ay ramdam na nito na hindi na ito tatagal pa sa mundong ibabaw. Pero bago ito mawala ay gusto nito na mabago ang kaniyang buhay. Ngunit hindi niya basta magawang umoo sa matanda dahil alam niyang hindi siya karapatdapat sa yaman nito. Aniya pa ay ibigay na lang nito iyon sa anak at apo nito o sa mahihirap na hikahos sa buhay.
“D-Don Alonzo—”
“Ihahatid ka na ni Roberto sa bahay ninyo. Magpahinga ka na,” tukoy ng Don sa personal driver nito. “‘Wag ka ng dumiretso sa farm.”
Napabuntong-hininga siya. Wala ng nagawa pa na sumakay na siya sa magarang kotse na siyang maghahatid sa kaniya sa bahay nila na may kalayuan din buhat sa mismong Hacienda Alonzo.
Mukhang walang balak magtatlong isip ang matanda sa inalok nito sa kaniya. Para mangyari iyon ay kailangan niyang maikasal para lihitimong madala niya ang apelyido nito. Iyon ang isa sa kundisyon nito. Ngunit wala naman itong binanggit kung kanino ba siya ikakasal. Pero ito ang nag-alok sa kaniya ng offer na iyon kaya iniisip niya na dito siya ikakasal.
Magpapakasal siya kay Don Alonzo? Napakalayo ng agwat nila kung iyon ang pagbabasehan. Seventy-nine years old na ito at siya naman ay eighteen pa lang. Ano na lang ang sasabihin sa kaniya nang mga taong makakaalam ng bagay na iyon? Na mukha siyang pera? Gold digger?
Ni hindi siya magawang patulugin ng bagay na iyon. Paano na lang ang iisipin ng mga anak nitong nasa ibang bansa? Ng apo nito? At ng lahat ng nakakakilala kay Don Alonzo? Paano ang pamilya niya? Baka maging ang mga ito ay hindi makaligtas sa pangmamata ng mga tao.
At dahil hindi siya patahimikin ng alok na iyon ng Don sa kaniya ay muli niyang tinanggihan ang alok nito nang muli siyang bumalik sa hacienda para magdala ng mga bagong bulaklak na siyang idini-display sa mansiyon. Siya rin mismo ang nag-aayos niyon sa mga mamahaling vase.
“Pasensiya na po kayo, Don Alonzo. Pero hindi ko po matatanggap talaga ang inyong alok. Masyado pong too good to be true para sa akin,” aniya habang magkaharap silang nakaupo ng Don sa isang lamesa na nasa may hardin. “At isa pa po, inaalala ko rin ho ang maaaring epekto nito sa pamilya ko. Ayaw ko pong dumating sa punto na makarinig sila ng masasamang salita mula sa mga mapanghusgang mga tao.” Nginitian niya ito para ipakita na wala siyang panghihinayang na nararamdaman dahil tinanggihan niya ang offer nito na makakapagpabago sana sa buhay niya at sa buong pamilya niya oras na pumayag siya. “Okay naman po kami kahit na ganito lang ang pamumuhay na mayroon kami. Ang mahalaga po ay nakakakain kami ng tatlong beses sa loob ng isang araw. At nakakapag-aral pa rin po ang mga kapatid ko.”
Tila malungkot ang Don sa naging pagtanggi niya. “Janicah, para sa akin ay malinis ang intensiyon ko sa pag-aalok sa iyo na maging bahagi ng aking pamilya. Napakasuwerte ng mga magulang mo sa iyo. Kung ako lang, sa iyo ko mas gustong ibigay ang kalahating parte ng yaman ko. You’re so hardworking. Alam kong hindi masasayang ang mga negosyong naipundar ko kung ikaw ang mamamahala niyon.”
Nagbaba siya ng tingin sa lamesa. “Pasensiya po.”
Kung sa ibang tao siguro ialok ng Don ang nais nito ay tiyak na hindi ito tatanggihan. Pero hindi siya. Dahil mas inaalala niya ang pamilya niya. Makapagtapos lang siya sa kolehiyo ay maghahanap agad siya nang mas magandang trabaho para matupad ang mga pangarap niya para sa kaniyang mga magulang. Para na rin hindi na pumasok pa sa construction ang kaniyang ama at magkapaltos-paltos sa pagtanggap ng labada ang kaniyang ina. Gusto niyang mabigyan ng pangsariling kabuhayan ang mga ito.
“Bueno, hindi ko pa rin isasara ang offer ko na ito sa iyo, hija. Hindi ka na iba sa akin. Parang tunay na apo na rin ang turing ko sa iyo. Pero bago ka umuwi, gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi mo na kailangan pang problemahin ang pag-aaral mo sa kolehiyo. Sa susunod na pasukan ay mag-enrol ka na sa nais mong unibersidad. Ako na ang bahala sa lahat ng gastusin mo. Makabawi man lang ako sa pag-aalaga mo sa mga halaman ng aking asawa.”
“P-pero trabaho ko po na alagaan ang mga naiwang halaman ni Donya Esmeralda. At isa pa ay sinu-swelduhan niyo naman po ako ng tama.”
Ngumiti ang Don kay Janicah. “Hija, reward mo na iyon. Pati ba naman iyon ay tatanggihan mo?”
Ganoon na lang ang pag-iinit ng kaniyang mga mata. Sa kaalaman na makakabalik na siya sa pag-aaral sa susunod na pasukan ay walang pagsidlan ang kaniyang kasiyahan. Lalo na at sponsor niya si Don Alonzo. Sa pagkakaalam niya ay may mga scholar din itong pinapaaral.
“Marami pong salamat, Don Alonzo,” aniya na kahit may ngiti sa labi ay nagpapahid naman siya ng namuong luha sa kaniyang mga mata. A tears of joy. Siguradong matutuwa ang kaniyang mga magulang sa ibabalita niya sa mga ito pag-uwi niya sa kanilang bahay.
“Mas mukhang na-appreciate mo pa ang alok ko na pag-aralin ka sa kolehiyo kaysa dalhin ang apelyido kong Ortega,” biro ng Don na napailing-iling pa.
“Mag-aaral po akong mabuti,” sa halip ay pangako pa niya rito. “Marami pong salamat. Mas hindi ko po tatanggihan ito kasi pangarap ko pong makapagtapos.”
Tumango ito. “You deserve everything, hija. Ilaan mo na lang sa pamilya mo o kung may nais ka mang bilhin para sa sarili mo ang sinasahod mo sa pagtatrabaho mo. ‘Wag mo ng ilaan sa pag-aaral mo. Ako na ang bahala.”
“Sige po.”
Ang naitabi niyang pera, ibibili niya ng washing machine ng kaniyang ina at ibibigay ang sobra dito. Puno ng kagalakan ang kaniyang puso. Siguradong mas makakatulog na siya ng mahimbing ngayon. At mas pagbubutihin pa niya ang pag-aalaga sa mga halaman sa flower farm.